Saturday, March 29, 2014

MGA ARAL AT KAALAMAN mula sa mga Hadith ng Sugo ng Allaah

1. Gawain! Nakabatay sa Layunin
2. Ang Tatlo na mayroon ang isang Muslim
3. Limang Haligi ng Islam
4. Tatlong Yugto ng Buhay mo
5. Gawaing Bid'ah Hindi Tanggap sa Islam
6. Ang Halal at Haram
7. Ang Relihiyon ay Naseeha

Inihanda at Isinalin sa Tagalog ni: Ustadh Salamodin D. Kasim
Hango sa Aklat na: MGA ARAL AT KAALAMAN mula sa mga Hadith ng Sugo ng Allaah

"Gawain! Nakabatay sa Layunin"

 Si Umar bin Al-Khattab (رضي الله عنه) ay nagsabi: 


عن أمير المؤمنين أبي حفص عمر بن الخطاب رضي الله عنه قال: 


سمعت رسول الله صلى الله عليه وسلم يقول: ((إنما الأعمال بالنيات وإنما لكل امرئ ما نوى فمن كانت هجرته إلى الله ورسوله فهجرته إلى الله ورسوله ومن كانت هجرته لدنيا يصيبها أو امرأة ينكحها، فهجرته إلى ما هاجر إليه))


[ز رواه البخاري ومسلم]


"Narinig ko ang Sugo ng Allaah  صلى الله عليه وسلم   na nagsasabi: (Ang mga gawain ay nakabatay lamang sa mga layunin, at ang bawa't tao ay (gagantimpalaan) lamang ayon sa kanyang nilayon. Kaya't ang sinumang lumikas alang-alang sa Allah at sa Kanyang Sugo; ang kanyang paglikas ay para sa Allah at sa Kanyang Sugo, at sinuman ang lumikas alang-alang sa makamundong bagay upang ito ay kanyang makamit, o alang-alang sa isang babae upang ito ay kanyang mapangasawa, magkagayon ang kanyang paglikas ay nakabatay sa kung ano ang kanyang layunin sa paglikas)".

[Isinalaysay nina Al-Bukhari [54], Muslim [1907]

ANG NAG-ULAT NG HADITH

Siya si Al-faruq na ama ni Hafs, Umar ibn Al-Khattab, mula sa angkan ng Quraish, siya ang ikalawa sa mga napatnubayang Khalifa [humalili sa Propeta] na binansagang Amirul Mu'mineen [pinuno ng mga mananampalataya], yumakap sa Islam anim na taon ang nakalipas matapos na maging Sugo si Muhammad. Ang kanyang pagyakap sa Islam ay isang malaking tagumpay at biyaya para sa mga Muslim, siya ay lumikas patungong Madinah at nasaksihan niya ang lahat ng labanan kasama ng Propeta. Ang Qur'an (rebelasyon) ay ibinababa kung minsan na sumasang-ayon sa kanyang opinyon, umabot ang kanyang ulat ng 537 na hadith.
Hinirang siya ni Abu Bakr (رضي الله عنه) na kanyang kahalili nang siya ay mamatay taong ika-13 sa Hijri. Siya ang nagtala ng talaan ng mga karapatan at siya rin ang gumawa ng kalendaryong Hijri, pinamumunuan niya ang mga tao nang makatarungan, siya [r.a] ay pinaslang ni Abu Lu'lua Al-Majusi habang siya ay nagdarasal sa fajr (madaling araw) taong ika-23 sa Hijri, at siya ay inilibing sa tabi ni AbuBakr As-Siddiq [radhi Allaahu Anhu] kasama ng Sugo ng Allah sa silid ni Aisha [radhi Allaahu Anha] at tumagal ang kanyang pamumuno ng sampung taon at kalahati.

MGA KAALAMAN

* Ang hadith na ito naiulat mag-isa ni Yahya bin Said Al-Ansari mula kay Muhammad bin Ibrahim At-Taimi mula kay Alqama bin Abi Waqqas Al-laythi buhat Kay Umar bin Al-Khattab (رضي الله عنه).

Sinabi ni Al-Khattabi: " Wala akong alam na salungatan sa pagitan ng mga eskolar ng Hadith ukol dito".  Kahit na ito ay naiulat din mula kay Abu Said at iba pa. 

At pagkatapos; naiulat ng maraming tao mula kay Yahya bin Said Al-Ansari, may nagsabing umabot sa dalawandaang tao ang nag-ulat mula sa kanya, kabilang sina: Imam malik, At-Thawri, Al-Awza'ie, Ibn Al-Mubarak, Al-layth bin Saad, Hammad bin Zaid, Shu'bah, Ibn Uyainah at iba pa.

