Friday, November 8, 2013

"Ang mga Kondisyon sa Kasal"


1. Ang Pagsang-ayon ng Lalaki at Babae 

Hindi matatanggap na pilitin ang lalaki na mag-aasawa sa hindi niya naiibigan at hindi rin matatanggap na pilitin ang babae na mag-asawa sa hindi niya naiibigan. Ipinagbawal ng Islam na ipakasal ang isang babae nang walang pagsang-ayon niya. Kaya kapag tumanggi siyang magpakasal sa isang lalaki, hindi ipinahihintulot sa sinuman, kahit pa sa kanyang ama, na pilitin siya.

2. Ang Pagkakaroon ng Wali
Hindi matatanggap ang kasal nang walang Wali ang babae sapagkat ang sabi ng Propeta  (صلى الله وسلم): "Walang kasal kung walang Wali." Kaya kung sakaling ipinakasal ng isang babae ang kanyang sarili, ang kanyang kasal ay walang saysay—isagawa man niya mismo ang pagpapaksal sa kanyang sarili o magtalaga man siya ng kinatawan. Hindi maaaring maging Wali ng isang Muslimah ang isang Kafir. Ang pamahalaang Muslim ang tatayong Wali sa babae na walang Wali *(١)

Ang Wail ay kailangang may sapat na gulang (15 taon pataas), may matinong pag-iisip, at may hustong pag-iisip (mature) na kabilang sa mga 'Asabah (lalaking kamag-anak sa ama) ng babae gaya ng ama, pagkatapos ay ang pinagbilinan nito, pagkatapos ay ang lolo sa ama at kahit pa ang lolo sa tuhod: ang pinakamalapit sa mga ito ang pipiliin, pagkatapos ay ang anak na lalaki, pagkatapos ay ang mga anak nito at kahit pa ang mga  kaapu-apuhan nito, pagkatapos ay ang kapatid sa ama't ina, pagkatapos ay ang kapatid sa ama, pagkatapos ay ang mga anak ng kapatid na lalaki sa ama't ina, pagkatapos ay ang mga anak ng kapatid na lalaki sa ama: ang pinakamalapit sa mga ito ang pipiliin, pagkatapos ay ang tiyuhin na kapatid sa ama't ina ng ama, pagkatapos ay ang tiyuhin na kapatid sa ama ng ama, pagkatapos ay ang kanilang mga anak: ang pinakamalapit sa mga ito ang pipiliin, pagkatapos ay ang tiyuhin sa ama ng ama, pagkatapos ay ang mga anak nito, pagkatapos ay ang tiyuhin sa ama ng lolo sa ama, at pagkatapos ay ang mga anak nito. Kailangang humingi ng pahintulot ang Wali sa babae bago niya ito ipakasal.

*(1) Ang Wali ay ang kumakatawan sa babae na maaaring kanyang ama o malapit na kamag-anak o tumatayong magulang.

Ang dahilan kung bakit kailangang may Wali ang isang babae ay upang hadlangang gawing dahilan ang kasal upang gumawa ng pangangalunya

* dahil hindi imposible sa isang lalaking nagbabalak mangalunya na sabihin sa babae na: "Ipakasal mo ang iyong sarili sa akin." At ang kasal-kasalan na ito ay maaari pang saksihan ng dalawa sa kanyang mga kaibigan o ng iba pa.

3. Ang Dalawang Lalaking Saksi Ang pagkakasal ay kailangang daluhan ng dalawang saksi o higit pa, na mga lalaking Muslim na makatarungan. Kailangan ding ang mga saksing ito ay mga mapagkakatiwalaan at mga umiiwas sa mga malalaking kasalanang gaya ng pangangalunya, pag-inom ng alak, at mga tulad nito.

4. Ang Tungkuling Magbigay ng Mahr* (1) 

Ang itinatagublin sa Mahr ay dapat kaunting halaga ito at kapag lalong kaunti at maliit ay lalong mainam. Ang Mahr ay tinatawag ding (Sidiq)|Sadaaq. Sunnah na banggitin ang halaga o uri nito sa sandali ng pagkakasal at madaliin ang pagbibigay nito kasabay ng pagkakasal. Tanggap din na ipagpaliban ang pagbibigay ng Mahr o ng bahagi nito sa napagkasunduang panahon. Kung sakaling diniborsiyo ng lalaki ang kanyang maybahay bago niya nakatalik ito, kukunin nito ang kalahati ng Mahr. At kung sakali namang namatay ang lalaki bago niya nakatalik ang babae matapos na naisagawa ang kasal, may karapatan na ang babae na magmana sa lalaking ito at makakamit niya ang Mahr. 

