Monday, October 3, 2016

Ang Itim na Bato



Sinabi ng Sugo ng Allah (sumakanya ang kapayapaan) ukol sa kahigitan at antas ng batong itim (Hajar Aswad):

" Ang Hajar Aswad ay mula sa Paraiso". 

-Isinalaysay ni Ahmad at itinumpak ni Albani at Ahmad Shakir.




Ang itim na bato (Hajar Aswad) ay dito nagsisimula ang pagsasagawa ng tawaf (pag-ikot) sa Ka'abah at dito rin nagtatapos na nagsisilbi para sa taong nagsasagawa ng Hajj at Umrah na simualin niya sa pagharap sa Allah at pagtayo sa Kanyang pintuan na may kasamang pagdakila at pagmamahal sa Kanya at bilang paghahangad sa anumang ipinagkakaloob Niya.

Sinabi ng Sugo ng Allah (sumakanya ang kapayapaan) ukol sa kahigitan at antas ng batong itim (Hajar Aswad): 

"Ang Hajar Aswad ay mula sa Paraiso". 

- Isinalaysay ni Ahmad at itinumpak ni Albani at Ahmad Shakir.


At sinabi niya (sumakanya ang kapayapaan): 

"Tiyak na darating ang batong ito sa Araw ng Muling pagkabuhay na mayroong dalawang mata na makakakita at dila na magsasalita; magsasaksi siya para sa sinumang makatotohanang humaplos sa kanya".

- Isinalaysay ni Tirmizi

Tunay na dinakila at pinarangalan ng Propeta (sumakanya ang kapayapaan) ang "Hajar Aswad" at kanya itong hinalikan at hinaplos bagkus tumulo ang kanyang luha habang ito ay hinahawakan at hinahaplos.


Ang mga kahulugan ng Hajar Aswad sa ating mga puso ay:

1- Katotohanan, ang Hajar Aswad ay mula sa Paraiso datapuwa't walang anumang bagay sa lupa na mula sa Paraiso na maaari nating hawakan, haplusin at halikan maliban sa batong ito, kaya ang bato na ito ay nagpapaalala sa atin ng Paraiso ay nararapat lamang na parangalan ito bilang pagsunod sa Propeta (sumakanya ang kapayapaan).

2- Buong paniniwala at pagtalima sa katuruan ng Islam ukol sa paghalik at paghaplos dito batid man natin ang dahilan o hindi.


Sinabi ni Umar bin AL-Khattab [kalugdan nawa ng Allah]: 

"Katotohanan, batid ko na ika'y bato lamang; wala kang naidudulot na masama o pakinabang, kung hindi ko lamang nakita ang Sugo ng Allah (sumakanya ang kapayapaan) na hinahalikan ka; hindi kita hahalikan".

 - Isinalaysay ni Al- Bukhari.

Ayon kay Muhibbuddin At-Tabari [rahimahullah]: 

"Nasabi lamang ito ni Umar sapagka't tunay na sariwa pa lamang sa mga tao ang pagsamba sa mga Rebulto kaya nangamba si Umar nab aka akalain ng mga mangmang na ang paghawak o paghaplos ng Hajar (Aswad) ay isang uri ng pagsamba at pagdakila lamang sa mga bato katulad ng ginagawa noon ng mga Arabo sa panahon ng kamangmangan, magkagayun nais ni Umar na ituro sa mga tao na ang paghawak [paghaplos] nito ay bilang pagsunod sa ginawa ng Sugo ng Allah (sumakanya ang kapayapaan) at hindi dahil nagdudulot ng masama o pakinabang ang batong ito katulad ng paniniwala ng mga tao sa panahon ng kamngmangan ukol sa mga diyus-diyusan". 

