1- Ang kahulugan ng Jihad
2- Ang Antas ng Jihad sa Islam
3- Mga kabutihan ng Jihad sa islam
4- Mga Layunin ng Jihad
5- Ang masamang dulot ng pagtalikod sa Jihad
6- Mga Uri ng Jihad
7- Ang Kaibahan ng Jihad at Terorismo
ANG KAHULUGAN NG JIHAD
Ang letiral ng kahulugan ng "Jihad" ay: Pagpupunyagi at pagsisikap.
Madalas binabaluktot ng marami ang kahulugan ng salitang "Jihad" at yaong iba ay mali ang pagkakaunawa sa tunay na kahulugan ng salitang ito na siyang nagiging sanhi ng imahe ng Islam at mga Muslim sa buong mundo lalo na pagkatapos ng nangyari pagsabog sa World Trade Center sa bansang amerika noong Setyembre 11, 2001 kaya pilit na baluktutin ng mga galit sa Islam ang salitang ito upang ikabit sa lahat ng nangyayaring terorismo sa buong Mundo, kaya ang akala ng mga tao ito ay isang banal na digmaan o pagpatay at pagkitil ng maraming buhay. Samakatuwid, isa ito sa pinakamaling pang-unawa sa mga islamikong salita
Ang literal ng kahulugan ng "Jihad" ay: Pagpupunyagi at pagsisikap.
At ang Islamikong kahulugan nito ay: "Pagpupunyagi at pagsisikap sa landas ng Allah at pakikipaglaban sa landas ng Allah upang ipagtanggol ang Kanyang Relihiyong Islam maging ang lugar o bansa ng mga Muslim laban sa mga kaaway nito at mang-aapi.
Ang "Jihad" ay nangangahulugan din ng pagpipigil sa sarili mula sa mga labag sa batas ng Allah at upang mapanatili ito sa pagsunod sa Kanya –Ang Kataas-Taasan-, pagsisikap at pagpupunyagi upang ipalaganap ang katotohanan at mangibabaw ang salita ng Allah at pakikipaglaban din sa mga taong sumisira at humaharang sa landas ng Allah.
ANG ANTAS NG JIHAD SA ISLAM
Ang Jihad [pagpupunyagi sa landas ng Allah] ay isang uri ng pagsamba at pagsunod sa Allah at siyang taluktok ng Islam at lakas nito katulad ng sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]:
( Ang Ulo ng [lahat ng] bagay ay Islam at ang haligi nito ay Salah [pagdarasal] at ang taluktok nito ay Jihad [pakikibaka] sa landas ng Allah). - Isinalaysay ni Ahmad, Tirmizi, Nasai at Ibn Majah.
Maraming taludtod at talata mula sa Qur'an at Hadith ng Propeta [sumakanya ang kapayapaan] ang naghihikayat tungo sa pagpupunyagi sa landas ng Allah, kaya may mga ilang iskolar na itinuring ito bilang isa sa mga haligi ng Islam katulad ng sinabi ni Shiekh Mohammad bin Abdullatif:
"At ang Jihad ay isa sa mga haligi ng Islam hindi pagiging matuwid at pananatili para sa Islam at maging sa mga batas nito maliban sa pamamagitan ng "Jihad".
MGA KABUTIHAN NG JIHAD SA ISLAM
Katotohanan, ang Jihad ay isa sa pinakamainam na uri ng pagsamba sa Allah at pagpapalapit sa Kanya -katulad ng ating nabanggit- bagkus ito ang siyang pinakamainam pagkatapos ng mga obligasyon ng isang Muslim sapagka't sa pamamagitan nito naipagtatanggol ang mga naaapi, nangingibabaw ang Salita ng Allah at malayang naipapalaganap ang katuruan ng Islam ng walang humahadlang, naihahatid ang mga tao sa liwanag mula sa kadiliman.