Nagkaisa ang mga eskolar sa katumpakan ng Hadith na ito at tinanggap ng Ummah.

* Ang katapatan sa Allaah ay isa sa mga kondisyon ng pagtanggap sa gawain, sapagka't hindi tinatanggap ng Allah ang anumang gawain maliban kung ito ay maging wagas para sa kanyang Marangal na Mukha at sumasang-ayon sa pamamaraan ng hinirang na Propeta. 

Ang Hadith na ang isa  sa mga Hadith na umiikot dito ang pananampalataya.

Sinabi ni Imam As-Shafi'e:" Ang hadith na ito ay ikatlong bahagi ng kaalaman at pumapasok sa pitumpung usapin ng Fiqh [hurispruensiya]".

at ayon kay Imam Ahmad –kahabagan nawa ng Allah- kanyang sinabi: " Ang pinagmulan [alituntunin] ng Islam ay nasa tatlong mga Hadith: ( Hadith ni Umar: "  Ang mga gawain ay nakabatay lamang sa mga layunin", at hadith ni Aisha: " Sinuman ang gumawa ng bago sa pananampalataya nating ito na hindi naman dito kabilang; ito ay tatanggihan [hindi tatanggapin]", at hadith ni An-Nu'man bin Bashir: " Ang bagay na pinapahintulutan ay malinaw at ang bagay na hindi pinapahintulutan ay malinaw"). 

Sapagka't ang pananampalatayang Islam ay nasa tatlong bagay:

1- Pagsasakatuparan ng mga kautusan
2- Pag-iwas sa mga ipinagbabawal
3- Pagtigil at pag-iwas sa mga kahina-hinalang bagay

Ang tatlong bagay na nabanggit ay napapaloob lahat sa hadith na naiulat ni An-Nu'man bin Bashir at lahat ng ito ay nagiging ganap naman sa pamamagitan ng dalawang:

1- Na ang gawaing ginawa ng tao ay alinsunod sa katuruan ng Propeta, na siyang napapaloob sa Hadith ni Aisha [Radhi Allaahu Anha].

2- Na ang gawaing ito ay ginawa alang-alang sa Allah lamang, na siya naming napapaloob sa hadith ni Umar bin Al-Khattab [Radhi Allaahu Anhu].

Kaya malinaw sa iyo ngayon ang ibig ipahiwatig ni Imam Ahmad Bin Hanbal [Rahimahullaah].

Sinabi ni Ibn Rajab Al-hanbali: si Imam Ahmad ay nagsabi: " Gusto ko para sa bawat taong gagawa ng gawain, ito man ay pagdarasal [Salah], o pag-aayuno, o kawang-gawa o isang uri mula sa mga uri ng kabutihan na mauuna dito ang layunin bago ang gawa; sinabi ng Propeta: ((Ang mga gawain ay nakabatay sa mga layunin…)), sa lahat ng mga gawain.

Sinabi ni Al-fad'l Bin Ziyad: "tinanong ko si Abu Abdullah [Ahmad] tungkol sa layunin [Niyyah] sa gawain; aking sinabi: " papaano ang layunin?, Sinabi niya:" Suriin niya ang kanyang sarili kapag nais niyang gumawa ng isang gawaing hindi niya ninanais dito ang mga tao".

* Sa kanyang sinabi na " at ang bawa't tao ay (gagantimpalaan) lamang ayon sa kanyang nilayon" : nais niyang iparating na ang makakamit lamang ng tao mula sa kanyang ginawa ay ang siyang kanyang nilayon; kung mabuti ang layunin ay mabuti rin ang kanyang makakamit; at kung masama ay masama rin.

Ito ay hindi pag-uulit sa unang pangungusap dahil ang unang pangungusap ay tumutukoy sa pagiging katanggap-tanggap o hindi ng gawain at ang tinutukoy sa pangalawang pangungusap ay ang gantimpala ng kanyang gawain ay ayon sa kanyang magandang layunin; at ang kaparusahan sa kanyang gawain ay ayon naman sa kanyang masamang layunin.

* Ang layunin [Niyyah] sa literal nitong kahulugan ay NAIS, at ang Niyyah  sa salita ng mga eskolar ay tumutukoy  sa dalawang kahulugan:

Una: Ito ang nagtatakda ng kaibahan sa pagitan ng mga pagsamba at pananampalataya sa isa't isa tulad ng kaibahan ng pagdarasal ng Dhuh'r at As'r, sa layunin mo malalaman kung ano ang dasal na iyong isinasagawa kung ito ba ay Dhuh'r o As'r.

