HAJJ:
"At ang paglalakbay sa (Banal na) Tahanan para sa Allah ay isang tungkulin ng Sangkatauhan, na may kakayahang pumaroon. At para sa hindi sumasampalataya (alalahanin nila) na ang Allah ay walang pangangailangan sa Kanyang mga nilikha." [Qur'an 3:97]
Ang Kahulugan ng Hajj
Ang Hajj ay isang pagdalaw sa banal na lugar ng Makkah upang bigyang-alala ang matibay na paniniwala sa Kaisahan ng Allah (Tawhidullah). Ang hajj ay isang paglalarawan ng kahalagahan ng Islam sa pamamagitan ng mahigpit na pagtalikod sa lahat ng uri ng Shirk(idolotriya). Bawat Muslim ay malakas na inihahayag sa Talbiyah: "La sharika lak" (At Sa Iyo ay Walang katambal o kaugnay). Ang lahat ng ritual ng Hajj katulad ng Tawaf (pag-ikot sa Ka'bah), Sa'i (paglalakad sa Safa at Marwa), Rami (paghahagis ng bato sa Jamrat), Wuquf(ang pagtigil o pananatili sa Arafat), Mabeet (pagpapalipas ng magdamag sa Mina at Musdalifah) ay mga gawain upang maalaala ng isang muslim ang kaniyang Panginoon, Ang Allah, Ta A'la. Lahat ng dalangin (dua) ay isinasagawa para lamang sa Allah. At ang lahat ng pook na pinupuntahan ay kasaysayang nauukol sa Pagsamba sa Tunay na Nag-iisang Diyos, ang Allah (Tawhid). Isa sa mahalagang bahagi ng Tawhid ay ang kasaysayan ni Propeta Abraham, na siyang nagtayo ng unang tahanan ng Allah, ang Kaba'a, bilang pinakasentro ng dalanginan. Ang kasaysayan ni Propeta Abraham ay isang mahabang kasaysayan na punong-puno ng pagsasakripisyo at ganap na pagsuko sa Allah. At dahil sa kanyang katatagan sa mga pagsubok para sa landas ng Allah, siya ay pinarangalan bilang Imam ng Sangkatauhan.
"At nang ang Kanyang Panginoon ay sinubok si Abraham sa Kanyang Kautusan, at kanyang tinupad ang mga ito. Siya ay nagsabi : Ikaw ay Aking gagawing Imam para sa Sangkatauhan."[Qur'an 2:124]
Ang Ka'abah
Ang Kabah ay itinatag ni Propeta Abraham (sumakanya nawa ang kapayapaan) hindi lamang para maging isang pook dalanginan at pagsamba ngunit higit sa lahat mula sa unang araw ng pagkakatayo nito, ito ay ginawang sentro ng pagpapalaganap ng Pananampalataya ni Propeta Abraham na ang layunin ay yaong ang lahat ng mananampalataya sa Allah ay magkatipon-tipon na nagmula sa ibat-ibang panig ng mundo, magsagawa ng ibadah at magsibalik sa kani-kanilang bayan na may malinaw na mensahe ng Pananampalataya ni Abraham. Ang pagtitipong ito ay tinawag na Hajj. Ang nagtayo ng Ka'bah ay ang mag-amang Abraham at Ismael. Kung paano isinasakatuparan ang Hajj, ang Qur'an ay naglarawan nito:
"Tunay na ang kauna-unahang tahanan (sambahang) itinakda para sa sangkatauhan ay ang nasa Bakkah, pinagpala,at patnubay sa lahat ng tao. Naroroon ang mga malinaw na tanda tulad halimbawa ng kinatatayuan ni Abraham (Maqam Ibrahim). Ang sinoman ang pumasok rito ay may katiwasayan." [Qur'an 3:96-97
"At di ba nila nakikita na Aming ginawang banal na lugar, (ang Makkah) samantalang ang kapaligiran ng mga tao ay nasa kaguluhan?" [Qur'an 29:67]
