Ang salitang Islam ay nagmula sa wikang arabik na may kahulugan na: kapayapaan, pagsuko, pagtalima at pagsunod. Sa pananaw ng relihiyong Islam, ito ay ganap na pagtanggap ng mga aral at alituntunin ng Diyos na Kanyang ipinahayag sa Kanyang Huling Propeta na si Muhammad.
Ang Muslim ay isang naniniwala at nananalig sa Diyos at nagsusumikap na magampanan at maisaayos ng ganap ang kanyang buhay ayon sa ipinahayag na patnubay (Qur’an) at mga aral (Sunnah) ng Propeta. Siya ay nagpupunyagi upang makapagtatag ng isang makabuluhang lipunan ayon din sa naturang patnubay at aral. Ang salitang “Muhammadanismo” ay isang maling katawagan na sadyang sumusugat sa tunay na diwa at kahulugan ng Islam. Ang alitang “Allah” ay pantanging ngalan ng Diyos sa wikang arabik. Ito ay isang unikong kataga sapagka’t ito ay hindi nasasangkot sa pangmaramihan o sa anumang kasarian.
ANG PAGPAPATULOY NG PAHAYAG
Ang Islam ay hindi isang bagong relihiyon. Sa diwa at buod nito, ito rin ang dating mensahe at patnubay na ipinahayag sa lahat ng Propeta ng Diyos.
“Ipagbadya: kami ay naniniwala sa Allah at sa anumang ibinaba sa amin at sa ipinahayag kay Abraham, Ismael, Isaak, Hakob at sa mga Tribo (na angkan ni Israel) at yaong ipinagkaloob kay Moises, Hesus at sa mga ibang Propeta mula sa kanilang Panginoon. Kami ay hindi nagbibigay ng anumang pagtatangi sa pagitan ng ninuman sa kanila. Kami ay tumatalima bilang Muslim.”
(Qur’an 3:84)
Ang Islam na ipinahayag kay Propeta Muhammad ay kabuuan ng mga naunang mensahe, kaya naman, ito ay malawak sa anyo, ganap at nasa pinakahuling yugto sapagka’t ito na ang wakas na Kapahayagan ng Diyos sa Sangkatauhan.
“Sa araw na ito, Aking binigyang ganap para sa inyo ang inyong relihiyon, at binuo ng lubusan ang kagandahang-loob sa inyo at pinili ang Islam bilang inyong relihiyon.”
(Qur’an 5:3)
ANG LIMANG HALIGI NG ISLAM
1. Ang Shahadah (Pagpapahayag o Pagsaksi ng Pananampalataya):
Ito ang pagsaksi na walang diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, at si Muhammad ay Kanyang Sugo sa lahat ng nilikha hanggang sa pagsapit ng Araw ng Paghuhukom. Ang pagiging tunay na Propeta ni Muhammad ay nagbigay tungkulin sa bawa’t Muslim na sundin o tularan ang kanyang mabuting pamumuhay bilang Huwaran.
2. Ang Salah (Pagdarasal):
Ang pang-araw-araw na pagdarasal ay isinasagawa limang ulit sa maghapon bilang tungkulin sa Allah. Ito ang nagpapatatag at nagbibigay sigla (at lakas) sa pananalig sa Allah at nagbibigay inspirasyon sa tao upang mabuhay ng marangal. Ito ang nagpapadalisay sa puso at pinipigil ang mga tukso tungo sa kasamaan at mga kasalanan.
3. Ang Sawm (Pag-aayuno sa buwan ng Ramadan).
Ang mga Muslim sa buwan ng Ramadan ay hindi lamang umiiwas mula sa pagkain, inumin at pakikipagtalik sa asawa mula sa madaling araw hanggang sa paglubog ng araw, bagkus umiiwas din mula sa mga makasalanang layon at pagnanasa. Ito ay nagtuturo ng pagmamahal, katapatan at kabanalan. Pinauunlad nito ang panlipunang kaalaman o kahalagahan ng pag-aayuno, nagtuturo ng pagtitiis, kabaitan at tibay ng loob.