(1) Ang Mahr ay ang tinatawag sa Pilipino na dote o bigay-kaya. Ito ay ibinibigay ng lalaki sa babaeng kanyang mapangangasawa at hindi para sa magulang o mga kamag-anak ng babae. 

Ang Paraan ng Pagkakasal Ganito ang paraan ng pagsasagawa ng pagkakasal sa Islam: 

1. Sa pagkakasal ay magsasabi ang lalaki o ang kinatawan niya sa Wali ng babae ng ganito: "Zawwijni ibnataka (wasiyataka) …" (Ipakasal mo sa akin ang iyong anak (o ang babaeng ipinakatiwala sa iyo) na si [banggitin ang pangalan ng babae].)

 2. Magsasabi naman ang Wali ng ganito: "Laqad zawwajtuka ibnati (wasiyati) …" (Tunay na ipinakakasal ko na sa iyo ang aking anak (o ang babaeng ipinagkatiwala sa akin) na si [banggitin ang pangalan ng babae].)

3. Magsasabi naman ng ganito ang lalaki: "Qabiltu zawijahi minni." (Tinatanggap ko ang iyong pagpapakasal sa kanya sa akin.) Maaaring magtalaga ang lalaki, kung hindi siya makadadalo, ng sinumang naisin niyang maging kinatawan niya sa kasal.* siya ay nagkakasala at may karapatan ang kanyang maybahay na kumuha mula sa kanyang ari-arian o salapi ng sapat na halagang panustos sa pangangailangan nito, o na mangutang sa pangalan niya at obligado siyang magbayad. Tungkulin din ng lalaking gumastos para sa Walimah o handaang gagawin ng lalaki sa araw ng kasal para sa mga taong inanyayahan niya. Ito ay Sunnah na ipinag-uutos sapagkat ginawa at ipinag-utos ito ng Propeta (SAS). *( Ang pagkuha ng marriage license at pagpapatala sa Civil Registry Office upang kilalanin ng pamahalaan na legal ang kasal ay ipinahihintulot.

Ilang Resulta ng Pag-aasawa

1. Ang Pagsusustento Tungkulin ng asawang sustentuhan sa pagkain, pananamit, at tirahan ang kanyang maybahay, ayon sa kanyang kakayahan. Kaya kung nagmaramot ang lalaki sa pagsusustento sa maybahay niya,

2. Ang Pagmamana Kapag nakasal ang lalaki sa babae ng kasal na legal sa Islam, magkakaroon ng karapatan ang isa't isa sa kanila na magmanahan sapagkat ang sabi ni Allah (4:12): "At ukol sa inyo ang kalahati ng naiwan ng inyong mga maybahay kung wala silang anak; subalit kung mayroon silang anak, ukol sa inyo ang ikaapat mula sa naiwan nila matapos ikaltas ang ukol sa habiling ihinahabilin nila o sa pagkakautang. At ukol naman sa kanila ang ikaaapat mula sa naiwan ninyo kung wala kayong anak; subalit kung mayroon kayong anak, ukol sa kanila ang ikawalo mula sa naiwan ninyo matapos ikaltas ang ukol sa habiling ihinahabilin ninyo o sa pagkakautang.…" Walang pagkakaiba kung nagtalik at nagsama man sila o hindi.

Mga Sunnah at mga Kaasalan sa Pag-aasawa 

1. Sunnah na ipagbigay-alam ang kasal (sa pamamagitan ng pagdaraos ng handaan). Sunnah din na ipanalangin ang mga bagong kasal at sabihin sa lalaki o sa babae: 

"Barakallahu lak, wa baraka 'alayk, wa jama'a baynakuma fil khayr."
 (Pagpalain ka ni Allah, panatiliin Niya ang pagpapala sa iyo, at pagsamahin niya kayo sa ginhawa.)

2. Sunnah, kapag nais nilang magtalik, na magsabi ng ganito: 

"Bismillah, allahumma jannibnash shaytan, wa jannibish shaytana ma razaqtana"
 (Sa ngalan ni Allah, o Allah ilayo Mo po sa amin si Satanas at ilayo mo pa siya sa anak na ipagkakaloob Mo sa amin.)

