Saturday, April 26, 2014

"Ang Relihiyon ay Naseeha"

عن أبي رُقَيَّةَ تَميمِ بنِ أوْسٍ الدَّاريِّ رَضِي اللهُ عَنْهُ أنَّ النَّبيَّ صَلَّى اللهُ عَلَيْهِ وَسَلَّمَ قالَ: (الدِّينُ النَّصِيحَةُ). قُلْنَا: لِمَنْ؟ قالَ: {للهِ وَلِكِتَابِهِ وَلِرَسُولِهِ وَلأَِئِمَّةِ الْمُسْلِمِينَ وَعَامَّتِهِمْ} رواه ومسلمٌ.

Ulat mula kay Abi Ruqayyah Tamim bin Aws Ad-Dari [radhi Allaahu anhu]: 

Katotohanan ang Propeta [salla Allaau Alaihi wassalaam] ay nagwika: (Ang Relihiyon (pananampalataya) ay Naseeha (mabuting pagpapayo, katapatan, katarungan at pagiging dalisay), aming sinabi:" Para kanino O Sugo ng Allah? Sinabi niya: ( alang-alang sa Allaah at sa Kanyang Aklat (Qur'an), Kanyang Sugo, sa mga pinuno ng mga Muslim at sa lahat ng mga Muslim).

 [Isinalaysay ni Muslim 55]

ANG NAG-ULAT NG HADITH

Siya si Tamim bin Aws bin Kharija mula sa angkan ng Ad-Dar, Abu Ruqayyah ang kanyang palayaw. Siya ay nanirahan sa Madinah pagkaraan ng kanyang pagyakap sa Islam at pagkatapos ay pumunta sa Syria pagkaraan ng kamatayan ng ikatlong Khalifa na si Uthman bin Affan [radhi Allaahu Anhu]. Isa siya sa mga kasamahan (Sahabah) ng Propeta [salla Allaahu Alaihi wassalaam], dating isang Kristyano at yumakap sa Islam sa taong ika-9 ng Hijrah, kilala siya sa kanyang taglay na kabutihan at taimtim na pananampalataya sa Allaah at mahilig magbasa ng Qur'an, may nakapag-ulat na natatapos niyang basahin ang buong Qur'an sa loob ng isang lingo lamang at ayon din sa ulat; nakapag-ulat siya ng Hadith mula sa Propeat [salla Allaahu Alaihi wassalaam] ng 18 na Hadith, isa na rito ang ating paksa na nasa Sahih Muslim, siya ay namatay sa taong ika-40 ng Hijrah –kalugdan nawa siya ng Allah-. 

* Tinutukoy ng hadith na ito na ang Naseeha o pagpapayuhan ay saklaw niya ang mga katangian ng Islam, Eeman (pananampalataya) at Ihsan na ating una ng nabanggit sa hadith ni Anghel Jibril at tinawag ang lahat ng ito na pananampalataya, sapagka't tunay na ang Naseeha nangangailangan ng pagsasakatuparan nang mga obligasyon na ganap at kung wala ang mga ito; hindi magiging ganap ang pagpapayuhan (Naseeha) alang-alang sa Allaah at hindi naman ito maisasakatuparan nang ganap kung wala ang ganap na pagmamahal. 

- Sinabi ni Al-Khattabi: " Ang Naseeha ay salitang ginagamit sa pangungusap kapag nais mo ng kabutihan para sa taong pinapayuhan". Sinabi rin niya: " Ang salitang Naseeha sa wikang arabik ay nangangahulugan [din] ng pagiging dalisay kaya ang kahulugan ng Naseeha para sa Allaah ay tuwid na tumpak at tamang paniniwala sa Kanyang kaisahan ay taos-pusong pagsamba para lamang sa Kanya, at ang Naseeha para sa Kanyang aklat (Qur'an) ay ganap na paniniwala rito at pagsasakatuparan sa anumang nilalaman nito at ang Naseeha alang-alang sa Kanyang Sugo ay paniniwala sa kanyang pagkapropeta at pagsunod sa anumang itinuro niya at pag-iwas sa anumang ipinagbawal niya at ang Naseeha alang-alang sa lahat ng mga Muslim ay pamamatnubay sa kanila tungo sa kanilang kapakanan".

Ang Naseeha ay binubuo ng dalawang uri

1- Obligadong Naseeha: ito ang lubos na pagmamahal sa Allaah sa pagsasakatuparan ng anumang iniatas Niya at pag-iwas sa anumang Kanyang ipinagbawal. 

2- Bulontaryong Naseeha (Nafilah): Ang kanyang pagpaparaya; uunahin niya ang pagmamahal sa Allah kaysa pagmamahal sa sarili. 