Ang Dalangin ni Propeta Abraham at Ismael
"At (gunitain) nang Aming ginawa ang (Banal na) Tahanan (sa Makkah) bilang himpilan ng Sangkatauhan at isang pook ng Katiwasayan. At gawin ninyong pook dalanginan ang Maqam Ibrahim (kinatatayuan ni Abraham habang siya ay dumadalangin)
At Aming inutusan sina Abrahan at Ismael na gawin malinis ang Aking Tahanan (ang Kab'ah sa Makkah) para sa mga nagsasagawa ng tawaf (pag-ikot sa Kab'ah) at para sa mga yumuyuko at nagpapatirapa ng kanilang mga sarili (sa panalangin)
At (gunitain) nang si Abraham ay nagsabi, "Aking Panginoon, gawin mo po ang bayang ito (Makkah) na pook ng Katiwasayan at bigyan mo po ang mga mamamayan nito ng mga bunga, ang sinuman sa kanila na naniniwala sa Allah at sa Kabilang Buhay." Siya (Allah) ay sumagot:"At sa mga hindi sumasampalataya, ay bibigyan ko ng panandaliang kaginhawahan at pipilitin sa parusa ng Apoy at tunay na kalunos-lunos na hantungan!
At (gunitain) nang si Abraham at (kanyang anak) Ismael ay itinatayo ang mga haligi ng Tahanan (Kab'ah sa Makkah), na (nagsasabing), "Aming Panginoon! tanggapin mo po mula sa amin (itong paglilingkod). Tunay na Kayo ang palakinig, ang Maalam."
"Aming Panginoon! Gawin mo po kaming laging sumusuko sa inyo at pati na ang aming mga supling- mga mamamayang sumusuko sa Iyo, At ipakita Mo po sa amin ang manasik (wastong paraan ng pagsasagawa ng Hajj). At tanggapin Mo po ang aming pagsisisi. Tunay na Kayo ang tumatanggap ng pagsisisi, ang Maawain.
"Aming Panginoon, padalhan Mo po sila ng isang sugo (Muhammad) na buhat sa kanila na bibigkas ng Inyong pahayag na magtuturo sa kanila ng Aklat (ang Qur'an) at Al-Hikmah (Karunungan) at pagpalain sila. Tunay na Kayo ang Makapangyarihan, Ang Matalino."(Qur'an 2:125-129)
"At (gunitain) nang Aming itinuro kay Abraham ang pook ng (Banal na) Tahanan, na nagsasabing: Huwag kayong mag-uugnay sa Akin ng anumang katambal (o kasama) at panatilihing malinis (wagas) para doon sa mga papalibot dito at para sa mga tumatayo (sa panalangin) at para sa mga yumuyuko at nagpapatirapa (isinusuko ang mga sarili ng may pagpapakumbaba at pagsunod sa Allah).
At ipahayag sa Sangkatauhan ang Hajj (Paglalakbay sa Makkah). Sila ay darating sa inyo na naglalakad at nakasakay sa kamelyo. Sila ay magmumula sa bawat maluwang at malalim na daanan ng bundok. Upang sila ay sumaksi sa mga bagay na makabubuti sa kanila at sambitin (banggitin) ang pangalan ng Diyos (Allah) sa itinakdang mga araw. Mula rito (sa mga inihandog na hayop) ay kumain at magpakain sa mga mahihirap na kapuspalad." [Qur'an 22:26-28]
Sino Ang Dapat Magsagawa ng Hajj?
May mga patakarang itinakda ang Islam sa pagsasagawa ng Hajj.
Ang unang patakaran sa sinomang magsasagawa ng Hajj ay siya ay nararapat na muslim. Ang mga di-muslim ay nangangailangan munang maging Muslim bago sila pahintulutang magsagawa ng Hajj sapagkat ang Hajj ay isang tungkulin na may kalakip na tamang pananampalataya upang ito ay tanggapin ng Allah.
