عَنْ أَبِي عَبْدِ اللَّهِ النُّعْمَانِ بْنِ بَشِيرٍ رَضِيَ اللَّهُ عَنْهُمَا، قَالَ: سَمِعْت رَسُولَ اللَّهِ يَقُولُ:
"إنَّ الْحَلَالَ بَيِّنٌ، وَإِنَّ الْحَرَامَ بَيِّنٌ، وَبَيْنَهُمَا أُمُورٌ مُشْتَبِهَاتٌ لَا يَعْلَمُهُنَّ كَثِيرٌ مِنْ النَّاسِ، فَمَنْ اتَّقَى الشُّبُهَاتِ فَقْد اسْتَبْرَأَ لِدِينِهِ وَعِرْضِهِ، وَمَنْ وَقَعَ فِي الشُّبُهَاتِ وَقَعَ فِي الْحَرَامِ، كَالرَّاعِي يَرْعَى حَوْلَ الْحِمَى يُوشِكُ أَنْ يَرْتَعَ فِيهِ، أَلَا وَإِنَّ لِكُلِّ مَلِكٍ حِمًى، أَلَّا وَإِنَّ حِمَى اللَّهِ مَحَارِمُهُ، أَلَّا وَإِنَّ فِي الْجَسَدِ مُضْغَةً إذَا صَلَحَتْ صَلَحَ الْجَسَدُ كُلُّهُ، وَإذَا فَسَدَتْ فَسَدَ الْجَسَدُ كُلُّهُ، أَلَا وَهِيَ الْقَلْبُ".
رَوَاهُ الْبُخَارِيُّ [ رقم: 28 [، وَمُسْلِمٌ [ .] رقم:1599
Ulat mula kay Abu Abdullah An-Nu'man bin Bashir [رضي الله عنه] kanyang sinabi:
Narinig ko ang Sugo ng Allaah [صلى الله عليه وسلم] na kanyang sinasabi: ( katotohanan Ang Halal [Pinahihintulutan] ay malinaw at ang Haram [ipinagbabawal] ay malinaw, at sa pagitan nito ay mga bagay na kahina-hinala [hindi malinaw]; hindi ito batid ng maraming tao, kaya sinumang umiwas sa mga kahina-hinalang bagay [di-tiyak]; tunay na nadalisay niya ang kanyang Relihiyon at dangal, at sinumang nakagawa ng kahina-hinalang bagay [di-tiyak]; siya ay nasadlak sa Haram [ipinagbabawal], na katulad ng nag-aalaga ng hayop, hinahayaan ito sa paligid ng mga bawal na pananim [pastulan], na muntik ng makain [ang mga bawal na pananim]. Tunay na bawat pinuno [ o Hari] ay may pinangangalagaan, tunay na ang pinangangalagaan ng Allaah ay ang kanyang mga ipinagbabawal, katotohanan! Mayroong kimpal ng laman ang katawan; kapag ito ay naging maayos [mabuti], magiging maayos ang buong katawan at kung ito ay nasira [naging masama]; masisira [sasama] ang buong katawan, katotohanan ito ang Puso).
[Isinalaysay ni Al-Bukhari 1/126-4/290 fat'h, at Muslim 1599]
ANG NAG-ULAT NG HADITH
Siya si An-Nu'man bin Bashir bin Saad bin Tha'alabah Al-Ansari Al-Khajraji, isang pinuno at maalam [eskolar], kasama ng Sugo ng Allaah [صلى الله عليه وسلم], ang kanyang palayaw ay Abu Abdullaah [Ama ni Abdullaah], at siya ay pamangkin ni Abdullaah bin Rawahah. Kabilang siya sa mga batang Sahabah [kasamahan] ng Propeta [صلى الله عليه وسلم], siya ang pinakaunang ipinanganak sa islam mula sa mga Ansar [taga Madinah]. Nang siya ay ipanganak; dinala siya ng kanyang ina sa Propeta [صلى الله عليه وسلم] at ibinalita ng Propeta sa kanyang ina na siya'y mamumuhay ng marangal, mamatay na Martir at makakapasok ng Paraiso, isa siya sa naitalaga ni Muawiyah [رضي الله عنه] na pinuno, kaya naging pinuno sa Kufa ng ilang taon lamang at pagkatapos ay naging Hukom sa Damascus at naging pinuno rin pag-karaan nito sa Homs. Umabot ng 114 na hadith ang kanyang naiulat, siya ay napatay [ na Martir] ni Khalid bin Khuli Al-Kala'ie taong 65 ng Hijri [رضي الله عنه] .