4. Ang Zakat (Itinakdang Kawanggawa).
Ito ay taunang pagbabayad ng 2.5% mula sa naipong yaman bilang tungkuling pangkawanggawa at isang paraan ng paglilinis ng yaman na dapat ugulin sa mga mahihirap at dukhang tao ng isang pamayanan.
5.Ang Hajj (Paglalakbay sa Makkah):
Ito ay isinasagawa minsan sa tanang buhay ng isang Muslim kung may kakayahang pananalapi at kalusugan ng katawan. Bukod sa mga haliging nabanggit sa itaas, ang bawa’t kilos o gawain na isinagawa nang may layong pagmamahal at pagbibigay lugod sa Allah ay itinuturing bilang mga uri ng pagsamba. Ang Islam ay nag-aanyaya ng tuwirang pagsamba sa Kaisahan ng Diyos at ang pananalig sa Kapamahalaan Niya. Ito ang daan upang magkaroon ng mabuting kaisipan tungkol sa tunay na kahulugan at kahalagahan ng buong santinakpan at ang katayuan ng tao sa mundong ito. Ang paniniwalang ito ay nagpapalaya sa tao mula sa lahat ng pangamba (takot) at pamahiin sapagka’t kapag sumagi sa isipan na ang lahat ng pangyayari ay nakikita at nababatid ng Makapangyarihang Allah, sa gayon, tapat na naisasakatuparan ng tao ang kanyang tungkulin sa Kanya. Ang paniniwala at pananampalataya ay nararapat na ipinahahayag at ipinakikita sa pamamagitan ng tapat at maayos na pagsasagawa o pagsasakatuparan ng mga tungkulin. Ang paniniwala ay hindi sapat. Ang paniniwala o pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos ay nangangailangan ng pagsasaalang-alang sa lahat ng tao bilang isang angkan na nasa ilalim ng kapamahalaan ng Makapangyarihan at Dakilang Diyos, ang Tagapaglikha at Tagapagtaguyod at Sandigan ng lahat. Tinatalikdan ng Islam ang paniniwala na mayroong natatanging tao kaya naman itinuturing ng Islam ang tamang pananampalataya at ang mabubuting gawa bilang batayan ng kaligtasan at tanging daan tungo sa Paraiso. Kaya, ang tuwirang ugnayan ay itinatatag sa Diyos na walang sinumang tagapamagitan.
TAO BILANG MALAYANG NILIKHA
Ang tao ang siyang pinakamataas sa hanay ng lahat ng nilikha ng Diyos. Siya ay ginawaran ng pinakamataas na kakayahan. Taglay niya ang kalayaan sa kanyang kalooban, gawa at pagpili. Ipinakita ng Diyos sa kanya ang tamang landas, at ang buhay ng Propeta Muhammad ay nagbibigay ng isang huwarang pamumuhay na dapat pamarisan ng sinumang tao. Ang tagumpay at kaligtasan ng tao ay nakasalalay sa pagsunod dito. Nagtuturo ang Islam na ang personalidad ng tao ay sagrado at nanghihikayat ng pantay na karapatan sa lahat ng tao at walang sinumang itinatangi o kinikilingan batay sa lahi, kasarian o kulay. Ang batas ng Diyos, na napapaloob sa Qur’an at isinakatuparan o isinabuhay ng Propeta Muhammad, ay nangingibabaw sa lahat ng kalagayan. Ito ay dapat na ipinatutupad sa pinakamataas at pinakamababang uri ng tao, maging siya man ay prinsipe o isang karaniwang tao lamang, pinuno man o nasa ilalim ng kapamahalaan ng iba.