 Fathul Bari: [3/463]


Samakatuwid, napakahalaga sa Pananampalatayang Islam ang pagsunod sa Sugo ng Allah (sumakanya ang kapayapaan) at sambahin ang Allah ayon sa kanyang katuruan. Sinabi ng Propeta (sumakanya ang kapayapaan):

" Sinuman ang gumawa ng isang gawain na hindi kabilang sa aming katuruan ay hindi katanggap-tanggap".

 Isinalaysay ni Muslim [1718]

Dapat natin tandaan kapag nakikita ang Hajar Aswad na ito ay dating puti ang kulay at pagkatapos ay naging itim dahil sa mga kasalanan ng mga angkan ni Adam, ayon sa Sugo ng Allah (sumakanya ang kapayapaan):

"Bumaba ang Hajar Aswad [batong itim] mula sa Paraiso na ang kulay nito ay mas maputi kaysa gatas subali't naging itim ito dahil sa mga kasalanan ng angkan ni Adam".
-Isinalaysay ni Tirmizi. 

Kaya ang aral na makukuha natin sa pangyayaring ito ay tiyak na nagdudulot ng masamang epekto sa mga puso ang mga nagagawang kasalanan gaya ng naidulot nito sa Hajar Aswad.
Sinabi ni Muhibbuddin At-Tabari tungkol sa Hajar Aswad: 

(Ang pananatili nitong itim- si Allah ang mas Nakaaalam- ay upang magsilbing babala at para maalaala at mabatid na ang mga kasalanan ay nagdulot ng epekto sa Hajar (Aswad) kaya mas matindi ang epekto nito sa mga puso). -Al-Qira [295]

Mula sa Aklat na " A'malul Qulub fil Hajj wal Umrah" ng may bahagyang pagbabago.


Nilikom ni : SALAMODIN D. KASIM

Talikuran ang Masamang Bisyo


Dito sa Mundo, maraming bagay ang tumutukso sa bawat tao, maraming bagay ang nagdudulot ng kanyang pagiging abala hanggang tuluyan ng malubog sa mga masasamang makamundong bagay o gawain at tuluyan naring talikurang ang mabubuting gawa at paglilingkod sa Panginoon. Sadyang marupok ang tao kaya madali lamang magapi ng demonyo o satanas at sinusunod ang mga bulong at udyok nito.

Ang bawat angkan ni Adam ay nagkakasala, hindi lingid sa ating kaalaman na ang tunay na ganap ay si Allah lamang at Sakdal samakatuwid, Siya lamang ang lubos na Perpekto; hindi nagkakamali. Sinabi ng Propeta Mohammad (salallaahu alaihi wasalam): 

"Ang bawat anak ni Adam ay nagkakamali at ang pinakamainam sa mga nagkakamali ay yaong mga nagsisibalik-loob (nagsisisi)". [Isinalaysay Tirmizi, Ibn Majah at Hakim]

Ayon sa Hadith na ito, dapat magbago ang bawat isa at magbalik-loob sa Allah dahil iyon ang pinakamainam sa lahat datapuwa't hindi matatawag na nagsisisi ang isang tao kung nananatili parin siyang gumagawa ng masamang gawain na dati ng ginagawa.
Marami tayong mga kapatid na mga bagong Muslim na noo'y kaliwa't kanan ang bisyo; babae, alak, barkada, kasiyahang labag sa batas ng Diyos, maling pinagkaka-kitaan at marami pang iba at pagkatapos nila yumakap sa Islam ay ganap nila itong tinalikuran at tuluyan ng kinalimutan –Alhamdulillah- alang-alang sa sa Allah – nawa'y tanggapin ng Allah ang ating pagbabalik-loob sa Kanya at pagsisisi.

Kaya aking Kapatid! Panahon na upang magbago at talikuran na ang masasamang bisyo dahil Muslim ka na ngayon, ang iyong pagbabalik-loob sa Allah ay Kanyang pinakamalaking biyaya para sa iyo.

