Mula nang ang Kasalanang Idolatriya (pagsamba sa Huwad na Diyos) ay lumaganap sa pamayanan ng tao, ang Diyos na Tagapaglikha (Allah) ay nagsugo ng mga Propeta upang maituwid ang tao sa pagkalugmok sa kasalanan ng dahil sa maling pagsamba. Lahat ng Propeta na dumating sa mundong ito ay naghangad na hanguin ang sangkatauhan sa dilim ng Idolatriya tungo sa liwanag ng pagsamba sa nag-iisang Diyos batay sa prinsipiyong Tawheed (Pagkilala at Pagsamba sa Kaisahan ng Diyos).
الذين آمنوا ولم يلبسوا إيمانهم بظلم أولئك لهم الأمن وهم مهتدون. وتلك حجتنا ءاتيناها إبراهيم على قومه نرفع درجات من نشاء إن ربك حكيم عليم. ووهبنا له إسحاق ويعقوب كُلّاً هدينا ونوحا هدينا من قبل ومن ذريته داودَ وسليمان وأيوب ويوسف وموسى وهارون وكذلك نجزي المحسين. وزكريا ويحي وعيسى وإلياس كلٌ من الصالحين. وإسماعيل واليسع ويونس ولوطا وكلاً فضّلنا على العالمين.
“Sila na mananampalataya (sa Kaisahan ng Allah at sumasamba lamang sa Kanya) at hindi ipinaghahalo ang paglabag sa katarungan sa kanilang pananampalataya, ang mga iyon ay kanilang matatamo ang kapanatagan at sila ay napatnubayan. At ito ang patunay Namin na Aming ipinagkaloob kay Abraham laban sa kanyang mamamayan. Aming itinataas ang mga karangalan ng sinumang Aming naisin. Katiyakan, ang iyong Panginoon ay Matalino,(ang) Maalam.
At Aming ipinagkaloob sa kanya (Abraham) sina Isaak at Hakob, bawat isa sa kanila ay Aming pinatnubayan at nauna sa kanya, Aming pinatnubayan si Noah at mula sa kanyang mga lahing sina David, Solomon, Hob, Joseph, Moises, at Aaron. Ganito Namin ginagantimpalaan ang gumagawa ng kabutihan. At kay Zakariyah, at Juan at Hesus at Elias, bawat isa sa kanila ay nabibilang sa mga matutuwid. At sina Ismael at Elisha, at Jonah at Lot at bawat isa sa kanila ay Aming pinili ng higit sa mga nilalang (sa kanilang panahon).” [Qur’an 6:82-86]
Ang mga talata sa ibaba mula sa Banal na Qur’an ay mga patunay na ang mensahe ng mga Propeta at Sugo ay walang pagkakaiba sa pangunahing aral at katuruan ng mga ito sapagkat ang lahat ay nagmula sa Tanging Isang Manlilikha.
شرع لكم من الدين ما وصّي به نوحا والذين أوحينا إليك وما وصينا به إبراهيم وموسى وعيسى أن أقيموا الدين ولا تتفرقوا فيه كبُر على المشركين ما تدعوهم إليه الله يجتبي إليه من يشاء ويهدي من ينيب.
“Itinalaga Niya sa inyo ang relihiyong katulad ng itinagubilin Niya kay Noah at yaong ipinahayag sa iyo (O, Muhammad) at siya ring itinagubilin kay Abraham at Moises at Hesus (na nagsabing): “Itatag ninyo ang relihiyon at huwag maghiwa-hiwalay rito.” [Qur’an 42:13]
Sa kasaysayan ng mga Banal na Kasulatan na ipinahayag ng Tanging Isang Diyos, ang katotohanan ay nanatiling nakatala magdaan man o lumipas ang mahabang panahon. Magbalik tanaw at paghambingin ang mensahe ng mga Propeta at Sugo ng Diyos.
Ang Mensahe Ni Propeta Noah
Si Propeta Noah ay nanatiling nanawagan sa mga tao na sumamba lamang sa Panginoong Tagapaglikha hanggang umabot siya ng 950 taong gulang. Sa panahong yaon, ang mga tao ay sumasamba rin sa mga rebulto at istatwa na tinawag nilang mga diyos na nangangalang Wadd, Suwa, Yaghuth, Ya’uq at Nasr. Si Propeta Noah ay patuloy na nagtiis sa pagbibigay babala sa tao at nagwika:
قال يا قوم إني لكم نذير مبين. أن اعبدوا الله واتقوه وأطيعون.
