Sunday, July 17, 2016

Ang Unang Kautusan ng Diyos

Disclaimer: Photo not owned by YPPAI


Ang Pagsamba sa Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha ang siyang UNANG KAUTUSAN na nakatala sa mga Banal na Kasulatang ipinahayag Niya sa Sangkatauhan. Ang Suhuf (Kalatas ni Abraham), ang Zabur (Psalmo ni David), ang Tawrah (Torah ni Moises), ang Injeel (Ebanghelyo ni Hesus) at ang Qur’an na ipinahayag kay Muhammad – lahat ay tila isang tanikalang gumagapos sa iisang hugpong na mensahe – “O, Sangkatauhan! sambahin ninyo ang inyong Diyos na Lumikha sa inyo!”

 

Sa Ngalan ng Allah Ang Mahabagin, Ang Maawain


Ang Panimula

Bago natin talakayin ang paksang “Sino ang dapat sambahin?” bigyan nating liwanag ang mga pangunahing pangangailangan upang maabot natin ang pinakadiwa at kahulugan ng mensahe ng aklat na ito.

I. Mayroon Nga Bang Diyos?

Bagama’t ang tao ay nilikha na may likas na paniniwala sa isang Diyos, mayroon namang mga “atheist” o taong walang paniniwala sa Diyos. Sila ay naniniwala na ang sangkatauhan ay isa lamang bahagi ng bunga ng di-sinasadyang pagkakataon. Pag-aralan natin nang may katapatan at malalim na pag-iisip ang lahat ng bagay na nilikha sa buong santinakpan kabilang na ang ating sarili – ang ating matang nakakakita, ang puso nating tumitibok, ang dilang nagsasalita, ang taingang nakaririnig, ang bibig na nakalalasa, ang katawang nakadarama, ang paa at kamay na gumagalaw, ang ating damdaming marunong magmahal, malungkot, magsaya at magalit. Ang hugis, anyo o hubog ay nagpapahiwatig na may isang Tagapaghubog, Tagapaghugis at Tagapag-anyo. Sa ating kapaligiran, makikita ang magagandang tanawin, mga pananim na may iba’t ibang bunga at bulaklak, mga iba’t ibang uri ng hayop at mga ibong lumilipad, ang mga karagatan at tubig na umaagos, ang hanging hinihingahan at dumadampi sa ating balat, ang mga kulumpong na bituin sa kalangitan at araw na nagbibigay liwanag at init. Lahat ay may sariling ginagampanan at ginagalawan. Hindi ba ito ay mga palatandaan sa likas na katotohanan na tunay nga na mayroong isang Manlilikha? Kung bibilangin natin ang lahat ng pagpapalang ipinagkaloob Niya sa atin – sino kaya sa atin ang hindi tatalima, susuko at susunod sa Kautusan ng Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha? Ang Qur’an ay nagpahayag ng katotohanan:

Qur’an 41:37 “At kabilang sa Kanyang mga palatandaan ay ang gabi at araw, ang araw at buwan. Huwag kayong magpatirapa sa araw at buwan bagkus magpatirapa (sumamba) sa Allah na Siyang lumikha sa kanila, kung tunay nga na Siya ang inyong sinasamba.”

Qur’an 45:3-6 “Katotohanan! mula sa mga kalangitan at kalupaan ay mga palatandaan para sa mga mananampalataya  (sa Nag-iisang Diyos – Allah). At sa pagkakalikha sa inyo at sa anumang buhay na nilalang na  nangagkalat (sa lupa) ito ay mga palatandaan para sa (taong) may tiyak na pananampalataya. At sa pagsasalitan ng gabi at araw, at sa panustos na ibinaba ng Allah mula sa kalangitan, at mula rito ay muling binuhay ang tigang na lupa na dati ay walang buhay. At sa pagbabago ng ihip ng hangin, ay mga palatandaan para sa mga taong may pang-unawa. Ito ang mga palatandaan ng Allah na Aming binibigkas sa iyo nang makatotohanan: samakatuwid sa ano pa bang pagpapahayag ang maaaring paniwalaan nila pagkaraang (itakwil nila) ang Allah at ang Kanyang mga palatandaan?”

II. Ang Tamang Konsepto (Pagkilala) Sa Isang  Tunay Na Diyos

Ang ikalawang pangunahing pangangailangan upang ganap na maunawaan ang paksang tatalakayin, ay ang tamang pagkilala o konsepto sa Diyos. Bagama't maraming tao ang naniniwala sa pagkakaroon ng nag-iisang Diyos, ang pagkilala rito ay kapos at walang batayan. Ano nga ba ang katotohanan tungkol sa tunay na pangalan ng Nag-iisang Diyos? Ang matibay na batayan dito ay ang orihinal na wika ng mga Propeta na isinugo ng Nag-iisang Diyos at ang Banal na Kasulatan na dala ng mga naturang Propeta. Pumili tayo ng mga kinikilalang Propeta at Banal na Kasulatan. Nangunguna na rito ang tatlong dakilang Propeta ng tatlong pangunahing relihiyon sa mundo, sina Moises (Judaismo), Hesus (Kristiyanismo) at Muhammad (Islam). At mula sa mga Banal na Kasulatan, babanggitin natin ang Torah ni Moises (wala na ang orihinal nito kaya ang batayan ng mga Hudyo ay ang Lumang Tipan), ang Ebanghelyo ni Hesus (wala na rin ang orihinal na Ebanghelyo, kaya ang batayan ay ang Bagong Tipan, at ang Huling Banal na Kasulatan na tinatawag na Al Qur’an ng huling Propeta – Muhammad. Batay sa mga nabanggit na mga Propeta at ang kanilang mga Banal na Kasulatan, ating matutunghayan sa ilang pahina ng mga kasulatang ito ang katawagan na ginamit na tumutukoy sa Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha. Sa maikling salita, ginamit ni Moises sa kanyang wikang Hebreo ang Eloihim , ginamit ni Hesus sa kanyang wikang Aramaiko ang Eli at ginamit ni Propeta Muhammad ang Allah batay sa kanyang wikang arabik at kapahayagang Al Qur’an.
 
Allah- Ang Nag-iisang Tunay Na Diyos

Maaaring bago sa pandinig ng di-Muslim ang salitang “Allah”, nguni't kung marunong lamang magbasa ng wikang semitiko (Aramaiko, Hebreo, Arabik, at iba pa) ang mga iskolar ng ibang relihiyon, kanilang matutunghayan na ang “Allah” na sinasamba ng mga Muslim ay Siya ring Diyos na Tagapaglikha (The Almighty Creator) na kinikilala ng lahat ng Propeta-katulad nina Adam, Noah, Abraham, Ismael, Isaak, Lot, Enoch, David, Soliman,Moises, Aaron, Zakariyah, Juan Bautista, Hesukristo. Sa Bibliya, mababasa na si Hesus ay nagdasal at nagsumamo sa kanyang tinatawag na Diyos ng “Eli, Eli, lama Sabachtani?” (Mark 15:34) Ang ibig sabihin “Diyos ko, Diyos ko bakit Ninyo ako pinabayaan?” Ang Eli na tinatawag at kinikilalang Diyos ni Hesus sa kanyang wikang Aramaiko rito ay katumbas ng wikang arabik na “Elahi” (aking Diyos). At maging ang “Eloihim” ay matutunghayan din sa Bibliya bilang katawagan sa Diyos ni Propeta Moises sa kanyang wikang Hebreo. Alalahanin na sa wikang Arabik at Hebreo, ang IM sa dulo ng Eloihim ay isang salitang paggalang (plural of respect). Katulad ng Pilipino na ginagamit ang Kayo, Inyo kung ang kausap ay matanda bilang paggalang dito. Kaya’t ang Eli, Elah at Eloihim ay hindi tatlong magkakaibang kahulugan at salita kundi tatlong semitikong wikang tumutukoy sa isang Arabik na salitang nakaugnay lamang sa Tanging Nag-iisang Tagapaglikha (The One and Only Creator) – ang Allah at ito ang Siyang tunay na Pangalan ng Nag-iisang Diyos. Katunayan pa nito, maging sa simbahan ng mga Kristiyano, ang awiting papuri sa Diyos na “Alleluya” ay katumbas ng “Allah Huwa” sa arabik na ang ibig sabihin ay “Siya ang Allah”. Ito ay isang bakas ng katotohanan na hindi maaaring ikubli ng sinuman.

Sino Si Jehovah?