3. Kasuklam-suklam para sa mag-asawa na ipagsabi ang anumang nangyari sa pagitan nila na mga bagay hinggil sa pagtatalik nila. 

4. Ipinagbabawal sa lalaki na makipagtalik sa kanyang maybahay samantalang ito ay may buwanang dalaw o may Nifas at hangga't hindi pa ito nakakapaligo matapos na huminto ang buwanang dalawa o ang Nifas. 

5. Ipinagbabawal sa lalakin na makipagtalik sa kanyang maybahay sa anus nito sapagkat ito ay isa sa mga malalaking kasalanang ipinagbawal ng Islam.

6. Tungkulin ng lalaki na ibigay nang lubos sa kanyang maybahay ang karapatan nito sa pakikipagtalik. Tungkulin niya ring hindi gawin ang withdrawal method dahil sa pangangambang baka magbuntis ito maliban kung may kapahintulutan nito at kung kinakailangan.
Ang mga Katangian ng Maybahay: 

Ang pag-aasawa ay naglalayon na magdulot ng kasiyahan at bumuo ng mabuting pamilya at malusog na lipunan. Alinsunod dito, ang babaeng dapat maging asawa ay ang makatutugon sa dalawang layuning ito. Siya ay ang nagtataglay ng panlabas at panloob na kagandahan. Ang kagandahang panlabas ay ang kalubusan ng anyo. Ang kagandahang panloob naman ay ang kalubusan ng pananampalataya at kaasalan. Kung magagawang makapag-asawa ng babae na nagtataglay ng kagandahang panlabas at kagandahang panloob, ito ang tunay na kaganapan at kaligayahang kaloob ni Allah. Tungkulin ding maging masigasig ang babae sa pagpili ng mabuting lalaki at may takot sa Diyos. 

Ang mga Babaeng Bawal Mapangasawa: 

Mahram Ang mga babaeng bawal mapangasawa ng lalaki ay dalawang pangkat: 

*I -Ang mga babaeng ipinagbabawal mapangasawa kailanman 
*II-Ang mga babaeng ipinagbabawal mapangasawa sa pansamantala. 

I. Ang mga bawal mapangasawa kailanman ay tatlong uri: 

A. Ang mga babaeng ipinagbawal mapangasawa kailanman dahil sa kaugnayang batay sa dugo. Sila ay pito at binanggit ni Allah sa Qur'an (4:23): "Ipinagbawal sa inyo na mapangasawa ang inyong mga ina, ang inyong mga anak na babae, ang inyong mga kapatid na babae, ang inyong mga tiyahin sa ama, ang inyong mga tiyahin sa ina, ang mga anak na babae ng inyong kapatid na lalaki, ang mga anak na babae ng inyong kapatid na babae,…" 

1. Kabilang sa "mga ina" ang ina at ang mga lola sa ama at ina. 

2. Kabilang sa "mga anak na babae" ang mga anak na babae sa maybahay, ang mga anak na babae ng anak na lalaki, ang mga anak na babae ng anak na babae, at ang mga babaeng kaapu-apuhan nila. 

3. Kabilang sa "mga kapatid na babae" ang mga kapatid na babae sa ama't ina, ang mga kapatid na babae sa ama, at ang mga kapatid na babae sa ina.

4. Kabilang sa "mga tiyahin sa ama" ang mga tiyahin-sa-ama, ang mga tiyahin-sa-ama ng ama, ang mga tiyahin-sa-ama ng mga lolo, ang mga tiyahin-sa-ama ng ina, at ang mga tiyahin-sa-ama ng mga lola. 

5. Kabilang sa "mga tiyahin sa ina" ang mga tiyahin-sa-ina, ang mga tiyahin-sa-ina ng ama, ang mga tiyahin-sa-ina ng mga lolo, ang mga tiyahin-sa-ina ng ina, at ang mga tiyahin-sa-ina ng kanyang mga lola. 

6. Kabilang sa "mga anak na babae ng kapatid na lalaki" ang mga anak na babae ng kapatid na lalaki sa ama't ina, ang mga anak na babae ng kapatid na lalaki sa ama, ang mga anak na babae ng kapatid na lalaki sa ina, at ang mga babaeng kaapu-apuhan ng kanilang mga anak na lalaki at babae. 