Maraming talata mula sa Qur'an na nagbabanggit sa maraming kabutihan ng "Jihad" para sa mga mananampalataya dito sa Mundo at Kabilang-buhay, kabilang na dito ang sinabi ng Allah sa Qur'an:
((Humayo kayong magsilakad, maging kayo man ay magaan o mabigat , at magpunyagi [makibaka] kayo sa pamamagitan ng inyong mga yaman at inyong mga sarili sa landas ng Allah. Iyan ay makabubuti para sa inyo kung inyo lamang nababatid [ang kahalagahan ng pagpupunyagi sa landas ng Allah])). [Tawbah:41]
At sinabi Niya sa ibang talata:
(( katotohanan, binili ng Allah sa mga naniniwala ang kanilang mga sarili at kanilang mga yaman kapalit ng Paraiso na mapapasakanila. Sila ay nakikipaglaban sa Landas ng Allah, kaya sila ay pumapatay at sila ay napapatay [sa panahon ng pakikibaka]. Ito ay isang tunay na pangakong nakaatang sa Kanya sa Torah [ni Moises] at sa Ebanghelyo [ni Hesus] at sa Qur'an. At sino baa ng tapat sa pangako [kasunduan] na nakahihigit kaysa sa Allah?! Kaya, magsipagdiwang sa inyong bilihan na inyong binili, at iyan ang dakilang tagumpay)). [Tawbah:111]
At marami pang ibang taludtod mula sa Qur'an na nagpapatunay sa mga kabutihan ng "Jihad" sa landas ng Allah. Marami din naipahayag ang Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan] tungkol sa mga kabutihan ng pagpupunyagi at pakikibaka sa landas ng Allah, kanyang sinabi:
(Ang Ribat [pagbabantay] sa landas ng Allah ay mas mainam kaysa Mundo at nilalaman nito)
Isinalaysay ni Bukhari at Muslim
At si Abu Hurairah [sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah] ay nag-ulat: sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]:
(Ang Mujahid [nakikibaka sa landas ng Allah] – ang Allah ang nakakaalam kung sino ang tunay na nakikibaka sa Kanyang landas- ay katulad ng nag-aayuno at itinataguyod ang gabi datapuwat ginagarantiya ng Allah para sa taong nakikibaka [Mujahid] na siya'y papasukin sa Paraiso kapag siya ay namatay o maayos Niyang pabalikin [sa kanyang pamilya] na may kasamang gantimpala o labi [nakuha] sa panahon ng digmaan). Isinalaysay ni Muslim
At sa isa pang ulat ni Abu Hurairah [sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah], : sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]:
(Walang sinumang nasusugatan sa landas ng Allah kundi, darating siya sa Araw ng Muling Pagkabuhay na ang kanyang sugat ay nagdurugo, ang kulay nito ay kulay ng dugo subali't ang amoy ay amoy ng [pabangong] misk). Bukhari at Muslim
At minsan tinanong ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan] kung anong gawain ang pinakamainam? Kanyang sinabi:
(Ang paniniwala sa Allah at sa Kanyang Sugo, sinabi nila: " at pagkatapos ay ano pa?, kanyang sinabi:
"Ang "Jihad" sa landas ng Allah, at sinabi nila: at pagkatapos ay ano pa? kanyang sinabi:" Ang katanggap-tanggap na pagsasagawa ng Hajj"). Bukhari at Muslim
At sa pagsasalaysay ni Imam Al-Bukhari, katotohanan sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]:
( Katotohanan, mayroon sa Paraiso ang isandaang antas na inihanda ng Allah para sa mga nakikibaka sa landas ng Allah; ang pagitan ng dalawang antas ay katulad ng pagitan ng langit at lupa, kaya kapag humiling kayo sa Allah ay hilingin ninyo sa Kanya ang "Firdaus" sapagka't ito ang nasa gitna ng Paraiso at dito nagmumula ang mga ilog ng Paraiso at sa taas nito ang "Arsh" [Trono] ng Mahabagin). At marami pang ibang Hadith na nagpapatunay nito.