Ang salitang “Jehovah” ay hindi maaaring maging pangalan ng Diyos sapagka't ayon na rin sa aklat na “World Religions From Ancient History” (edited by Geoffrey Parrinder, p 386) ang salitang Jehovah ay isang “medieval misreading” na ang ibig sabihin ay maling pagbigkas sa pagbasa nito at hindi ito matatagpuan sa Bibliyang Hebreo. Ayon pa rin sa “Interpreters Dictionary of the Bible” ang pangalang Jehovah ay isang artipisiyal na pangalan (vol 2, p 817). Ang “Asimov’s Guide to the Bible” ay nagsabi na ang Jehovah ay pagkakamali (vol 1 p, 135) at ang pagkakamaling ito ay magpapatuloy. Ang paliwanag naman ng mga kasapi ng Jehovah Witness ay ito: ang Jehovah ay mula sa YHWH (tetragrammaton). Ang ibig sabihin ng Tetra (ito ay wikang griego) ay apat at ang “grammaton” ay titik. Alalahanin na ito ay hindi winika ni Hesus, at hindi rin winika ni Moises at maging sino mang Propeta. Ang salitang Jehovah ay pagkakamali sapagka't nang ang isang Kristiyanong nangangalang Petrus Galantinus (AD 1520) ay pinaghalo ang katinig na YHWH sa patinig  na a, o at a nabuo ang salitang Ya Ho WaH. At dahil ang titik na “Ya” ay binibigkas sa wikang Latin ng “J” ang Jehovah ay naibigkas sa ganoong kaparaanan. Bagama’t inamin na ang salitang “Jehovah” ay isang pagkakamali, ito ay patuloy na ginamit. Higit pa rito, ang salitang Jehovah ay hindi nabanggit at wala sa pandinig ng sinumang nakabasa ng Old at New Testament bago dumating ang 16th century. Ganoon din naman ang pangalang Jesus, ito ay wala sa orihinal na wikang aramaiko ni Jesus (Esau ang tunay niyang pangalan sa aramaiko, at Eesa naman sa arabik). Ganyan din ang nangyari sa pangalan nina Yahya (John the Baptist), Yacob (Jacob), Yusuf (Joseph), Yehuda (Judah), Yeheshua (Joshua). Sadyang napakahalaga sa bawa't tao na magkaroon ng tapat na pagsisiyasat at pag-aaral tungkol sa paksang ito upang makita ang katotohanan.

Ang Kahulugan Ng “Yahweh”

At ayon din sa “New Jerusalem Bible” ang YHWH na binibigkas na YAHWEH ay binigyan ng paliwanag ng ganito: Ito ay bahagi ng wikang Hebreo na nagpapahiwatig o nangangahulugang “Siya” o sa ingles na “He is”. Kung ang salitang Yahweh ay “Siya” hindi ito isang ganap na pangalan. Kaya higit na angkop ang salitang Allah kaysa sa Jehovah o Yahweh. Ang mga arabong kristiyano at Muslim ay kapwa tumatawag sa Diyos sa pangalang  “Allah”  .

Ang Kahulugan Ng “Bathala”

Ang salitang “Bathala” ay mula sa wikang arabik na “Bayt Allah”. Ang salitang “Bayt” ay katumbas ng “Bahay o Tahanan” sa ating wikang Pilipino. At ang “Allah” naman ay ang Nag-iisang Diyos. Kaya, kung pagsasamahin ang dalawang salitang Bayt Allah o Bathala ang kahulugan nito ay Bahay o Tahanan ng Diyos (Allah). Samakatuwid, kahit sa salitang Bathala, ating matatagpuan ang bakas ng katotohanan na walang ibang tunay na diyos maliban sa Allah.

Ang “God, Gods At Goddess”

Ang salitang “Allah” ay pinanatili upang bigyang pagkakaiba ang natatanging pangalan ng Nag-iisang Tagapaglikha at ang kaibahan Niya sa Kanyang mga nilikha. Ang Allah ay hindi nasasangkot at hindi nababahiran ng anumang katangian o paglalarawan na angkop lamang para sa Kanyang mga nilikha. Halimbawa; ang Kasarian (sexual identity) – ito ay ginagamit upang bigyang pagkakaiba ang babae at lalaki. Ang Kasarian ay hindi maaaring taglayin ng isang Tunay na Diyos. Ang “Allah” ay hindi rin nasasangkot sa pangmaramihan (plurality of number) – Hindi katulad ng salitang “god” sa wikang ingles kapag ito ay dinagdagan ng letrang “s” sa dulo ng god, ito ay magiging gods na nangangahulugan na “maraming diyos”. O di kaya ay “dess” na naging “goddess” na ang kahulugan ay diyos na babae. Ang Allah ay isang salita na nagsasaad ng Kaluwalhatian, Kapangyarihan, Kadakilaan at Kapurihan o Karangalan. Ito ay isang banal na katawagan na hindi maaaring gamitin ng sinumang nilikha sa anupamang dahilan at pamamaraan at kalagayan.

Ang Konseptong “Diyos Ama”

Ang katawagang “Diyos Ama” ay hindi ginagamit ng mga Muslim sapagka't ang “ama” ay nagpapahiwatig ng isang katangian ng tao. Ang Allah ay hindi nagkaanak o nanganganak at hindi rin naman Siya ipinanganak ng ninuman sapagka't ang ganitong kalakaran ay angkop lamang sa tao o hayop. Tunay na napakaganda ng Konsepto ng Islam tungkol sa Diyos. Maliwanag nitong binigyang pagkakaiba at pagitan ang anumang katawagang nararapat sa Diyos na hindi maaaring matagpuan sa katawagan umuugnay naman sa isang nilikha lamang. Ang paggamit o pagtawag ni Hesus bilang Ama sa Diyos ay isang metaporikal na pagtawag lamang at hindi literal na pagtawag na karaniwang ginagamit ng tao. Karaniwang ginagamit ang metaporikal na (ama) sa makalumang panahon. Ang “ama” sa metaporikal na kahulugan ay maaaring “tagapagsimula o tagapagtatag (Founder). Maging sa ating bansa, metaporikal din ang ginagamit sa pagbibigay tag-uri o pagkilala sa mga dakilang tao, halimbawa – ang Pangulong Manuel Quezon ay siyang tagapagsimula (founder) o tagapagtatag ng wikang Pilipino kaya naman siya ay tinaguriang “Ama ng Wika”. Kaya nga, ang Islam ay ganap na umiiwas sa anupamang masalimuot na kataga na maaaring magdulot ng pag-aalinlangan o maling kaisipan tungkol sa malinis at wagas ng pagkakilala sa Nag-iisang Tunay na Diyos. Siya ang Nag-iisang tunay na Diyos, nag-iisang walang katulad, nag-iisang walang kapantay, nag-iisang may ganap na kapangyarihan, katarungan, kagandahan, karunungan, kaalaman – na walang paghahambing sa sinuman. Batid Niya ang nasa kalaliman ng karagatan, ng kalupaan at ng kalangitan. Walang makaaarok o makasusukat sa Kanyang kakayahan.

III. Bakit Nilikha Ng Allah Ang Sangkatauhan?

Mula sa pananaw ng sangkatauhan, ang katanungang “Bakit nilikha ng Allah (Diyos) ang Sangkatauhan?” ay nagpapahiwatig ng isa pang mahalagang katanungan - “Ano ang pananagutan ng tao sa Allah (Diyos)?” Sa Huling Kasulatan o Kapahayagan ng Diyos – ang Banal na Qur’an, ang katanungan ay binigyan ng malinaw na kasagutan. Ang Diyos na Tagapaglikha ay nagsabi na ang bawa't tao ay isinilang na may likas na pagkilala sa Diyos. Ang paniniwala sa iisang Diyos ay nakatatak sa bawa't kaluluwa ng tao. Ang mga magulang at ang kapaligiran ng isang sanggol ang siyang nagtulak upang siya ay mapaligaw mula sa pagsamba sa Tagapaglikha patungo sa pagsamba sa isang huwad na diyos.

At batay sa likas na paniniwala sa iisang Diyos, ang layunin ng pagkakalikha sa tao ay binigyan ng paliwanag. Ang Diyos na Tagapalikha – (Allah) ay nagpahayag batay sa Banal na Qur’an ng ganito:

Qur’an 51:56 “At hindi Ko nilikha ang Jinn  at Tao maliban lamang na Ako ay kanilang sambahin.”

Kung ang dahilan ang pagkakalikha sa tao ay upang sumamba sa Nag-iisang Diyos na Taga-paglikha, magkagayon, ang tao ay pumapailalaim sa Kapangyarihan ng Diyos bilang alipin. Samakatuwid ang Diyos na Tagapaglikha ay tumatayo bilang Panginoon ng lahat ng nilikha. Ang tao bilang isang alipin ng Allah ay nananatiling alipin sa lahat ng oras, panahon at sa lahat ng pagkakataon o kalagayan. Hindi siya alipin sa isang takdang panahon lamang bagkus siya ay mananatiling alipin magpakailanman.

TAO – Ang Alipin ng Diyos.

Ang tao ay alipin ng Diyos. Hindi siya alipin ng sinumang tao o ng kahit anupaman. Ang Allah ay nag-utos:

Qur'an 6:162-163 “Sabihin mo: ‘Katotohanan, ang aking Salaah (pagdarasal), ang aking pag-aalay (pagkatay ng hayop), ang aking buhay at ang aking kamatayan ay para sa Allah lamang, ang Rabb (Panginoon) ng lahat ng nilalang. Siya ay walang katambal. At iyon ay ipinag-utos sa akin…"

Ang Makapangyarihang Diyos bilang Panginoon ng tao ay  nagbigay ng mga Batas at Pamamaraan ng Buhay upang maisakatuparan at maitaguyod ng tao ang Banal na Layunin ng pagkakalikha sa kanya – ito nga ay ang pagsamba sa Kanya lamang. At upang maiparating ang mga Batas o Kautusan para sa tao, pumili Siya ng mabubuting tao na tinatawag nating mga PROPETA o SUGO. At sila ang nagbigay patunay at nagturo sa sangkatauhan kung paano isagawa ang lahat ng kautusan at Batas ng Nag-iisang Diyos. Sila ay nagpaliwanag sa lahat ng tao kung sino ang dapat sambahin bilang Diyos at Panginoon kalakip nito ang tamang pamamaraan ng buhay tungo sa kabutihan bilang paghahanda sa buhay na walang hanggan. Ang lahat ng Propeta-kabilang na si Adan, Noah, Abraham, Lot, Jacob, Isaak, Ismael, Moises, Aaron, David, Juan Bautista, Hesus  at ang huli sa kawing ng mga Propeta na si Muhammad()  ay nagkaisa sa pagtataguyod ng natatanging mensahe – ang Pagsamba sa Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha. Nasa tamang pagsamba matatagpuan ang haligi ng kabutihan na siyang gabay  tungo sa wagas  na buhay at kaligtasan. Kung ang isang tao ay may tamang konsepto tungkol sa Diyos, hindi mahirap para sa kanya na gampanan ang tungkulin bilang alipin ng Diyos, magkagayon, umuunlad ang kanyang pananampalataya at ang tunay na takot sa Diyos ay kanyang nadarama. Bunga nito, natututunan niyang iwasan ang masama. Kung siya man ay nagkasala, siya ay dagliang tumatalima at nagbabalik loob.