Dapat nating malaman na mayroong tatlong kondisyon upang tanggapin ng Allah ang ating "Tawbah" o pagbabalik-loob sa Kanya, ito ang mga sumusunod:

1- Wagas at tunay na pagsisisi sa anumang nakaraang kasalanan.

2- Tuluyang pag-iwas at pagtalikod sa mga kasamaan at kasalanan.

3- Pagkakaroon ng makatotohanan at metatag na diterminasyon na hindi na ito muling uulitin at babalikan pa kailanman.

Ang tatlong bagay na ito ay may kinalaman sa mga karapatan lamang ng Allah sa Kanyang alipin at kapag ang nagawang masama ay may kinalaman sa karapatan ng kapwa-tao ay nangangailangan ng ika-apat na kondisyon upang katanggap-tanggap ang pagbabalik-loob sa Allah; ito ang:

4- Pagsauli sa anumang bagay na nakamkam o nadaya niya sa kanyang kapatid na mananampalataya, ang halimbawa nito ay kapag ninakaw niya ang kalabaw ng kapit-bahay ay dapat isauli at ibalik ito o bayaran ang halaga upang maging katanggap-tanggap ang pagbabalik-loob sa Allah.


Huwag tularan at gayahin ang ibang mga kapatid na patuloy parin sa masasamang bisyo, noon at hanggang ngayon ay lasenggo pa rin kahit siya'y isa ng Muslim, walang nagbago sa buhay at patuloy na nagpapadala sa tulak ng masisidhing hangarin at demonyo bagkus hindi pa rin ganap ang pagsasakatuparan ng "Salah" siya ay laging abala sa mga makamundong gawain na nagpipigil sa tao upang tuluyan ng talikuran ang pananampalataya –magpakupkop tayo sa Allah laban sa ganitong bagay. 

Tayo'y nangangamba na kahit ang pagdarasal (Salah) ay apektado at hindi tatanggapin ng Allah ang mga ito sapagka't isa sa mga tanda na nagpapatunay na ang pagdarasal ay katanggap-tanggap ay kapag nababago nito ang tao at napipigilan nito sa mga kahalayan at kasamaan ayon sa sinabi ng Allah sa Quran:

(إن الصلاة تنهى عن الفحشاء والمنكر). العنكبوت (45)

(Katotohanan, ang pagdarasal ay pumipigil sa mga kahalayan at kasamaan). [29:45]


Magbalik-loob sa Allah at panahon na upang talikuran ang masasamang bisyo habang nabubuhay may pag-asa kahit gaano kabigat ang iyong kasalanan sa Allah ay patatawarin niya ito lahat kapag tunay at wagas ang "Tawbah" at pagsisisi. Sinabi ng Allah sa Qur'an:

(قل يا عبادي الذين أسرفوا على أنفسهم لا تقنطوا من رحمة الله إن الله يغفر الذنوب جميعا). الزمر (53)

(Sabihin mo! O Aking mga lingkod na nagmalabis [sa paggawa ng mga kasalanan] laban sa kanilang mga sarili, huwag kayong mawalan ng pag-asa mula sa habag ng Allah. Katotohanan, pinatatawad ng Allah ang lahat ng kasalanan). [39:53]

At sinabi pa sa ibang taludtod:

(يأيها الذين آمنوا توبوا إلى الله توبة نصوحا عسى ربكم أن يكفر عنكم سيئاتكم ويدخلكم جنات تجري من تحتها الأنهار).التحريم (8)

( O kayong mga naniwala, magbalik-loob kayo sa Allah nang tapat na pagsisisi. Upang pawiin ng inyong Panginoon mula sa inyo ang inyong mga masasamang gawa, at kayo ay Kanyang papasukin sa mga Hardin na sa ilalim nito ay may mga ilog na umaagos). [66:8].

Samakatuwid, ang tunay at wagas na pagsisisi ay pagtalikod sa lahat ng labag sa Allah at mga masasamang bisyo.


Isinulat ni: Salamodin Kasim