Ang pangalawa at ikatlong patakaran ay yaong siya ay nararapat na nasa tamang gulang at kaisipan. Ang isang Muslim ay nararapat na nasa hustong gulang at tamang kaisipan upang ang kanyang pagsasagawa ng Hajj ay maituturing na itinakdang tungkulin sapagkat ang gantimpala at parusa ay iginagawad bunga ng pagpili sa kabutihan o kasamaan. Kaya ang isang bata o baliw na tao na hindi nakakakilala ng tama o mali ay wala ding tungkuling magsagawa ng Hajj. Ang isang bata na may tamang kaisipan ay binibigyan ng gantimpala sa kanyang pagsasagawa ng Hajj ngunit ang kanyang Hajj ay kailangang ulitin niya sa pagdating ng kanyang hustong gulang.
At ang ikaapat na patakaran ay yaong siya ay nararapat na may kakayahang pananalapi at kalusugan. Kung wala siyang sapat na salaping panggastos at mahina ang pangangatawan, hindi kinakailangang magsagawa ng Hajj. Ang ika-lima ay para lamang sa babae, at ito ay angMahram. Ang mga babae ay makapagsasagawa lamang ng Hajj, kung sila ay may kasamang lalaking kamag-anakan (mahram, mga kamag-anakan na hindi sila maaaring pakasalan). Si Aisah, ay nagtanong kay Propeta Muhammad (snk):
"O, Propeta ng Allah, ang mga babae ba ay kinakailangang sumama sa Jihad?" Si Propeta Muhammad (snk) ay sumagot: "Sila ay nararapat magsagawa ng Jihad ng walang pakikipaglaban- ito ay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Hajj at Umrah).
Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:
"Ang sinomang nagsagawa ng Hajj para lamang sa Allah at sa pagsasagawa nito, siya ay umiiwas mula sa mga masamang pagnanasa at masamang kilos, siya ay lumisan mula rito (umuuwi pabalik sa kaniyang lugar) ng malinis katulad ng isang batang bagong panganak."
Ang Kahalagahan ng Hajj bilang itinakdang Matimtimang Gawain
Ang Allah ay nagsabi sa Qur'an:
"At ang paglalakbay sa (Banal na) Tahanan para sa Allah ay isang tungkulin ng Sangkatauhan para sa Allah na may kakayahang pumaroon. At para sa mga hindi sumasampalataya, (alalahanin nila) Na ang Allah ay walang pangangailangan sa Kanyang mga nilikha" [Qur'an 3:97]
Sa bersikulong nabanggit, ang hindi pagsasagawa ng Hajj sa kabila ng may kakayahang magsagawa nito, ay itinuturing na walang pananalig. Ang patunay nito ay matatagpuan sa Hadith ni Propeta Muhammad (snk) na nagsabing:
"Sinoman ang may kakayahan at kaginhawan na maglakbay sa Banal na Tahanan ng Allah at sa kabila nito ay hindi nagsagawa ng Hajj, ang kanyang kamatayan sa pagkakataong ito ay katulad ng kamatayan ng isang Hudyo o Kristiyano."
Si Khalifa Omar ibn Khattab ay nagsabi:
Aking pagbabayarin ng Jizya (buwis ng mga di-muslim) ang sinomang hindi nagsagawa ng Hajj sa kabila ng kanilang kakayahan. Sila ay hindi mga muslim. Sila ay hindi mga muslim."