7. Kabilang sa "mga anak na babae ng kapatid na babae" ang mga anak na babae ng kapatid na babae sa ama't ina, ang mga anak na babae ng kapatid na babae sa ama, ang mga anak na babae ng kapatid sa ina, at ang mga babaeng kaapu-apuhan ng kanilang mga anak na lalaki at babae. 

B. Ang mga babaeng bawal mapangasawa kailanman dahil sa kaugnayang batay sa pagpapasuso. Sila ay tulad ng mga babaeng bawal mapangasawa kailanman dahil sa ugnayang batay sa dugo. Nagsabi ang Propeta (SAS): "[Ang babaeng] ipinagbabawal mapangasawa dahil sa kaugnayang batay sa pagpapasuso ay gaya ng [babaeng] ipinagbabawal mapangasawa dahil sa kaugnayang batay sa dugo." Subalit may mga kundisyon bago magkaroon ng kaugnayan batay sa pagpapasuso. Ang mga kundisyong ito ay ang mga sumusunod:

1. Kinakailangang sumuso ang isang sanggol nang limang beses o higit pa sa isang babaeng hindi nito ina. Kaya kung sakaling sumuso ito nang apat na beses lamang o mababa pa, ang babaeng sinusuhan ay hindi magiging ina nito sa gatas..(Pagpapasuso).

2. Kinakailangang ang pagpapasuso ay bago nagdalawang taon ang sanggol. Ang ibig sabihin nito'y kailangang ang lahat ng limang pagpapasuso ay bago nagdalawang taon ang sanggol. Kaya kung ang limang beses na pagpapasuso ay matapos nagdalawang taon ang bata, o kung ang limang pagpapasuso ay sinimulan bago nagdalawang taon at natapos matapos nagdalawang taon, ang babaeng sinusuhan ay hindi nito magiging ina sa gatas.

Kapag natupad ang mga kundisyon ng pagpapasuso, ang bata ay magiging anak na ng babaeng sinusuhan at ang mga anak nito ay magiging mga kapatid niya, nauna man sila sa kanya o nahuli sila sa kanya. Ang may-ari ng gatas*(1) ay magiging ama niya at ang mga anak nito ay magiging mga kapatid niya, anak man sila ng babaeng nagpasuso sa kanya o anak sa ibang babae. Kailangang mabatid dito na ang mga kamag-anak sa dugo ng batang pinasuso, maliban pa sa mga magiging anak niya, ay walang kaugnayan sa mga naging kamag-anak niya sa gatas at walang anumang epekto sa kanila ang pagpapasuso sa kanya.

(1) Ang asawa ng babae na naging dahilan ng kanyang pagbubuntis at pagkakaroon ng gatas ay tinatawag na may-ari ng gatas sapagkat dahil dito ay nagkagatas siya. 

C. Ang mga babaeng bawal mapangasawa dahil napangasawa ng mga malapit na kamag-anak

1. Ang mga maybahay ng ama at mga lolo. Kapag nakasal ang isang lalaki sa isang babae, ang babaeng ito ay bawal nang mapangasawa ng kanyang mga anak, ng mga anak ng kanyang mga anak na lalaki at babae, at ng mga kaapu-apuhan nila, nakatalik man niya ang babaeng ito o hindi. 

2. Ang mga maybahay ng mga anak. Kapag nakasal ang isang lalaki sa isang babae, ang babaeng ito ay bawal nang mapangasawa ng kanyang ama, ng kanyang mga lolo sa ama o sa ina, at ng kanyang mga kanunu-nunuan—dahil lamang sa pagpapakasal dito at kahit pa man hindi niya nakatalik ito. 

3. Ang ina at ang mga lola ng maybahay. Kapag nakasal ang isang lalaki sa isang babae, ang ina at ang mga lola sa ama at ina nito ay bawal nang mapangasawa niya—dahil lamang sa pagpapakasal dito at kahit pa man hindi niya nakatalik ito. 

4. Ang mga anak ng maybahay, ang mga anak ng mga anak na lalaki at babae nito at ang mga kaapu-apuhan nila. Kapag nakasal ang isang lalaki sa isang babae at nakatalik niya ito, ang mga anak nito at ang mga anak ng mga anak na lalaki at babae nito at mga kaapu-apuhan nila ay naging bawal nang mapangasawa niya, walang ipinagkaiba kung sila man ay mula sa unang asawa ng kanyang maybahay o sa naging asawa nito nang nagkahiwalay sila. Subalit kung naganap ang paghihiwalay nila bago nagkaroon ng pagtatalik, hindi ipinagbabawal na mapangasawa niya sila.