IV. Ang Unang Kautusan Ng Allah (Diyos)

At dahil nga sa ang layunin ng pagkakalikha sa tao ay upang sumamba lamang sa Tanging Isang Diyos, ito ang una, pangunahin at pinakadakilang Kautusan ng Diyos na ipinagkaloob Niya sa tao sa pamamagitan ng Kanyang mga Sugo at Propeta. Ang PAGSAMBA LAMANG SA IISANG DIYOS NA TAGAPAGLIKHA ang Unang Kautusan na nakatala sa lahat ng Banal na Kapahayagan o Kasulatan na ipinadala ng Diyos sa lupa. Ang unang Kautusang ito ang siya ring unang katanungan sa tao sa Araw ng kanyang Kamatayan  “Sino ang iyong Panginoon (at Diyos)? Kaya ang Qur’an ay laging nagpapaala-ala at nagbibigay babala sa sangkatauhan na manatili sa pagsamba sa Diyos na lumikha sa kanya:

Qur’an-2:21-22 “O! Sangkatauhan, sambahin ang inyong (Rabb ) Panginoon (Allah) na Siyang lumikha sa inyo at sa mga naunang (lahi) sa inyo upang kayo ay magkaroon ng kabanalan (takot sa Kanya). Siya ang gumawa ng kalupaan para sa inyo bilang (inyong) pahingahan at ang kalangitan bilang silungan, at nagpaagos mula sa langit ng tubig (ulan) at mula rito ay umusbong ang mga bungang-kahoy bilang inyong kabuhayan. Kaya’t huwag magtakda sa Allah ng mga kaagaw (sa pagsamba) samantalang ito ay inyong nalalaman (na walang ibang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah).”

Qur’an-2:28 “Paano ang di ninyo paniniwala sa Allah (samantalang) kayo ay walang buhay at kayo ay binigyang buhay Niya? Pagkaraan, kayo ay binigyang kamatayan at muling bubuhayin (sa Araw ng Paghuhukom) at sa Kanya kayo ay ibabalik.”

Sa bawa't panahon at sa lahat ng salin-lahi ng tao, ang Unang Kautusang ito ay nanatili bilang isang Banal na Kautusan na siyang buod at diwa ng Kaligtasan. Ito ang siyang kabuuan ng lahat ng uri ng kabutihan. At upang ang sangkatauhan ay magkaroon ng magkakatulad na kaisipan, konsepto, pagkilala sa iisang Diyos, at makaiwas sa pagsamba sa mga diyus-diyusan, isinugo Niya ang mga Propeta sa bawa't panahon, sa bawa't pamayanan at lahi bilang Tagapagpaliwanag at Tagapagbabala.

Kaya naman, ang Kautusang ito ay dala ng lahat ng Propetang isinugo ng Diyos na Tagapaglikha na hindi nagbago mula pa sa unang araw ng pagkakalikha Niya kay Adan hanggang sa Araw ng Paghuhukom. Ang Qur’an ay nagsabi:

Qur’an-16:36 “Katotohanan, Aming ipinadala sa bawa’t pamayanan ang isang Sugo (na nag-aanyayang): Sambahin ang Allah at iwasan ang huwad na diyos."

Qur’an-4:163 “Katotohanan, Aming kang binigyan ng (kapahayagan) inspirasyon (O, Muhammad) katulad ng (kapahayagan) inspirasyong ipinagkaloob Namin kay Noah at sa mga propetang (dumating) pagkaraan niya. At Amin ding binigyang inspirasyon si Abraham, Ismael, Isaak, Hakob at ang Al Asbat (labindalawang anak ni Hakob), Hesus, Hob, Jonas, Aaron, at si Solomon at kay David ipinagkaloob ang Zabur (Psalmo). At sa mga Sugo na Aming isinalaysay sa iyo noong una at mga Sugo na hindi isinalaysay at kay Moises ang Allah ay tuwirang nangusap sa kanya.”

V. Ang Mensahe Ng Mga Propeta At Sugo Ng Nag-iisang Diyos

Mula nang ang Kasalanang Idolatriya (pagsamba sa Huwad na Diyos) ay lumaganap sa pamayanan ng tao, ang Diyos na Tagapaglikha (Allah) ay nagsugo ng mga Propeta upang maituwid ang tao sa pagkalugmok sa kasalanan ng dahil sa maling pagsamba. Lahat ng Propeta na dumating sa mundong ito ay naghangad na hanguin ang sangkatauhan sa dilim ng Idolatriya tungo sa liwanag ng pagsamba sa nag-iisang Diyos batay sa prinsipiyong Tawheed (Pagkilala at Pagsamba sa Kaisahan ng Diyos).

Qur’an 6:82-86 “Sila na mananampalataya (sa Kaisahan ng Allah at sumasamba lamang sa Kanya) at hindi ipinaghahalo ang paglabag sa katarungan sa kanilang pananampalataya, ang mga iyon ay kanilang matatamo ang kapanatagan at sila ay napatnubayan. At ito ang patunay Namin na Aming ipinagkaloob kay Abraham laban sa kanyang mamamayan. Aming itinataas ang mga karangalan ng sinumang Aming naisin. Katiyakan, ang iyong Panginoon ay Matalino,(ang) Maalam. At Aming ipinagkaloob sa kanya (Abraham) sina Isaak at Hakob, bawa't isa sa kanila ay Aming pinatnubayan at nauna sa kanya, Aming pinatnubayan si Noah at mula sa kanyang mga lahing sina David, Solomon, Hob, Joseph, Moises, at Aaron. Ganito Namin ginagantimpalaan ang gumagawa ng kabutihan. At kay Zakariyah, at Juan at Hesus at Elias, bawa't isa sa kanila ay nabibilang sa mga matutuwid. At sina Ismael at Elisha, at Jonah at Lot at bawa't isa sa kanila ay Aming pinili ng higit sa mga nilalang (sa kanilang panahon).”

Ang mga talata sa ibaba mula sa Banal na Qur’an ay mga patunay na ang mensahe ng mga Propeta at Sugo ay walang pagkakaiba sa pangunahing aral at katuruan ng mga ito sapagka't ang lahat ay nagmula sa Tanging Isang Manlilikha.

Qur’an 42:13 “Itinalaga Niya sa inyo ang relihiyong katulad ng itinagubilin Niya kay Noah at yaong ipinahayag sa iyo (O, Muhammad) at siya ring itinagubilin kay Abraham at Moises at Hesus (na nagsabing): “Itatag ninyo ang relihiyon at huwag maghiwa-hiwalay  rito.”

Sa kasaysayan ng mga Banal na Kasulatan na ipinahayag ng Tanging Isang Diyos, ang katotohanan ay nanatiling nakatala magdaan man o lumipas ang mahabang panahon. Magbalik tanaw at paghambingin ang mensahe ng mga Propeta at Sugo ng Diyos.

Ang Mensahe Ni Propeta Noah

Si Propeta Noah ay nanatiling nanawagan sa mga tao na sumamba lamang sa Panginoong Tagapaglikha hanggang umabot siya ng 950 taong gulang. Sa panahong yaon, ang mga tao ay sumasamba rin sa mga rebulto at istatwa na tinawag nilang mga diyos na nangangalang Wadd, Suwa, Yaghuth, Ya’uq at Nasr. Si Propeta Noah ay patuloy na nagtiis sa pagbibigay babala sa tao at nagwika:

Qur’an-71:2-3 “Sinabi niya ‘O, aking mamamayan Katotohanan, ako ay isang malinaw at maliwanag na Tagapagbabala (Sugo) sa inyo – Na inyong dapat sambahin (lamang) ang Allah. Matakot sa Kanya at ako ay inyong sundin.”

At dahil sa kawalan ng pananampalataya sa tanging isang Diyos, dumating ang delubyo (malaking baha) bilang parusa sa kanila at sila ay nilunod at pinangyaring mapasok sa Impiyerno. Ang Qur’an ay nagsabi:

Qur’an-71:25 “Dahil sa kanilang mga kasalanan, sila ay nilunod at pinangyaring mapasok sa Apoy. At wala silang matagpuang mga karamay bukod sa Allah.”

