Monday, June 30, 2014

"Muslim na Ipinahihintulutan ng Allaah na Itigil ang Pag-aayuno"


Nagbigay ng pahintulot ang Allah sa ilang mga uri ng tao upang maaari nilang itigil ang pag-aayuno sa Ramadhan bilang pagpapagaan, habag at pagpapaluwag sa kanila. Sila ay ang mga sumusunod na babanggitin: 

1 Ang may sakit o karamdaman na maaaring lumala ang sakit kung ipagpapatuloy ang pag-aayuno. Kaya maaari niyang ipagliban ang kanyang pag-aayuno, datapuwa’t kailangan niyang bayaran ito pagkatapos ng Ramadhan.

2Ang walang kakayahan sa pag-aayuno dahil sa katandaan at karamdaman na walang pag-asang malunasan, sa gayon maaari niyang itigil ang pag-aayuno, datapuwa’t kailangan niyang magpakain sa bawat araw ng isang mahirap, ibibigay nito sa kanya ang katumbas ng isang kilo at kalahati mula sa pangunahing pagkain ng bansa.

3Ang naglalakbay sa panahon ng kanyang paglalakbay at sa pansamantala niyang pagtigil na bababa sa apat na araw, sa gayon maaari niyang itigil ang pag-aayuno, datapuwa’t kailangan niyang bayaran ito pagkatapos ng Ramadhan. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {Nguni’t sinuman ang may karamdaman o nasa paglalakbay, ang katumbas na bilang ng araw ng pag-aayuno sa ibang araw ay dapat tuparin [bilang kabayaran ng pagliban]. Hangad ng Allah na ito ay gawing magaan para sa inyo at hindi Niya hangaring ito ay gawing mahirap para sa inyo.} Al-Baqarah: (2): 185


4 Ang dinatnan ng dugo sanhi ng pagreregla o panganganak, ipinagbabawal sa kanila ang pag-aayuno at hindi ito matatanggap sa kanila, datapuwa’t kailangan nilang bayaran ito pagkatapos ng Ramadhan (Tingnan ang pahina:110).).

5Ang nagbubuntis at nagpapasuso, kung sila ay nangangamba para sa kanilang sarili o sa bata, magkagayon, kailangan nilang itigil ang pag-aayuno, datapuwa’t nararapat nilang bayaran ang [bilang ng] araw na kanilang ipinagpaliban..




"Ang Mga Bagay na Nakasisira sa Pag-aayuno"

Ang lahat ng mga masasamang gawain kahit na hindi buwan ng Ramadhan tulad halimbawa ng pagsisinungaling, panlili-bak, paninira sa kapwa, masasamang pa-nanalita, panonood ng mga masasagwang palabas, pakikinig ng musika, atpb. Sinabi ng Propeta-(salallaahu alaihi wasalaam):

(Ang sinung hindi umiiwas ng masasamang pananalita at gawa ay hindi tatanggapin nang Allah-(subhanahu ta'alaa) ang kanyang pagtiis sa pagkain at pag-inom.(pag-aayuno). 

Al-Bukhari.

At ito ay ang mga bagay na kailangang iwasan ng isang nag-aayuno, sapagka’t ang mga ito ay nakasisira sa pag-aayuno. Ito ay ang mga sumusunod:
  1. Ang pagkain at pag-inom. Ang Kataas-taasang (Allah) ay nagsabi: {At magsikain kayo at magsiinom hanggang ang puting hibla [o sinag] ng bukang liwayway ay maging malinaw kaya inyong buuin ang pag-aayuno hanggang sa gabi [pagsapit ng takip-silim]}. Al-Baqarah (2): 187
    At sinuman ang kumain o uminom sanhi ng pagkalimot, magkagayonman ang kanyang pag-aayuno ay buo [hindi pa rin nawalan ng saysay] at hindi itinuturing [ang pagkalimot] bilang kasalanan. Tulad ng sinabi ng Propeta  : «Sinuman ang nakalimot habang siya ay nag-aayuno, siya ay napakain o napainum. Magkagayun, nararapat niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aayuno, sapagka’t siya [sa gayong pagkakataon] ay pinakain ng Allah at pinainom». (Al-Bukhari: 1831 – Muslim: 1155).
  2. Ang anumang nakakatumbas ng pagkain at pag-inum, at ang halimbawa nito ay ang mga sumusunod:
  • Ang mga iniiniksyong likidong na katumbas na pagkaing pampalusog (nutrient solution) at pagkaing itinuturok na umaabot sa katawan upang punuan ang mga pagkukulang nito sa mineral at bitamina. Kaya ito ay tumatayong katumbas ng pagkain at inumin. 
  • Ang pagsasalin ng dugo sa pasyenteng may karamdaman na tumatanggap ng dugo at ang isang bahagi nito; sapagka’t ang dugo ang kumakalat at lumalaganap sa isang bahagi ng katawan ng pasyente, ito ay nagdadala ng hangin at pagkain sa buong katawan kaya ito ay nakakatulad ng isang kumakain at umiinom.
  • Ang paninigarilyo sa iba’t ibang pamamaraan at uri nito, tunay na ito ay nakasisira sa pag-aayuno, sapagka’t binibigyan nito ng lason ang katawan sa pamamagitan ng paglanghap ng usok.
  1. Ang pakikipagtalik sa pamamagitan ng pagpasok ng ari ng lalaki sa ari ng babae, maging nilabasan ng semilya ang lalaki o hindi.
  2. Ang paglabas ng semilya sa sarili niyang kagustuhan sa pamamagitan ng pagyakap o paglalaro ng kanyang sariling ari, at ng nakakatulad pa nito.
Samantala, ang panaginip na may mga nakaaantig na pagnanasa [wet dreams] na nagbunga ng paglabas ng orgasmo, ito ay hindi nakasisira.
At ipinahihintulot sa lalaki ang paghalik sa kanyang asawa at ng nakakatulad nito, kung nababatid niyang may kakayahang siyang pigilin ang sarili, upang hindi mahulog sa pakikipagtalik.