ANG KABUTIHAN NG HAJJ
1. Matimtimang Paglalakbay
Ang mga tao sa buong daigdig ay nakababatid ng dalawang uri ng paglalakbay. Ang isang uri nito ay paglalakbay upang maghanap-buhay. Ang pangalawang uri nito ay upang magliwaliw at makita ang kagandahan ng ibat-ibang bansa. Sa dalawang uri ng paglalakbay na ito, ang tao ay napipilitang gumugol ng salapi at panahon ng dahil sa kanyang pansariling pangangailangan at pagnanasa. Ngunit ang paglalakbay sa Makkah na tinatawag na Hajj ay ibang-iba. Ito ay isang paglalakbay na hindi upang maghanap-buhay o para sa pagliliwaliw ng sariling kasiyahan kundi ito ay isang paglalakbay na ang tunay na layunin ay para sa Allah, ang tuparin ang pananagutan at tungkuling itinakda ng Allah para sa kanya. Walang tao ang makapaghahanda nito maliban doon sa mga taong nagmamahal sa Allah ng buong puso at doon sa mga may takot at matatag na sumusunod sa takdang batas ng Allah. Kaya ang sinumang nagtangkang maglakbay para sa Allah, iniiwan nito ang kanyang pamilya, negosyo, at tinitiis niya ang hirap ng paglalakbay. At dahil sa ganitong pagkakataon, tumitibay at tumatatag ang kanyang iman o pananampalataya sa Allah, nagkakaroon siya ng takot sa Allah, natututuhan niyang mahalin ang Allah bilang kanyang Panginoon. Ito ay isang patunay na siya ay nakahandang magtiis para sa paglilingkod sa Allah.
2. Hangarin Tungo sa Kabanalan at Kabutihan
Kapag ang isang tao ay naghanda upang maglakbay na may tapat na hangarin para sa Allah, ang kanyang puso ay may init na nagbibigay lakas upang maramdaman niya ang pagmamahal ng Allah. At sa kanyang paglalakbay, nararamdaman niya ang mga layuning dapat isagawa para sa kaniyang buong buhay. Nagkakaroon siya ng pagkakataon na mapag-isipan ang kanyang buhay, ang pagtatangkang magbagong buhay, gumawa ng mabubuting gawain at higit sa lahat ang layong magsisi at magbalik loob sa Allah. Siya ay maingat na huwag manakit ng kanyang kapwa. Ang kanyang sarili ay umiiwas sa pang-aabuso, kalaswaan, pandaraya, pagsisinungaling at masamang pananalita. Kaya ang kanyang paglalakbay ay isang daan upang mapanatili ang kalinisan sa kanyang puso, at kaisipan. Si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:
"Ang gantimpala ng Hajj Mabroor (Hajj na tinanggap ng Allah dahil sa katapatan) ay walang iba maliban sa Paraiso."
3. Pagmamahal sa Allah
Pagkaraan ng pagsusuot ng Ihram, at sa lahat ng oras, ang salita na namumutawi sa bibig ng mga nagsasagawa ng Hajj ay: Labbaik Allahuma Labbaik (Narito ako, O, Allah, maglilingkod sa Iyo.) At dahil sa katapatan ng paglilingkod sa Allah, nagiging malapit ang isang nagsasagawa ng hajj sa Allah.
4. Paraan Para sa Katatagan at Sakripisyo
Sa pagsasagawa ng Hajj, ang isang muslim ay nadadaanan niya sa iba't-ibang dako ng Arabiaang mga ala-ala ng mga taong nagsakripisyo at nagpakatatag sa paglilingkod sa Allah. Sila ay nagpakasakit at nagtiis sa lahat ng hirap hanggang maitatag nila ang tunay na Batas ng Allah at pinawi nila ang anumang kasamaang namamayani sa kanilang kapaligiran.
5. Matutuhanan Ang Diwa ng Ummah
Ang Hajj ay isang paraan upang magkaroon ng moral na kaisipan ang pamayanang muslim. At dahil dito, ang bawat magsagawa ng hajj ay nagkakaroon ng tunay na pagmamalasakit sa kabuuan ng Ummah ng Islam.