MGA LAYUNIN NG JIHAD
Ang Jihad [pagpupunyagi sa landas ng Allah] ay isang dakilang pagsamba at ito ay itinagubilin at isinabatas ng Islam dahil sa mga dakilang layunin at hindi lamang upang pumatay, kumitil ng buhay at manggulo, ito ay ang mga sumusunod:
1- Upang magabayan ang sangkatauhan tungo sa katotohanan, upang masamba lamang si Allah ng walang katambal at ang Kanyang Relihiyon ang siyang mangibabawa sa lupa. sinabi ng Allah:
((At kayo ay makipaglaban sa kanila hanggang maglaho ang Fitnah [pag-usig, kasamaan, pagtatambal sa Diyos] hanggang Relihiyon [pagsamba] , ang lahat ng ito ay para sa Allah lamang)). [Al-Anfal: 39].
2- Upang maipagtanggol ang mga naaapi at mga dinadaya, sinab ng Allah: ((At ano ba ang nangyayari sa inyo at kayo ay hindi makipaglaban sa landas ng Allah at para maipagtanggol ang mga inalipusta mula sa mga kalalakihan, kababaihan at mga batang nagsasabing:" Aming Panginoon, Ilayo Mo po kami sa bayang ito na ang mga mamamayan nito ay di-makatarungan at italaga Mo po para sa amin mula sa Iyo ang isang tagapangalaga at italaga Mo po sa amin mula sa Iyo ang isang makatutulong )). [An-Nisa: 75].
3- Pangangalaga sa Pananampalatayang Islam at pagtatanggol sa mga lugar, dangal, mga yaman at mga sarili ng mga Muslim bagkus obligado sa mga Muslim na ipagtanggol ang lahat ng ito. Sinabi ng Allah :
((kaya sinuman ang sumalakay sa inyo, siya ay inyong salakayin tulad ng kanyang ginawang pananalakay sa inyo)). [Al-baqarah:195].
At sinabi ng Allah sa ibang talata: ((At makipaglaban kayo sa landas ng Allah laban sa mga nakikipaglaban [umuusig] sa inyo subali't huwag kayo lumabag sa hangganan. Katotohanan, hindi minamahal ng Allah ang mga mapanlabag)). [Al-Baqarah: 190].
ANG MASAMANG DULOT NG PAGTALIKOD SA JIHAD
Maraming masamang naidudulot ang pagtalikod ng mga Muslim sa "Jihad" dito sa mundo at kabilang-buhay. Dito sa Mundo laging naaapi ang mga taong duwag at inaalipin, inaapak-apakan lamang ng iba, sunod-sunuran lamang sa mga taong malalakas na mang-aapi at sa Kabilang-buhay ay kaparusahan ang naghihintay sa mga taong tumatalikod sa pagpupunyagi at pakikibaka sa landas ng Allah.