* "katotohanan Ang Halal [Pinahihintulutan] ay malinaw at ang Haram [ipinagbabawal] ay malinaw" ang kahulugan nito ay napakalinaw ng bagay na pinapahintulutan at ang ipinagbabawal sa pananampalatayang Islam subali't ang pagitan nito ay hindi batid at di-tiyak ng maraming tao kung ito ba ay pinapahintulutan o ipinagbabawal? Samantala silang mga matatatag sa kaalaman ay malinaw sa kanila ang lahat kung ito ba ay Halal o Haram.
* Hindi namatay ang Sugo ng Allah [صلى الله عليه وسلم] maliban na ang Pananampalatayang Islam ay naging kumpleto at ganap, sinabi ng Allaah sa Qur'an: ((…Sa araw na ito, aking ginawang ganap ang inyong Relihiyon para sa inyo, ginawang lubos ang Aking pagpapala sa inyo at ikinalugod [na pinili] para sa inyo ang Islam bilang inyong Relihiyon)). [AL-Maidah: 3]. Sinabi ni Abu Dharr [رضي الله عنه]:" Namatay ang Sugo ng Allaah [صلى الله عليه وسلم] at walang ibong iginagalaw ang mga pakpak sa himpapawid kundi binanggit niya sa amin ang kaalaman hinggil dito". [Isinalaysay ni Ahmad 5/53,162].
* Samakatuwid! Wala ng iniwan ang Allaah at Kanyang Sugo na Halal at Haram maliban na ito ay nilinaw at ipinahayag ngunit ang iilan dito ay mas malinaw sa mga tao kaysa sa iba. - kabilang sa mga dahilan ng pagiging Malabo ng iilang bagay ay ang mga sumusunod:
1- Ito ay malinaw lamang sa mga Pantas [eskolar o maalam] at hindi malinaw sa mga karaniwang tao.
2- Maaaring hindi malinaw ang pagkakaintindi sa basihan nito sa Qur'an o Sunnah [Hadith]. At iba pang dahilan. Nang sabihin ng Propeta [صلى الله عليه وسلم]: (hindi ito batid ng maraming tao); nangangahulugan itong may iilan paring alam ang katotohanan hinggil dito, kung ito ba ay Haram o Halal.
* Dapat tiyak ang bawat isa sa mga bagay na kanyang ginagawa; hindi niya maaaring gawin maliban kung natitiyak niyang ipinapahintulot ito ng Islam at hindi rin niya dapat sabihing haram ang isang bagay maliban kung tiyak siyang ito ay ipinagbabawal at may kalakip na katibayan. Isang araw may isang lalaki na sumangguni sa Propeta [صلى الله عليه وسلم] na habang siya'y nagdarasal; para bang nararamdaman niyang may lumabas na hangin mula sa kanya at hindi siya tiyak na may lumalabas ba o wala? Kaya sinabi ng Propeta [صلى الله عليه وسلم]: ( Huwag ka munang lumisan maliban kung nakarinig ka ng tunog o ito ay iyong naaamoy). [ Isinalaysay ni Al-Bukhari 137, at Muslim 361].
* Si Imam Ahmad bin Hanbal [رحيم الله] ay nagbigay ng dalawang pakahulugan sa bagay na kahina-hinala [hind malinaw at di-tiyak] na nabanggit sa Hadith:
1- ito ay kalagayan sa pagitan ng malinaw na pinapahintulutan at malinaw na ipinagbabawal, at sinumang iniwasan ito; tunay na dinalisay niya ang kanyang pananampalataya.
2- ito ang paghahalo ng Halal at Haram - kapag ang ari-arian o kayamanan ay magkahalo ang Halal at Haram dapat iwasan ito ng may ari lalong-lalo na kapag mas marami ang ipinagbabawal at mas mainam na hindi gamitin; maliban kung maliit lang na bagay ang naihalo at hindi kayang alamin kung alin dito ang ipinagbabawal na yaman. - at kung kailan nabatid na ang isang bagay ay ipinagbabawal, hindi ito maaaring angkinin o gamitin sapagka't ito ay bawal.
* pinagtibay rin ng Hadith na ito ang pagiging mainam ng paglayo at pag-iwas sa mga bagay na kahina-kahinala at di-tiyak, sinabi ng isa sa mga naunang eskolar: " Sinuman ang inilagay ang sarili sa kahina-hinalang bagay; huwag niyang sisihin ang sinumang magbigay ng masamang hinala sa kanya".
