Saturday, May 17, 2014

"Ang Salah at Zakat"


عن ابن عمر رضي الله عنهما ، ان رسول الله صلى الله عليه وسلـم قـال : أمرت أن أقاتل الناس حتى يـشـهــدوا أن لا إلــه إلا الله وأن محمد رسول الله ، ويـقـيـمـوا الصلاة ، ويؤتوا الزكاة ؛ فإذا فعلوا ذلك عصموا مني دماءهم وأموالهم إلا بحق الإسلام ، وحسابهم على الله تعالى ) رواه البخاري [ رقم:25]

ومسلم [ رقم : 22].

Ulat mula kay Abdullah bin Umar [radhi Allaahu anhu]: Katotohanan! Ang Sugo ng Allaah (salla Allaahu alaihi wassalaam) ay nagwika: 

( Nautusan akong Digmain ang mga tao hanggang sa sila ay sasaksi na walang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah at katotohanan si Muhammad ay Sugo ng Allaah, at kanilang itataguyod ang Salah (Pagdarasal) at ibibigay nila ang katungkulang kawang-gawa (Zakat), kapag ito ay kanilang ginawa; magkakaroon sila ng pangangalaga mula sa akin, ligtas ang kanilang buhay at kayamanan (ari-arian) maliban sa karapatan ng Islam (kung sila ay may nalabag dito) at ang Allah nalang ang bahala sa pagtutuos sa kanila). 

[Isinalaysay ni Al-Bukhari 25, at Muslim 22]

* Ang kahulugan ng salaysay ng Propeta [salla Allaahu alaihi wassalaam] na (Nautusan akong Digmain ang mga tao…) ay isang kautusan mula sa Allaah sapagka't ang Propeta [salla Allaahu alaihi wassalam] ay sumusunod sa lahat na Kanyang kautusan at siya ang nagpaparating buhat sa Allaah (subhanahu ta'alaa) at gayundin ang lahat ng Propeta at Sugo, sila ay tagapagparating mula sa Allaah sa anumang kautusan at ipinagbabawal sa kanila, sila ang tagapamagitan sa Allaah at Kanyang nilikha hinggil sa pagpaparating ng Mensahe. - at ang kanyang tinutukoy sa salitang (mga tao) ay mga di-mananampalataya (Kuffar). - hanggang sa sila ay sasaksi na walang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allaah at katotohanan si Muhammad ay Sugo ng Allaah…ibig sabihin ay sila ay papasok sa pananampalatayang Islam sapagka't ito ang siyang pinili ng Allaah na Relihiyon para sa Kanyang mga alipin at wala na siyang ibang tatanggapin maliban dito, sinabi Niya sa Qur'an: 

(( Katotohanan ang tanging Relihiyon sa paningin ng Allah ay ang Islam…)).[Al-Imran: 19]

At sinabi rin Niya: 

((At sinumang humanap ng ibang relihiyon bukod sa Islam; ito ay hindi tatanggapin mula sa kanya, at sa kabilang buhay siya ay kabilang sa mga talunan)).[AL-Imran:85]. 

Walang pananampalataya liban sa Islam na siyang ipinarating ng mga Sugo [sumakanila nawa lahat ang kapayapaan] hanggang sa Kanyang sinugo si Muhammad [salla Allaahu alaihi wassalaam] at ang Islam rin ang itinawag sa kanyang ipinarating [salla Allaahu alaihi wassalaam]. Ang Islam ay may mga saligan na nabanggit lahat sa unang hadith sa pag-uulat ni Ibn Umar [radhillaahu anhu]. 

At sa Islam hindi sapat ang pagsaksi lamang sa Kaisahan ng Allaah at pagka propeta ni Muhammad bagkus dapat isagawa ng taong pumasok sa Islam ang limang beses na pagdarasal (Salah) sa loob ng isang araw ayon sa tama nitong paraan at taimtim itong isinasagaw para sa Allaah kaya nabanggit ito ng Propeta [salla Allaahu alaihi wassalaam] sa Hadith na ating paksa, ito ang ikalawang haligi ng islam, sinabi ng Allaah sa Qur'an: (( Katotohanan ang pagdarasal ay pumipigil sa mga kahalayan at kasamaan.))[Al-Ankabut: 45]. Ito ang namamagitan sa taong Muslim at hindi Muslim, sinabi ng Propeta [salla Allaahu alaihi wassalaam]: (Ang namamagitan sa alipin at ang di-pananampalataya at pagtatambal (sa Allah) ay pag-iwan ng pagdarasal). [Isinalaysay ni Muslim 82]

Kaya sinuman ang hindi nagdarasal ay hindi Muslim kahit sasaksihan pa niya na walang Diyos na dapat sambahin liban sa Allaah at si Muhammad ay Kanyang Sugo; maliban kung siya ang magdarasal [Salah]. 

- at pagbigay ng katungkulang kawang-gawa (Zakat), ito ay madalas nababanggit sa Qur'an kasama ang Pagdarasal, ang Salah ay pagsambang pisikal at ang Zakat naman ay pagsamba na may kinalaman sa kayamanan, ito ay obligado at kabilang sa mga saligan ng Islam. Tatlong haligi ng Islam lamang ang nabanggit sa Hadith na ito sapagka't ang lahat ng ito ay pangunahing obligasyon ng isang Muslim at ang iba pang saligan ay nararapat ding isagawa ng Muslim gaya ng pag-aayuno sa Buwan ng Ramadhan at pagsasagawa ng Hajj sa Makkah. 