ANG QUR’AN AT ANG HADITH
Ang Banal na Qur’an ay pinakahuling Salita na ipinahayag ng Diyos at siyang pangunahing pinagkukuhanan ng Batas at Aral ng Islam. Ang Qur’an ay humahalaw at sumasakop tungkol sa mga batayan ng pananampalataya (ang Islam), kagandahang-asal, mga kasaysayan ng sangkatauhan, pagsamba, kaalaman, katalinuhan, ugnayang tao at Diyos at makataong ugnayan sa lahat ng aspeto ng buhay. Ito ay naglalaman ng malawak na aralin na makapagtatatag ng panlipunang katarungan (o batas ng pagkapantay-pantay), kabuhayan, pulitika, pamahalaan, ang paghuhukom, mga batas at pakikipag-ugnayan. Si Propeta Muhammad ay taong hindi nakapag-aral at hindi marunong bumasa at sumulat. Magkagayunman, ang Banal na Qur’an ay naisaulo niya at naisulat naman ng kanyang mga mabubuting tagasunod sa ilalim ng kanyang pamamahala noong kanyang kapanahunan. Ang orihinal at kabuuang paksa ng Qur’an ay inihanda para sa lahat sa pinagpahayagang wikang arabik. Ang pagsasalin nito sa iba’t ibang wika ay laganap na ginagamit.
Ang Hadith ay mga aral, sawikain at gawain ng Propeta Muhammad na maingat na isinalaysay at tinipon ng kanyang matatapat na mga kasamahan. Ito ang nagpapaliwanag sa mga talata ng Banal na Qur’an.
ANG KONSEPTO NG PAGSAMBA
Ang Islam ay hindi lamang nagtuturo ng mga rituwal. Higit na pinagtutuunang pansin ang mabuting layunin at mabuting gawain. Ang pagsamba sa Allah ay pagpapahiwatig ng tamang pagkilala at pagmamahal sa Kanya, ang maging masunurin sa Kanyang mga itinakdang batas sa bawa’t aspeto ng buhay, ang mag-aanyaya ng mga gawang kabutihan at magbawal naman ng mga gawang masasama at pang-aapi, ang magsagawa ng kawanggawa at katarungan at maglingkod sa Kanya sa pamamagitan ng pagtulong sa sangkatauhan. Inilarawan ng Qur’an ang konseptong ito sa isang marangal at dakilang pagpapahayag:
“Hindi isang Birr (kabutihan, kabanalan at pagsunod sa Allah) ang ibaling ninyo ang inyong mga mukha tungo sa dakong silangan at kanluran (sa pagdarasal) subali’t, ang Birr ay (isang katangian na) maniwala sa Allah, at sa Huling Araw, sa mga Anghel, sa Aklat, sa mga Propeta at ang pamamahagi ng inyong yaman sa kabila ng pagmamahal dito para sa mga kamag-anakan, sa mga ulila at sa mga dukha at mga naglalakbay at yaong humihingi at pagpapalaya ng mga alipin, pagsasagawa ng pagdarasal at pagbibigay ng Zakat (kawanggawa) at tumutupad ng kanilang mga kasunduan at matiisin sa (panahon ng) labis na paghihikahos at (malubhang) karamdaman at sa panahon ng pakikipaglaban. Sila yaong taong makatotohanan at sila ang Muttaqun (may ganap na takot at masunurin sa Allah).”
(Qur’an 2:177)
ISLAM: ANG PAMAMARAAN NG BUHAY
Ang Islam ay nagbigay ng isang kabuuang alituntunin sa lahat ng tao upang sundin sa lahat ng kalakaran ng buhay. Ang alituntunin ay sadyang malawak at binubuo ng panlipunan, pangkabuhayan, pampulitikal na adhikain, kagandahang-asal at ispirituwal na aspeto ng buhay. Itinatagubilin ng Qur’an sa tao ang tunay na layunin ng kanyang pansamantalang buhay sa daigdig, ang kanyang mga tungkulin sa kanyang sarili, sa mga kamag-anakan, sa kanyang pamayanan at kapwa tao at higit sa lahat sa kanyang Tagapaglikha. Ang tao ay ginawaran ng pangunahing alituntunin tungkol sa makabuluhang buhay at iniwan sa kanyang sariling pasya ang hamon ng makataong pamumuhay upang ugaliin at sanayin sa pagsasakatuparan ng mga dakilang simulaing ito sa paraang kapaki-pakinabang. Sa pananaw ng Islam, ang buhay ng tao ay isang malinis at magkakaugnay na bahagi at hindi mga pira-pirasong bahagi ng nagpapaligsahan sa isa’t isa. Ang ispiritwal at materyal na pamumuhay ay hindi magkakahiwalay na bahagi ng tao: ang mga ito ay magkakahugpong at nagkakaisa sa kalikasan ng tao.