6. Tanda ng Pagkapantay-pantay ng Tao
Sa pagsusuot ng Ihram, ang isang tao ay nakakaramdam ng kaginhawaan sa katawan at puso. Dito ay nakikita ang pagkakapantay-pantay ng tao. Walang pangmamataas ng loob at pagpapakita ng karangyaan. Lahat ay nasa simpleng kaayusan na walang hangarin kundi ang maglingkod at alalahanin ang Allah. Ang karumihan ng puso dahil sa pagnanasa ng makamundong materyal ay nawawala at ang takot at pagmamahal sa Diyos ang siyang laman ng puso. Kaya ang Hajj ay isang paraan din upang mapag-isipan natin ang isang mabuti at simpleng buhay.
7. Pagtitipon ng Kapayapaan
Ang Hajj ay panahon ng Kapayapaan; ang Makkah ay pook ng kapayapaan, ang hajj ay siyang pinakamalaking pagtitipon para sa kapayapaan sa buong kasaysayan ng sangkatauhan.
8. Pagtalikod sa Lahat ng Uri ng Shirk
Ang hajj ay pagsasaad ng ganap na pagtalikod sa anumang uri ng Shirk sapagkat ang sigaw ng bawat nagsasagawa ng hajj ay tanda ng ganap na pagkilala at pagsamba sa tunay at nag-iisang Diyos, Allah.
Ang talbiyah ay nagpapatunay na ang isang mananampalataya ay alipin lamang ng isang Panginoon, ang Allah.
IHRAM SA MIQAAT
Mayroong mga palatandaan sa paligid ng Makkah na dapat isaalang-alang ng mga magsasagawa ng hajj sa pagsusuot ng Ihram. Ang mga nakasakay ng eroplano ay dapat na magsuot ng Ihram kapag dadaanan nila ang lugar ng Miqaat. Ang tagapangasiwa sa eroplano ay nagbibigay paalala sa mga "pilgrims" kapag ang eroplano ay nasa lugar na kinasasakupan ng miqaat.
Bago magsuot ng Ihram ang mga magsasagawa ng Hajj, kailangang alisin ang lahat ng may tahing damit at maglinis ng katawan sa pamamagitan ng wudhu o ghusl (paliligo). Pinagpapayuhan na gupitin ang mga kuko, ahitin ang mga balahibo sa kili-kili at pribadong bahagi at maglagay ng pabango. At pagkatapos ay magsuot ng dalawang hindi tinahing tela: isa para sa itaas na bahagi ng katawan at ang isa ay para sa ibabang bahagi ng katawan. Ang mga babae ay maaaring magsuot ng anumang kulay ng damit ngunit nararapat na ang lahat ng bahagi ng katawan ay nakatakip maliban sa kanyang mukha, mga kamay at paa.
Kapag nakasuot na ng Ihram nararapat na magsagawa ng Niyyat (intensiyon) at magsimulang magpahayag o bumigkas ng Talbiyah.
Mga Ipinagbabawal na Gawain kung Naka-Ihram
Sa pagsusuot ng bihisang damit Ihram na may lakip na niyyat (intensiyon) at nagpapahayag ng Talbiyah, ang isang muslim ay nagsisimulang ilagay sa kanyang isipan ang mataimtim na pagnanasang maglingkod sa Allah. Kaya, ang mga sumusunod na gawain ay ipinagbabawal:
- Ang pakikipagtalik o anumang seksual na ugnayan.
- Ang pag-aasawa o pakikipagkasunduan sa pag-aasawa.
- Ang pumatay o mangaso (hunting)
- Ang alisin ang alinmang buhok sa anumang bahagi ng katawan na walang legal na kadahilanan.
- Ang maglagay ng pabango (ang natitirang pabango ng unang paglagay nito habang nagsusuot ng Ihram ay pinahihintulutan)
- Ang mag-alis o magputol ng mga kuko.
- Ang magsuot ng damit na mayroong tahi o kinulayan (ito ay ipinagbabawal sa lalaki lamang)
- Ang paliligo, paggamit ng payong o anumang silungan, ay pinahihintulutan.