* ligtas ang kanilang buhay at kayamanan (ari-arian): ito ay nagpapatunay na ipinagbabawal patayin o digmain ang mga Muslim o mga mananampalataya dahil ang isang Muslim ay banal ang kanyang dugo at hindi maaaring patayin ng hindi makatarungan. Sinabi ng Propeta [salla Allaahu alaihi wassalaam]: (Katotohanan ang inyong buhay, ari-arian (yaman) at dangal ay banal).[Isinalaysay ni Al-Bukhari at Muslim].

Kaya ang tanging layunin lamang sa pakikibaka sa pananampalatayang Islam ay upang mangibabaw ang salita ng Allaah –Ang Kataas-taasan- at hindi upang magmalaki dito sa kalupaan o kumitil lamang ng buhay ng iba, o maghiganti sa mga hindi Muslim. 

* maliban sa karapatan ng Islam (kung sila ay may nalabag dito): kaya kung may nagawa silang paglabag sa Islam na ang kaparusahan ay kamatayan; pagbabayaran nila ito ng kamatayan katulad ng taong napatunayang pumatay ng hindi makatarungan, ang taong may-asawa at nangalunya at ang taong tumalikod sa pananampalataya pagkatapos niyang maniwala, sinabi ng Propeta [salla Allaahu alaihi wassalaam]: (Sinuman ang baguhin (talikuran) ang kanyang pananampalataya; hatulan siya ng kamatayan).[Isinalaysay ni Al-Bukhari 3017,6922]. Subali't ang magsasagawa nito ay hukuman ng Islam at hindi ang bawat karaniwang tao.

 * Ang Islam ay nangangalaga sa limang mahahalagang bagay :

 1. Relihiyon: Upang hindi ito maging laruan lamang ng mga taong Murtad (tumalikod sa pananampalataya). At dahil dito kaya dinigma ni AbuBak'r [radhillaahu anhu] ang mga taong tumalikod sa Islam sa kanyang pamumuno nang tumanggi silang magbigay ng Zakat o obligadong kawang-gawa at ang mga taong nag-aangking Propeta gaya ni Musaylamah at Aswad Al-Ansi.

- kaya sinumang itakwil ang pagkaobligado ng Zakat ay tunay na tumalikod sa pananampalatayang Islam at sinumang tumangging ibigay ito sanhi ng pagdadamot; dapat kunin ng hukuman mula sa kanya ang zakat nang sapilitan at kung mayroon siyang lakas at lumaban, dapat siyang labanan at digmain hangga't hindi nagbigay ng Zakat at manumbalik sa pagsasakatuparan ng kanyang tungkulin dahil ito ay kabilang sa mahahalagang haligi ng Islam. 

* At ang Allaah na lamang ang bahala sa pagtutuos sa kanila: Ang kahulugan nito ay tatanggapin natin ang kanilang hayag na katayuan, kung sila'y pumasok sa Islam o nagsasabing sila ay mga Muslim; ituring natin silang mga Muslim hangga't wala silang nagawang nakasisira ng pagkamuslim at hinggil sa anumang nilalaman ng kanilang mga puso, Ang Allaah lamang ang nakababatid nito at Siya ang magtutuos nito sa kanila pagdating ng Araw ng paghuhukom kung ito ba ay dapat o kasinungalingan. 

- Kaya sinuman ang tunay na mananampalataya mula sa kanyang puso ay mabibilang sa mga mananahanan ng Paraiso at sinumang nagkunwaring Muslim dito sa Mundo habang ikinukubli ang kawalan ng pananampalataya; mabibilang siya sa mga Munafiq o mapagkunwari at kabilang siya sa mga mananahanan sa Impiyerno, sinabi ng Allaah subhanahu wata'alaa sa Qur'an: ((Katotohanan, ang mga mapagkunwari ay nasa kailaliman ng Apoy (ng Impiyerno). At kailanman ay wala kang matatagpuang makatutulong para sa kanila)).[An-Nisa 145]

Gayon pa man, walang sinumang nakakabatid ng pagkukunwari na nasa mga puso  maliban sa Allaah at hindi tayo dapat maghusga kundi ang ating nakikita lamang; kaya sinumang nagpakita ng kabutihan ay ituring nating kabilang sa mga mabubuti at sinuman ang nagpakita ng kasamaan; ituring nating kabilang sa mga masasama at ang Allaah na lamang ang magtutuos sa kanila. 

* Ang hadith na ito ay isang pinanghahawakang katibayan ng mga eskolar na nagsasabing: " tanggap ng hukuman ng Islam ang pagbabalik loob ng Zindiq (mapagkunwari) kapag naihayag niya ang pananampalatayang Islam at hindi maaaring patayin kahit na may mga iilang palantandaan ng kanyang pagkukunwari sa pananampalatayang Islam katulad ng ginawa noon ng Propeta [salla Allaahu alaihi wassalaam] na nakikitungo sa mga Munafiq (mapagkunwari) sa Madinah katulad ng kanyang pakikitungo sa mga Muslim kahit na batid niya ang lihim na pagkukunwari ng ilan sa kanila. Ito ang siyang kinatigan ni Imam As-Shafie at Ahmad ayon sa iba niyang opinyon at karamihan sa mga eskolar ayon kay Al-Khattabi