  1. Ang sadyang pagsusuka, samantalang ang hindi sinadyang pagsusuka ay hindi nakasisira ng pag-aayuno. Sinabi niya  : « Ang sinumang nagsuka nang hindi sinasadya habang siya ay nag-aayuno, magkagayon siya ay walang pananagutang ulitin ito [bilang kabayaran], datapuwa’t ang sinumang sinadya ang pagsusuka, samakatuwid tungkulin niyang magbayad». (At-Tirmidi: 720 – Abu Daud: 2380) 
  2. Paglabas ng dugo sanhi ng pagreregla o pagdurugo anuman ang oras o bahagi ng maghapon kapag ang naturang pagdurugo ay nagsimula. Anumang oras na ang gayong pagdurugo ay nagsimula, maging ito man ay sa nagsimula bago magtakip-silim, katotohanang ang pag-aayuno ng isang babae ay nawalan ng saysay, batay sa sinabi ng Propeta  : «Hindi baga kapag siya ay dinatnan ng regla, siya ay hindi magdarasal at hindi mag-aayuno». (Al-Bukhari: 1850) 
Samantalang ang dugo na lumalabas sa babae sanhi ng karaniwang karamdaman, bukod sa buwanang pagreregla at pagdurugo sanhi ng panganganak, ito ay hindi nakapipigil sa pag-aayuno.

"Ang Kabutihan ng Buwan ng Ramadhan"

Ito ang buwan na itinangi ng Allah dahil sa kapahayagan ng pinakadakila at pinakamarangal mula sa mga Banal na Kasulatan: ang Qur’an. Ang Allah ay nagsabi: {Buwan ng Ramadhan [nang] ipinahayag ang Qur’an, [ito ay nagsisilbing] patnubay para sa sangkatauhan at [bilang] mga malilinaw na katibayan ng patnubay at pamantayan [sa pagitan ng wasto at mali]. Kaya, sinuman sa inyo ang nakatanaw sa [bagong buwan ng] buwan [ng Ramadhan], siya ay nararapat na mag-ayuno}. Al-Baqarah (2): 185 Ang buwan ng Ramadhan ay ikasiyam na buwan sa mga lunar na buwan ng Islamikong Kalendaryo, at ito ang pinakamainam sa mga buwan ng taon. Itinangi ng Allah dito ang maraming kabutihan bukod sa iba pang mga buwan, at ang ilan sa mga naturang kabutihan nito ay:




  1. Sinabi ng Propeta (saallaahu alaihi wasalaam) : «Kapag sumapit ang Ramadhan, binubuksan ang mga pintuan ng Paraiso at isinasara ang mga pintuan ng Impiyerno at ikinakadena ang mga demonyo». (Al-Bukhari: 3103 – Muslim: 1079), tunay na inihanda ng Allah para sa Kanyang mga alipin ang pagsalubong dito sa pamamagitan ng pagpapatupad sa mga gawaing Kanyang ipinag-uutos at pag-iwas sa mga ipinagbabawal Niya.
  2. Na sinuman ang nag-ayuno sa maghapon nito at nagsagawa ng mga pagdarasal sa bawa’t gabi ng buwan nito, patatawarin sa kanya ang mga nauna niyang kasalanan. Sinabi ng Propeta  : «Sinuman ang nag-ayuno sa Ramadhan nang may paniniwala at pag-asang pagpalain ay patatawarin sa kanya ang mga nauna niyang kasalanan». (Al-Bukhari: 1910 – Muslim: 760). At sinabi pa niya  : «Sinuman ang nagtaguyod ng Ramadhan nang may paniniwala at pag-asang pagpalain ay patatawarin sa kanya ang mga nauna niyang kasalanan». (Al-Bukhari: 1905– Muslim: 759) 
  3. Na naririto ang pinakadakila sa lahat ng mga gabi ng buong taon: ang Laylatul Qadr (ang Dakilang Gabi o ang Gabi ng Kapasiyahan), na ipinabatid ng Allah sa Kanyang Aklat na ang isang nagagawang mabuting gawa rito ay higit na mabuti kaysa sa isang nagawa sa maraming panahon. Siya ay nagsabi: {Ang Laylatul Qadr ay higit na mabuti kaysa sa isang libong buwan}. Al-Qadr (97): 3, kaya sinuman ang nagtaguyod nito nang may paniniwala at pag-asang pagpalain, patatawarin sa kanya ang mga nauna niyang kasalanan, at ito ay sa gabi ng huling sampung gabi ng Ramadhan at walang sinuman ang nakakaalam nang may katiyakan sa takdang oras nito.