TALBIYAH
Tinig ng Pagdakila sa Diyos
Ang sigaw ng bawat manlalakbay ay:
"Labbaik, Allahuma Labbaik. Labbaika La Sharika laka Labbaika. Innal Hamda Wanni’mata Laka Wal Mulk. La Sharika Lak."
Dito ay muling nagbibigay paalala ang tunay na diwa ng pagsamba na unang ginawa ni Propeta Abraham at Ismael.
TATLONG URI NG HAJJ.
1. Hajj At -Tamatt'u
Ito ay nangangahulugan ng pagsusuot ng Ihram para sa 'umrah sa panahon ng Hajj, ang pag-alis ng Ihram pagkaraan ng 'umrah at pagsuot muli ng Ihram para sa Hajj mula sa Makkah sa ika-8 araw ng Dhul Hijja. Sa ganitong uri ng Hajj, ang pagsasakripisyo ng isang tupa o ikapitong bahagi ng isang kamelyo o baka ay itinuturing bilang isang itinakdang tungkulin sa Araw ng Pagsasakripisyo. Kung hindi maisasagawa ito, nararapat na mag-ayuno ng sampung araw, ang tatlo sa mga ito ay sa panahon ng hajj at ang nalalabing pito ay pag-uwi sa sariling bayan.
Mas makabubuti kung mag-ayuno ng tatlong araw bago ang Araw ng Arafat.(9th araw ng Dhul Hijjah)
2. Hajj Al -Qiran
Ito ay nangangahulugan ng pagsuot ng Ihram para sa 'umrah at Hajj nang sabay, hindi inaalis ang ihram hanggang sa Araw ng Pagsasakripisyo (ang 10th ng Dhul Hijja.). Katulad din ng Hajj Tumatt'u, mas makabubuti kung mag-ayuno ng tatlong araw bago sumapit ang araw ng Arafat kung walang pang-alay na hayop.
3. Hajj Al - Ifrad
Ito ay nangangahulugan ng pagsuot ng ihram para lamang sa pagsasagawa ng hajj mula sa itinakdang Miqaat, mula sa Makkah kung ang magsasagawa ng hajj ay nakatira roon o kaya naman ay mula sa lugar na hindi sakop ng miqaat.
TAWAF AL QUDOOM
Unang Pagdating sa Makkah
Sa pagdating sa Ka'bah, ang isang nagsasagawa ng Hajj ay hinihinto ang pagtatalbiyah. Siya ay magsasagawa Tawaf sa Ka'bah. Ang tawaf ay isinasagawa sa pamamagitan ng pag-ikot at paglakad sa Kabah ng pitong beses na nagsisimula sa gilid ng Batong Itim (Al Hajar Al Aswad) at natatapos din dito. Ang pagsasagawa ng tawaf ay nangangailangan din na ang isang muslim ay nasa malinis na kalagayan (ibig sabihin naka-wudhu). Ang tawaf ay natatapos pagkaraan ng pagsasagawa ng dalawang raka't sa likod ng Maqam Ibrahim (kinatatayuan ni Abraham). Pagkaraan, makabubuting uminom ng tubig mula sa bukal ngZamzam.
SA'I
(Paglalakad sa Safa at Marwa)
Ito ay isinasagawa bilang ala-ala kay Hajar na asawa ni Propeta Abraham, nang siya ay naghahanap ng tubig upang painumin ang kanyang anak na si Ismael. Siya ay tumakbo sa magkabilang bundok ng Marwah at Safa. At sa pagpapala ng Allah, sumibol ang isang bukal at si Ismael ay napainom ng kanyang Ina. Ang bukal na ito ay nananatili hanggang sa kasalukuyan na tinatawag na Zamzam Well. Ang Sa'i ay sinisimulan mula sa Safa at nagtatapos sa Marwah. Mayroong pitong ikot ang pagsasagawa ng Sa'i. Sa pagsasagawa ng Sa'i, nararapat na luwalhatiin at purihin ang Allah at laging dumalangin ng kapatawaran at kasaganaan sa Kanya.