II. Ang mga Bawal Mapangasawa sa Pansamantala 

A. Ang kapatid ng maybahay, ang tiyahin nito sa ama, at ang tiyahin nito sa ina hanggang hindi sila ipinaghiwalay ng kamatayan o diborsiyo at natapos na ang 'Iddah nito.

 B. Ang babaeng nasa sandali 'Iddah dahil sa dating asawa nito. Kapag ang babae ay nasa sandali ng 'Iddah dahil sa dating asawa nito na ibang lalaki, hindi ipinahihintulot sa isang lalaki na magpakasal dito hanggang hindi natatapos ang 'Iddah nito at hindi rin ipinahihintulot sa kanya na alukin ito ng kasal. 

C. Ang babaeng nasa sandali ng Ihram ng Hajj o 'Umrah. Hindi ipinahihintulot sa kanya na magpakasal dito hanggang hindi natatapos ang Ihram nito. Repasuhin ang paksa tungkol sa mga babaeng bawal mapangasawa. 

Ang Diborsiyo (Talaq) 

Kung tutuusin ang diborsiyo ay isang kasuklam-suklam na bagay. Subalit yayamang ang diborsiyo ay hindi maiiwasan kung magkaminsan dahil sa naidudulot na kapinsalaan sa babae ng pananatili nito sa piling ng lalaki o dahil sa naidudulot na kapinsalaan ng babae sa lalaki o dahil sa iba pang dahilan, bahagi ng awa ni Allah na ipinahintulot Niya ang diborsiyo sa Kanyang mga lingkod. Kaya kapag kinasusuklaman ng isang lalaki ang kanyang maybahay at hindi na niya matiis na makapiling ito, walang masama kung diborsiyuhin niya ito subalit kailangang isaalang-alang niya ang mga sumusunod:

1. Na hindi didiborsiyuhin ng isang lalaki ang kanyang maybahay samantalang ito ay may regla. Kaya kapag diniborsiyo niya ito samantalang ito ay may regla, sinuway na niya si Allah at ang Sugo (صلى الله عليه وسلم) at nakagawa siya ng isang ipinagbabawal. Kaya sa sandaling iyon, kinakailangang balikan niya ang kanyang maybahay at panatilihin ito sa kanyang piling hanggang sa matapos ang regla nito at saka niya diborsiyuhin ito kung nais niya. Ngunit lalong mainam na hayaan niya muna itong magregla sa ikalawang pagkakataon at kapag natapos na ang regla nito ay kung nais niya ay panatilihin niya ito sa kanyang piling o kung nais niya ay diborsiyuhin niya rin ito. 

2. Na hindi didiborsiyuhin ng lalaki ang kanyang maybahay sa panahong ito ay wala ngang regla ngunit nakipagtalik naman siya rito sa panahon ding ito, maliban na lamang kung naging malinaw na sa kanya ang pagdadalang-tao nito. Kaya kapag nagbalak ang isang lalaki na diborsiyuhin ang maybahay niya ngunit nakatalik niya ito matapos ang huling regla nito, hindi niya didiborsiyuhin ito hangga't hindi ito muling niregla at saka natapos ang pagreregla nito, kahit pa man tumagal ang regla. Pagkatapos niyon, kung nais niya ay diborsiyuhin niya ito bago niya ito nakatalik, maliban kung naging malinaw na sa kanya ang pagdadalang-tao nito o nagdadalang-tao na sapagkat hindi na diborsiyuhin niya ito. 

Ang Ilang Resulta ng Diborsiyo 

Yaman din lamang na ang diborsiyo ay pakikipaghiwalay sa maybahay, maraming mga alituntunin ang magiging resulta ng paghihiwalay ng ito. Ang ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod: 

1. Tungkulin magsagawa ng 'Iddah*(1) kapag nakatalik ng lalaki ang kanyang maybahay o kinasama niya ito nang kahit walang pagtatalik. Subalit kung diniborsiyo niya ito bago niya ito nakatalik, o kinasama niya ito nang walang pagtatalik, hindi na kailangang magsagawa ito ng 'Iddah. Ang 'Iddah ng babaeng diniborsiyo ay tatlong pagreregla kung nireregla pa ang babae, tatlong buwan kung hindi na nireregla o hindi pa nireregla, at hanggang sa pagsilang ng sanggol kung nagdadalang-tao. *(2)Ang dahilan kung bakit may 'Iddah ay upang mabigyan ang asawa ng pagkakataon na makipagbalikan sa kanyang maybahay na diniborsiyo at upang matiyak din kung nagdadalang-tao ang babae o hindi. 