Sinabi ng Allah sa Qur'an:
((At gumugol kayo sa landas ng Allah at huwag ninyo isadlak ang inyong sariling mga kamay sa kapariwaraan [kapahamakan] sa pamamagitan ng pag-iwas o pagkakait. At gumawa kayo ng kabutihan. Tunay na ang Allah ay Nagmamahal sa mga mapaggawa ng kabutihan)). [Al-Baqarah:195]
Ayon kay Abu Ayyub Al-Ansari [ kalugdan nawa ng Allah]:"Ang kahulugan ng "Kapahamakan" sa taludtod na ito ay pagtalikod sa "Jihad". Isinalaysay ni Tirmizi at Itinumpak ni Albani
Sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]: (Kapag kayo ay nagpapatuloy sa transaksyon ng "Riba" [patubuan] at ang hawak-hawak lamang ay buntot ng baka at nalugod na kayo sa pagsasaka lamang at tatalikuran ninyo ang "Jihad" [pagpupunyagi/pakikibaka]; igagawad sa inyo ng Allah ang Kaaba-aba sa kahihiyan [kapahamakan] at hindi ito tatanggalin [mula sa inyo] maliban kung kayo ay manumbalik sa inyong Relihiyon, hindi ito tatanggalin [mula sa inyo] maliban kung kayo ay manumbalik sa inyong Relihiyon, hindi ito tatanggalin [mula sa inyo] maliban kung kayo ay manumbalik sa inyong Relihiyon). Isinalaysay ni Abu Dawud at Ahmad
- Ang pagtalikod sa "Jihad" ay nagiging dahilan ng pagbaba ng kaparusahan ng Allah dito sa Mundo at sa Araw ng Paghuhukom:
Sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]: ( Ang sinumang hindi nakibaka [sa landas ng Allah] o hindi man lang naghanda [ng tulong] para sa nakikibaka, o naghandog ng kabutihan sa pamilya [ng nakikibaka]; dadatal sa kanya ang biglaang kapahamakan bago ang Araw ng Paghuhukom). Isinalaysay ni Abu Dawud
At sinabi ng Allah sa Qur'an:
((O kayong mga naniwala, ano ba ang nangyayari sa inyo, na kapag kayo ay pinagsabihang humayo sa landas ng Allah kayo ay mahigpit na nagunguyapit sa lupa? Kayo ba ay nasisiyahan sa buhay sa Mundong ito nang higit kaysa kabilang buhay? Subalit ano ang kasiyahan ng buhay sa Mundong ito kung ihahambing sa kabilang buhay maliban sa napakaliit na kasiyahan lamang, kung kayo ay hindi humayo [upang makipaglaban], kayo ay Kanyang paparusahan ng mahapding parusa at kayo ay papalitan ng ibang mamamayan bukod sa inyo; at Siya ay hindi ninyo maaaring pinsalain sa anupaman sapagka't ang Allah ay may Ganap na kakayahan sa lahat ng bagay)). [At-Tawbah: 38-39].
MGA URI NG JIHAD
1- JIHADUN NAF'S: Ang pagpupunyagi at pagsisikap upang ituwid ang sarili at ilayo sa anumang ipinagbabawal ng Allah; pagsisikap upang matutunan ang tamang katuruan ng Islam at isabuhay, ipalaganap ang anumang natutunan. Ito rin ay pakikibaka laban sa masasamang isipan, hangarin at kasakiman. Ang uri ng "Jihad" na ito ay "Wajib" o obligado sa bawat mananampalataya at sinumang ang hindi ito maisakatuparan ay tunay na mapabilang sa mga talunan sa Mundo at Kabilang buhay.
Sinabi ng Allah sa Qur'an:
((At yaong mga nagpunyagi –sa Aming landas- katiyakan, sila ay Aming papatnubayan tungo sa Aming landas. At katotohanan, ang Allah ay nasa panig ng mga mapaggawa ng kabutihan)). [Al-Ankabut:69].
2- JIHADUS SHAYTAN: Ang pagpupunyagi at pagsisikap upang labanan ang anumang bulong ng Satanas o Shaytan at upang mahadlangan siya sa kanyang layunin na iligaw ang angkan ni Adam [sumakanya ang kapayapaan] sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila tungo sa kasakiman at kahalayan at upang magkaroon ng pag-aalinlangan sa pananampalataya. Ito ay " Wajib" o Obligado rin sa bawat mananampalataya upang hindi masadlak sa kasalanan at tuluyang maligaw ng landas.
Sinabi ng Allah: ((at huwag kayo sumunod sa mga yapak ng Satanas. Katotohanan, para sa inyo, siya ay isang hayag na kaaway)). [Al-Baqarah:208]
At sinabi rin ng Allah: (( Katotohanan, Ang satanas ay isang kaaway para sa inyo, kaya siya ay ituring ninyo bilang isang kaaway. Siya ay nag-aanyaya lamang sa kanyang mga kampon upang sila ay maging kabilang sa mga maninirahan ng naglalagablab na Apoy sa Impiyerno)). [Fatir: 06].