Pangalawa: Ito ang nagtatakda ng kaibahan ng layunin sa isang gawain; kung ito ba ay alang-alang sa Allah o para sa iba liban sa Kanya, ito ang siyang madalas na natutunghayan sa mga salaysay ng mga naunang mabubuting Muslim [Salaf], si Abu Bak'r bin Abiddunya ay sumulat ng aklat na kanyang tinawag na ( Aklt ng Ikhlas at Niyyah).

Sinabi ni AL-Fudail: " Katotohanan, kapag ang gawain ay ginawa alang-alang lamang sa Allaah subali't hindi tama [hindi alinsunod sa katuruan ng Propeta]; ito ay hindi katanggap-tanggap, at kung ito ay tama [alinsunod sa katuruan ng Propeta] nguni't ginawa nang hindi para sa Allah; hindi pa rin katanggap-tanggap maliban kung ito ay magiging tama at alang-alang lamang sa Allaah."

HIJRA (PAGLIKAS)

Ito ang paglikas mula sa lugar ng mga taong nagtatambal sa Allaah patungo sa lugar ng Islam, tulad ng ginawa ng mga MUHAJIRUN  bago masakop ang Makkah; lumikas sila mula rito patungong Madinah ng Propeta, at lumikas rin ang sinumang lumikas bago ito papuntang Habasha [Ethiopia] sa lugar ni An-Najashi.
Sa hadith na ating paksa; ipinapaalam ng Propeta na ang paglikas ay magkakaiba ng gantimpala ayon sa pagkakaiba ng layunin at naisin:

Ang sinumang lumikas tungo sa lugar ng Islam alang-alang sa pagmamahal sa Allaah at Kanyang Sugo, at nais niyang matuto sa pananampalatayang Islam at paghayag ng kanyang paniniwala na siyang hindi niya kayang gawin sa lugar ng mga nagtatambal sa Allaah; ito ang taong tunay na lumikas tungo sa Allaah at Kanyang Sugo.

At sa tao na ang kanyang paglikas mula sa lugar ng mga nagtatambal sa Allaah patungo sa lugar ng Islam upang makamit ang layuning makamundo, o upang mapangasawa niya babaeng iniibig sa lugar ng Islam; magkagayun ang kanyang paglikas ay nakabatay sa kung ano ang kanyang layunin sa paglikas. Ang una ay mangangalakal at ang pangalawa ay gusting mag-asawa at wala ni isa sa kanilang dalawa ang tunay na lumilikas [para sa Allaah].

* Naging tanyag ang isang kuwento ni Muhajir Umm Qais na siyang dahilan ng pagsabi ng Propeta صلى الله عليه وسلم    sa hadith na ating paksa, nabanggit ito ng maraming manunulat sa kanilang aklat at wala tayong natagpuang tama at tumpak na ulat ukol dito at sinabi ni Ibn Rajab Al-hanbali at ibn Hajar Al-Asqalani  na ito ay hindi tamang ulat.

* At ang lahat ng gawain ay katulad ng paglikas sa ganitong kahulugan, ang pagiging tumpak o pagkawala ng bias nito ay nakabatay sa layunin, gaya ng Jihad ,Hajj at iba pa.

Tinanong Ang Propeta صلى الله عليه وسلم    tungkol sa pagkakaiba ng mga tao sa layunin ng Jihad [pakikibaka at pagpupunyagi] kapag ito ay dahil sa pakitang-tao, pagpapahayag ng katapangan o dahil lamang sa galit at maliban pa dito; kung alin ba sa mga nabanggit ang nasa tunay na landas ng Allah?, kanyang sinabi [sagot]: ((Sinuman ang nakipaglaban upang ang salita ng Allah ang siyang mangibabaw; ito ang siyang nasa tunay na landas ng Allaah)). 