* tunay na ang Allaah ay pinangangalagaan ang kanyang mga ipinagbabawal: pinigilan ng Allaah ang Kanyang mga alipin mula sa paglapit sa Kanyang mga ipinagbabawal at ito ay tinawag Niyang mga hangganan, katulad ng kanyang sinabi sa Qur'an: ((Ito ang mga hangganan ng Allaah, kaya sila ay huwag ninyong lalapitan.)).[ Al-Baqarah 187].
* kabilang rin ito sa mga basihan hinggil sa pagpipigil ng mga bagay na siyang nagiging dahilan upang mahulog ang tao sa kasalanan at mga ipinagbabawal na bagay, kaya may panuntunan ang batas ng Islam [Shari'a] na nagsasaad ng: " Ang inuming nakalalasing ang marami nito ay ipinagbabawal at ang pag-inom ng bahagya nito".
* at tungkol sa sinabi ng Propeta [صلى الله عليه وسلم]: (…Mayroong kimpal ng laman ang katawan; kapag ito ay naging maayos [mabuti], magiging maayos ang buong katawan at kung ito ay nasira [naging masama]; masisira [sasama] ang buong katawan, katotohanan ito ang Puso), nagpapatunay na ang pagiging mabuti ng galaw at gawain ng buong katawan ay nakasalalay sa pagiging maayos ng puso. Kapag ang kanyang puso ay mabuti at dalisay, walang laman kundi pagmamahal sa Allaah at pagmamahal sa minamahal ng Allaah, takot sa Allaah at pangamba mula sa pagkasadlak sa anumang kinamumuhian ng Allaah; tunay na magiging mabuti at maayos ang kanyang buong katawan. At kung marumi at masama naman ang kanyang puso, walang laman kundi pag-aalinlangan at pagtalikod sa pananampalataya at mga makamundong bagay lamang na nagpipigil sa kanya tungo sa landas ng Allaah; tunay na magiging masama at masisira din ang galaw at gawain nang buong katawan.
* Ang puso ay tinatawag na Hari ng buong katawan at lahat ng bahagi ng katawan ay kanyang kawal, sila'y sunod-sunuran sa kanya at wala silang sinusuway sa kanyang mga utos; kaya kapag mabuti ang Hari mabuti rin ang mga kawal at nasasakupan at kung siya'y masama sasama rin ang mga kawal.
- Walang kabuluhan ang mga puso sa Allaah maliban sa pusong dalisay at mabuti, katulad ng Kanyang sinabi sa Qur'an: ((Ang Araw na walang maitutulong ang yaman o mga anak, maliban sa sinumang dumating sa Allah na may dalisay [mabuti] na puso)). [As-Shu'ara: 88-89].
Sinabi ni Al-Hassan [ kahabagan nawa ng Allah]: " Hindi tumitingin, nagsasalita, ginagamit ang kamay at tumintindig sa dalawang paa maliban na [bago ko ginagawa] aking tinitingnan muna kung ito ba ay pagsamba o kasalanan? Kung ito ay pagsamba ay itinutuloy ko, at kapag ito ay kasalanan ay hindi ko itinutuloy". Sila ang mga taong may mabuti, dalisay at busilak na puso.
* Sa pamamagitan ng kimpal ng laman na nasa dibdib ng tao (puso) ay kanyang nakikilala ang kaibahan ng mabuti at masama, may pakinabang o wala at dalisay o marumi, sinabi ng Allaah: (( katotohanan, hindi ang mga mata ang nabubulag, kundi ang nabubulag ay mga puso na nasa mga dibdib)). [Al-Hajj: 36]. Kaya kapag nabulag ang puso; masasadlak ang tao sa pagtatambal sa kaisahan ng Allaah, pagtalikod sa pananampalataya at mga kasiraan at kung ang puso ay nakakakita; makikita niya ang lahat ng ito at kanyang maiiwasan. Dahil dito naging madalas na panalangin ng Propeta [صلى الله عليه وسلم] ang: ( O [Allah na] Nagbabago ng mga puso at paningin! Patatagin Mo po ang aking puso sa Iyong Relihiyon.)
- Nararapat lang sa bawat isa na palagiing hilingin sa Allaah na patnubayan lagi ang kanyang puso at lagi niyang iwasan ang mga ipinagbabawal ng Allaah sapagkat ang lahat nang ito ay sumisira sa mga puso ng mga mananampalataya; kapag siya'y tumingin sa ipinagbabawal ay masisira ang kanyang puso, kung makikinig siya sa ipinagbabawal o kakain ng ipinagbabawal ay masisira ang kanyang puso, nasa tao ang paggawa ng mga dahilan upang gabayan ng Allaah ang kanyang puso.