"Ang Kahulugan ng Pag-aayuno"


Ang Kahulugan ng Pag-aayuno sa Islam: Ito ay isang uri ng Ibadah [o gawang pagsamba] sa Allah sa pamamagitan ng pagpigil at pag-iwas mula sa pagkain, inumin, pakikipagtalik at sa iba pang nakasisira sa pag-aayuno simula sa pagsapit ng Fajr (madaling araw) – ito ay ang pagtawag ng Adhan sa madaling araw – hanggang sa paglubog ng araw – at ito ay ang oras ng pagtawag ng Adhan sa Maghrib.

"Ang kabutihan ng Pag-aayuno"

Sa pag-aayuno ay mayroong maraming kabutihan ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

  1. Na ang sinumang mag-ayuno sa buwan ng Ramadhan nang may paniniwala sa Allah at bilang pagsunod sa Kanyang mga kautusan at nakatitiyak sa gantimpala ng Allah sa kabilang buhay, na patatawarin ang kanyang mga nauna kasalanan. Tulad ng sinabi niya (salallaahu alaihi wasalaam) : «Sinuman ang nag-ayuno sa buwan ng Ramadhan nang may paniniwala at pag-asang pagpalain, patatawarin sa kanya ang mga nauna niyang kasalanan». (Al-Bukhari: 1910 – Muslim: 760).
  2. Katotohanang ang nag-aayuno ay makararanas ng labis na kaligayahan sa Kabilang buhay nang dahil sa mga tatamuhing gantimpala at ang kaligayahang kanyang tatamasahin ng dahilsa kanyang pag-aayuno. Tulad ng sinabi niya (salallaahu alaihi wasalaam) : «Ang isang nag-aayuno ay mayroong dalawang kasiyahan: kasiyahan sa sandaling siya ay kakain ng kanyang Iftar (hapunan pagkaraan ng pag-aayuno), at ang kasiyahan sa sandaling makakaharap niya ang kanyang Panginoon [sa kabilang buhay]». (Al-Bukhari: 1805 – Muslim: 1151)
  3. Katotohanang mayroon sa Paraiso na isang pintuan na tinatawag na Al-Rayyan, walang nakakapasok dito maliban sa mga nag-aayuno. Siya (salallaahu alaihi wasalaam) ay nagsabi: «Katotohanang mayroon sa Paraiso na isang pintuan na tinatawag na Al-Rayyan na papasok dito ang mga nag-aayuno sa Araw ng Pagkabuhay na Muli, walang makakapasok dito na sinuman maliban sa kanila. Sasabihin: Nasaan ang mga nagsipag-ayuno? Kaya sila ay magsisitindig, walang makakapasok dito na sinuman maliban sa kanila, at kapag sila ay nakapasok na rito, ito ay isasara, kaya wala nang makakapasok pa rito na sinuman». (Al-Bukhari: 1797 – Muslim: 1152)
  4. Katotohanang bawat gawaing pagsamba ay mayroong nakalaan gantimpala maliban sa pag-aayuno na ang Allah ay magbibigay ng masaganang gantimpala para sa mga nag-ayuno bilang paggawad sa kanila ng Kanyang walang hanggang habag at biyaya. Kaya sinuman ang magtatamo ng kanyang kabayaran at gantimpala mula sa Kanya ay balitaan nang nakasisiya tungkol sa mga inilaan sa kanya ng Allah. Siya (salallaahu alaihi wasalaam) ay nagsabi na sinabi ng Allah: «Lahat ng gawain ng anak ni Adam ay para sa kanilang sarili maliban sa pag-aayuno, sapagka’t ito ay para sa Akin kaya Ako ang maggagawad nito ng gantimpala». (Al-Bukhari: 1805 – Muslim: 1151)

"Ang Wagas na Layunin sa Pag-aayuno"

