Sunday, July 7, 2013

SINO AT ANO ANG MU'TAZILAH

Isinulat ni:  Sheikh Salamodin Doton Kasim

السلام عليكم ورحمة الله وبركاته

Al-Mu'tazilah: Isang grupong tinatawag na KALAMIYAH, tinatawag nilang isang sekta ng Islam, nakabatay sa lohikal na pamamaraan ng pag-unawa at pag-iisip; kung saan sa kanilang paniniwala ay nababatid ng pag-iisip at pang-unawa kung ano ang mabuti at masama kahit na hindi ito naituro ng rebelasyon.

- Ang grupong ito ay lumitaw taong 80 ng Hijrah sa Basrah, Iraq.

Maraming dahilan ang nabanggit ng mga manunulat ng kasaysayan kung bakit sila tinawag na MU'TAZILAH, kabilang na rito ang tanyag na kasaysayan ng kanilang pinuno na si Wasil bin Ata' nang kumalas mula sa klase ng kanyang guro na si Al-Hassan Al-Basrie [Rahimahullah] sanhi ng kanilang salungatan sa usaping patungkol sa isang Muslim na nakagawa ng malaking kasalanan na ang tunay nitong hatol ay nananatili sa kanyang pananampalataya at may pag-asa parin siyang patawarin ng Allah; ngunit hindi sang-ayon si Wasil bin Ata' sa ganitong paniniwala at iginigiit niyang kapag nakagawa ng malaking kasalanan ang isang Muslim at hindi nagbalik-loob ay hindi na siya matatawag na mananampalataya at hindi rin siya matatawag na kafir (hindi mananampalataya) at sa kabilang buhay ay mananatili siya sa impiyerno; ito ang tinatawag nilang nasa pagitan ng dalawang katayuan.

At dahil dito! Nagtatag siya ng kanyang sariling klase at grupo na itinuturo niya rito ang kanyang paniniwala ayon sa kanyang sariling pananaw at pagkatapos ay sinabi ng kanyang guro na si Al-Hassan Al-Basrei:" I'tazalana Wasil" [kumalas sa atin si Wasil]. At ayon naman kay Imam Ad-dhahabi [Rahimahullah] ay pinalayas siya ni Al-Hassan Al-Basrei mula sa kanyang klase.

Ang MU'TAZILAH ay nakabatay sa limang pangunahing doktrina: 

1- TAWHEED: ibig nilang sabihin sa tawheed ay walang kawangis at dahil walang kawangis ay hindi siya maaaring Makita dito sa mundo at sa kabilang buhay.

2- AD'L [katarungan]: Ang tao ang siyang lumikha ng kanyang Gawain at walang kinalaman dito ang Allah.

3- WA'AD AT WA'EED: Gagantimpalaan ng Allah ay gumawa ng mabuti at parusahan ang gumawa ng kasalanan at hinding hindi na siya patatawarin ng Allah.

4- PAG-UTOS NG KABUTIHAN AT PAGBAWAL NG KASAMAAN: Dapat ipag-utos ang mabuti at ipagbawal ang masama at maaaring kumalas mula sa pamunuan ng pinuno ng mga Muslim [Imam] kung siya'y nakagawa ng malaking kasalanan.

KABILANG SA MGA MALING KATURUAN NG AL-MU'TAZILAH

1- Ang Muslim na nakagawa ng kasalanan ay hinding hindi na mapapatawad ng Allah; hindi siya matatawag na mananampalataya at hindi rin siya matatawag na kafir [hindi mananampalataya].

2- Hindi sila naniniwalang makikita ang Allah sa kabilang-buhay.

3- sinasabi nilang nilikha ng Allah ang Qur'an tulad ng paniniwala ng JAHMIYAH at si Propeta Musa (A.S) ay kinausap ng Allah sa pamamagitan ng salitang kanyang nilikha at inilagay sa punong-kahoy.

4- Hindi sila naniniwala na nasa taas [kataas-taasan] ang Allah tulad ng paniniwala ng Asha'irah.

5- Hindi sila naniniwalang magkakaroon ng pamamagitan [Shafa'ah] ang Propeta [sumakanya nawa ang pagbati at kapayapaan] para sa mga makasalanang mananampalataya.

6- Sila ay naniniwala sa iilang katangian ng Allah ngunit ang mga ito ay siya rin ang Allah at ito ang hindi karagdagan sa kanyang sarili; tulad ng mga sumusunod na katangian:

1- Kaalaman
2- kakayahan
3- Naisin
4- Buhay
5- Pandinig
6- Paningin
7- Salita
At marami pang ibang maling katuruan.