“Sinabi niya ‘O, aking mamamayan Katotohanan, ako ay isang malinaw at maliwanag na Tagapagbabala (Sugo) sa inyo---Na inyong dapat sambahin (lamang) ang Allah. Matakot sa Kanya at ako ay inyong sundin.”
[Qur’an-71:2-3]
At dahil sa kawalan ng pananampalataya sa Tanging Isang Diyos, dumating ang delubyo (malaking baha) bilang parusa sa kanila at sila ay nilunod at pinangyaring mapasok sa Impiyerno. Ang Qur’an ay nagsabi:
“Dahil sa kanilang mga kasalanan, sila ay nilunod at pinangyaring mapasok sa Apoy. At wala silang matagpuang mga karamay bukod sa Allah.” [Qur’an-71:25]
Ang Mensahe Ni Propeta Abraham
Kung ano ang pangunahing aral ni Noah, ay siya ring aral na ipinamahagi ng mga sumunod na Propeta. Lagi at lagi nang nagsusugo ng Propeta ang Diyos na Makapangyarihan upang ang tao ay manatili sa pagkilala sa Kanya. Sa mahabang panahon ang Makapangyarihang Diyos ay binigyang patnubay ang sangkatauhan at hindi Niya hinayaang maligaw ng landas. Iminumulat ang tao sa malinis na pagsamba at pagkilala sa tunay na Diyos laban sa mga diyos-diyosan ng ginawa lamang ng sariling imahinasyong pag-iisip ng ilang taong naligaw ng landas. Si Propeta Abraham ay kinilala ng mga Hudyo, Kristiyano at maging ang mga Muslim bilang Ama ng Pananampalataya (Father of Faith in the Oneness of God). Sa kanyang panahon, ang mga tao ay muling sumamba sa mga istatwa o rebulto. Maging ang kanyang ama ay deboto sa mga istatwa o imahen. Minsan, kanyang pinagpapalakol ang mga rebulto at ang palakol ay isinandal niya sa malaking rebulto. Nang dumating ang mga taong sumasamba sa mga rebulto o istatwa, sila ay nagulat sa pagkakasira ng kanilang mga diyos. Kaagad nilang naisip si Abraham dahil lantaran itong sumasalungat sa pagsamba sa mga diyos-diyusan nila. Kaya tinanong nila si Propeta Abraham kung sino ang may kagagawan ng pagkawasak ng mga rebulto. Itinuro ni Propeta Abraham ang pinakamalaking rebulto at sinabing ang rebultong ito ang may kagagawan. Nagalit ang mga tao kay Propeta Abraham at siya ay iginapos at tinangkang sunugin. Paano nga namang magagawa ng isang rebultong walang buhay ang paninira sa ibang rebultong kasama nito? Ang pangyayari o kasaysayang ito ay isa lamang paraan upang magising at maimulat ang tao sa katotohanan na walang dapat sambahin kundi ang Tagapaglikha. Ang tunay na Diyos ay walang larawan at hindi maihahalintulad sa isang rebulto, imahen, istatwa o anupamang ginawa ng kamay ng tao. Na ang tao ay dapat talikdan ang pagsamba sa mga istatwa, rebulto, imahen, litrato, propeta o anupamang bagay na nilikha lamang at hindi makapagbibigay kapakinabangan sa kanila. Mula sa Banal na Qur’an, ito ay nagpahayag:
و إبراهيم إذ قال لقومه اعبدوا الله واتقوه
“At (tandaan), nang si Abraham ay magsabi sa kanyang mamamayan: Sambahin ang Allah (lamang) at magkaroon ng takot sa Kanya. Ito ay makabubuti sa inyo kung nalalaman lamang ninyo ito.”