Ang Mensahe Ni Propeta Abraham

Kung ano ang pangunahing aral ni Noah, ay siya ring aral na ipinamahagi ng mga sumunod na Propeta. Lagi at lagi nang nagsusugo ng Propeta ang Diyos na Makapangyarihan upang ang tao ay manatili sa pagkilala sa Kanya. Sa mahabang panahon ang Makapangyarihang Diyos ay binigyang patnubay ang sangkatauhan at hindi Niya hinayaang maligaw ng landas. Iminumulat ang tao sa malinis na pagsamba at pagkilala sa tunay na Diyos laban sa mga diyus-diyusan ng ginawa lamang ng sariling imahinasyong pag-iisip ng ilang taong naligaw ng landas. Si Propeta Abraham ay kinilala ng mga Hudyo, Kristiyano at maging ang mga Muslim bilang Ama ng Pananampalataya (Father of Faith in the Oneness of God). Sa kanyang panahon, ang mga tao ay muling sumamba sa mga istatwa o rebulto. Maging ang kanyang ama ay deboto sa mga istatwa o imahen. Minsan, kanyang pinagpapalakol ang mga rebulto at ang palakol ay isinandal niya sa malaking rebulto. Nang dumating ang mga taong sumasamba sa mga rebulto o istatwa, sila ay nagulat sa pagkakasira ng kanilang mga diyos. Kaagad nilang naisip si Abraham dahil lantaran itong sumasalungat sa pagsamba sa mga diyus-diyusan nila. Kaya tinanong nila si Propeta Abraham kung sino ang may kagagawan ng pagkawasak ng mga rebulto. Itinuro ni Propeta Abraham ang pinakamalaking rebulto at sinabing ang rebultong ito ang may kagagawan. Nagalit ang mga tao kay Propeta Abraham at siya ay iginapos at tinangkang sunugin. Paano nga namang magagawa ng isang rebultong walang buhay ang paninira sa ibang rebultong kasama nito? Ang pangyayari o kasaysayang ito ay isa lamang paraan upang magising at maimulat ang tao sa katotohanan na walang dapat sambahin kundi ang Tagapaglikha. Ang tunay na Diyos ay walang larawan at hindi maihahalintulad sa isang rebulto, imahen, istatwa o anupamang ginawa ng kamay ng tao. Na ang tao ay dapat talikdan ang pagsamba sa mga istatwa, rebulto, imahen, litrato, propeta o anupamang bagay na nilikha lamang at hindi makapagbibigay kapakinabangan sa kanila. Mula sa Banal na Qur’an, ito ay nagpahayag:

Qur’an-29:16 “At (tandaan), nang si Abraham ay magsabi sa kanyang mamamayan: Sambahin ang Allah (lamang) at magkaroon ng takot sa Kanya. Ito ay makabubuti sa inyo kung nalalaman lamang ninyo ito.”

Qur’an-29:17 “Ang tanging inyong sinasamba ay mga diyos-diyusang (rebulto at istatwa) lamang bukod sa Allah at kayo ay gumagawa ng isang kasinungalingan (at kapalaluan). Katotohanan, yaong sinasamba ninyo bukod sa Allah ay walang kapangyarihang makapagbigay ng inyong ikabubuhay. Kaya, humingi (lamang) ng ikabubuhay sa Allah at sambahin Siya  lamang at maging mapagpasalamat sa Kanya. (Sapagka't) sa Kanya, kayo ay ibabalik.”

Ang Mensahe Ni Propeta Hakob

Ang aral ni Propeta Abraham ay siya ring aral na iniwan sa kanyang mga anak na sina Propeta Ismael at Isaak. Nang magkaanak si Isaak, na ang ngalan ay Hakob (Yakub), iniwan din ang pangunahing kautusang ito.

Qur’an-2:133 “O, kayo ba ay saksi nang si Hakob ay naghihingalo? Nang sabihin niya sa kanyang mga anak na lalaki, 'Ano ang inyong sasambahin kung ako ay yumao?' Sila ay nagsabi, 'Aming sasambahin ang iyong Diyos – Allah, na (Siya ring) Diyos ng iyong mga ninuno na sina Abraham, Ismael, Isaak – Isang Diyos (lamang) at kami ay sumusuko sa Kanya.'”

Ang Mensahe Ni Propeta Joseph (anak ni Propeta Hakob)

Ganito rin ang aral na iniwan ni Propeta Hakob (Hacob na tinawag na Israel) sa kanyang mga anak (12 tribes) kabilang si Propeta Joseph (Yusuf).

Qur’an-12:38 “At aking sinusunod ang relihiyon ng aking mga ninuno, – Abraham, Isaak at Hakob (at) hindi kami magbibigay ng anupamang katambal (sa pagsamba) sa Allah. At ito ay isang pagpapala mula sa Allah para sa amin at para sa Sangkatauhan nguni’t karamihan sa tao ay walang pasasalamat.”

Ang Mensahe Ni Propeta Elijah (Elias)

Ang mga sumunod pang mga lahi ay ganoon din ang aral katulad ni Propeta Elias. Matutunghayan sa Banal na Qur’an ang paanyaya at babala niya sa tao na:

Qur’an-37:123-126 “At Katotohanan, si Elias ay isa sa mga isinugo. Nang siya ay nagsabi sa kanyang mamamayan; 'Kayo ba ay walang takot (sa Allah)? Dadalangin ba kayo kay Ba’l (diyus-diyusan sa kanilang lugar) at itatakwil ang pinakamahusay sa mga  Tagapaglikha?' Ang Allah ang inyong Panginoon at Panginoon ng inyong mga naunang ninuno.”

Ang Mensahe Ni Propeta Moises

Mula sa aklat na ipinagkaloob ng Diyos (Allah) kay Moises na tinatawag na Torah (Tawrah sa Arabik) at maging sa SAMPUNG KAUTUSAN (Ten Commandments of God) na magpahanggang ngayon ay kinikilala at ibinabantayog ng mga Hudyo at mga Kristiyano, ang pangunahing Kautusan ay IBIGIN MO ANG DIYOS NG HIGIT KANINUMAN. At ang pag-ibig sa Diyos ang siyang diwa ng ganap at wagas na pagsamba sa Nag-iisang Diyos (Allah) na Siyang may likha sa lahat ng bagay. Si Moises ay matibay na inihayag ang pangunahing kautusan mula sa Bibliya at nagsabi:

Deuteronomio-6:5 “Pakinggan mo O Israel, Ang Panginoong Diyos ay Isang Panginoon. At inyong mahalin ang inyong Panginoon ng buong puso, ng buong kaluluwa at buong lakas.”

Ang kasaysayan ni Paraon ay hindi kukupas at laging mananatili sa kaisipan ng bawa't tao. Si Paraon ay isang hari sa Lumang Ehipto (Egypt). Itinuring niya ang kanyang sarili bilang diyos at panginoon ng mga taong sinasakupan niya. Siya ay mapagmataas at walang kinikilalang diyos maliban sa kanyang sarili. Ang Banal na Qur’an ay nagsalaysay  tungkol kay Paraon:

Qur’an-28:38 “At si Paraon ay nagsabi: O! aking mga tagapamahala, wala akong nalalaman (o kinikilalang) iba pang diyos para sa inyo maliban sa akin. Kaya’t magpaningas ka para sa akin, O Haman ng apoy sa luwad ( batong tisa) at  ipagpatayo mo ako ng isang mataas (matayog) na palasyo (tore) upang aking matanaw ang Diyos ni Moises at tunay na ako ay nagtuturing na siya (Moises) ay kabilang sa mga sinungaling.”

Ang pagbibigay babala ni Propeta Moises ay nagpatuloy hanggang magpakita ito ng mga himala upang patunayan nito kay Paraon na mayroong isang tunay na Diyos (Allah) na dapat kilalanin at sambahin. Nguni't, si Paraon ay mapagmataas at matigas ang puso at kalooban. Bagama't ang kanyang sariling mga salamangkero (magician) ay pakumbabang tinanggap ang himalang ginawa ni Moises sa kapahintulutan ng Allah, si Paraon ay nanatiling matibay sa kanyang paniniwala na siya lamang ang diyos na dapat kilalanin ng kanyang mga tauhan. At dahil nga sa kalupitan niya sa mga kasamahan ni Moises, nagpasiya ang mga ito na lumikas at mangibang bayan kasama si Moises. Sa patnubay ng Allah, sila ay inutusan na tahakin ang karagatan na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Allah, ang dagat ay nahawi at nahati at naging isang daan ito sa pagtakas patungong ibayong lugar. Hinabol ni Paraon at ng kanyang mga tauhan ang mga kasamahan ni Moises. Nguni't sa kapangyarihan ng Allah, si Paraon at ang kanyang mga tauhan ay inagaw ng malalaking alon. Ang kasaysayang ito ay pinatunayan ng Banal na Qur’an.

Qur’an-28:40 “At Aming hinablot siya (Paraon) at ng kanyang mga kawal at inihagis sa karagatan (at pinangyaring malunod) Kaya’t pagmasdan kung paano ang nagiging wakas (kahihinatnan) ng mga makasalanan.”

Nang si Paraon ay malulunod na, siya ay nagsisi at ang pangyayaring ito ay ipinahayag ng Banal na Qur’an na nagwikang:

Qur’an-10:90 “Siya (Paraon) ay nagsabi: ‘Ako ay naniniwala na walang diyos (na dapat sambahin) maliban (sa Allah) – na Siyang pinaniniwalaan ng mga Angkan ni Israel, at ako ay isa sa mga Muslim – sumusuko sa Kalooban ng Allah.”

Nguni't ang pagsisisi ni Paraon ay huli na sapagka't ang kamatayan ay naitakda na sa kanya. Ang Banal na Qur’an ay nagsabi:

Qur’an-10:91 “Ngayon pa, samantalang sumuway ka noon at ikaw ay kabilang sa mga gumagawa ng katiwalian.”