Pagkaraan ng Sa'i, matatapos ang Umrah sa pamamagitan ng pag-ahit o pag-gupit ng buhok sa ulo. Subalit mas mabuti kung ipagupit lamang ito upang sa Araw ng Pag-aalay ng hayop ay may natitirang buhok para ahitin.
ANG PAGSASAGAWA NG HAJJ.
Ang ika-8 Araw ng Dhul Hijja Simula ng Hajj
Sa ika-walong araw ng Dhul Hijja, ang mga magsasagawa ng Hajj (yaong hindi nakasuot ng Ihram) ay nararapat maligo at magsuot ng Ihram na may niyyat na magsagawa ng Hajj at tumungo sa Mina bago magtanghali o agad-agad pagkamakatanghali. Siya ay nararapat na palagiang bumibigkas ng Talbiyah. Sa Mina, ang mga masasagawa ng Hajj ay nararapat mag-alay ruon ng limang beses na Salah, Zuhr, 'Asr at Maghrib at Isha (2 rakat lamang) at Fajr. Ang pagtungo sa Mina sa araw na ito at ang pagpapalipas ng gabi rito ay isang sunnah ngunit hindi naman isang itinakdang tungkulin. Makabubuting magtungo rito sapagkat ito ay gawain ni Propeta Muhammad (snk).
Ang ika-9 Araw ng Dhul Hijja - Araw ng Arafat
Pagkaraan ng pagsikat ng araw, ang mga magsasagawa ng Hajj ay aalis mula sa Mina tungo sa Arafat. Sa kanilang paglalakbay, sila ay patuloy na nagpapahayag ng Talbiyah. Paglipas ng tanghali, ang Imam ay magbibigay ng Khutba sa masjid ng Namira para sa mga nagha-hajj. Pagkaraan ng Sermon, ang mga nagha-hajj ay nagsasagawa ng kanilang pinagsamang salatul-Zuhr at Asr (tig-dalawang rakats lamang). Ang araw ng Arafat ay isang dakilang araw ng pagsamba, pagbibigay karangalan,pagdakila at luwalhati at pag-ala-ala sa Allah. Sa malawak na kapatagan ng lupaing Arafat, ang mga luha ay tumutulo sa bawat nagha-hajj. Ang mga kamalian at kasalanan ay pinagsisihan at mataimtim na humihingi ng kapatawaran. Tunay ngang maligaya ang bawat Muslim na naroroon sapagkat sila ay umaasa sa Awa at pagpapala ng Allah. Kaya, si Propeta Muhammad (snk) ay nagsabi:
"Ang Hajj ay Arafat"
Ang isang nagha-hajj ay maaaring magdasal sa alin mang lugar sa Arafat. Hindi kailangang magtungo pa siya sa Bundok ng Rahmat (Mount of Mercy).
Ang Gabi sa Muzdalifa
Sa paglubog na araw, ang mga nagha-hajj, ay naghahanda patungong Muzdalifa, patuloy sa pagbigkas ng Talbiyah. Sa pagdating sa Muzdalifa, ang unang dapat gawin ay ang pagsasagawa ng salatul maghrib at salatul-isha (2 raka't). Ang mga nagha-hajj ay nagpapalipas ng gabi dito at nagsasagawa ng salatul Fajr. Hindi kailangan na ang isang nagha-hajj ay pumasok sa Al Mash'ar Al Haram masjid sapagkat ang lahat ng lugar ng Muzdalifa ay sakop ng ritual na paghinto.