* At ang Naseeha alang-alang sa Kanyang Aklat (Qur'an) - ay paniniwala sa aklat na ito at lubos na pagmamahal sa Qur'an at pagdakila rito dahil ito ay salita ng Tagapaglikha, lubos na pagnanais sa pag-unawa ng nilalaman nito at ganap na pagsasakatuparan sa mga kautusang nilalaman nito, pagtuturo sa iba ng anumang kanyang natutunan at naunawan mula sa Aklat na ito, at siya ay nanatiling pinag-aaralan ito bilang pagmamahal at gawin ang mga magagandang asal na itinuturo ito (Qur'an). Kaya ang Naseeha sa Kanyang Aklat ay sa pamamagitan ng mga sumusunod: 

1- Ang iyong paniniwala na ito ay tunay na salita ng Allaah 

2- Ang iyong pag-aaral sa Aklat na ito 

3- Ang pagparami sa pagbabasa sa Aklat na ito 

4- ang pag-unawa sa nilalaman nito; 

5- Ang pagtaguyod at pagsakatuparan sa mga katuruang nilalaman nito Ang kaalaman ay nangangailangan ng gawa sapagkat ang kaalaman lamang na walang gawa ay walang kabuluhan kahit na ikaw pa ang pinakamagaling bumasa ng Qur'an at kahit na naisaulo mo ang buong nilalaman ng Qur'an kung hindi mo naman ito isinasagawa. - 

*At ang Naseeha alang-alang sa Kanyang Sugo [salla Allaahu Alaihi wassalaam] - ay pagsusumikap sa pagsunod sa kanyang katuruan at pagtatanggol sa kanya at paggugol ng yaman kung nais niya at pag-uunahan sa pagmamahal sa kanya [salla Allaahu Alaihi wassalaam]. At pagkatapos ng kanyang kamatayan ay: pagsusumikap upang saliksikin ang kanyang katuruan at pamamaraan, pagsasaliksik sa kanyang magagandang asal at ugali at pagpapahalaga sa kanyang kautusan, pananatiling pagtataguyod sa kanyang katuruan at lubos na pagkamuhi at pagtakwil sa sumasalungat sa kanya at pagmamahal sa sinumang nagmamahal sa kanya at kanyang katuruan at pag-iwas sa pagsisinungaling laban sa kanya. 

*At ang Naseeha alang-alang sa mga Pinuno ng mga Muslim -ay pagnanais sa kanilang kabutihan, patnubay at katarungan, pagnanais sa pagkakaisa ng Ummah sa kanilang pamumuno at pagkamuhi sa pagkakawatak-watak sa kanilang pamumuno, at pagsunod sa kanila sa kabutihan at hindi labag sa Allaah alang-alang sa kautusan ng Allaah na sundin ang mga pinuno at pagbibigay ng payo sa kanila at pananalangin sa Allaah na lagi silang gabayan at patnubayan sa kanilang pamumuno at sila ay mananatiling matuwid at makatarungan, pagtulong sa kanila upang makamtan ang katarungan at lilitaw ang katotohanan, at pag-iwas mula sa paninirang-puri sa laban sa kanila at panlilibak sa kanila. 

*At ang Naseeha para sa lahat ng mga Muslim - ay pagnanais ng kabutihan sa kanilang lahat, pagmamahal sa kanila at pagtataguyod sa kanilang kapakanan, pagkamuhi sa anumang makapipinsala sa kanila at pagmamahal sa kanilang mahihina at paggalang sa kanilang matatanda; pagiging malungkot kapag nalungkot ang mga Muslim at maligaya kapag sila ay maligaya at pagnanais ng pananatili ng biyaya sa kanila at pagtatanggol at pagtulong sa kanila laban sa kanilang mga kaaway, at pagiging makatarungan sa kanila at iwasang sila ay madaya. At kabilang sa mga uri ng Naseeha (pagpapayo at kabutihan) ay pagbigay ng tama at makatarungang payo sa sinumang hiniling ang iyong payo at opinyon katulad ng kautusan ng Propeta [salla Allaahu Alaihi wassalaam] kanyang sinabi: ( Kapag humiling ng payo ang isa sa inyo sa kanyang kapatid ay dapat niyang payuhan). Isinalaysay ni Muslim (1715).

 * Ang salaysay ng Propeta [salla Allaahu Alaihi wassalaam] sa Hadith na ito ay kabilang sa kanyang katangian na may maigsing pananalita subali't malaman; kaya ang Relihiyon (Pananampalataya) ay lahat tinatawag na Naseeha dahil dito kanyang sinabi: (pananampalataya ay Naseeha (mabuting pagpapayo, katapatan, katarungan at pagiging dalisay) at sinuman ang walang Naseeha kailanman ay tunay na walang pananampalataya at kung mayroon naman siyang kakulangan sa Naseeha ay tiyak na may kakulangan sa kanyang pananampalataya; ang pananampalataya ay nagiging ganap at nakukulangan, nawawala sanhi ng pagkawala ng Naseeha o kakulangan nito.


Inihanda at Isinalin sa Tagalog ni: Ustadh Salamodin D. Kasim

No comments: