Wednesday, November 4, 2015

Sino ang anti- Kristo?

Sa Ngalan ng Allah, Ang Mahabagin, Ang Maawain 

Ang Panimula Ang lahat ng papuri ay para lamang sa Allah, ang Panginoon ng lahat ng nilikha. At nawa’y ang kapayapaan at pagpapala ng Allah ay ipagkaloob sa Kanyang Huling Propeta at Sugo na si Muhammad Para sa kaalaman ng lahat, ang pinakamalapit sa puso ng isang Muslim ay ang mga Kristiyano sapagka’t mula sa kanila ay inyong matatagpuan ang kababaang-loob at pagiging maka-diyos. Ito ay hindi isang salitang nagmumula sa bibig ng isang Muslim kundi ito ay isang kapahayagan ng Banal na Qur’an, samakatuwid ito ay nagmula sa Nag-iisang Diyos. Ang Allah ay nagsabi: 

At inyong matatagpuan na ang may pinakamalapit na pagmamahal (sa puso) ng mga Muslim ay yaong mga taong nagsasabing: “Kami ay mga Kristiyano 1.” 

Ito ay sa dahilang may mga pari at monghe (taong tumalikod sa makamundong buhay at nanatili sa monasteryo) at sila ay hindi palalo (mapangmataas). (Qur'an 5:82) Masakit lamang isipin na sa kabila ng magandang kaisipan ng Islam tungkol sa mga Kristiyano bilang Angkan ng Kasulatan 2, mayroon pa ring ilang iresponsableng pangkat ng tao na tuwina ay nagtatangkang sirain ang ugnayang Muslim at Kristiyano. At isa sa pinakamalaking hadlang sa pagsulong ng magandang ugnayan ng Muslim at Kristiyano ay ang mga paratang na ang mga Muslim ay Anti-Kristo o mga taong laban kay Kristo. 

Katotohanan, ang kawalan ng kaalaman tungkol sa relihiyong Islam ay sadyang nakapagliligaw sa tao upang husgahan ang relihiyong Islam batay lamang sa kamangmangang dulot ng mga haka-haka at walang katibayang pala-palagay. Katulad ng tagasunod ng ibang relihiyon, mayroon din namang mga iresponsableng Muslim na hindi kaaya-aya ang mga ugali at asal. Marahil, ito ay sadyang nagiging batayan o sukatan rin ng ibang di-Muslim kung bakit ang kanilang paglalarawan at kaisipan tungkol sa Islam ay may bahid ng pagkamuhi o pagkasuklam. Hindi makatarungan na husgahan ang Islam batay sa masamang ugali ng isang Muslim. Ang tamang kaalaman sa Islam ay siyang dapat gawin batayan upang higit na maunawaan ito at mabigyan ng tama at kaukulang paghatol. Tinangka ko sa abot ng aking kakayahan na magbigay ng paliwanag tungkol sa paksang ito upang pawiin ang maling paratang at bintang na ang relihiyong Islam sa kabuuang aral nito ay Anti-Kristo. Minamahal at ikinararangal namin si Hesus sapagka’t bahagi ng pananampalatayang Islam ang paniniwala kay Hesus. Walang Muslim ang magkakaroon ng ganap na pananampalataya maliban kung tanggapin niya ang mga naunang Propeta ng Diyos na kinabibilangan ni Hesus. Upang bigyang patunay na walang katotohanan na ang mga Muslim ay Anti-Kristo, pinagbatayan ko ang mga kapahayagan ng Banal na Qur’an at Hadith ng Propeta Muhammad na nakaugnay kay Hesus at mga ilang talata ng Bibliya tungkol sa kalagayan ni Hesus, ang kanyang pagsilang, pangangaral at ang kanyang tunay na katayuan at katauhan. Kung mayroon mang isang relihiyon na may higit na malasakit at may higit na karapatan kay Hesus, ang anak ni Maria, ito ay walang iba kundi ang relihiyong Islam. Karapatan ng bawa’t Muslim na ipagtanggol si Hesus sa anumang pang-aalipusta na maaaring iakibat sa kanya ng sinuman. Karapatan ng bawa’t Muslim ang panatilihin ang dangal ni Hesus sa pamamagitan ng pagbibigay paliwanag sa lahat ng tao ang katotohanan tungkol sa kanya.

______________________________
 1.Ang mga tunay na Kristiyano noong mga nagdaang panahon ay sadyang sumasamba lamang sa Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha sapagka’t ito ang tunay na aral ni Hesus at ng lahat ng Propetang dumating sa daigdig.

2 Ang Angkan ng Kasulatan (Ahlul Kitab) – Ito ay isang katawagang iniugnay sa lahat ng lipon ng tao na pinagkalooban ng Banal na Kasulatan o Kapahayagan. Tinawag na Angkan ng Kasulatan ang mga Kristiyano at Hudyo sapagka’t sila, katulad ng mga Muslim ay pinagkalooban ng mga Kapahayagan ng Nag-iisang Diyos sa kani-kanilang panahon. Si Moises ay isang dakilang Propeta na binigyan ng kapahayagan na kilala sa tawag na Tawrat o Torah. Sa kabilang dako, si Hesus ay pinagkalooban din ng isang Kapahayagan o Banal na Kasulatan na kilala sa tawag na Injeel o Gospel (ang salitang Gospel na ang ibig sabihin ay Magandang Balita ay isinalin naman sa wikang Griego na ngayon ay tinatawag na Ebanghelyo).
 

Ang Kahulugan ng “ANTI-KRISTO” 

Ano nga ba ang ibig ipakahulugan ng salitang Anti-Kristo? Sa pananaw ng isang debotong Kristiyano, ang “Anti-Kristo” ay isang katawagan na tuwirang tumutukoy sa sinumang tao na nagtakwil o patuloy na nagtatakwil at hindi tinatanggap si Hesukristo. Sila ang mga taong hindi naniniwala kay Hesus, hindi tinatanggap at ginagampanan ang dalang aral o mensahe nito, samakatuwid, hindi kinikilala si Hesus. Sila ang mga taong naligaw ng landas sapagka’t sila ay bulag, pipi at bingi sa katotohanan. 

Samakatuwid, ang Anti-Kristo ay isang hayagang pang-aalipusta kay Hesus! Ito ang pinakamalaking katampalasanan sa Kalinisan ng Katauhan ni Hesus!!! 

Maging si Hesus ay nagtakwil sa mga ganitong uri ng tao. At siya ay nagwika: Kailanman hindi ko kayo nangakilala. Magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan. (Mateo 7:23) 

Talakayin natin ang paksang ito sa pamamagitan ng pagbabalik tanaw sa mga panahong inilagi ni Hesus dito sa mundo mula sa kanyang pagkasilang hanggang sa kanyang paglisan sa daigdig. Sa gayon, maaari nating maitatag ang pinag-ugatan ng Anti-Kristo. Hindi makatarungan ang magbigay ng paratang kaninuman bilang Anti-Kristo maliban kung may pinang-hahawakang katibayan o mapananaligang kapahayagan na maaaring makapagbigay ng katatagan laban sa paksang ito. Maging sa larangan ng paghuhukom, ano mang bintang o paratang na inihahain at isinasampa sa hukuman ay nararapat na may matatag na pinanghahawakan o saksi. Ito ang mahalagang sangkap ng matagumpay na paglilitis. Walang hukom ang maaaring makapagbigay ng tamang paghuhusga at pagpapasiya malibang ito ay may kaakibat na katibayan. Magkagayon, sa larangan ng relihiyon, tanging ang mga Banal na Kasulatan at ang mga salita ng mga Propetang may dala nitong kasulatan ang nararapat na gawing batayan upang ang katotohanan ay mangibabaw. 

Sa tatlong malalaking relihiyon sa mundong ito: Hudaismo, Kristiyanismo at Islam, ang dalawang huli ang siyang nangunguna at nangingibabaw. Sa relihiyong Hudaismo ng mga Hudyo, kinikilala lamang nila ang mga naunang Propeta hanggang kay Propeta Moises. Hindi nila kinikilala si Hesus bilang Propeta o Sugo bagkus itinuturing nila ito bilang isang huwad na Propeta. Sanggol pa lamang si Hesus ay nakaranas na ng pangaalipusta sa kamay ng kaniyang mga kalahi hanggang humantong sa pagtatangka nilang patayin ito. Sa ganoon, hindi na kailangan pang sabihin na sila ay hindi kumikilala kay Hesus. Tuwiran man o hindi, sila ay laban kay Hesus, laban sa mensahe nito at walang puwang sa kanilang pamayanan o relihiyon, samakatuwid silang mga Hudyo ay Anti-Kristo. Ang pagtakwil nila kay Hesus ay hindi isang aral na iniwan ni Propeta Moises bagkus ito ay isang kasalanang tanda ng kanilang kataasang loob. Sa kabilang dako, ang mga Kristiyano at Muslim ay kapwa kumikilala kay Hesus nguni’t ang kanilang pagkakakilala ay sadyang magkaiba. Tunghayan natin kung sino nga ba ang Anti-Kristo at sino ang tunay na sumusunod kay Hesus. Dapat nating isaalang-alang dito ay kung ano ang sinabi ni Hesus batay sa Bibliya at kung ano ang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos tungkol sa kanya batay sa Banal na Qur’an. Sa gayon, ating maabot ang pinakalayunin ng paksang ito sa matalino at makatarungang pamamaraan.

Ang Unang Katibayan: Ang Himalang Pagsilang ni Hesus. 

Ang mga mabubuti at matutuwid na tagasunod ni Hesus ay tinanggap at kinilala ang himalang pagkasilang ni Hesus. Sila ay walang pag-aalinlangan sa himalang ito – na si Hesus ay isinilang na walang ama. Sa kabilang dako, ang mga Hudyo na (mula sa Angkan ni Israel) kalahi ni Hesus ay tuwirang nagtakwil kay Hesus. Silang mga Hudyo ang unang nagtakwil kay Hesus sa pamamagitan ng pagpaparatang sa kanya bilang anak sa labas, at si Birhen Maria bilang babaing nagkasala ng pangangalunya. Ang Banal na Qur’an ay nagpaliwanag na pinili si Maria higit sa lahat ng babae dito sa lupa. Si Anghel Gabriel ay dumating sa kanya na may magandang balita na siya ay nakatakdang magsilang kay Hesus. Ang magandang salaysay na ito ay matatagpuan sa Banal na Qur’an:

Tandaan! Nang ang mga Anghel ay nagwika: "O, Maryam (Maria)! Katotohanan, ang Allah ay nagbibigay sa iyo ng magandang balita ng isang Salita mula sa Kanya: ang kanyang pangalan ay Mesiyas, Hesus, anak ni Maryam (Maria), na may mataas na karangalan sa daigdig na ito at sa kabilang buhay. At siya ay nasa (hanay ng) mga malalapit (sa Allah). At siya ay magsasalita sa tao mula sa (kanyang) duyan (kamusmusan) at sa kanyang kahustuhang-gulang. At siya ay nasa (hanay ng) mga matutuwid. Siya (Maria) ay nagwika: O! Aking Panginoon! Paano ako magkakaroon ng anak gayong walang lalaki ang humawak sa akin? Siya ay nagwika: (Kahit na) Ganyan ang Allah, lumilikha ng anumang Kanyang naisin. Kapag Kanyang itakda ang isang bagay, Siya ay magsasabi (lamang) ng “Kun Fayakoon” (Maging at mangyayari nga). At siya (Hesus) ay tuturuan Niya ng Aklat at Karunungan. Ang Tawrat (Batas) at ang Injeel (Ebanghelyo). (Qur’an 3:45-48)  

At (si Maria ay) kanyang itinuro ito (ang sanggol). Sila (mga tao) ay nagwika: “Paano naming makakausap ang isang batang nasa duyan? Siya (si Hesus) ay nagsabi: Tunay na ako ay lingkod ng Allah: Ako ay binigyan ng Kasulatan at ginawa Niya akong Propeta. (Qur’an 19:29-30) 

Ang himalang pagkasilang ni Hesus ay nagbigay kay Birhen Maria ng isang karangalan nagmula sa Diyos. Bagaman tunay na napakahirap para sa kanya ang magbigay ng patunay tungkol sa kanyang pagiging malinis na babae, siya ay pinatatag ng Dakilang Lumikha sa mata ng tao sa pamamagitan ng Kapahayagan ng Banal na Qur’an. Sino nga ba ang mag-aakala na siya ay magkakaanak maliban na lamang kung siya ay nagkaroon ng ugnayan sa isang lalaki. Ang katotohanan pa, siya ay mula sa magasawang Imran at Hannah (Ana) na nabibilang sa mga pinagpalang angkan ng mga Propetang sina Abraham, Isaak, Hakob, David, Moises, Aaron at ang kanyang tiyuhin na si Zakariyah na ama ni Juan Bautista. Sa mahabang panahon, ang maling paratang na ito ay mistulang isang pighati sa puso ni Birhen Maria. Subali’t, nang ang kapahayagan ng Banal na Qur’an ay dumating, ang karangalan at kadakilaan ni Birhen Maria ay muling ibinantayog ng Diyos na Maykapal sa kanya. Tanging ang Banal na Qur’an lamang ang nagsisilbing tagapagtanggol at tagapangalaga ng kanyang dangal at puri. Subali’t, ang Bibliya na ipinagbubunyi at ipinagmamalaki ng kalakhang Kristiyanismo ay walang anumang kapahayagan tungkol dito!

Ang Mesiyas (Hesus), anak ni Maryam (Maria) ay hindi humigit sa isang Sugo (Propeta) lamang. Maraming Sugo (Propeta) ang dumating bago pa man siya. At ang kanyang ina ay isang babaing makatotohanan.(Qur’an 5:75) 

At (tandaan) nang ang mga Anghel ay nagsabi: ’O, Maryam (Maria)! Ikaw ay pinili ng Allah, At ginawang dalisay (at malinis), At ikaw ay piniling higit sa mga babae sa lahat ng nilalang.” (Qur’an 3:42) 

Sa unang talakayang ito, natunghayan natin kung sino ang higit na nagtanggol at nagmalasakit kay Hesus at sa kanyang malinis na Ina. Bahagi ng pananampalatayang Islam ang kadakilaan ni Hesus at ng kanyang Ina. Isang haligi ng pananampalataya ang tanggapin, kilalanin at dakilain si Hesus. Samakatuwid, walang Muslim ang maaaring tagurian o tawagin bilang Anti-Kristo sapagka’t bahagi ng Islam si Hesukristo at bahagi siya ng kautusang hindi dapat talikdan bagkus dapat tuparin at sundin.

Dapat sana ang Bibliya mismo ay nagkaroon ng matibay na pahayag bilang pagtatanggol kay Hesus at sa Ina niya sapagka’t malaking bahagi si Hesus at ang kanyang ina sa kalakhang relihiyong Kristiyanismo. Dapat sana ang Bibliya mismo ay may mga talata na nagpapatunay tungkol sa tunay na naganap sa kanila. Tunay na napakalungkot isipin na walang anumang pahayag na matatagpuan sa Bibliya tungkol sa kadakilaan ni Birhen Maria. 

At dumako tayo tungkol naman sa kaarawan ni Hesus, ang Bibliya ay walang sinabi tungkol sa panahon ng pagkasilang kay Hesus. Maging sa Banal na Qur’an at sa mga Hadith ng Propeta Muhammad , walang binanggit tungkol sa araw o buwan ng pagkasilang kay Hesus. Bagaman, isinalaysay ng Qur’an na si Maria ay lumayo pansumandali patungo sa ilang na lugar upang doon ay isilang si Hesus, hindi sinabi ang takdang araw at buwan ng pagsilang niya kay Hesus. Kung ang Bibliya at Qur’an ay walang ibinigay na kaarawan ni Hesus, magkagayon, ang katanungan ay: Paano nagkaroon ng kaarawan si Hesus sa buwan ng Disyembre (na tinatawag na Pasko) gayong walang sinasabi ang Bibliya tungkol dito? Sino ang nagtakda ng kaarawan niya, si Hesus ba mismo? Mayroon bang matutunghayang pahayag si Hesus o ang kanyang ina at maging ang kanyang mga naiwang disipulo tungkol sa kanyang kaarawan? Ang mga manunulat ng apat na Ebanghelyo na sina Juan, Markus, Lucas at Mateo ay wala ring nabanggit na kaarawan sa kabila ng kanilang masusing pagsasalaysay tungkol sa kanyang buhay. Wala kahit sino sa kanila! Ang pagdiriwang ba ng Pasko ay bahagi ng aral ni Hesus? Hindi!! Kung gayon, hindi rin maaaring isaalang-alang ito bilang aral sapagka’t walang kasaysayang naitala tungkol dito. Kung hindi ito bahagi ng buhay at aral ni Hesus, samakatuwid, ang pagdiriwang ng Pasko ay hayagang pagtalikod o pagsalungat kay Hesus. Ang pagdiriwang ng Pasko ay hindi isang sukatan upang tawagin ang isang tao bilang tunay na Kristiyano. Katiyakan, ang pagdiriwang ng Pasko ay isang insulto kay Hesus sapagka’t wala siyang iniwang kautusan tungkol dito. Isang banyagang salita kay Hesus ang Pasko, santa Klaus, krismas tri, noche buena, at misa de gallo. Sa makabagong panahon ngayon, sino pa kaya ang magtatangkang pigilin ang pagdiriwang ng Pasko sa kabila ng katotohanang ito ay wala sa Bibliya? – samakatuwid, hindi isang pangunahing aral ni Hesus. Hindi kaya isang gawang Anti-Kristo ang pagdiriwang nito? 

Ang Ikalawang Katibayan: Hesus – bilang Dakilang Propeta ng Diyos.  

Ang ikalawang talakayan ay nauukol sa tunay na katauhan ni Hesus. Ang katibayan ng paksang ito ay nararapat magmula sa Bibliya at Banal na Qur’an. Ito ay mahalagang sangkap sapagka’t ang nasasangkot sa talakayang ito ay ang Kristiyano at Muslim na kapwa tumatanggap kay Hesus. Maraming talata ng Bibliya (Bagong Tipan) ang nagbibigay katotohanan tungkol kay Hesus bilang isang dakilang Propeta ng Diyos. Kumuha tayo ng isang matatag na katibayan mula rito. Ang Ebanghelyo ayon kay Lukas ay nagsabi:

Ang mga bagay tungkol kay Hesus na Nasareno, na isang Propeta makapangyarihan sa gawa at salita sa harap ng Diyos at ng buong bayan. (Lucas 24:19)  

Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang Propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan. (Lucas 7:16) 

Hindi lamang isang dakilang Propeta si Hesus, bagkus pinagkalooban pa siya ng higit na katungkulan. Ito ay bilang isang Sugo. Siya ay itinuturing na Sugo sapagka’t siya ay pinagkalooban ng Banal na Kasulatan na tinatawag na Injeel (o sa wikang Griyego ay tinawag na Ebanghelyo). Ang Ebanghelyo ni Juan at ni Mateo ay nagbigay patunay sa kanya bilang Sugo ng Diyos:

At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay at si Hesus bilang iyong Sugo. (Juan 17:3)   

Hindi ako isinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel. (Mateo 15:24) 

Sa panig naman ng relihiyong Islam, ito ay nagbigay patunay din sa katotohanan na si Hesus ay isang dakilang Propeta at Sugo ng Nag-iisang Diyos. Ayon sa Banal na Qur’an:

Ang Mesiyas (Hesus), anak ni Maryam (Maria) ay hindi humigit sa isang Sugo (Propeta) lamang. Maraming Sugo (Propeta) ang dumating bago pa man siya. At ang kanyang ina ay isang babaing makatotohanan. (Qur’an 5:75)  

Sa ikalawang talakayang ito, muli nating binigyang-linaw kung sino ang laban kay Kristo o Anti-Kristo. Kung ang Bibliya ay tuwirang nagpahayag na si Hesus ay isang Propeta, at ang Banal na Qur’an ay nagpatunay na si Hesus ay Sugo at Propeta ng Diyos, samakatuwid, sino ang nagkakamali? Ang mga talata ng Bibliya at Banal na Qur’an ay kapwa nagpatunay at nanindigan sa katotohanan kung sino nga ang dapat tawaging Anti-Kristo.

Sa ikalawang pagkakataon, muling pinatunayan, na walang Muslim ang maaaring tawaging Anti-Kristo sapagka’t buong pusong tinanggap ng Islam si Hesus bilang Propeta at Sugo. At ang paniniwala ng Islam kay Hesukristo bilang dakilang Sugo at Propeta ay ganap na inaayunan ng Bibliya (Bagong Tipan). Kung gayon, sino kaya ang dapat tawaging Anti-Kristo?

Ang Ikatlong Katibayan: Ang Mensahe ni Hesus? 

Sa ikatlong pagkakataon, ating pagtutuunan ng pansin ang mahalagang aral o mensahe ni Hesus. Ano ba ang sinasabi ni Hesus tungkol sa kaligtasan o ang paraan upang makamtan ang buhay na walang hanggan? Tuwirang ipinahayag ni Hesus na ang pagkilala at pagsamba sa iisang Diyos ang pangunahin at mahalagang daan tungo sa buhay na walang hanggan. Ayon sa Ebanghelyo ni Juan, si Hesus ay nagbigay aral:

At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay at si Hesus bilang iyong Sugo. (Juan 17:3) 

At bilang Propeta at Sugo, siya rin ay nagbigay ng mahalagang aral na dapat sundin at tuparin. Ito ay matutunghayan sa Ebanghelyo ni Markus.

Pakinggan mo O Israel. Ang Panginoon nating Diyos ay Isang Panginoon. At iyong mahalin ang iyong Panginoong Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, ng buong isip at ng buong lakas. (Markus 12:29)  

Ang panawagan at mensahe ni Hesus mula sa Bibliya ay matutunghayan din naman sa Banal na Qur’an. Ang pangunahing aral niya ay ang pagsamba lamang sa Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha. 

Katotohanan, ang Allah (Diyos) ang aking Panginoon at inyong Panginoon, kaya sambahin Siya, ito ang matuwid na landas. (Qur’an 3:51) 

O, angkan ng Israel, sambahin ang Allah, na aking Panginoon at inyong Panginoon. Ang sinumang magtambal sa Allah ay tunay na ipagbabawal ng Allah sa kanya ang Paraiso at ang Apoy ang kanyang tirahan. (Qur’an 5:72) 

Ang kautusang ito ni Hesus ay sinusunod, tinutupad at tinatanggap ng mga Muslim, samakatuwid walang Muslim ang maaaring tawagin o taguriang Anti-Kristo. Muli, ang katibayan ay hinango sa kasalukuyang Bibliya at sa Banal na Qur’an upang higit na mabigyan ng katarungan ang paksang ito.

Sino ba ang Panginoon ni Hesus?  

Kung sa nabanggit na talata sa itaas na mula sa Bibliya at Qur’an ay nagsabi at nanawagan si Hesus na ang tanging Panginoon ay ang Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha lamang at wala ng iba pa, samakatuwid, ang pagtawag kay Hesus bilang Panginoon ay isang malaking kasalanan. Tunay na ang tanging pagkilala sa Panginoon ay nauukol lamang sa Nag-iisang Diyos na Siyang Maylikha ng lahat ng bagay. Sino kaya, kung gayon, ang Anti-Kristo? Ang isa bang Muslim na kumikilala sa Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha bilang kanyang Panginoon o ang isang Kristiyano na kumikilala kay Hesus bilang kanyang Panginoon?

Ang Ikaapat na Katibayan: Ang Pagdarasal ni Hesus.  

Ang tunay na nananalig sa Nag-iisang Diyos ay nararapat na nag-aalay ng pagdarasal ayon sa turo ng mga Propeta. Bilang isang tagasunod ni Hesus, nararapat lamang na siya ay tularan sa pamamaraan ng kanyang pagsamba at pagdarasal. Paano nga ba nagdarasal si Hesus? Tunghayan natin ang Bibliya. Ang Ebanghelyo ni Mateo ay naglarawan kung paano mag-alay ng panalangin si Hesus.

At siya'y nagpatirapa at nanalangin. (Mateo 26:39)  

Ang pagpapatirapa ni Hesus ay katulad ng pagpapatirapa ng mga Muslim sa kanilang pang-araw-araw na pagdarasal. Magkagayon, walang pagkakaiba sa larangan ng pagsasa-katuparan ng pagdarasal. Ang ginawang pagpapatirapa ng mga Muslim na katulad ng pagpapatirapa ni Hesus ay isang malinaw na tanda ng pagsunod, pagtalima at pagkilala sa mga aral ni Hesus. Samakatuwid, walang Muslim ang maaaring taguriang Anti-Kristo. Ito ay isang malinaw na batayan na ang mga Muslim ay kumikilala kay Hesus bilang isang tunay na mananampalataya.

Ang pook pagsamba ni Hesus na tinatawag na synagogue o tabernakulo ay katulad ng pook pagdarasal o pagsamba ng mga Muslim na tinatawag na moske (Masjid sa Arabik). Sa pook na ito ay walang makikitang mga larawan ng mga santo o santa, walang kantahan, walang tugtugin, walang bulaklak. Bagaman maaaring sabihin na tayo ay dapat sumunod sa nagbabagong takbo ng panahon nguni’t ito ba ay nangangahulugan ng pagbabago at pagdaragdag mula sa simpleng aral ng mga Propeta? Ang Islam ay nanatiling simple sa pagsasagawa ng mga relihiyong rituwal para sa mga mananampalataya. Pinaniniwalaan sa Islam na anumang karagdagan o pagbabago ay tanda ng pagkaligaw at pagtalikod sa wagas na aral ng mga Propeta. Kung sa panahong ito ay narito si Hesus, anong pook ng pagsamba kaya ang kanyang patutunguhan o pagpipilian? Ang isang simbahan na pinalamutian ng mga larawan ng mga santo o ang isang Masjid na simpleng sumasagisag bilang isang payapa at banal na sambahan? 

Ang Ikalimang Katibayan: Ang Pag-aayuno ni Hesus.  

Ang Batas ng pag-aayuno ay ipinag-utos ng Makapangyarihang Diyos bilang haligi ng pagsamba. Kaya naman, isa itong mahalagang kautusan na sa bawa’t panahon ay ipinatutupad sa lahat. Ang Makapangyarihang Diyos ay nagbigay kautusan tungkol sa pag-aayuno. Ang Banal na Qur’an ay nagpahayag nito:

Ang pag-aayuno ay ipinag-utos sa inyo katulad ng ipinag-utos sa mga nauna (lahi, angkan) sa inyo upang kayo ay magkaroon ng tunay na takot (sa Kanya). Qur’an 2:183  

Sa Bibliya, matutunghayan natin na si Hesus ay ganap na tumalima at tumupad sa batas ng pag-aayuno.

At nang siya'y nakapag-ayuno ng apatnapung araw at gabi, siya ay nagutom. (Mateo 4:2) 

Kung ang pag-aayuno ay ginawa ni Hesus at buong puso namang tinutupad ng mga Muslim, magkagayon, walang sinumang Muslim ang maaaring tawaging Anti-Kristo – sapagka’t ang gawain ni Hesus sa larangan ng pagsamba ay katulad ng gawain ng isang Muslim. Muli, sa pundamental na aral ni Hesus, sino ang dapat taguriang AntiKristo? Walang alinlangan na ang pag-aayuno ni Hesus at ang pag-aayuno ng mga Muslim ay isang matibay na patunay sa katotohanan na ang isang Muslim ay hindi isang Anti-Kristo bagkus isang tagasunod ni Hesus. Sino kaya sa makabagong Kristiyanismong sekta ang nagsasagawa ng kautusang ito tungkol sa pag-aayuno?

Ang Ikaanim na Katibayan: Sino ang Kinikilalang Diyos ni Hesus?  

Si Hesus ba ay Diyos o may kinikilalang Diyos? Sa ikaanim na paksang ito, dapat nating pagbatayan ang dalawang aklat na kinikilala ng magkabilang panig. Ang Bibliya ng mga Kristiyano at ang Banal na Qur’an ng mga Muslim. Ang magiging batayan natin dito ay ang wikang ginamit sa dalawang kinikilalang Banal na Kasulatan. Sa wika ni Hesus, tinawag niya ang Diyos ng Eli (sa kanyang Aramaik na wika). Pinatunayan ito ayon sa Ebanghelyo ni Mateo:

At nang malapit na ang oras na ikasiyam ay sumigaw si Hesus ng malakas na tinig, na sinabi: Eli, Eli lama sabachthani? Samakatuwid baga’y, Diyos Ko, Diyos Ko, bakit mo ako pinabayaan? (Mateo 27:46)

At sa Banal na Qur’an naman, si Hesus ay may kinikilalang Diyos – ang Allah.

O, angkan ng Israel, sambahin ang Allah, na aking Panginoon at inyong Panginoon. Ang sinumang magtambal sa Allah ay tunay na ipagbabawal ng Allah sa kanya ang Paraiso at ang Apoy ang kanyang tirahan. (Qur’an 5:72)

Ang Diyos ni Hesus sa kanyang wikang Aramaik ay “Eli” at sa Banal na Qur’an naman (sa wikang Arabik) ay “Allah”, ito ay nangangahulugan na mayroon siyang isang Tanging Diyos na sinasamba. Ang Eli (sa wikang Aramaik) at Allah (sa wikang Arabik) ay hindi dalawang magkaibang kahulugan at salita kundi dalawang semitikong wikang tumutukoy sa isang Tanging Nag-iisang Tagapaglikha (The One and Only Creator).

Kung si Hesus ay sumasamba sa Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha at ang Muslim ay sumasamba rin sa Diyos na sinasamba ni Hesus, magkagayon, walang Muslim ang maaaring tawaging Anti-Kristo sapagka’t ang kinikilalang Diyos ni Hesus ay siya ring Diyos na kinikilala at sinasamba ng mga Muslim. Sa pagsamba ng mga Kristiyano kay Hesus bilang anak ng diyos o diyos na nagkatawang tao, sino kaya ang sumasalungat sa aral ni Hesus?

Ang Ikapitong Katibayan: Ang Paglilibing kay Hesus Ayon sa Bibliya  

Paano ba inililibing ang isang patay? Sa Bibliya, si Hesukristo ay inilibing sa pamamagitan ng dalawang puting damit na itinapis at ibinalabal sa kanyang katawan. Ganyan din ang pamamaraan ng paglilibing sa isang patay sa relihiyong Islam. Hindi pinahihintulutan sa Islam na embalsamuhin ang katawan ng isang patay sa maraming kadahilanan: Una, hindi ito gawain at aral ng mga Propeta, ikalawa, kahit na huminto na ang paghinga at pagtibok ng puso ng isang tao, walang pa ring katiyakan na ito ay tuluyan ng binawian ng buhay. Maaaring pagkaraan ng ilang oras, ito ay muling magkabuhay. Ang ikatlo, higit na mahalaga para sa isang patay na ipagdasal ito na nawa’y patawarin siya ng Diyos. Simple ang rituwal ng paglilibing sa Islam. Walang kabaong (ataul), walang bulaklak, walang nitso, walang punerarya at tugtugin, walang lapida. Bawa’t patay ay inililibing sa ilalim ng lupa. Sa lupa tayo nagmula kaya naman sa lupa rin ang pagbabalik. Samakatuwid, ang paglilibing sa patay noong panahon ni Hesus at maging sa mga naunang panahon ay katulad din ng pagsasagawa ng mga Muslim sa ngayon. Ang tanong, Sino ngayon ang inililibing katulad ng pagkakalibing kay Hesus? Hindi ba Muslim lamang ngayon ang nagsasagawa nito?

Ang Ikawalong Katibayan: Ang Mensahe ni Hesus ay para lamang sa mga Israelita. 

Bawa’t Propeta ay isinugo sa kani-kanilang pamayanan lamang. Ang tanging naiiba ay si Propeta Muhammad sapagka’t siya ang huling Propeta, samakatuwid siya ay isinugo para sa sangkatauhan.

Si Hesus ay isinugo para lamang sa mamamayan ng Israel. Kaya sinumang tagasunod ni Hesus na hindi naman lahing Israelita o Hudyo ay lumihis sa tunay na mensahe ni Hesus. Tunghayan natin ang ilang talata ng Bibliya upang ganap nating mapatunayan ang katotohanan ng paksang ito.

Hindi ako isinugo kundi sa mga tupang nangaligaw sa bahay ni Israel. (Mateo 15:24)

Ang talatang ito ay malinaw na nagbibigay patunay tungkol sa paksang ito. Ang mensahe ni Hesus ay tanging para lamang sa mga Israelita.

Karagdagan pa nito, sinabi pa ni Hesus sa kanyang mga disipulo:

Huwag kayong humayo sa landas ng mga Hentil at sa mga bayan ng mga Samaritano nguni’t kayo ay humayo sa mga naligaw na tupa ng Israel. (Mateo 10:5-6)  

Kung sa bibig mismo ni Hesus ay lumabas ang kautusang ito, sino sa atin ang maaaring sumalungat sa kautusang ito? Kung ang mga pagano (Hentil) at mga Samaritano ay hindi sakop ng mensahe ni Hesus bagaman sila ay karatig bayan lamang ng kinaroroonan ni Hesus, tayo pa kayang mga Pilipino na ang agwat ng panahon at lugar ay labis ang kalayuan?

Dapat nating isipin kung bakit labindalawang disipulo ang pinili ni Hesus sa kanyang pangangaral dahil nakalaan ang mga ito sa labindalawang tribu ng Israelita (Anak ni Israel).

Tuwing mangangaral si Hesus ang kanyang tinutukoy ay ang mga Israelita:

Ang una sa lahat ng kautusan ay, "Pakinggan mo O, Israel, ang ating Panginoong Diyos ay isang Panginoon. (Markus 12:29)

Kung tunay nga na si Hesus ay para sa sangkatauhan, magkagayon, dapat sana na ang kanyang panawagan ay para sa lahat ng tao. "O, sangkatauhan!” o kaya naman ay ganito ang panawagan “O, mga tao!" upang sa gayon ay magkaroon ng patunay na siya nga ay para sa lahat.

Sa Banal na Qur’an, matutunghayan din na ang mensahe ni Hesus ay para lamang sa mga mamamayan ng Israel.

O, Angkan ng Israel, sambahin ang Allah, na aking Panginoon at inyong Panginoon. Ang sinumang magtambal sa Allah ay tunay na ipagbabawal ng Allah sa kanya ang Paraiso at ang Apoy ang kanyang tirahan. Qur’an 5:72

Ang Bibliya at maging ang Banal na Qur’an ay tuwirang nagpatunay na ang mensahe ni Hesus ay para lamang sa mga ligaw na tupa ng Israel. Ang mensahe ni Hesus ay isang katuparan ng batas ni Moises sapagka’t si Moises ay para lamang sa mga Israelita katulad ni Hesus. Sinabi pa niya (Hesus):

Ako ay naparito hindi upang sirain ang batas kundi para tuparin. (Mateo 5:17)

Ang batas na tinutukoy ni Hesus ay walang iba kundi ang Batas ni Moises sapagka’t wala namang kinikilalang batas ang mga Hudyo (Israelita) maliban sa Batas na iniwan ni Moises. Ito ang batas na tinupad ni Hesus at hindi niya sinira o sinalungat. Walang daladalang bagong batas si Hesus na salungat sa mga aral ng lahat ng Propeta kaya naman ang mga pangunahing paniniwala ng mga naunang mamamayan ay katulad din ng kanyang mga aral, halimbawa, ang pagsamba sa Nag-iisang Diyos, ang pagdarasal, ang pag-aayuno, ang kawanggawa, ang pakikipag-ugnayan sa kapwa, ang paghahanap-buhay at iba pang aspeto ng tamang pamumuhay.

Kaya, sino mang tao ang nagsasabi na ang mensahe ni Hesus ay para sa sangkatauhan, ito ay isang pagkakamali. Natunghayan natin mula sa pahina ng Bibliya na isinugo si Hesus para sa mga Israelita. Ito ay sinabi ni Hesus at maging ang kanyang mga disipulo. Maliwanag ang pahayag ng Bibliya tungkol dito at inayunan naman ng Banal na Qur’an ang paksang ito. Kaya, hindi lamang mga Muslim ang naniniwala at naninindigan tungkol dito bagkus higit sa lahat mismong ang aral ng Bibliya ang ganap na tumutukoy sa paksang ito nang walang pasubali.

 Kung ikaw ay simpleng Kristiyano, maaari mong itanong sa iyong sarili, ako ba ay mula sa lahi ng Israelita? Ako ba ay kabilang sa mga naligaw na tupa mula sa angkan ni Israel?

Ang Ikasiyam na Katibayan: Ang Kaligtasan ayon kay Hesus.

Bawa’t tao ay may masidhing pagnanasang makamtan ang kaligtasan mula sa Apoy ng Impiyerno kaya naman bawa’t isa ay nagtatangkang gawin ang lahat ng kakayahan bilang paghahanda sa Araw ng Paghuhukom. Ito ay isang araw na walang makatutulong sa sinuman maliban yaong mga taong may mabubuting gawa at tamang pananampalataya.

Sa paniniwala ng mga Kristiyano, ang pagpako ni Hesus sa Krus ang siyang dahilan ng kaligtasan sa Apoy sapagka’t ayon sa kanilang mga aral, ang tao ay may minanang kasalanan mula sa unang magulang na si Adan at Eba. Ang paniniwalang ito na tinanggap ng makabagong Kristiyano ay hindi isang aral na nagmula sa orihinal at wagas na mensahe ni Hesus.

Si Hesus ay nagpatunay:

At masdan, isa ang dumating at nagsabi sa kanya, ‘Mabuting guro, anong mabuti ang aking gagawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?’ At siya’y nagsabi sa kanya, ‘Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi Isa (Ang Dakilang Lumikha), subali’t kung nais mong makamtan ang buhay, panghawakan mo ang mga batas’. (Mateo 19:16-17)

Sinabi pa niya:

Ginagantimpalaan ng Diyos ang tao ayon sa kanyang mga gawa. (Mateo 16:27)

Sa mga talatang nabanggit sa itaas, sinabi ni Hesus na ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ang siyang batayan upang makamtan ang kaligtasan. Sa maikling salita, ang mabubuting gawa at hindi ang pagpako sa krus ang siyang batayan ng kaligtasan. Kung katotohanan nga na iniligtas ni Hesus ang sangkatauhan nang dahil sa kanyang pagpako sa krus, ano pa kaya ang kahalagahan ng Araw ng Paghuhukom? Ito ay hindi makatuwiran at salungat sa diwa ng katarungan ng Maka-pangyarihang Diyos. Kaya ang mga pangunahing paniniwala ng makabagong Kristiyano katulad halimbawa ng paniniwala sa Orihinal na Pagkakasala at maging ang Kaligtasan batay sa Pagpako sa Krus ay walang katotohanan.

Ang Ikasampung Katibayan: Ang Kapayapaan bilang Pagbati sa Araw-Araw na Buhay. 

Matutunghayan din sa Bibliya na ang gawang pagbati ni Hesus sa kanyang mga mamamayan ay ang pagsabi ng “Kapayapaan ay Sumainyo.” Ito ay isa ring katagang maririnig sa araw-araw na takbo ng buhay ng mga Muslim. Sa tuwina, ang As-Salamu Alaikum ay isang katagang sinasambit-sambit ng sinumang nagkakasalubong na Muslim sa lahat ng pagkakataon bilang kanilang pagbati sa isa’t isa.

Ang “Salam” at ang “Shalom” ay dalawang salitang nagbibigay ng isang tanging kahulugan at ito ay ang kapayapaan. Kung si Hesus ay bumabati ng kapayapaan arawaraw at ang mga Muslim ay ganoon din ang kanilang ginagawa bilang pagbati, magkagayon, ang mga Muslim ay tunay na tagasunod ni Hesus at sila ang mga taong kumikilala sa magandang aral ng pagbati ni Hesus.

Ang pagbati ng As-Salamu alaikum (sumainyo nawa ang kapayapaan) ay isang pandaigdigang pagbati na hindi matatagpuan maliban sa relihiyong Islam. Ito ay isang pagbati na nagbibigay ng kasiyahan at may dalang kaligayahan sa sinumang nakakasalubong at nakakarinig. Ito ay may diwa ng paggalang at isang tunay na larawan ng pagbibigay pitagan sa kanyang kapwa.

Kapayapaan ang hangarin ng lahat ng tao kaya naman ito rin ang pinakadiwa ng mensahe ng lahat ng Propeta mula kay Adan hanggang sa Huling Propeta ng Allah – na si Propeta Muhammad.

Ang Pananaw ng Islam tungkol sa Pagbabalik ni Hesus-Kristo. 

Kung ang mga Kristiyano ay naniniwala sa muling pagbabalik ni Hesus, ganoon din naman ang mga Muslim. Sa pananaw ng Islam, ang pagbabalik ni Hesus ay may mahalagang dahilan na dapat matupad.

Ang Sugo ng Allah, Muhammad ay nagsalaysay ng isang magandang pananalita tungkol kay Hesus.

Sa pamamagitan Niya (Allah) na Siyang may tangan ng aking kaluluwa, katiyakan, na si ‘Isa (Hesus), na anak ni Maryam (Maria) ay papanaog at makakahalubilo ninyo at (bilang pinuno ng mga Muslim) siya ay maglilitis nang makatarungan batay sa batas ng Qur’an. Kanyang babakliin ang mga krus at papatayin ang mga baboy at aalisin ang buwis ng Jizya (ito ay buwis na ibinabayad ng mga di-Muslim sa pamahalaang Islam). Sa panahong yaon, ang salapi ay sasagana at walang sinumang tatanggap nito mula sa kaninuman. Sa panahong yaon, ang pagpapatirapa (pagsubsob ng mukha sa lupa (bilang pagsamba) sa Allah ay higit na mabuti kaysa sa buong mundo at sa nilalaman nito.

At sinabi pa niya:

Walang Propeta sa pagitan ko at ni ‘Isa (Hesus). Katiyakang siya ay papanaog (at) babalik muli. Samakatuwid, inyong makikilala siya kapag siya ay inyong makikita. Siya ay mataas na lalaki na may maputi at mamula-mulang kutis. Siya ay papanaog na may kasuotang dalawang puting damit. Ang kanyang ulo ay tila pinapawisan bagaman hindi ito basa ng pawis.

(Sa panahon na yaon) ang Imam ng mga Muslim (namumuno sa pagdarasal) ay isang mabuting tao. Habang ang kanilang Imam ay naghahanda para sa pang-umagang Salah (Salatul Fajr), si ‘Isa (Hesus) anak ni Maryam (Maria) ay bababa sa kanila (sa gawing Damascus). Ang kanilang Imam ay uurong sa likuran upang bigyang puwang si ‘Isa (Hesus) na siyang mamuno sa pagdarasal. Ilalagay ni ‘Isa (Hesus) ang kanyang kamay sa pagitan ng balikat ng Imam at siya ay magsasabi: ’Humayo ka at manguna o mamuno sa pagdarasal.’

Sadyang napakaganda ng salaysay ni Muhammad tungkol sa pagbabalik muli ni Hesus. Ang layunin ni Hesus sa kanyang pagbabalik ay maliwanag:

Una, upang ibalik niya ang wagas at malinis na pagsamba sa Nag-iisang Diyos. Ang tuwirang pagsamba sa Nag-iisang Diyos ay siyang pangunahing aral ng lahat ng Propeta, kaya naman, ito ang pangunahing layunin ng pagbabalik ni Hesus. Sa ngayong makabagong panahon, ang pagsamba ng mga Kristiyano ay nababahiran ng idolatriya sapagka’t ginawa nilang Diyos na nagkatawang-tao si Hesus. Ang ibang sekta naman ng Kristiyanismo ay dumadalangin sa mga santo at santa, nagtayo ng iba’t ibang estatuwa o rebulto at itinuturing nila ang mga ito bilang mga banal o may pagkadiyos. Ito ay taliwas sa unang kautusan at ganap itong sumasalungat sa aral ng mga Propeta.

Pangalawa, babakliin niya ang mga krus sapagka’t ang krus na siyang kinamulatang sagisag ni Hesus ay sadyang walang katotohanan. Sa mga naunang panahon, ang 14 www.islamhouse.com parusa ng isang taong nagkasala ay ang pagpako sa krus, kaya naman, ito ay hindi angkop sa karangalan ni Hesus na siya ay ipako sa krus.

Ayon sa Banal na Qur’an siya ay hindi napako sa krus bagkus siya ay itinaas ng Makapangyarihang Allah at iniligtas mula sa mga taong umalipusta sa kanya. Higit na makatarungan ang salaysay ng Banal na Qur’an tungkol sa pangyayaring ito kaysa sa salaysay ng Bibliya sapagka’t kung pag-aaralan ang Bibliya tungkol sa pagpako sa krus kay Hesus, walang matatag na patunay tungkol dito.

Ikatlo, papatayin ni Hesus ang mga baboy sapagka’t ang pagkain ng baboy ay tunay na karumal-dumal na gawain. Ang babalang ito ay nakatala sa Lumang Tipan sa Kabanata Leviticus at Deuteronomy. Bakit nga ba kumakain ng baboy ang mga Kristiyano sa kabila ng maliwanag na babala tungkol dito? Ayon na rin sa makabagong medisina, ang baboy ay sadyang hindi karapat-dapat kainin ng tao sapagka’t ito ay may dala-dalang mga sakit.

Sa mga nabanggit na paliwanag, ako ay tapat na umaasa sa ibang Kristiyano na nagsasabi na ang mga Muslim ay Anti-Kristo ay magkakaroon ng tamang pananaw tungkol sa naturang paksa at higit sa lahat magkaroon ng pagkakataon na bigyan ng kahit kaunting panahon ang pag-aralan ang relihiyong Islam.

Ang relihiyong Islam lamang ang tanging relihiyon na nagbibigay ng maganda at maliwanag na pananaw tungkol kay Hesus at maging sa kanyang dakilang Ina na si Birhen Maria. Wala ng iba pang relihiyon sa kasalukuyan ang nagtatanggol sa mga maling paratang tungkol kay Hesus at sa kanyang ina maliban sa Banal na Qur’an.

Walang Muslim ang dapat taguriang Anti-Kristo sa anupamang kaparaanan o dahilan sapagka’t isang pangunahing aral ng Islam ang dakilain at ikarangal ang lahat ng Sugo at Propeta na ipinadala ng Nag-iisang Allah (Ang Makapangyarihan at Dakila).

Ang Islam ay maingat sa pagbibigay ng anumang katawagan o kataga sa kaninumang Propeta maliban na ito ay binanggit ng Qur’an at ng Hadith mula sa Sugo ng Allah. Hindi katulad sa ibang relihiyon na kung anu-ano ang itinataguri nila kay Hesus at maging kay Birhen Maria. Halimbawa, tinatawag si Hesus na Black Nazarene. Bakit siya tinawag na Black Nazarene, siya ba ay maitim? Tinawag din siyang Sto Nino, bakit siya tinawag na batang santo, siya ba ay santo? Tinawag din siyang Jesus Christ Superstar. At maging sa kanlurang panooring pampelikulang “The Last Temptation of Jesus Christ” na kung saan may mga kasaysayan o tagpo na hindi naman mababasa sa Bibliya! Ang isa pang aklat (nobela at ginawang pelikula) na ikinalat sa buong mundo ay ang Da Vinci Code, na kung saan sina Hesus at Maria Magdalena ay gumanap bilang mag-asawa. Ang pelikulang ito ay kumita ng limpak-limpak na salapi at pinanood ng milyun-milyong Kristiyano sa buong mundo. Ito ba ay maituturing bilang isang karangalan para sa kanya o isang pang-aalipusta sa kanyang kabanalan?

At bilang huling pananalita, hayaan ninyong banggitin ko ang isang magandang puna na isinulat ni George Bernard Shaw, isang pinagpipitaganang Kristiyanong manunulat mula sa Amerika. Sa kanyang aklat na “The Genuine Islam” Vol. 1 no. 81936, hayagan niyang sinabi na:

Lagi kong inilalagay ang relihiyon ni Muhammad sa mataas na pagpapahalaga dahil sa kahanga-hangang tatag (at lakas) nito. Ito ang tanging relihiyon para sa akin ang  nagtataglay ng matatag na kakayahan sa nagbabagong aspeto ng pamumuhay na nakagagawa ng sariling pang-akit sa bawa’t panahon. Aking pinag-aralan si Muhammad – ang kahanga-hangang tao at sa aking palagay siya ay malayo sa pagiging Anti-Kristo. Dapat siyang tawaging Tagapagligtas ng Sangkatauhan. Naniniwala ako na kung ang taong katulad niya ang gumanap na diktador sa makabagong daigdig, siya ay magtatagumpay sa paglutas ng mga suliranin sa paraang magdadala sa higit pang kailangang kapayapaan at kaligayahan. Aking hinuhulaan na ang relihiyon ni Muhammad (ang Islam) ay ganap na tatanggapin sa Europa sa darating na panahon na unti-unti ng tinatanggap sa Europa ngayon.”

Sa aking mga minamahal na mambabasa, dapat nga bang tawaging Anti-Kristo ang mga Muslim? Kayo ang humusga kung sino nga ba ang dapat tawaging Anti-Kristo, ang mga Muslim ba na ganap na sumusunod sa aral ni Hesus o yaong bulag na tagasunod ni Hesus?

Maraming salamat at nawa’y pagpalain tayo ng Poong Maykapal sa lahat ng ating mga mabubuting gawain. At ibilang tayo sa hanay ng mga mabubuting tao hanggang sa Huling Araw....Ameen.

Nais mo bang mag muslim ngayon? email us: .. yppaincorporation@gmail.com


source: islamhouse.com