Si Abu Hurairah [Radhi Allaahu Anhu] ay nag-ulat:  Narinig ko ang Propeta صلى الله عليه وسلم    kanyang sinasabi: (Katotohanan, ang pinakauna sa mga tao na tutuusin sa araw ng Muling pagkabuhay ay ang lalaki namatay sa digmaan [martir], siya ay ihaharap at ipababatid sa kanya ang mga biyaya [ng Allaah]at kanya itong mababatid, sasabihin sa kanya: " ano ang iyong ginawa sa mga [biyayang] ito? sinabi niya: " ako ay nakipaglaban alang-alang sa Iyo hanggang ako ay mapatay [martir],sinabi niya: (nagsisinungaling ka! Sapagka't ika'y nakipaglaban para masabi na ikaw ay: "Matapang" tunay na ito ay nasabi na [ng mga tao sa mundo] at pagkatapos ay ipag-uutos siya, kakaladkarin ang kanyang mukha hanggang sa maitapon siya sa Apoy [ng Impiyerno]. At ang lalaking nag-aral ng kaalaman at itinuro ito at binasa ang Qur'an, siya'y ihaharap at ipababatid sa kanya ang mga biyaya at mababatid niya, kanyang sinabi:" ano ang ginawa mo dito?, sinabi niya: " nag-aral ako ng kaalaman at itinuro ko ito, at binasa ko ang Qur'an alang-alang sa Iyo?,sinabi Niya: (nagsisinungaling ka! Nguni't nag-aral ka ng kaalaman upang sabihin na ikaw ay: "Maalam", binasa mo ang Qur'an upang sabihin na ikaw ay "magaling bumasa", tunay na ito ay nasabi na [sa mundo],at pagkatapos ay ipag-uutos siya at kakaladkarin ang kanyang mukha hanggang sa maitapon sa Apoy [ng Impiyerno]. At ang lalaking pinaginhawa ng Allah, binigyan siya [ng Allah] ng lahat ng uri ng kayamanan [ari-arian],siya ay iniharap at ipinabatid sa kanya ang mga biyaya at nabatid niya, Kanyang sinabi: "ano ang iyong ginawa dito?, sinabi niya: " wala na akong iniwang landas na Iyong iniibig ang paggugol dito kundi ginugol ko dito alang-alang sa Iyo. Kanyang sinabi: ( nagsisinungaling ka!, nguni't ito ay iyong ginawa upang masabi [ng mga tao] na ikaw ay: "Bukas-palad", tunay na ito ay nasabi na [sa mundo] at pagkatapos ay ipag-uutos siya at kakaladkarin ang kanyang mukha hanggang sa maitapon sa Apoy [ng Impiyerno]). 

 * katotohanan, nagbigay ng pananakot at babala ang Propeta tungkol sa pagsasaliksik ng kaalaman na hindi para sa Allaah:

Si Abu Hurairah [Radhi Allaahu Anhu] at nag-ulat mula sa Propeta صلى الله عليه وسلم kanyang sinabi: (Sinuman ang nag-aral [nagsaliksik] ng kaalamang [dapat] ay alang-alang lamang sa Allah; hindi niya ito pinag-aralan kundi upang matamo ang mabubuting kapakinabangan sa mundo; hindi niya matatagpuan ang halimuyak ng paraiso sa araw ng muling pagkabuhay). 

Sinabi ni Sah'l Bin Abdullah: " Wala ng pinakamahirap sa sarili maliban sa Ikhlas ; sapagka't wala siyang bahagi dito".

Si Yusof Bin Hussain Ar-Razi ay nagsabi: " Ang pinakamataas [o pinakamhirap] dito sa mundo ay Ikhlas, maraming beses ko sinikap upang tanggalin ang pakitang-tao sa aking puso,subali't para bagang tumutubo dito na may ibang kulay."

* Kabilang sa mga usaping pinapasukan ng layunin ay usapin sa panunumpa:

- ang hindi sinasadyang panunumpa na siyang nakasanayan ng dila; ito ay walang kabayaran. Sinabi ng Allaah:
 (Hindi kayo pananagutin ng Allaah sa anumang hindi ninyo sinadya sa inyong mga panunumpa, nguni't kayo ang Kanyang pananagutin sa anumang [hangarin o layong] pinagsumikapan ng iyong mga puso. At ang Allaah ay Mapagpatawad, Mapagparaya).
 [Al-Baqarah: 225], 

at ang lahat ay nakabatay sa layunin ng taong nanunumpa.

* ito ay sumasaklaw rin sa usapin ng Talaq [paghihiwalay], kapag ang isang tao ay bumigkas ng ibang mga salita pero maaaring tumutukoy sa paghihiwalay; kailangan malaman kung ano ang kanyang layunin sa kanyang salita, kung ito ba ay Talaq [paghihiwalay] o hindi.

* Ang layunin [Niyyah] ay naisin ng puso, at hindi kailangang bigkasin ng dila sa anumang uri ng mga gawaing pagsamba.

Isang tumpak na ulat mula kay Ibn Umarna siya ay nakarinig ng isang lalaki sa pagsasagawa ng Ihram na nagsasabi: " Katotohanan, nais kong magsagawa ng Hajj at Umrah. Sinabi [ni Ibn Umar] sa kanya: "Ipinapaalam mo pa bas a mga tao? Hindi ba nababatid na ng Allaah  ang anumang nasa iyong sarili?".

Inihanda ni : Ustadh Salamodin D. Kasim

Hango sa Aklat na:  MGA ARAL AT KAALAMAN mula sa mga Hadith ng Sugo ng Allaah