Qur’an-10:92 “Kaya sa araw na ito, Aming iaahon (dadalhin) ang iyong bangkay (mula sa karagatan) upang ikaw ay maging palatandaan (o maging aral at babala) sa mga darating pang lahi pagkalipas mo. Katotohanan, marami sa sangkatauhan ang hindi nagbigay pansin sa Aming mga palatandaan (o babala).”

Maging sa kasalukuyang panahon, ang bakas ng kasaysayan ni Paraon ay makikita pa rin sa makabagong Ehipto. Ang patay na katawan ni Paraon at ng ilang mga kasamahan ay makikita sa mga museleo ng Ehipto. Sa mga "Archeological sites" laging natatagpuan ang ilang labi ng kaharian ni Paraon at ng ilang bangkay ng kanyang mga kasamahan. Ito ay isang patunay lamang kung ano ang sinabi ng Allah mula sa Banal na Qur’an na binanggit sa itaas. Kahit lumipas pa ang libu-libong taon, ang bangkay ni Paraon ay mananatiling isang naiwang babala para sa sangkatauhan. Ipagpatuloy natin ang ginawang pagpapakasakit ni Propeta Moises pagkaraan lumikas sila sa kamay ni Paraon tungo sa ibang pook. Tunghayan ang paksang “Pagsamba sa Baka” bilang karugtong ng kasaysayan ni Propeta Moises at ng kapatid niyang si Propeta Aaron.

Ang Mensahe Ni Propeta Hesus

Ang mensahe ni Hesus ay walang pagkakaiba sa mensaheng dala ng mga Propetang nauna sa kanyang kapanahunan. Hindi ito sumasalungat sa pundamental na aral ng lahat ng Propeta. Halimbawa: Sa Bibliya (Bagong Tipan), si Hesus ay nagbigay aral din sa Unang Kautusang (pagsamba sa iisang Diyos) ito at nagwikang:

Markus-12:29 “Pakinggan mo O, Israel. Ang Panginoon nating Diyos ay Isang Panginoon. At iyong mahalin ang iyong Panginoong Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, ng buong isip at ng buong lakas.”

Mula naman sa pahina ng Huling Kapahayagan – ang Qur’an matutunghayan din ang tunay na mensaheng dala-dala ni Hesus. Minsan, ang isang disipulo ni Hesus ay nagtanong sa kanya. Ano ba ang pang-ulo (pangunahing) kautusan? Si Hesus ay nagsabi:

Qur’an-3:51 “Katotohanan, ang Allah ang aking Rabb (Panginoon) at inyong Rabb (Panginoon) kaya’t Sambahin Siya. Ito ang matuwid na landas.”

Qur’an-5:72 “At nagsabi ang Mesiyas: ’O, angkan ng Israel, Sambahin ang Allah, na aking Panginoon at inyong Panginoon. Katotohanan! Ang sinumang nagtatambal sa Allah, ang paraiso ay ipagkakait sa kanya. At ang apoy ang kanyang tirahan”

At maging sa Bibliya, nang tanungin si Hesus ng kanyang mga disipulo tungkol sa buhay na walang hanggan, siya ay nagwika:

Juan-17:3 “At ito ang buhay na walang hanggan, na inyong makilala ang Nag-iisang tunay na Diyos, at si Hesus na Kanyang isinugo.”

Tunay nga na ang kaligtasan ng tao ay nakasalalay sa pagsamba sa nag-iisang Diyos katulad ng katotohanang inihayag ni Hesus sa kanyang mga disipulo.

Ang Mensahe Ni Propeta Muhammad 

Sa panahon ni Propeta Muhammad bago pa man dumating ang Relihiyong Islam, ang Ka’bah – sentro ng pagsamba ay napapaligiran ng iba’t ibang estatwa, imahen, larawan ng mga hayop, at iba pa.  Ang mga arabo sa panahong yaon ay nagtayo sa kanilang mga sarili ng kanya-kanyang diyos na inaalayan ng iba’t ibang uri ng pag-aalay. Nguni't ng dumating ang Kapahayagan ng Diyos (ang Qur’an) na nag-utos na talikdan ang pagsamba sa iba’t ibang diyus-diyusan, ang Ka’bah ay naging malinis sa anupamang uri ng Idolatriya. Silang mga arabo ay nagising sa katotohanan na walang ibang diyos na dapat sambahin kundi ang Allah. Ang Dakilang Allah, ay nag-utos kay Propeta Muhammad mula sa Banal na Qur’an:

Qur’an-7:158 “Sabihin mo (Muhammad):‘O Sangkatauhan! Katotohanan, ako ay isinugo sa inyong lahat bilang Sugo ng Allah – Na Siyang nagmamay-ari ng Kapamahalaan ng mga Kalangitan at ng Kalupaan. Walang ibang diyos (na dapat sambahin) maliban sa Kanya, Siya ang nagbibigay buhay at kamatayan. Kaya’t maniwala sa Allah at sa Kanyang Sugo.”

Qur’an-28:70 “At Siya ang Allah, walang ibang diyos (na dapat sambahin) maliban sa Kanya. Ang Papuri at pasasalamat ay sa Kanya (lamang) sa mundong ito at sa Kabilang buhay. At sa Kanya ang kapasiyahan, at sa Kanya kayo ay ibabalik (lahat).”

VI. Iba Ang Tagapaglikha, Iba Ang Nilikha

Sa ngayon karamihan sa tao ay muling bumalik sa maling pagsamba. Marahil, ito ay dahil na rin sa kawalan ng pinanghahawakang orihinal na Kasulatan na maaaring makapagbigay ng tamang pang-unawa tungkol sa Diyos. Sa iba’t ibang relihiyon ng makabagong panahon ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos ay yaong ang Diyos na TAGAPAGLIKHA ay naging isang NILIKHA. At dahil sa paniniwalang ito, sila ay sumasamba sa inaakala nilang diyos. Ang mga ganitong paniniwala ay tunay na nagbibigay daan upang ang tao ay maharap sa pinakamalaking kasalanan, ang IDOLATRIYA. Ang pagsamba ng tao sa kapwa nilikha maging ito ay isang Propeta, Anghel, Santo, baka o anupaman, ay isang tanda ng pag-papaalipin sa kanyang kapwa nilikha, samakatuwid, ito ay isang malaking kasalanan na dapat iwasan ng tao. Ito ay ganap na pagtalikod sa Unang Kautusan ng Diyos (First Commandment). At kailanman, hindi ito aral ng mga Propeta.

Ang konsepto na “ang Diyos ay nasa lahat ng bagay” ay isang kamaliang paniniwala ng karamihan sa tao. Ang tamang konsepto  dito ay “ang Diyos ay nakaaalam ng lahat ng bagay” Ang Diyos ay Ganap na Makapangyarihan at hindi Niya kailangang maging tao o hayop o maging anupamang nilikha upang makausap Niya o magkaroon kaya ng tuwirang ugnayan sa Kanyang mga nilikha. Hindi Niya kailangang pumaroon pa sa isang lugar upang makita Niya ito. Taglay Niya ang walang hanggang Kaalaman, Kapangyarihan at Karunungan. Batid Niya ang laman ng puso ng sinuman. Ganap Niyang nalalaman ang galaw at kaisipan at maging ang pangangailangan ng Kanyang nilikha. Batid Niya ang anumang bagay na nasa mga kalangitan at kalupaan at maging ang nasa pagitan ng mga ito. Kung Kanyang naisin at itakda ang isang bagay, Siya ay magsasabi lamang ng “Kun (Maging)” at mangyayari nga!

Wala Pang Nakakita Sa Diyos!

Tunay nga na karamihan sa tao ay kadalasan ay humahantong sa pagsamba sa isang nilikhang katulad niya. Nguni't isang katotohanan ang dapat gawing batayan. Wala pang nakakita sa tunay na Diyos. Kung ang sinasamba ng isang tao ay isang banal na tao, hayop, rebulto o larawan, santo o santa dapat niyang malaman na ito ay hindi tunay na Diyos at walang katangiang pagka-diyos sapagka't mula sa mga Banal na Kasulatan, ang tunay na Diyos ay walang larawan o imahen at hindi Siya maaaring magkaroon ng anyong katulad ng Kanyang mga nilikha. Ang Kanyang Katangian, Diwa, Anyo, Mukha at kabuuan ay hindi maaaring makatulad ng sinuman sapagka't Siya ang Natatanging Tagapaglikha na ganap na iba kaysa sa Kanyang mga nilikha.

Ang Qur’an ay nagsabi na wala pang mata o paningin ang nakakita sa Kanya:

Qur’an-6:103 “Walang (kaisipan o) paningin ang makapanghahawak sa Kanya nguni't Kanyang napanghahawakan ang lahat ng (kaisipan o) paningin.”

Qur’an-112:4 “At sa Kanya ay walang (makakatulad at) makakapantay.”

Maging sa Lumang Tipan (Bibliya) ng mga Kristiyano nakasaad na sinabi ng Makapangyarihang Diyos:

Isaias-47:10  “At walang Nakakakita sa Akin.”

Isaias-46:9  “Ako ay Diyos at walang gaya ko.” Si Hesus ay nagsabi rin ng ganito:

Juan-5:37 “Kailanman hindi ninyo narinig ang Kanyang tinig, ni hindi man ninyo nakita ang kanyang anyo.”

