Sunday, July 24, 2016

Pag Gamit ng Apelyido ng Asawang Lalake bawal nga ba sa Islam?

HINDI IPINAGBABAWAL SA ISLAM NA GAMITIN ANG APELYIDO NG ASAWA…ALAMIN KUNG BAKIT?

Bismillahir Rahmanir Raheem…

Ang lahat ng Papuri ay para lamang kay Allah at nawa'y ang Kanyang pagbati at kapayapaan ay maitampok sa Huling Sugo at Propetang Mohammad, sa kanyang mga mag-anak, kasamahan at lahat ng tumahak ng tuwid na landas hanggang Huling Araw.


Sinabi ng Allah sa Qur'an: 

(ادعوهم لأباءهم هو أقسط عند الله فإن لم تعلموا آباءهم فإخوانكم في الدين ومواليكم...) الأحزاب: 5

" Tawagin ninyo ang inyong mga inampon sa pangalan ng kanilang ama, at ito ay mas makatarungan at matuwid para sa Allah at kapag hindi ninyo kilala ang kanilang mga tunay na ama ay tawagin ninyo sila bilang mga kapatid sa Islam kung saan dito kayo nagkaisa dahil sila ay kapatid ninyo sa pananampalataya at katulad ng inyong pinalayang alipin".

[Al-Ahzab:05]

At sinabi ng Propeta (Sumakanya nawa ang kapayapaan) sa Hadith:

(( Sinuman ang angkinin na ama ang hindi niya tunay na ama o hindi tunay na nagpalaya sa kanya ay mapapasakanya ang sumpa ng Allah at mga Anghel at lahat ng mga tao; hindi tatanggapin ng Allah mula sa kanya sa Araw ng Muling pagkabuhay ang anumang mabuting gawa)). 

[Isinalaysay ni Muslim] 

At sinabi rin sa isa pang Hadith: 

(( Sinuman ang angkining ama ang hindi niya tunay na ama samantalang alam niya na hindi niya tunay na ama; magkagayun ang Paraiso ay ipagkakait sa kanya)). 

[Isinalaysay ni Bukhari at Muslim]

Malinaw sa "Ayah" at Hadith na nabanggit na ipinagbabawal sa Islam na angkinin ng isang Muslim na ama niya ang hindi niya tunay na ama katulad ng nangyari sa Propeta (Sumakanya nawa ang kapayapaan) noon bago ipagbawal ito ng Allah sapagkat tinatawag nila ang kanyang ampon na si Zayd [sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah] na "Zayd bin Mohammad" na ang ibig sabihin ay Zayd na anak ni Mohammad at pagkatapos ipagbawal ng Allah ay naituwid ito at naging "Zayd na anak ni Haritha".

Ayon sa mga iskolar; saklaw ng usaping ito ang paggamit ng babae ng apelyedo ng kanyang asawa, samakatuwid "Haram" o ipinagbabawal daw na idugtong o gamitin ang apelyedo ng asawang lalaki at ayon sa kanila ang katibayan nito ay ang ayah at hadith na ating nabnggit sa taas, ganunpaman dapat nating malaman na hindi nagkaisa ang opinyon ng mga iskolar ng Islam sa usaping paggamit ng apelyedo tulad ng ating nakasanayan sa Bansang Pilipinas lalu na kung ang layunin ay hindi naman pag-angkin na ama sa hindi tunay na ama o kamag-anak sa hindi tunay na kamag-anak.

Ano ba ang katotohanan ukol sa usaping ito???

Pagkatapos natin pag-aralan at suriin ang usaping ito at unawain ang nabanggit na ayah mula sa Qur'an at Hadith ng Propeta Mohammad (Sumakanya nawa ang kapayapaan) at pag-aralan ang dahilan kung bakit ginagamit ng mga babae sa Pilipinas ang apelyedo ng kanilang asawa; ating nakita at natuklasan na ang " PAGGAMIT NG APELYEDO NG ASAWA" ay hindi haram, samakatuwid hindi ito ipinagbabawal sa Islam sapagkat ang gumagawa nito sa Pilipinas ay hindi naman niya nasusuway at nasasalungat ang nabanggit na ayah sa Qur'an at ang Hadith ng Propeta Mohammad (Sumakanya nawa ang kapayapaan) sa mga sumusunod na kadahilanan:

1. Ipinagbawal ng Allah na angkinin ng tao na kanyang ama ang sinumang hindi niya tunay na ama lalu na kapag batid niya na hindi niya ito tunay na ama, ayon sa sinabi Niya sa Qu'ran sa Suratul Ahzab [05] at alinsunod sa Hadith ng Propeta sa pagsasalaysay ni Bukhari at Muslim ngunit ang babaeng gumagamit ng apelyedo ng kanyang asawa –gaya ng nakasanayan sa Pilipinas- ay katotohanan, ang paggamit niya ng apelyedo ng kanyang asawa ay hindi nangangahulugan na inaangkin niyang ama o lolo ang ama o lolo ng kanyang asawa, at hindi niya inaangkin na ninuno niya ang ninuno ng kanyang asawa; samakatuwid ginagamit niya ito bilang patunay lamang na siya ay may asawa at ito ay apelyedo ng kanyang asawa. 

Halimbawa:

" si Fatima Santos ay asawa ni Mohammad Ali at kung gagamitin ni Fatima ang apelyedo ng asawa ay magiging " 

Fatima Santos- Ali; ito ay nagpapatunay lamang na si Fatima ay nakapag-asawa ng Ali Family o Ali ang apelyedo ng kanyang asawa at hindi naman niya inaangkin na ama o lolo o ninuno niya si "ALI".