[Qur’an-29:16]
“Ang tanging inyong sinasamba ay mga diyos-diyusang (rebulto at istatwa) lamang bukod sa Allah at kayo ay gumagawa ng isang kasinungalingan (at kapalaluan). Katotohanan, yaong sinasamba ninyo bukod sa Allah ay walang kapangyarihang makapagbigay ng inyong ikabubuhay. Kaya, humingi (lamang) ng ikabubuhay sa Allah at sambahin Siya lamang at maging mapagpasalamat sa Kanya. (Sapagkat) sa Kanya, kayo ay ibabalik.”
[Qur’an-29:17]
Ang Mensahe Ni Propeta Hakob
Ang aral ni Propeta Abraham ay siya ring aral na iniwan sa kanyang mga anak na sina Propeta Ismael at Isaak. Nang magkaanak si Isaak, na ang ngalan ay Hakob (Yakub), iniwan din ang pangunahing kautusang ito.
“O, kayo ba ay saksi nang si Hakob ay naghihingalo? Nang sabihin niya sa kanyang mga anak na lalaki, “Ano ang inyong sasambahin kung ako ay yumao? Sila ay nagsabi, “Aming sasambahin ang iyong Diyos—Allah, na (Siya ring) Diyos ng iyong mga ninuno na sina Abraham, Ismael, Isaak- Isang Diyos (lamang) at kami ay sumusuko sa Kanya.”
[Qur’an-2:133]
Ang Mensahe Ni Propeta Joseph (anak ni Propeta Hakob)
Ganito rin ang aral na iniwan ni Propeta Hakob (Hacob na tinawag na Israel) sa kanyang mga anak (12 tribes) kabilang si Propeta Joseph (Yusuf).
“At aking sinusunod ang relihiyon ng aking mga ninuno,--Abraham, Isaak at Hakob (at) hindi kami magbibigay ng anupamang katambal (sa pagsamba) sa Allah. At ito ay isang pagpapala mula sa Allah para sa amin at para sa Sangkatauhan nguni’t karamihan sa tao ay walang pasasalamat.”
[Qur’an-12:38]
Ang Mensahe Ni Propeta Elijah (Elias)
Ang mga sumunod pang mga lahi ay ganoon din ang aral katulad ni Propeta Elias. Matutunghayan sa Banal na Qur’an ang paanyaya at babala niya sa tao na:
“At Katotohanan, si Elias ay isa sa mga isinugo. Nang siya ay nagsabi sa kanyang mamamayan; ”Kayo ba ay walang takot (sa Allah)? Dadalangin ba kayo kay Ba’l (diyus-diyosan sa kanilang lugar) at itatakwil ang pinakamahusay sa mga tagapaglikha? Ang Allah ang inyong Panginoon at Panginoon ng inyong mga naunang ninuno.”
[Qur’an-37:123-126]
Ang Mensahe Ni Propeta Moises
Mula sa aklat na ipinagkaloob ng Diyos (Allah) kay Moises na tinatawag na Torah (Tawrah sa Arabik) at maging sa SAMPUNG KAUTUSAN (Ten Commandments of God) na magpahanggang ngayon ay kinikilala at ibinabantayog ng mga Hudyo at mga Kristiyano, ang pangunahing Kautusan ay IBIGIN MO ANG DIYOS NG HIGIT KANINUMAN. At ang pag-ibig sa Diyos ang siyang diwa ng ganap at wagas na pagsamba sa Nag-iisang Diyos (Allah) na Siyang may likha sa lahat ng bagay. Si Moises ay matibay na inihayag ang pangunahing kautusan mula sa Bibliya at nagsabi:
“Pakinggan mo O Israel, Ang Panginoong Diyos ay Isang Panginoon. At inyong mahalin ang inyong Panginoon ng buong puso, ng buong kaluluwa at buong lakas.” [Deuteronomy-6:5]
Ang kasaysayan ni Paraon ay hindi kukupas at laging mananatili sa kaisipan ng bawat tao. Si Paraon ay isang hari sa Lumang Ehipto (Egypt). Itinuring niya ang kanyang sarili bilang diyos at panginoon ng mga taong sinasakupan niya. Siya ay mapagmataas at walang kinikilalang diyos maliban sa kanyang sarili. Ang Banal na Qur’an ay nagsalaysay tungkol kay Paraon:
“At si Paraon ay nagsabi: O! aking mga tagapamahala, wala akong nalalaman (o kinikilalang) iba pang diyos para sa inyo maliban sa akin. Kaya’t magpaningas ka para sa akin, O Haman ng apoy sa luwad ( batong tisa) at ipagpatayo mo ako ng isang mataas (matayog) na palasyo (tore) upang aking matanaw ang Diyos ni Moises at tunay na ako ay nagtuturing na siya (Moises) ay kabilang sa mga sinungaling.”