Juan-1:18 “Walang tao ang nakakita sa Diyos sa anumang oras.”

Ang Pagsamba Kay Hesus  - Ang Messiah (Mesiyas)

At dahil ang layunin ng pagkakalikha sa tao ay upang sumamba lamang sa nag-iisang Manlilikha, ang pagsamba kay Hesus tuwiran man o hindi ay ganap na pagtalikod sa kautusan ng Diyos na ang hantungan at ibubunga ay walang hanggang parusa sa nagliliyab na apoy ng Impiyerno. Ito ay kasalanang walang kapatawaran. Maging si Hesus ay hindi nagsabi na siya ay Diyos na nagkatawang tao. At kailanman, si Hesus ay hindi nagsabi na siya ay dapat sambahin. Ang pagsamba ng tao sa kaninumang nilikha ay binigyang babala ng Bibliya. Katotohanan, walang kabuluhan ang pagsamba ng tao sa kapwa nilikha sapagka't ang Tunay na Diyos ay hindi tao.  Sa Bibliya ay nasusulat, ang Diyos ay tuwirang nagsabi na Siya ay hindi tao o kaya’y nagkatawang tao:

Oseas-11:9 "Sapagka't ako ay Diyos, hindi tao."

Mga Bilang-23:19 "Ang Diyos ay hindi tao na magsisinungaling o ni anak ng tao na nagsisisi."

Kung ang Diyos ay nagsabi na siya ay hindi tao, si Hesus sa kanyang sarili ay nagsabi na siya ay tao lamang. Nangangahulugan na ang turo ng simbahan o ng iba pang pinuno sa relihiyong Kristiyanismo ay sumasalungat sa pangunahing aral ni Hesus. Ang Bibliya ay nagsabi:

I Timoteo-2:5 "Sapagka't may isang Diyos at may isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao. Ang taong si Kristo Hesus."

Ang Katanungan Ng Allah (Diyos) Kay Hesus Sa Araw Ng Paghuhukom

At dahil nga sa paniniwala at pagsamba ng mga Kristiyano kay Hesus bilang Diyos, sa Araw ng Paghuhukom, si Propeta Hesus ay haharap sa Diyos na Tagapaglikha (Allah). Siya (Allah) ay magsasabi:

Qur’an-5:116-117 "At tandaan: Nang ang Allah ay magsabi: O, Hesus, anak ni Maria, ikaw ba ay nagsabi sa tao: “Gawin ninyo ako at ang aking Ina bilang mga diyos bukod pa sa Allah? Siya (Hesus) ay nagsabi: Luwalhati sa Iyo! (O Allah !) Hindi ko maaaring sabihin ang anumang bagay na wala akong karapatan, kung sinabi ko man iyon, ito ay Iyong batid. Batid Mo (O, Allah) ang aking kalooban gayong ang sa Iyo ay di ko batid. Katotohanan, Ikaw (lamang) ang lubos na Nakaaalam sa mga bagay na lingid. Wala akong sinabi sa kanila maliban kung ano ang Iyong ipinag-uutos: Sambahin ang Allah (Diyos), ang aking Panginoon at inyong Panginoon at ako ay saksi habang ako ay kasama nila at nang ako ay bawiin Mo, Ikaw (O, Allah!) ang Tagapagmasid sa kanila at (tanging) Ikaw ang Saksi sa bawa't bagay.”

Maging sa Bibliya, mayroon ding babalang sinabi si Hesus para doon sa mga taong sumusunod sa mga hindi makatuwirang doktrina na ginawa lamang ng tao at doon sa mga taong ginawang Panginoon si Hesus. Sa Araw ng Paghuhukom, ang mga taong sumamba kay Hesus ay magsisilapit sa kanya. Si Hesus ay magsasabi:

Mateo-15:9 "Datapwa’t walang kabuluhan ang pagsamba sa akin na nagtuturo ng kanilang inaaral ang mga utos ng mga tao."

At sila naman na tumatawag ng Panginoon kay Propeta Hesus, sa Bibliya ay mababasa:

Mateo-7:22 "Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangapalayas kami ng mga demonyo at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?"

Si Hesus ay nagtakwil sa ganitong uri ng tao. At mula sa Bibliya mababasa na siya ay nagwika:

Mateo-7:23 "Kailanman, hindi ko kayo nangakikilala. Magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan."

Karamihan sa mga makabagong Kristiyano ay ganap na tumalikod sa malinis at wagas na aral ni Hesus. Bagama't sila ay kumikilala sa Diyos na Tagapaglikha, ang kanilang pagsamba, panalangin at pagbibigay puri ay nakatuon kay Hesus bilang kanilang Panginoon. Sa paglalahad natin ng mga katotohanan, bakit nga ba patuloy na iniluluklok si Hesus bilang Makapangyarihang Diyos o Panginoon samantalang wala namang isang bagay na nalikha si Hesus bagkus siya rin ay nilikha lamang. Tunay na hindi ito makatarungan sa Diyos na ang karapatan Niya ay ganap na ipinagkaloob ng mga Kristiyano kay Hesus. Nawa'y magkaroon ng magandang kaisipan ang mga Kristiyano tungkol sa pagbibigay kaibahan sa Diyos bilang tunay na Panginoon at kay Hesus bilang isang alipin ng Diyos at Dakilang Sugo at Propeta.

Ang Pagsamba Kay Buddah

Sa relihiyong Buddhismo, pinaniniwalaan ng karamihan mula sa labas ng Northern India na si Buddha ay diyos na nagkatawang tao. Bagama't walang Banal na Kasulatan ang nagpapatunay na si Buddha nga ay isang diyos, patuloy siyang itinuturing ng kanyang mga tagasunod bilang Diyos na naging tao. Karagdagan pa nito, maging si Buddah sa kanyang sariling bibig ay hindi nagbigay kautusan na siya ay diyos na dapat pag-ukulan ng pagsamba. Ang ganitong kalakaran ay walang pagkakaiba sa pagsamba ng mga Kristiyano kay Hesus na inaakalang Diyos na naging tao.

Ang Pagsamba Sa Baka

Maging sa relihiyong Hinduismo, iba’t ibang uri ng mga diyos ang kanilang sinasamba at itinuturing nila ang baka bilang isa na may katangiang banal. Ipinagbabawal sa mga Hindu ang kumain ng baka sapagka't ito nga ay may pagkabanal na dapat pag-ukulan ng kakaibang pagsamba. Walang kaibahan ito sa panahon ni Propeta Moises, nang siya ay umakyat sa Bundok Sinai upang mangusap sa Panginoong Diyos, iniwan niya ang kanyang mga mamamayan sa paanan ng bundok. Nang hindi agad nakabalik si Moises, ang mga tao ay gumawa ng isang imahen ng baka at kanila itong itinakda bilang kanilang diyos. Nang dumating si Moises, namangha siya sa kanyang nakita. At nagsabi:

Qur’an-2:54  “O aking mamamayan! Katoto-hanan, nagkasala kayo sa inyong mga sarili sa pamamagitan ng paggawa ninyo sa baka (bilang diyus-diyusan). Kaya’t magbalik-loob (magsisi) sa inyong Tagapaglikha…”

Ang Pagdalangin Sa Mga Rebulto, Imahen At Mga Santo At Santa.

Ang pagdalangin o paghingi ng tulong o kapatawaran mula sa mga santo, santa, krus o anupamang bagay na likha lamang ng kamay ng tao ay katumbas na rin ng pagsamba sa kanila. Marami pa rin tayong nakikita sa kalakhang Kristiyanismo na may mga taong gumagawa ng mga santo o santa at kanila itong ipinagbibili. Ang taong bumili nito ay agad namang ipinabe-bendisyon sa isang pari. Pagkaraan nito, ito ay magsisimula ng luhuran at dasalan. Bakit nga ba napakababaw ng kaisipan ng ibang tao tungkol sa Diyos? Ang kabanalan o dangal ba ng ating Tagapaglikha ay katumbas lamang ng isang putol ng kahoy na nililok ng isang tao at pagkaraan ay ginawang imahen? Mayroon nga bang karapatan ang isang tao na gumawa ng santo o santa na maaaring dasalan ng kapwa tao? Mayroon bang kaibahan ang mga santo o santa sa ibang istatwa, laruang manika, manikin, robot na ginawa rin ng tao mula sa kanyang mga kamay? Ang tanging kaibahan lamang ay ang mga santo o santa ay binasbasan ng isang pari. At kailan ba naman nagkaroon ng karapatan ang isang pari na gawing banal na imahen ang isang putol ng kahoy na binihisan lamang ng makislap na damit? Sadyang ganap na taliwas ito sa Banal na kautusan ng Tunay na Diyos. Ang pangyayaring ito ay walang kaibahan ng panahon ni Propeta Abraham. Kanyang natagpuan ang kanyang ama at ibang tao na sumasamba sa mga imahen o rebulto. Si Propeta Abraham ay nagsabi:

Qur’an-21:52-53 “(Tandaan) Nang siya ay magsabi sa kanyang ama at mamamayan: ’Ano ba ang mga imaheng ito na pinaglalaanan ninyo ng pagsamba?' Sila ay nagsabi: 'Natagpuan naming sumasamba ang aming mga ninuno sa mga ito?'”

Ang Qur’an ay nagbigay babala sa mga taong dumadalangin at sumasamba bukod sa tunay na Diyos.