(1) Ang 'Iddah ay ang panahon na hindi pa muna maaaring mag-asawa ang isang babaeng diniborsiyo o namatayan ng asawa.

(2) Ang 'Iddah ng babaeng namatayan ay apat na buwan at sampung araw, o hanggang sa makapagsilang kung namatayan ng asawa habang nagdadalang-tao.


2. Bawal sa isang lalaki na muling mapangasawa ang dati niyang maybahay kung bago pa man naganap ang huling diborsiyo ay dalawang beses na niyang diniborsiyo ito. Ang ibig sabihin nito ay kung diniborsiyo niya ang babae sa unang pagkakataon at saka binalikan ito sa panahon ng 'Iddah o pinangasawa niya ito pagkatapos ng 'Iddah, at pagkatapos ay diniborsiyo na naman niya ito sa ikalawang pagkakataon at saka binalikan ito sa panahon ng 'Iddah o pinangasawa niya ito pagkatapos ng 'Iddah, at pagkatapos ay diniborsiyo na naman niya ito sa ikatlong pagkakataon, ang babae ay hindi na ipinahihintulot na mapangasawa niya matapos ang ikatlong diborsiyo hanggang hindi ito nakakasal sa ibang lalaki nang kasal na legal sa Islam, kinatalik nito ito, inayawan nito ito at pagkatapos ay diniborsiyo nito ito. Pagkatapos nito ay ipinahihintulot na naman ang babae na mapangasawa ng unang lalaki. Ipinagbawal ni Allah na muling mapangasawa ng lalaki ang dati niyang maybahay na diniborsiyo niya nang tatlong beses bilang awa sa mga babaeng sa pang-aapi ng kanilang mga asawa.

Ang Khula' 

Ang Khula' ay ang paghingi ng diborsiyo ng babaeng umayaw sa kanyang asawa sa pamamagitan ng pagbigay rito ng kabayaran upang ito ay sumang-ayon. Kung ang asawa naman ang umayaw at siya ang nagnanais na makipaghiwalay sa babae, wala siyang karapatan na tumanggap ng kabayaran mula sa babae. Kailangang pagtiisan o diborsiyuhin na lamang niya ang kanyang maybahay. Hindi dapat na humingi ng Khula' ang isang babae maliban na lamang kung siya ay nagdurusa sa piling ng kanyang asawa at hindi na niya matiis na manatili pa sa piling nito. Hindi rin naman pinahihintulutan ang lalaki na sadyang pagdusahin ang kanyang maybahay nang sa gayon ay humiling ito ng Khula'. Kapag naganap ang Khula', makabubuting hindi kukuha ang lalaki sa babae ng halagang higit pa sa ibinigay niya rito bilang Mahr. 

Ang Khiyar

Ang Khiyar ay ang karapatan ng mag-asawa na panatilihin ang kanilang kasal o pawalang-bisa dahil sa paglitaw ng isa sa mga kadahilanan. Halimbawa ay kinakitaan ng asawa ang kanyang maybahay o kinakitaan ng maybahay ang asawa nito ng sakit o kapinsalaan sa katawan na hindi nilinaw sa lalaki o sa babae habang idinadaos ang kasal, kapag nagkaganito, ang walang sakit o walang kapinsalaan ay ang may karapatang magpasya kung pananatilihin ang kasal o pawawalang-bisa ito. Ilan pang halimbawa: 1. Kung ang isa sa kanila ay baliw o dinapuan ng karamdaman na siyang dahilan kung bakit hindi matamo nang lubusan ng isa sa kanila ang lubos na karapatan bilang asawa o maybahay, ang hindi baliw o ang walang sakit ay may karapatang humiling na pawalang-bisa ang kasal. Kung ang pagpapawalang-bisa ay bago nakapagtalik, may karapatan ang lalaking bawiin ang Mahr na ibinigay niya sa babae. Kung ang pagpapawalang-bisa naman ay matapos nakapagtalik, wala nang anumang mababawi sa Mahr. Ayon naman sa ibang Iskolar ng Islam, babawiin ng lalaki ang katumbas na halaga ng Mahr sa taong kapamilya ng babae na nanlinlang sa kanya gayong nalalaman nito ang kapintasan ng babae.