[Qur’an-28:38]
Ang pagbibigay babala ni Propeta Moises ay nagpatuloy hanggang magpakita ito ng mga himala upang patunayan nito kay Paraon na mayroong isang tunay na Diyos (Allah) na dapat kilalanin at sambahin. Ngunit, si Paraon ay mapagmataas at matigas ang puso at kalooban. Bagamat ang kanyang sariling mga salamangkero (magician) ay pakumbabang tinanggap ang himalang ginawa ni Moises sa kapahintulutan ng Allah, si Paraon ay nanatiling matibay sa kanyang paniniwala na siya lamang ang diyos na dapat kilalanin ng kanyang mga tauhan. At dahil nga sa kalupitan niya sa mga kasamahan ni Moises, nagpasiya ang mga ito na lumikas at mangibang bayan kasama si Moises. Sa patnubay ng Allah, sila ay inutusan na tahakin ang karagatan na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Allah, ang dagat ay nahawi at nahati at naging isang daan ito sa pagtakas patungong ibayong lugar. Hinabol ni Paraon at ng kanyang mga tauhan ang mga kasamahan ni Moises. Ngunit sa kapangyarihan ng Allah, si Paraon at ang kanyang mga tauhan ay inagaw ng malalaking alon. Ang kasaysayang ito ay pinatunayan ng Banal na Qur’an.
“At Aming hinablot siya (Paraon) at ng kanyang mga kawal at inihagis sa karagatan (at pinangyaring malunod) Kaya’t pagmasdan kung paano ang nagiging wakas (kahihinatnan) ng mga makasalanan.”
[Qur’an-28:40]
Nang si Paraon ay malulunod na, siya ay nagsisi at ang pangyayaring ito ay ipinahayag ng Banal na Qur’an na nagwikang:
“Siya (Paraon) ay nagsabi: ‘Ako ay naniniwala na walang diyos (na dapat sambahin) maliban (sa Allah) --- na Siyang pinaniniwalaan ng mga Angkan ni Israel, at ako ay isa sa mga Muslim ---- sumusuko sa Kalooban ng Allah.”
[Qur’an-10:90]
Ngunit ang pagsisisi ni Paraon ay huli na sapagkat ang kamatayan ay naitakda na sa kanya. Ang Banal na Qur’an ay nagsabi:
“Ngayon pa, samantalang sumuway ka noon at ikaw ay kabilang sa mga gumagawa ng katiwalian.”
[Qur’an-10:91]
“Kaya sa araw na ito, Aming iaahon (dadalhin) ang iyong bangkay (mula sa karagatan) upang ikaw ay maging palatandaan (o maging aral at babala) sa mga darating pang lahi pagkalipas mo. Katotohanan, marami sa sangkatauhan ang hindi nagbigay pansin sa Aming mga palatandaan (o babala).”
[Qur’an-10:92]
Maging sa kasalukuyang panahon, ang bakas ng kasaysayan ni Paraon ay makikita pa rin sa makabagong Ehipto. Ang patay na katawan ni Paraon at ng ilang mga kasamahan ay makikita sa mga museleo ng Ehipto. Sa mga Archeological sites laging natatagpuan ang ilang labi ng kaharian ni Paraon at ng ilang bangkay ng kanyang mga kasamahan. Ito ay isang patunay lamang kung ano ang sinabi ng Allah mula sa Banal na Qur’an na binanggit sa itaas. Kahit lumipas pa ang libo-libong taon, ang bangkay ni Paraon ay mananatiling isang naiwang babala para sa sangkatauhan. Ipagpatuloy natin ang ginawang pagpapakasakit ni Propeta Moises pagkaraan lumikas sila sa kamay ni Paraon tungo sa ibang pook. Tunghayan ang paksang “Pagsamba sa Baka” bilang karugtong ng kasaysayan ni Propeta Moises at ng kapatid niyang si Propeta Aaron.