Ipinag-utos ng Allah [bilang tungkulin para sa mga Muslim] ang pag-aayuno sa maraming mga layunin at iba’t ibang dahilan sa relihiyon at sa mundong ito. At ang mga ilan dito:

Ang pagkakaroon ng tunay na takot sa Dakilang Allah:
Ang pag-aayuno ay isang Ibaadah (pagsamba) na nagbibigay-daan ng pagpapalapit ng isang Muslim sa kanyang Panginoon sa pamamagitan ng kanyang pagtalikod sa kanyang mga kinahuhumalingan at pagpigil sa kanyang mga pagnanasa, at upang kanyang masanay ang sarili sa kabanalan sapagka’t kanyang nababatid na ito ay ganap na nakikita ng Allah sa lahat ng lugar at panahon, gayundin ang kanyang panloob at panlabas. At dahil dito ang Allah, ang Maluwalhati ay nagsasabi: {O kayong mga naniwala, ang Sawm [pag-aayuno] ay itinatagubilin sa inyo tulad ng itinagubilin sa mga nauna sa inyo upang sakali kayo ay matakot [sa Allah nang may tunay na pagkatakot sa Kanya].}. Al-Baqarah (2): 183

Pagsasanay sa pag-iwas [at pagtalikod] mula sa mga pagkakasala at mga gawaing masama:
Kaya kapag nakayanan ng isang nag-aayuno ang pagpigil sa mga ipinahihintulot bilang pagpapatupad sa Kautusan ng Allah, tiyak na siya ay higit na may kakayahan sa pagpigil sa kanyang mga pagnanasa mula sa mga pagkakasala at kasalanan, at pagpigil sa mga hangganan ng Allah at di-pagmamalabis sa kasinungalingan (kasamaan). Sinabi niya (salallaahu alaihi wasalaam) : «Sinumang hindi lumisan mula sa mga salitang kasinungalingan at sa paggawa nito. Samakatuwid, hindi kailangan ng Allah na kanyang lisanin ang kanyang pagkain at inumin». (Al-Bukhari: 1804). Ibig sabihin, sinumang hindi tumigil sa kasinungalingan maging sa salita at gawa, tunay na hindi niya napatunayan ang mahalagang layon ng pag-aayuno.

Pag-alaala sa mga nangangailangan [o kapus-palad] at naghihimok sa atin ng pagdamay at pagtulong sa kanila:

At sapagka’t ang nag-aayunong tao ay nakararanas ng matinding kakulangan, ng gutom at uhaw, ito ay naghahatid sa kanya upang kanyang maramdaman kahit pansamatala lamang ang matinding bunga ng gayong kahirapan na nararanas ng mga tunay na naghihikahos mula sa mga pangunahing pangangailangan ng buhay sa mahabang panahon. Ito ay nagbibigay paaalaala ng isang tao tungkol sa tuna yna kalagayan ng kanyang mga kapatid na dumaranas ng dalawang mahihirap at mapapait na kalagayan, ang gutom at ang uhaw, kaya siya ay magsisikap na makapag-abot sa kanila ng anumang tulong upang maibsan ang hirap ng buhay.

"Hatol sa Isang Muslim sa Pagtigil ng Pag aayuno sa Buwan ng Ramadhan"

Ano ang Hatol sa Isang Muslim na Itinigil ang Kanyang Pag-aayuno sa Ramadhan?

Ang pagtigil sa pag-aayuno nang walang makatuwirang dahilan ay isang malaking kasalanan na angpapahiwatig ng pagsuway sa Dakilang Allah. Samakatuwid, ito ay nangangailangan para sa kanya ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Allah dahil sa kanyang nagawang malaking kasalanan at kanyang pagsuway sa kautusan ng Tagapaglikha, at ipinag-uutos para sa kanya ang pagbabayad sa araw na iyon lamang, maliban kung ang dahilan ng kanyang pagtigil ay dahil sa kanyang pakikipagtalik sa araw ng Ramadhan], sa gayon babayaran niya ang araw na iyon at bukod doon ay tungkulin pa niyang magbayad-sala sa naturang pagkakasala sa pamamagitan ng pagpapalaya ng isang alipin – ibig sabihin nito ay sa pamamagitan ng pagtubos sa isang alipin na Muslim (sa kamay ng mga kaaway) at pagkatapos ay kanyang palalayain ito. Sapagka’t binibigyang-diin ng Islam ang kahalagahan ng pagpapalaya sa isang tao mula sa pagiging alipin sa lahat ng pagkakataon, datapuwa’t kapag wala siyang natagpuang alipin tulad ng panahon ngayon, siya ay nararapat mag-aayuno ng dalawang buwan na magkakasunod, at kung hindi niya kaya, magkagayon siya ay nararapat magpapakain ng animnapung mahihirap.