Bago natin ito isulat ay nagtanong tayo sa ilang mga kababaehang Pilipina at umabot sa sampo (10) at sapat na ito –In Shaa Allah- ang ating natanong ay lahat sila ay magkakatulad ng sahot " hindi po naming inaangkin na ama o lolo o ninuno ang apelyedo ng aming asawa", kaya napagtanto ko na bakit nating sasabihing "HARAM" at pagbawalan silang gamitin ang apelyedo ng kanilang asawa kung hindi naman nila nasusuway ang Qur'an at Hadith na nagbabawal na angkinin ang hindi tunay na ama.

Sa kabilang dako; magkakaroon pa sila ng Problema sa Pilipinas dahil maaaring hindi nila makuha ang mga karapatan mula sa asawa kung wala silang patunay na sila ay asawa o kung hindi nila dala-dala ang apelyedo ng asawa, lagi nating tandaan na ang Relihiyong Islam ay madali at magaan kaya huwag sana nating ito gawin mahirap sa mga tao at huwag nating ipagbawal sa mga tao ang bagay na hindi naman bawal sa Islam.

2. Ayon sa ibang iskolar; ang gawaing ito ay gawain ng mga Kuffar –hindi mga Muslim- kaya hindi ito dapat gawin ng mga Muslim alinsunod sa Hadith ng Propeta Mohammad (Sumakanya nawa ang kapayapaan):

( Sinuman ang gayahin ang isang sambayanan [Ummah]; siya ay mapabibilang dito)

Ayon sa mga maalam sa Islam ang pangagaya ng mga Kuffar ay nagiging "Haram" sa dalawang kondisyon: 

Una:" Kapag ang mismong gawaing ginagaya ay ipinagbabawal sa Islam. Pangalawa: Kapag ang paggawa ng gawaing nagagaya rito ang mga hindi Muslim ay may layuning gayahin sila. Ayon sa Hadith na:

" Tunay na ang mga gawain ay nababatay sa mga layunin, at ginagantimpalaan ang isang tao ayon sa kanyang layunin"

[Bukhari at Muslim] 

Samakatuwid kung wala ang dalawa kondisyon na ito ay hindi siya magiging "HARAM" sapagkat, tandaan natin na ang mga hindi Muslim ay kumakain at umiinom magkagayun hindi natain maaaring sabihin na hindi tayo maaaring kumain at uminom dahil kumakain din sila at para hindi natin sila magaya, ang mga Kuffar ay sumasakay ng eroplano subali't hindi natin maaaring ipagbawal sa mga Muslim na sumakay ng eroplano dahil nagagaya natin ang mga di-Muslim. 

Sa paggamit ng apelyedo ng asawa ay hindi naman ipinagbabawal sa Islam na idugtong mo ang apelyedo ng asawa upang patunayan na iyon ang asawa mo o iyon ang pamilya o apelyedo ng iyong asawa. Sapagkat si Allah ay idinugtong din Niya ang pangalan ni Propeta Nuh at Lut sa kanilang mga asawa. Ayon sa Qur'an:

" Nagbigay ang Allah ng Halimbawa sa mga hinggil sa kalagayan ng mga hindi naniniwala gaya ng kalagayan ng asawa ni Nuh at asawa ni Lut" 

[Tahreem:10]

At ayon sa Hadith " nang magpaalam si Zainab na asaw ni Mas'ud; sinabi ng mga Sahabah: O Sugo ng Allaah nandito siya Zainab na nais magpaalam sa inyo? Sinabi ng Propeta:

" Sinong Zainab?" sagot ng mga Sahabah:" si Zainab na asawa ni Mas'ud"

[Isinalaysay ni Bukhari at Muslim]

samakatuwid, ang pagdugtong ng pangalan ni Mas'ud ay nagpapatunay lamang na asawa siya ni Zainab.

At gayundin, ang paggamit ng mga babaeng Muslim sa Pilipinas ay hindi nila layuning gayahin ang mga Kuffar bagkus dahil ito ang nakasanayan at pamamaraan sa Pilipinas at dahil sa mga karapatan sa pagitan ng mag-asawa kaya hindi ito saklaw ng pagbabawal ng pangagaya sa mga di-Muslim.

Sinabi ni Shiekh Allaamah Ibn Najeem [Rahimahullah] sa aklat na "AL-BAH'R AR-RA'IQ" :

" Tandaan mo na katotohanan, ang panggagaya sa mga di-Muslim ay hindi ipinagbabawal sa lahat ng bagay sapagkat tayo ay kumakain at umiinom katulad na kanilang ginagawa, bagkus ang ipinagbabawal ay ang panggagaya sa kanilang sa gawain hindi kanai-nais at kapag ito ay may layuning gayahin ang mga Kuffar". [11/2].

At ating natuklasan na ganito rin ang paliwanag ng ilang iskolar ng Islam gaya ni Shiekh Dr. Ali Jum'ah na Mufti ng Egypt at iba pa. ganunpaman, marami din sa mga iskolar ang nagsasabing ito ay "Haram" gaya ng mga iskolar ng Saudi Arabia at iba pa at iginagalang natin ang kanilang opinyon subali't taliwas dito ang ating opinyon at nakikitang katotohanan pagkatapos natin unawain ang mga nabanggit na katibayan mula sa Qur'an at Sunnah.

Ngayon malinaw na sa iyo aking kapatid kung ano ang katotohanan hinggil sa usaping paggamit ng apelyedo ng asawa.

Allaahu A'alam [Allaah knows best]


SALAMODIN D. KASIM
College of Shariah/Imam University
Daiyah/Translator
Islamic Center of Rabwah, RIYADH, K.S.A