Qur’an-21:66-67 “Siya ay nagsabi: Bukod sa Allah, sumasamba ba kayo sa mga bagay na hindi makapagbibigay ng anumang  buti sa inyo o di makapagdudulot ng pinsala sa inyo? Sumpa sa inyo at sa mga (bagay) sinasamba ninyo bukod sa Allah! Wala ba kayong pag-iisip?”

Qur’an-37:95-96 “Siya ay nagsabi: Inyong sinasamba yaong nililok ninyo (ginawa ng inyong mga kamay) samantalang ang Allah ang Siyang lumikha sa inyo at ng inyong  ginagawa.”

Qur’an-7:195 “Sila ba (istatwa, rebulto) ay mayroong mga paa na nakalalakad? O, sila ba ay mayroong mga kamay na nakapanghahawak? O, sila ba ay mayroong mga mata na nakakikita? O, sila ba ay mayroong mga tainga na nakaririnig?"

Qur’an-21:98 “Katiyakan, kayong (walang pananampalataya sa Allah) at yaong inyong sinasamba bukod sa Allah ay panggatong sa Impyerno. (Katiyakan), kayo ay papasok rito.”

Maging sa Bibliya ang ganitong gawain ay ganap na ipinagbawal:

Isaias-44:9 "Silang nangagbigay anyo sa larawang inanyuhan ay walang kabuluhan silang lahat at ang kanilang mga bagay na kinalulugdan ay hindi napapakinabangan."  

Exodus-20:3-4 "Huwag kang magkakaroon ng ibang diyos sa harap Ko. Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuhan o ng kawangis man ng anumang anyong nasa itaas sa langit o ng nasa ibaba ng lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa."

Exodus-20:23 "Huwag kayong gagawa ng ibang mga diyos na iaagapay sa Akin."

Ang Kasalanang Walang Kapatawaran

Ang Idolatriya (pagsamba bukod sa Tunay na Diyos) ay isang kasalanang walang kapatawaran. Maging ang labis na paghanga, pagmamahal at pagdakila pagpuri at pagbubunyi sa kapwa tao maging ito ay propeta, bayani, santo o santa, politiko, artista ay isang kasalanang walang kapatawaran. Kahit na ang labis na pagmamahal sa yaman at materyal na bagay ay nagiging sanhi upang ang tao ay mahulog sa Idolatriya ng hindi niya ito namamalayan. Ang tao bilang isang nilikha at alipin lamang ay nararapat na iukol ang tapat na pagsamba, wagas na pagmamahal, pagdakila, pagbubunyi, pagpuri, panalangin, pagsasakripisyo ng yaman at buhay sa kanyang Panginoon at Diyos na Tagapaglikha (Allah) na Siyang nagkaloob sa kanya ng buhay at kamatayan. At sa Kanya lamang ang pagbabalik ng lahat pagkaraan ng kanyang pansamantalang pamamalagi dito sa lupa. Ang ating Tagapaglikha ay nagbigay babala tungkol sa mga mabibigat na kasalanang dapat iwasan ng sangkatauhan. Nangunguna na rito ang pagsamba sa iba’t ibang diyus-diyusan bukod sa Tunay na Diyos – Ang Tagapaglikha, Allah.

Qur’an-4:48 “Katotohanan, ang Allah ay hindi nagpapatawad sa sinumang nagbibigay katambal sa Kanya (Allah) nguni't Kanyang pinatatawad ang kasalanang bukod dito sa sinumang nais Niya. At sino man ang nagbibigay katambal sa Allah ay tunay na nakagawa ng kagimbal-gimbal na pagkakasala.”

Nang tinanong ang Propeta Muhammad. Ano ang pinakamalaking kasalanan sa mata ng Allah? Ang Propeta ay nagsabi: Ang pagsamba sa iba bukod pa sa Allah (pagbibigay katambal sa Kanya sa pagsamba) samantalang (nalalaman ng tao) na Siya (Allah) ang lumikha sa kanila.”

Ang kasalanang ito ay mapapatawad lamang  hanggang nabubuhay ang tao at  nagbalik-loob at nagsisi ng kanyang kasalanan. Kaya, nararapat niyang linisin ang kanyang puso, isip, gawain at diwa sa lahat ng uri ng Idolatriya (pagsamba sa nilikha lamang). Ang kanyang panalangin at pagdarasal ay nararapat na tuwirang nakatuon sa kanyang Diyos na Tagapaglikha. At ang pagsasagawa ng pagdarasal, panalangin, at pagbibigay kawanggawa ay naaayon sa katuruan ng mga Propeta.

Ang Pinakamasamang Nilikha

Sa kaisipan ng tao, ang pinakamalaking kasalanan (heinous crimes) ay ang pagpatay, pang-aabuso, pang-aapi, panggagahasa, at pagnanakaw subali’t sa paningin ng Makapangyarihang Allah, ang pinakamalaking kasalanan ay ang pagtalikod sa Unang Kautusan – sapagka’t ito ay hindi pagtupad sa tungkulin o pananagutang  ipinag-utos Niya. Ito ay hayag na kawalan ng pananampalataya sa tunay na Diyos – ang Allah at bulag na pagsamba sa huwad na diyos.

Qur’an-8:22 “Katotohanan, ang pinakamasamang nilikhang (gumagalaw na) nabubuhay sa (paningin ng) Allah ay yaong pipi at bulag (sa katotohanan) na walang pang-unawa.”

Ang tinutukoy na pipi at bulag sa talatang ito ay yaong mga tao na walang pagpapahalaga sa katotohanan at makatuwirang pang-uusisa. Sa kabila ng maliwanag na kapahayagan at pag-anyaya na tanging ang Lumikha lamang ang siyang dapat pag-ukulan ng pagsamba at paghingi ng tulong, patuloy na pinananatili sa kanilang isip at gawain ang maling pagsamba sa mga bagay na walang idinudulot na kapakinabangan sa kanilang pamumuhay at sa kabilang buhay.

Qur’an-2:10 “Sa kanilang mga puso ay isang sakit (ng pag-aalinlangan at pagkukunwari) at dinagdagan ng Allah ang sakit nila. At isang kasakit-sakit na parusa ang matatamo nila sapagka't sila ay palagiang nagsisinungaling.”

Qur’an-2:16 “Sila yaong ipinagpalit ang patnubay sa kamalian kaya’t ang kanilang  pangangalakal ay walang kapakinabangan. At sila ay hindi pinatnubayan.”

Qur’an-2:18 “(Sila ay) pipi, bingi at bulag (sa katotohanan), kaya’t sila ay hindi makababalik (sa tamang landas)”

Matakot Sa Diyos Na Siyang Lumikha Sa Sangkatauhan!

Bilang isang nilikha ng Diyos na Makapangyarihan, tayo ay dapat magkaroon ng tunay na takot sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod at pagkilala sa Kanya at sa Kanyang mga Kautusan. Ang Sugo ng Allah – Muhammad  ay tinanong:

“Sino ba ang pinakamarangal sa lahat ng tao? Siya ay sumagot: Ang pinakamarangal sa mata ng Diyos (Allah) ay yaong masunurin at tumutupad sa kanyang tungkulin at siya na mayroong ganap na takot sa Allah.”

Dapat tayong magkaroon ng takot sa Allah sapagka't batid Niyang lahat ang nasa ating kalooban at puso. Ang Qur’an ay nagsabi:

Qur’an-3:102 “O, kayong mananampalataya! Matakot sa Allah nang may tunay na pagkatakot at huwag mamatay maliban sa kalagayang Islam (pagsuko at pagtalima sa Kanya.)”

Qur’an-3:175 “Nguni't matakot sa Akin kung tunay na kayo ay may pananampalataya.”

Qur’an-30:31 “Magtungo sa Kanya ng may pagsisisi at matakot sa Kanya: magsipagsagawa ng pagdarasal at huwag maging kabilang sa mga taong nagbibigay katambal (sa Allah sa pagsamba).”

Ang Tapat Na Pagsisisi At Pagbabalik-loob Sa Tagapaglikha.

Ang mga ilang Hadith Qudsi ay isinalaysay ni Anas bin Malik mula kay Propeta Muhammad  na ang Allah ay nagsabi ng may ganitong nilalaman:

“O, anak ni Adan hanggang ikaw ay nananawagan (nananalangin) sa Akin ng may pagtitiwala sa Aking Awa, ikaw ay Aking patatawarin sa iyong mga kasalanan sa pinakamagaang paraan.

O, anak ni Adan kahit na ang iyong kasalanan ay umabot pa sa dulo ng dako pa roon, at ikaw ay humingi ng kapatawaran sa Akin, ikaw ay Aking patatawarin.

O, anak ni Adan, kung ikaw ay magbalik-loob sa Akin ng may dalang kasalanang kasimbigat ng mundo at hindi ka nagbibigay katambal sa Akin (sa pagsamba), Ako ay darating sa iyo ng may Kapatawarang kasinlaki ng mundo.”

Si Propeta Muhammad  ay nagsabi:

"Kung ikaw ay dumalangin, dumalangin lamang sa Allah, at kung ikaw ay hihingi ng tulong, humingi lamang sa Allah."

Karagdagan pa, ang Propeta Muhammad ay nagsabi:

"Itinatanong mo ba sa akin kung ano ang kabutihan? Tanungin mo ang iyong puso. Ang kabutihan ay yaong kapanatagang nadarama ng iyong puso at kaluluwa at ang kasalanan ay kung ano ang ikinababahala ng iyong kaluluwa at puso bagama't sinasang-ayunan ka ng ibang tao ng paulit-ulit."