Si Imam Ahmad at ang Mu'tazilah

Sa panahon ng Khalifa na si Ma'mun Abdullah bin Harun Ar-Rasheed sinikap ng mga pantas ng Mu'tazilah na ituro sa mga tao ang paniniwalang" Ang Qur'an ay nilikha ng Allah" at nakumbinsi nila ang Khalifa na ito ang tamang paniniwala sa Qur'an.Nang malaman ng Khalifa na salungat sa paniniwalang ito si Imam Ahmad bin Hanbal ay ipinag-utos na ikulong ang Imam kasama si Muhammad bin Nuh at namatay ang huli bago pa man makarating sa Khalifah. Nagsumamo si Imam Ahmad at nanalangin siya sa Allah na hindi sila magkita ng Khalifa at tinugon ng Allah at namatay ang Khalifah Ma'mun bago pa man sila magkita.Sa panahong yaon ay ipinaglaban ni Imam Ahmad ang tunay na paniniwala sa Qur'an laban sa Mu'tzaliah kaya siya natawag na "Imam ng Ahlus Sunnah". 

Ang Pantas at ang Mu'tazilah

Nakadebate ng isang pantas ng Ahlus Sunnah si Ahmad bin Abu Du'ad na kabilang sa Mu'tazilah ayon sa kahilingan ng Khalifah; at kanyang tinanong si Ahmad:" ito bang paniniwala mo na nilikha ang Qur'an na siyang itinuturo mo sa mga tao ay kabilang sa pananampalataya na dapat paniwalaan?, Sumagot si Ahmad:"Oo". Tanong ulit ng pantas:" Ito ba ay itinuro ng Propeta [sumakanya ang pagbati at kapayapaan] sa mga tao? Sumagot si Ahmad:"Hindi". Tanong ulit ng Pantas:"batid ba niya ito o hindi?"sinabi ni Ahmad:"OO batid niya". Sabi ng Pantas:"bakit mo itinuturo ang bagay na hindi itinuro ng Propeta [sumakanya ang pagbati at kapayapaan]?", hindi nakasagot si Ahmad bin Abi Du'ad.
Sinabi ng Pantas sa Khalifa:" O pinuno ng mga mananampalataya! Iyan ang unang tanong". Tanong ulit ng pantas:" O Ahmad! Sinabi ng Allah sa Qur'an:" Ngayong araw na ito, ginawa kong ganap (kumpleto) para sa inyo ang inyong relihiyon". At ikaw ay nagsasabing hindi ganap ang relihiyon kung wala ang iyong sinasabing katuruan na ang Qur'an ay nilikha; sino ba ang tama; ang Allah o ikaw??" hindi na naman nakasagot si Ahmad".
Sinabi ng Pantas sa Khalifa:"O pinuno ng mga mananampalataya! Iyan ang pangalawang tanong". At tanong ulit ng Pantas:"O Ahmad! Sinabi ng Allah:"O Sugo! Iparating mo ang anumang ibinigay na rebelasyon sa iyo mula sa iyong Panginoon; at kung hindi mo ito nagawa tunay na hindi mo naiparating ang kanyang mensahe". Ang paniniwala mo bang ito na itinuturo mo sa mga tao ay kabilang sa ipinarating ng Sugo sa Ummah o hindi?". Hindi na naman nakasagot si Ahmad.

Sinabi ng Pantas sa Khalifa:" O Pinuno ng mga mananampalataya! Iyan ang pangatlo kong tanong".
Kanyang sinabi:"O Ahmad! Nang mabatid ng Sugo ang iyong paniniwala na itinuturo sa mga tao; naging sapat bas a kanya na iwanan ito o hindi? At ganun din kay Abu Bak'r, Omar, Uthman at Ali? Sagot ni Ahmad bin Abi Du'ad:"Oo, sapat sa kanya at kay Abu Bak'r, Omra, Uthman at Ali".

Humarap ang pantas sa Khalifa na si Wathiq at sinabi:" O Pinuno ng mga mananampalataya! Kung hindi naging sapat sa atin ang anumang naging sapat sa Sugo at kanyang mga kasamahan [Sahabah] ay hindi tayo luluwagan ng Allah".

Sinabi ni Wathiq:" Oo! Hindi tayo luluwagan ng Allah kung hindi naging sapat sa atin ang anumang sapat (na kaalaman) sa Sugo at mga Sahabah niya ay hindi tayo luluwagan ng Allah".

Sources: 

Aqeedah Tahawiyah
Al-Mu'tazilah bainal Qadeem wal Hadeeth
Duhal Islam
Islamweb.net
Al-mausuatul Muyassarah fil Adyan wal madhahib


"Islamic Books Sent by YPPAI Officer"

Alhamdulillaah nakatanggap na naman kami ng mga islamic na aklat galing sa  isang officer nang YPPAI sa jordan. Barakallaahu Feek!

Add caption