2. Ang kawalang-kakayahan ng lalaki na ibigay ang Mahr sa takdang panahon. Ang babae ay may karapatang humiling na pawalang-bisa ang kasal kung bago nakapagtalik; ngunit pagkatapos na nakapagtalik ay wala na siyang karapatang hilingin iyon.*(1)

(1) Maaari siyang humiling ng Khula' kung nais pa rin niyang makipaghiwalay sa kanyang asawa dahil nabigo itong magbigay ng Mahr.

3. Ang kawalang-kakayahang sumustento. Kung nawalan ng kakayahan ang isang lalaki na sumustento sa maybahay niya, maghihintay ang kanyang maybahay ng ilang panahon hanggang sa makakaya nito at pagkatapos nito ay may karapatan na ito na humiling ng pagpapawalang-bisa ng kasal sa pamamagitan ng hukuman.

4. Kapag nawala ang asawa at hindi malaman ang kinaroroonan niya at hindi siya nag-iwan ng pangsustento sa kanyang maybahay, hindi rin siya nagbilin sa isang tao na maaaring sumustento sa kanyang maybahay habang wala siya, wala ring sinumang sumusustento rito at wala rin itong maisusustento sa sarili na masisingil naman nito sa kanya (sa pagbalik niya), ang kanyang maybahay ay may karapatan na na humiling na pawalang-bisa ang kasal sa pamamagitan ng hukom ng hukom ng Shari'ah.

Ang Pag-aasawa ng Hindi Muslim 

Hindi ipinahihintulot sa babaeng Muslim na mag-asawa ng lalaking hindi Muslim. At hindi rin ipinahihintulot sa isang babae, kapag yumakap na siya sa Islam bago yumakap ang asawa niya, na ipaubaya ang sarili niya rito bago ito yumakap sa Islam. Ang mga ito ang ilang mga patakaran hinggil sa kasal ng mga hindi Muslim: 

1. Kapag sabay na yayakap sa Islam ang mag-asawang Kafir, mananatili silang mag-asawa sa dati nilang kasal, kung walang mga hadlang ayon sa Shari'ah sa pananatili nila bilang mag-asawa. Ang halimbawa ng hadlang na ito ay kung ang babae ay Mahram ng kanyang lalaki o hindi ipinahihintulot ang lalaki na maging asawa niya. Kung may hadlang ay paghihiwalayin sila. 

2. Kung yumakap sa Islam ang asawa ng isang babaeng Kristiyano o Hudyo, mananatili silang mag-asawa sa dati nilang kasal. 

3. Kung yumakap sa Islam ang isa sa mag-asawang kapwa hindi Kristiyano o Hudyo bago sila nakapagtalik, kaagad na mawawalan ng saysay ang kanilang kasal. 

4. Kung yumakap sa Islam ang maybahay ng lalaking hindi Kristiyano o Hudyo o maging ano pa man ang kinaaanibang relihiyon nito bago sila nakapagtalik, kaagad na mawawalan ng saysay ang kanilang kasal sapagkat ang babaeng Muslim na ay hindi ipinahihintulot na maging maybahay ng lalaking hindi Muslim. 

5. Kung yumakap sa Islam ang maybahay ng isang lalaking hindi Muslim matapos na nakapagtalik na sila, magsasagawa ng 'Iddah ang babae at mapapagpasyahan ang kahihinatnan ng kanilang kasal pagkatapos ng 'Iddah. Mawawalan ng saysay ang kanilang kasal pagkatapos ng 'Iddah kung hindi yumakap sa Islam ang lalaki at may karapatan ang babae na magpakasal sa kanino mang lalaking Muslim na naisin niya. Kung mahal ng babae ang lalaki ay maaari niyang hintayin ito na yumakap sa Islam, subalit wala siyang mga obligasyon dito bilang maybahay sa panahon ng paghihintay at wala rin itong awtoridad sa kanya. Kung yayakap sa Islam ang lalaki siya ay maybahay niya ayon sa Islam nang hindi na kailangan pang ulitin ang kasal, kahit pa man maghintay siya ng mga taon. Ganoon din ang patakaran kung yumakap sa Islam ang asawa ng babaeng hindi Kristiyano ni Hudyo. 