ANG MAKATUWIRANG PAANYAYA AT PANAWAGAN NG ISLAM
Ang Islam sa maliwanag at tuwirang pagpapahayag nito ng katotohanan ay mayroong pambihirang lakas na panawagan sa sinumang naghahanap ng kaalaman. Ito ang lunas sa lahat ng suliranin ng buhay. Ito ang patnubay tungo sa isang mabuti at ganap na makahulugang buhay at ang lahat ng bahagi nito ay nag-aalay ng pagluwalhati sa Diyos na Makapangyarihan, Tagapaglikha at Mahabaging Tagapagtaguyod ng lahat ng nilikha.
ISLAM- ANG TANGING LUNAS SA MGA MAKABAGONG SULIRANIN
- Ang Pagkakapatiran ng Tao:
Ang mga pangunahing suliranin na kinahaharap ng tao sa makabagong panahon ay ang diskriminasyon sanhi ng pagkakaiba-iba ng lahi ng tao. Ang materyal na pag-unlad ng mga ibang bansa ay may kakayahang ipadala ang tao sa (paglalakbay sa) buwan nguni’t hindi kayang sugpuin at pigilin ang tao na kamuhian at hamakin ang kapwa tao. Nguni’t ang Islam, sa huling 1,400 taon ay nagpakita ng aral kung paano lunasan ang ganitong suliranin. Bawa’t taon, ang Hajj ay isang himala ng tunay na diwa ng pagkakapatiran ng lahat ng lahi ng tao at bansa at ito ay isang patunay na ating matutunghayan bilang lunas sa hidwaan sanhi ng iba’t ibang lahi ng tao (racial discrimination).
- Ang Pamilya:
ANG KABUUANG PANANAW NG BUHAY
Ang tao ay nabubuhay ayon sa kani-kanilang pananaw sa buhay. Ang masakit na bunga ng sekular na lipunan ay nabigong pag-ugnay-ugnayin ang iba’t ibang aspeto ng buhay. Ang materyal at pisikal, ang agham at ispiritwal na pamumuhay ay tila magkakasalungat. Nguni’t sa Islam, binigyang lunas ang pagkakasalungatan ng iba’t ibang aspeto ng buhay at naghatid ng pagkakatugma-tugmang pananaw ng tao tungkol sa buhay.
ANG MGA PANGUNAHING LAYUNIN NG NADWAH (WAMY)
*Ang mapaglingkuran ang kaisipang Islamiko sa pamamagitan ng pagbibigay liwanag ng pananampalataya sa pamamagitan ng ng lantay na monoteismo (Tawheed) o Kaisahan ng Diyos) at palakasin ang kabataang Muslim ng may ganap na pagkatiwala sa sarili sa pangingibabaw ng paraang Islamik sa lahat ng iba pang paraan.
*Ang makilahok upang mapangatawan ang ninanais ng mga kabataan at mga mag-aaral sa pagtatayo ng panglipunan, pangkabuhayan at pangteknolohiyang institusyon ng Ummah.
Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa Islam, makipag-ugnay lamang sa Punong Tanggapan ng WAMY sa Riyadh at sangay na tanggapan sa Jeddah.
WAMY, P.O Box 10845, Riyadh 11443, Saudi Arabia. Tel.: (01) 464-1669/4655431
WAMY, P.O. Box 8856, Jeddah, Saudi Arabia. Tel.: (02) 689-1962
O sa pinakamalapit na Kilusang Pang-Muslim o Sentro sa inyong pook.