Ang 10th Araw ng Dhul Hijja - Araw ng Eid
Bago sumikat ang araw, ang nagha-hajj ay lumilisan mula sa Muzdalifa tungo sa Mina. Sa pagdating nila sa Mina, tinitigil ang pagbigkas ng Talbiyah at siya ay naghahanda para sa paghagis ng pitong bato ng sunod-sunod sa Jamrat Aqaba (ang huling haligi) at itinataas ang mga kamay at nagsasabing "Allahu Akbar". Kapag ito ay naisagawa na, ang isang nagha-hajj ay nararapat na mag-alay na kanyang hayop habang sinasambit niya ang "Bismillahi Allahu Akbar)" Makabubuting kumain mula sa inihandog na hayop, ipamigay ang ibang bahagi sa kawanggawa. Pagkaraan nito, ang isang Hajji, ay inaahit ang ulo o kaya naman ay pinuputol ng maikli ang buhok. Mas makabubuti kung mag-ahit ng buhok sa ulo. Ang isang babaeng muslim ay nagpapaputol din ng buhok na ang sukat ay mga isang pulgada ang haba. Pagkaraan nito, ang lahat ay maaaring gawin maliban sa pagkikipagtalik sa asawa. Ito ay isang sunnah na maglagay ng pabango at magtungo sa Makkah para sa pagsasagawa ng Tawaf Al Ifada.
Ang Tawaf Al-Ifada
Ang pagsasagawa ng Tawaf Al Ifada ay isang haligi ng hajj at ang Hajj ay walang kaganapan kung wala nito. Pagkaraan ng Tawaf, dapat na magagawa ng dalawang rakat sa likod ng Maqam Ibrahim. At tumungo sa Marwa at Safa upang magsagawa ng Sa'i. Makabubuti na uminom sa bukal ng Zamzam pagkatapos mag-sa'i at pagkaraan ay mag-alay ng dasal sa Allah. Ang mga bagay na ipinagbabawal (sa panahon ng pagsasagawa ng Hajj) ay maaari ng gawin kasama na ang pakikipagtalik sa asawa.
Ang Pamamalagi sa Mina
Pagkatapos ng Tawaf Al Ifada, ang isang muslim ay bumabalik sa Mina, ginugugol ang tatlong gabi rito (11, 12, 13 ng Dhul Hijja) at naghahagis ng pitong bato sa bawat tatlong Jamrat ng magkakasunod na araw. Pagkaraan ng paghagis ng bato sa jamrat, ito ay sunnah na dapat humarap sa Qibla at magsabi ng "Allahu Akbar". Pagkaraan ng paghagis ng bato sa ikatlong Jamrat, ang isang muslim ay maaaring umalis kahit hindi nagdarasal. Ang pamamaraang ito ay dapat sundin sa nalalabi pang dalawang araw.
Ang mga nagnanais na manatili sa Mina sa ika-10th ng Dhul Hijja ay maaaring gawin ito sa pamamagitan ng pag-aantala ng Tawaf Al Ifada. Ngunit bago ang tawaf na ito, ang pakikipagtalik sa asawa ay ipinagbabawal. Ang ritual ng Araw ng Eid ay may apat na bahagi. Una, ang paghagis ng bato sa mga Jamrat, pangalawa, ang pag-aalay ng hayop (sacrificial animal), pangatlo, ang pag-gupit o pag-ahit ng buhok, at pang-apat, ay ang Tawaf at Sa'i.
Ang Pagbabalik Muli sa Makkah
Pagkaraan ng (Rami) paghagis ng bato sa jamrat sa unang dalawang araw (11th at 12th), sinuman ay maaaring umalis sa Mina bago lumubog ang araw. Ang isang naantala ay kailangang gumugol ng isa pang gabi sa Mina at maghagis ng bato sa Jamrat pagkaraan ng tanghali. Ang mga maysakit, matanda o mga babae ay maaaring utusan ang iba na maghagis ng bato para sa kanila.
Tawaf Al-Wada - Ang Tawaf ng Pamamaalam
Kung ang isang Hajji ay nagnanais umalis sa Makkah, kinakailangan na siya ay magsagawa ng Tawaf maliban sa isang babae na may buwanang pagdurugo (menses).
source: [PLPHP]