6. Kung tatalikod sa Islam ang maybahay bago sila nakapagtalik, mawawalan ng saysay ang kanilang kasal at wala siyang karapatan sa Mahr. At kung ang lalaki naman ang tumalikod sa Islam, mawawalan ng saysay ang kanilang kasal at kailangang ibigay niya ang kalahati ng nagpagkasunduang Mahr. Kung ang isa sa kanila na tumalikod sa Islam ay yumakap uli sa Islam, mananatili na may bisa ang kanilang unang kasal hangga't walang naganap na diborsiyo. 

7. Kung yumakap sa Islam ang lalaki at babaeng magka-live in o kahit ang lalaki lamang, kailangan nilang magpakasal sila ng kasal ng Islam, kung ang babae ay Kristiyano o Hudyo, kung nais pa nilang magsama. Ang mga naging anak nila, bago pumasok sa Islam, ay ituturing na mga lehitimong anak. Ang mga Disbentaha ng Pag-aasawa ng Kristiyano o Hudyo Si Allah, nang ipinahintulot Niya ang pag-aasawa, ay naglalayon na pabutihin ang kaasalan, na linisin ang lipunan sa mga bisyo, na pangalagaan ang moralidad, na magtatag ng isang dalisay na sistemang islamiko para sa lipunan, at na magpalitaw ng isang sambayanang Muslim na sumasaksi na walang ibang Diyos kundi Siya at si Muhammad ay Sugo Niya. Hindi maisasakatuparan ang mga layuning ito kung hindi makapag-aasawa ng babaeng Muslim na matuwid na relihiyosa, marangal, at nagtataglay ng mabuting kaasalan. Tungkol naman sa maaaring mga maging bunga at mga disbentaha ng pag-aasawa ng isang lalaking Muslim sa babaeng Kristiyano o Hudyo, ating bibigyang-buod ang mga ito sa mga sumusunod:

1. Sa loob ng pamilya. Sa loob ng maliit na pamilya, kung ang asawa ay may malakas na personalidad, ito ay mayroong impluwensiya sa kanyang maybahay. Ang pinakamalamang na palagay ay mahihikayat ang maybahay sa Islam. Ngunit maaari ring mangyari ang kabaligtaran dahil maaaring ang maybahay ay manatili sa relihiyon nito at gagawin nito ang inaakala nitong ipinahihintulot ng relihiyon nito gaya ng pag-inom ng alak, pagkain ng baboy, at baka pati ang pakikipagkalaguyo. Sa pamamagitan nito ay malalansag at makakalas ang isang pamilyang Muslim at lalaki ang mga bata sa paraang salungat sa Islam. Maaaring masahol pa rito ang mangyari kapag sinadyang isama ng panatiko at nagmamatigas na maybahay ang mga anak nito sa simbahan at masasanay naman silang makakita ng mga pagsambang Kristiyano. Ang lumaki sa isang bagay ay masasanay rito. 

2. Ang mga epekto sa lipunang Muslim. Ang pagdami ng mga asawang Kristiyano o Hudiyo sa loob ng lipunang Muslim ay isang mapanganib na bagay. Ang panganib nito sa loob ng lipunang Muslim ay kung sakaling nanghihina ang sambayanang Muslim, na siyang nangyayari ngayon, kaalinsabay ng pagtaas ng antas ng pamumuhay ng mga bansang Kristiyano. Ang mga babaeng ito sa ganitong kalagayan ay nagsisilbing mga sugo ng mapanganib na pananalakay pangkaisipan sa loob ng sambayanang Muslim, ng pagkalansag at pagkabulok na bubuntut-buntot sa sambayanan, at ng ginagawa nilang mga kaugaliwan Kristiyano na ang pangunahin sa mga ito ay ang paghahalubilo ng mga kalalakihan at mga kababaihan kalakip na rito ang mga halos hubad na mga kasuutan at mga gawaing salungat sa mga katuruan ng Islam.

SOURCE:
Isinalin ng: Zulfi Foreigners' Guidance Office P.O. Box: 182 Zulfi 11932 Saudi Arabia Tel.: 06 4225657 Fax: 00966 4224234