Ang Pagsamba at Tapat na Pagkilala at pagsunod sa Tagapaglikha ang Siyang Katotohanan at Kaligtasan. Ito ang tunay na katotohanan. Ito ang banal na mensahe na dapat malaman ng lahat ng tao. Ito ang kaligtasan. Tunay nga na nasa tamang pagsamba at pagkilala ng tao sa Allah matatagpuan ang ganap na patnubay. Wala ng iba pang maganda at tamang konsepto ang maihahambing sa Banal na Qur’an sapagka't ito ang Huling Kapahayagan ng Allah sa sangkatauhan. May mga tao na pinaghahandaan o ginagawang maganda ang kanilang buhay sa pamamagitan ng pagpapayaman o pagsusuot ng mamahaling damit, paggamit ng magagandang kagamitan. Ang kanilang pisikal na katawan ay tila baga walang katapusan, walang kapaguran at walang kamatayan. Nguni't ang kanilang buhay  ispirituwal ay uhaw sa pagnanasang makaugnay o makapaglingkod sa Diyos na lumikha sa kanila.

Qur’an-4:1 “O, Sangkatauhan! Matakot kayo sa inyong Rabb (Panginoon, ang Allah) na Siyang lumikha sa inyo mula sa iisang tao (Adan), at mula sa kanya, nilikha Niya ang kanyang asawa (Eba) at mula sa kanilang dalawa ay nilikha Niya at ikinalat ang di mabilang na kalalakihan at kababaihan.”

Ang Pagsamba at Pagtalima sa Tagapaglikha ay matatagpuan ang Kapayapaan ng Puso.
Ang kaligayahan at kapayapaan ng buhay ay wala sa sukat ng yaman o antas ng pamumuhay kundi nasa kapanatagan ng puso. Ang kapanatagan ng puso ay nasa pagsunod sa Batas ng Allah. Ang kaligtasan ba ay dapat ipakipagsapalaran ng tao? Isa sa pinakamagandang bagay na ipinagkaloob ng Diyos sa tao ay ang pagkakaroon ng magandang kaisipan at katuwiran. Kaya naman ito ang nagiging gabay at daan sa paghahanap ng katotohanan ng buhay. Si Abu Hurayrah (isang kasamahan ng Sugo ng Allah) ay nagsalaysay mula kay Propeta Muhammad  na ang Allah, Ang Makapangyarihan ay nagsabi:

“O, anak ni Adan, ilaan ang iyong sarili sa pagsamba sa Akin at Aking pupunuin ang iyong puso ng kapanatagan (kapayapaan) at Aking papawiin ang iyong kahirapan at kung ito ay hindi mo gagawin Aking pupunuin ang iyong mga kamay ng mga pag-aabala sa mundong ito at hindi Kita ilalayo sa kahirapan.” (At-Tirmidhi-Hadith Qudsi/pahina 39)

Ang Pagsamba sa Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha ang Siyang Batayan ng Makatuwirang Kaisipan. Sa paghahanap ng katotohanan at kaligtasan gabay ng isang tao ang kanyang makatuwirang pag-iisip at malinis na hangarin kalakip ng tapat na pagsusumamo sa kanyang Tagapaglikha. At sa isang sulok ng kanyang wagas na damdamin naroroon ang dalanging hinubog ng matibay na pag-asa at liwanag na kailanman ay hindi nababahiran ng doktrinang salungat sa walang hanggang aral ng mga Propetang isinugo ng Diyos.

Qur’an-35:3 “O, Sangkatauhan! alalahanin ang pagpapala ng Allah sa inyo! Mayroon pa bang ibang Tagapaglikha maliban sa Allah na Siyang nagbibigay ng inyong ikinabubuhay mula sa kalangitan at kalupaan? Walang (ibang tunay na) diyos maliban sa Kanya. Paanong kayo ay napalayo (mula sa Kanya)?”

Ang Pagsamba sa Nag-iisang Tagapaglikha ang Siyang Haligi ng lahat ng Kabutihan. Sa paghahanap ng katotohanan at kaligtasan, ang haligi ng lahat ng kabutihan ay nagmumula sa pagnanasang sumamba at kumilala sa iyong Diyos na Tagapaglikha. Ito ang Unang Kautusan (First Commandment) na likas na nakaukit sa puso at kaluluwa ng sangkatauhan.

Qur’an-37:4-5 “Katotohanan, ang inyong Diyos ay Tanging Isa, Panginoon ng mga Kalangitan at ng Kalupaan at ng nasa pagitan ng mga ito. At (Siya) ang Panginoon ng bawa't dulo ng Sinag ng Araw.”

Sa ngayong panahon, tanging Islam lamang ang nagtuturo ng pagkakaroon ng tunay at ganap na malinis na konsepto ng Diyos. Ang Tunay at Ganap ay nangangahulugan na walang kasama o kahati sa Kanyang pagiging Diyos at maging sa Kanyang Banal na Katangian.

Qur’an-59:22-24 “Siya ang Allah – wala ng ibang diyos (na dapat sambahin) maliban sa Kanya. Ang nakaaalam ng lingid at hayag. Siya ang Maawain, ang Mapagpala. Siya ang Allah – wala ng ibang diyos (na dapat sambahin) maliban sa Kanya – ang Hari, ang Ganap na Banal, Ang (Pinag-mumulan ng) Kapayapaan, ang Tagapagpatunay, ang Tagapagbantay, ang Makapangyarihan, ang Kagila-gilalas (at di mapaglalabanan), ang Matayog. Luwalhati sa Allah – malayo sa anupamang bagay na iniaakibat sa Kanya. Siya ang Allah, ang Tagapaglikha, ang Tagapaggawa, ang Nagbibigay Hugis at Anyo. Sa Kanya ang pagmamay-ari ng naggagandahang mga Pangalan. Bawa't bagay sa mga kalangitan at kalupaan ay nagbubunyi sa Kanya. At Siya ang Makapang-yarihan (at) ang Matalino.”

Qur’an-112:4 “Ipahayag mo (Muhammad): Siya ang Allah, ay tanging iisa. Allah, ang pinagkukuhanan ng pangangailangan ng lahat. Hindi Siya nagkaanak at hindi ipinanganak. At sa Kanya ay walang (makakatulad at) makapapantay.”

Qur’an-2:255 “Allah – wala ng (iba pang) diyos (na dapat sambahin) maliban sa Kanya, ang nananatiling buhay – ang Isang Tagapagpanatili (at Tagapanustos sa lahat ng nilalang). Ang idlip o antok ay hindi makapanghahawak sa Kanya. Siya ang nagmamay-ari ng lahat ng bagay na nasa mga kalangitan at kalupaan. Sino ang makapa-mamagitan sa Kanya malibang Kanyang pahintulutan? Batid Niya kung anong nangyari (sa Kanyang mga nilikha) sa mundong ito at kung ano ang mangyayari sa kanila sa kabilang buhay. At sino man ay walang makapang-aabot sa Kanyang Kaalaman maliban Kanyang naisin. Ang Kanyang Luklukan ay abot sa mga kalangitan at kalupaan at hindi Siya nakadarama ng kapaguran sa pangangalaga at pangangasiwa sa kanila. Sapagka't Siya ang Kataas-taasan (sa Kaluwalhatian). Ang Dakila”

Qur’an-37:180-182 “Luwalhati sa iyong Rabb (Panginoon), ang Panginoon ng Karangalan at Kapangyarihan! (Siya ay malaya mula) sa anumang iniuugnay sa Kanya. At kapayapaan sa (Kanyang) mga Sugo! At Papuri sa Allah ang Panginoon ng lahat ng nilikha.”

Huling Pananalita

Ang buhay dito sa mundo ay maikli lamang. At ito ay isang paghahanda lamang sa tunay na buhay – ang buhay na walang hanggan. Ang Banal na Qur’an ay nagpahayag:

Qur’an-29:57 “Bawa't isa (na may buhay) ay makararanas ng kamatayan…”

Qur’an-29:64 “At ang buhay sa mundong ito ay isang pansamantalang pag-aaliw at laro (lamang). At katotohanan-ang tahanan sa Kabilang buhay ang siyang tunay na buhay, kung nalalaman lamang nila.”

Qur’an-14:52 “Ito (Qur’an) ay isang pahatid para sa sangkatauhan at upang sila ay bigyang babala, upang malaman nila na Siya ang Tanging Nag-iisang Diyos – (Allah – na walang dapat sambahin kundi ang Allah) at nang makapagmuni-muni yaong mga (taong) may pang-unawa”



Nawa’y ang maikling sanaysay na ito ay makapagdulot ng liwanag tungkol sa pagkilala sa Tunay na Diyos. Wala ng iba pang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah. Siya ang Nag-iisang Diyos na lumikha kay Adan at Eba – ang unang magulang ng sangkatauhan. Siya ang Nag-iisang Diyos na nagsugo ng lahat ng Propeta. Siya ang Nag-iisang Diyos na maghuhukom sa lahat ng kaluluwa. Siya ang Nag-iisang Diyos na tanging makapagpapatawad ng lahat ng kasalanan. Siya ang Tanging Isang Manlilikha at ang lahat ay Kanyang nilikha. Ang kautusan at pagtatakda ay nagmumula sa Kanya.

Maraming salamat at nawa’y pagpalain tayo ng Allah.



Source: Islamhouse.com