3- JIHADUL KUFFAR: Ang pagpupunyagi at pagsisikap upang iparating sa mga di-Muslim ang pananampalatayang Islam sa pamamagitan ng salita o pagpapaliwanag o pagsusulat ng aklat upang sila'y hikayatin sa Islam. Ito rin ay pakikibaka sa landas ng Allah upang ipagtanggol ang Islam at mga Muslim laban sa mga "Kuffar" o di-Muslim na mang-aapi, mananakop at humaharang sa landas ng Allah sa pamamagitan ng lakas, salita, yaman o puso. Ang pakikibaka laban sa mga "Kuffar" sa pamamagitan ng lakas ay "Far'd Kifayah" o Obligado sa iilang Muslima lamang at kapag nagawa nila ito ay sapat na at hindi na magkakasala ang buong sambayanang Muslim nguni't kapag walang ni isang Muslim ang nagsagawa nito ay magkakasala ang buong samabayang Muslim.
Sinabi ng Allah sa Qur'an: ((O Propeta, ika'y magpunyagi [makipaglaban] sa mga di-naniniwala at sa mga mapagkunwari at ika'y maging mahigpit sa kanila)). [Tahrim:09]
Sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]:
(Makipaglaban kayo sa Ngalan ng Allah, at para sa landas ng Allah, at huwag kayo sisira sa anumang napagkasunduan, huwag mamutol ng anumang bahagi ng katawan at huwag paslangin ang mga bata…). Isinalaysay ni Muslim
At sinabi rin ng Allah: (( Silang mga naniwala [sa Allah at sa Kanyang Sugo] at nagsilikas at nagpunyagi [nakibaka] sa landas ng Allah sa pamamagitan ng kanilang yaman at ng kanilang mga sarili, sila ay nakahihigit sa antas ng karangalan sa paningin ng Allah. Sila yaong mga nagkamit ng dakilang tagumpay)). [Tawbah: 20]
ANG JIHADUL KUFFAR SA PAMAMAGITAN NG LAKAS AY NAGIGING "FARDU AYN" O OBLIGADO SA LAHAT NG MUSLIM SA APAT NA PAGKAKATAON:
1- Kapag nasaksihan ng isang Muslim ang digmaan ay obligado sa kanya ang Jihad na ito.
2- Kapag napasok ng mga kaaway o napalibutan nila ang lugar ng mga Muslim; nararapat na ipagtanggol ng mga Muslim ang kanilang lugar.
3- Sinuman ang inutusan ng Lider ng mga Muslim upang lumahok sa digmaan ay obligado siyang sumunod at obligado sa kanya ang Jihad na ito.
4- Kapag kailangan ang isang Muslim sa panahon ng digmaan upang isagawa ang isang gawain na walang nakakaalam nito maliban sa kanya, magkagayun, obligado sa kanya ang jihad na ito.
Sinabi ng Allah sa Qur'an:
((O kayong mga mananampalataya, kapag inyong makatagpo yaong mga di-naniniwala na sumasagupa [sa labanan], huwag ninyo ibaling sa kanila ang inyong mga likuran [sa pagtakas], at sinuman ang bumaling ng kanilang mga likuran sa gayong araw, maliban sa pagtalilis [bilang estratehiya] sa paglaban o pag-anib [sa ibang kasamahan]- katiyakang kanyang isinuong ang kanyang sarili sa poot na mula sa Allah. At ang kanyang mapupuntahan ay Impiyerno at sadyang napakasamang patutunguhan)). [Al-Anfal: 15-16]
4- JIHADUL MUNAFIQIN: Ang pagpupunyagi at pagsisikap upang hadlang ang masamang hangarin ng mga "Munafiq" laban sa Islam at mga Muslim. Ang "Munafiq" ay yaong taong ikinukubli ang kawalan ng pananampalataya sa Allah subali't ipinapahayag na siya ay tunay ng Muslim; nagpapanggap na Muslim nguni't kumukulo ang dugo dahil sa poot at galit sa Islam kaya nagsusumikap din upang sirain ang Islam ng palihim.