Ang Mensahe Ni Propeta Hesus
Ang mensahe ni Hesus ay walang pagkakaiba sa mensaheng dala ng mga Propetang nauna sa kanyang kapanahunan. Hindi ito sumasalungat sa pundamental na aral ng lahat ng Propeta. Halimbawa: Sa Bibliya (Bagong Tipan), si Hesusu ay nagbigay aral din sa Unang Kautusang (pagsamba sa iisang Diyos) ito at nagwikang:
Markus-12:29 “Pakinggan mo O, Israel. Ang Panginoon nating Diyos ay Isang Panginoon. At iyong mahalin ang iyong Panginoong Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, ng buong isip at ng buong lakas.”
Mula naman sa pahina ng Huling Kapahayagan- ang Qur’an matutunghayan din ang tunay na mensaheng dala-dala ni Hesus. Minsan, ang isang disipulo ni Hesus ay nagtanong sa kanya. Ano ba ang pang-ulo (pangunahing) kautusan? Si Hesusu ay nagsabi:
“Katotohanan, ang Allah ang aking Rabb (Panginoon) at inyong Rabb (Panginoon) kaya’t Sambahin Siya. Ito ang matuwid na landas.”
[Qur’an-3:51]
“At nagsabi ang Mesiyas:’O, angkan ng Israel, Sambahin ang Allah, na aking Panginoon at inyong Panginoon. Katotohanan! Ang sinumang nagtatambal sa Allah, ang paraiso ay ipagkakait sa kanya. At ang apoy ang kanyang tirahan”
[Qur’an-5:72]
At maging sa Bibliya, nang tanungin si Hesus ng kanyang mga disipulo tungkol sa buhay na walang hanggan, siya ay nagwika:
Juan-17:3 “At ito ang buhay na walang hanggan, na inyong makilala ang Nag-iisang tunay na Diyos, at si Hesus na Kanyang isinugo.”
Tunay nga na ang kaligtasan ng tao ay nakasalalay sa pagsamba sa nag-iisang Diyos katulad ng katotohanang inihayag ni Hesus sa kanyang mga disipulo.
Ang Mensahe Ni Propeta Muhammad (Sallallaahu Alaihi Wasalam)
Sa panahon ni Propeta Muhammad (Sallallaahu Alaihi Wasalam) bago pa man dumating ang Relihiyong Islam, ang Ka’bah-sentro ng pagsamba ay napapaligiran ng iba’t-ibang istatwa, imahen, larawan ng mga hayop, at iba pa. Ang mga arabo sa panahong yaon ay nagtayo sa kanilang mga sarili ng kanya-kanyang diyos na inaalayan ng iba’t ibang uri ng pag-aalay. Ngunit ng dumating ang Kapahayagan ng Diyos (ang Qur’an) na nag-utos na talikdan ang pagsamba sa iba’t ibang diyos diyosan, ang Ka’bah ay naging malinis sa anupamang uri ng Idolatriya. Silang mga arabo ay nagising sa katotohanan na walang ibang diyos na dapat sambahin kundi ang Allah. Ang Allah, ang Makapangyarihan ay nag-utos kay Propeta Muhammad (Sallallaahu Alaihi Wasalam) mula sa Banal na Qur’an:
“Sabihin mo (Muhammad):‘O Sangkatauhan! Katotohanan, ako ay isinugo sa inyong lahat bilang Sugo ng Allah Na Siyang nagmamay-ari ng Kapamahalaan ng mga Kalangitan at ng Kalupaan. Walang ibang diyos (na dapat sambahin) maliban sa Kanya, Siya ang nagbibigay buhay at kamatayan. Kaya’t maniwala sa Allah at sa Kanyang Sugo.”
[Qur’an-7:158]
“At Siya ang Allah, walang ibang diyos (na dapat sambahin) maliban sa Kanya. Ang Papuri at pasasalamat ay sa Kanya (lamang) sa mundong ito at sa Kabilang buhay. At sa Kanya ang kapasiyahan, at sa Kanya kayo ay ibabalik ( lahat).”
[Qur’an-28:70]
Source: http://www.s-alshuraym.com
Source: http://www.s-alshuraym.com