Ito ang iba't ibang uri ng "Jihad" na dapat isakatuparan ng isang Muslim upang mapasakanya ang napakalaking gantimpala mula sa Allah at upang malayo sa Kanyang kaparusahan.
Sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]:
(Sinuman ang namatay na hindi man lang nakipaglaban [sa landas ng Allah] ni hindi man lang nagkaroon ng layunin upang makibaka [sa landas ng Allah]; siya'y namatay na nasa katayuan ng isang uri ng pagkukunwari [Nifaq]). Isinalaysay ni Muslim
ANG KAIBAHAN NG JIHAD AT TERORISMO
Ang kahulugan ng Terorismo ay pananakot, panggugulo at paghahatid ng lagim sa mga tao at saklaw nito ang pagpatay at pagsasagawa ng mga krimen, ayon sa Wikipedia:
"Ang Terorismo o panliligalig ay ang paggamit ng dahas bilang anyo ng pagpilit. Sa kasalukuyan, walang pinagkakasunduang iisang depinisyon ng salita…subali't maaaring ilarawan ang Terorismo bilang isang sistematiko o masistemang paggamit ng pananakot o paninindak [malaking takot] upang makamit ang mga layunin".
Maraming tao na itinuturing ang Jihad at Terorismo bilang iisang bagay lamang ngunit ang katotohanan ay hindi, samakatuwid ang mga taong naniniwalang ito ay iisa lamang ay tunay na mahina ang pang-unawa sa kahulugan ng dalawang salitang ito sapagkat ang pagpatay ng mga enosente ay taliwas sa katuruan ng Islam kaya bago husgahan ang Islam ay pag-aralan muna ito upang lubos na maunawang ang mga katuruan nitong hindi nauunawaan ng karamihan.
Kaya sa kahulugan pa lang mapapansin na natin ang malaking kaibahan ng "Jihad" at "Terorismo" sapagka't ang mga taong Terorista ay gumagamit ng dahas,naninindak at nangugulo upang makamit nila ang kanilang layunin at masamang balak taliwas ito sa mga "mujahideen" o mga taong nakikibaka at nagpupunyagi sa landas ng Allah kung saan kanilang ipinagtatanggol ang kanilang pananampalataya, mga karapatan, mga naaapi at upang hadlangan ang mga mang-aapi at mga sakim datapuwa't upang maipalaganap ang tunay na katuruan ng Islam at mailabas ang sangkatauhan mula sa kadiliman tungo sa liwanag ng pananampalatayang Islam at upang magkaroon ng malawakan at pang-matagalang kapayapaan sa lupa. katunayan, matinding ipinagbabawal sa islam ang paninindak at pagpatay ng hindi karapat-dapat kaya sinabi ng Allah sa Qur'an:
(( Sanhi niyan, Aming itinagubilin sa mga Angkan ng Israel na sinuman ang pumatay ng isang tao na hindi naman para sa [pagganti ng ]isang tao [na pinatay nang di-makatarungan] o para sa ginawang katiwalian [kasamaan] sa kalupaan- ito ay katumbas na rin ng kanyang pagpatay sa buong sangakatauhan, at sinuman ang nagligtas ng isang buhay, ito ay katumbas ng kanyang pagligtas sa buhay ng buong sangkatauhan.)) [Maidah:32]
Sa Islam, ang pagpatay ng anak sanhi ng pangamba baka hindi kayang tustusan ay ipinagbawal ng Allah, pagpatay pa kaya ng iba ng di-makatarungan, sinabi ng Allah sa Qur'an: ((Huwag ninyo patayin ang inyong mga anak sanhi ng kahirapan)). [ Al-An'am:151]
Isinulat ni: UST. SALAMODIN D. KASIM
No comments:
Post a Comment