Disclaimer: Photo it is not from YPPAI |
Inatasan ng Allah ang Kanyang mga lingkod na kumain ng mga pagkaing nakabubuti at ipinagbawal Niya sa kanila ang mga pagkaing nakasasama. Sinasabi Niya (2:172):
"O mga mananampalataya, kumain kayo ng mga nakabubuti na itinustos Namin sa inyo.…"
Ang halos lahat ng pagkain ay ipinahihintulot maliban sa mga ipinagbawal. Ang Allah ay nagpahintulot sa Kanyang mga lingkod na mananampalataya na kumain ng mga nakabubuting pagkain upang pakinabangan nila ang mga ito. Hindi ipinahihintulot na gamitin ang mga biyaya ng Allah sa pagsuway. Nilinaw ng Allah sa Kanyang mga lingkod ang ipinagbawal Niya na mga pagkain at mga inumin. Sinasabi Niya (6:119):
"…gayong ipinaliwanag Niya sa inyo na malinaw ang ipinagbawal Niya sa inyo, maliban doon sa kung kayo ay mapipilitan.…"
Ang anumang hindi nilinaw na ipinagbabawal, ito ay Halal (ipinahihintulot ng Allah). Nagsabi naman ang Propeta (صلى الله عليه وسلم):
"Tunay na ang Allah ay nagsatungkulin ng mga tungkulin, kaya huwag ninyong ipagpawalang-bahala ang mga ito; nagtakda ng mga hangganan, kaya huwag ninyong lampasan ang mga ito; nagbawal ng ilang mga bagay, kaya huwag ninyong labagin ang mga ito; nanahimik sa ibang mga bagay bilang awa sa inyo—hindi sanhi ng pagkalimot, kaya huwag na ninyong usisain ang mga iyon.”
Samakatuwid, ang bawat bagay, tulad ng mga pagkain, mga inumin, at mga kasuutan, na hindi nilinaw ng Allah o kaya’y ang Kanyang Sugo (صلى الله عليه وسلم) ang pagbabawal nito ay hindi ipinahihintulot na ipagbawal ito. Ang patakaran ay ganito: ang bawat pagkain na Tahir (itinuturing na malinis sa Islam kaya naman ipinahihintulot na kainin) na hindi nakapipinsala ay ipinahihintulot; taliwas sa mga pagkaing Najis (itinuturing na marumi sa Islam, kaya naman ipinagbabawal na kainin) gaya ng patay na hayop, dugo, nakalalasing na inumin, sigarilyo, at pagkaing nahaluan ng bagay na Najis dahil ang mga ito ay ipinagbabawal sapagkat nakasasama at nakapipinsala.
Ang ibig sabihin ng patay na hayop ay ang hayop na naalisan ng buhay nang hindi ayon sa pagkakatay na itinatagubilin ng Islam. Ang dugo na ipinagbabawal ay ang dugong lumalabas sa hayop kapag kinakatay. Ang dugong naiiwan sa loob ng karne matapos katayin at ang dugong natitira sa mga ugat ay ipinahihintulot kainin.
Ang mga Ipinahihintulot na Pagkain
Ang mga ipinahihintulot na pagkain ay dalawang uri: ang mga hayop at ang mga halaman. Ipinahihintulot ang alin man sa mga ito kung hindi nakakapipinsala. Ang mga hayop ay dalawang uri: mga hayop na nabubuhay sa lupa at ang mga hayop na nabubuhay sa dagat. Sa kabuuan, ang mga hayop na nabubuhay sa dagat ay Halal at hindi na rin kailangang katayin ayon sa itinatagubilin ng Islam sapagkat kahit nga ang patay (namatay na hindi kinatay) na hayop ng dagat ay ipinahihintulot na kainin.
Ang mga hayop na nakatira sa lupa ay ipinahihintulot kainin maliban sa ilang uri na ipinagbawal ng Islam at ang mga ito ay ang mga sumusunod:
1. Ang asno na inaalagaan,
2. Ang anumang hayop na may pangil na ginagamit nito sa pagsila, maliban sa hyena.
3. Ang mga ibon, maliban sa mga sumusunod:
A. Ang mga ibon na may kukong ipinandadagit o ipinansisila. Nagsabi si Ibnu 'Abbas (رضي الله عنه):
"Ipinagbawal ng Sugo ng Allah (SAS) ang lahat ng may pangil na mabangis na hayop at ang lahat ng ibong may kukong ipinaninila."
B. Ang mga ibong kumakain ng patay gaya ng agila, buwitre, uwak, at lawin dahil sa dumi ng kinakain ng mga ito.
4. Ipinagbabawal din ang mga hayop na nakapandidiri tulad ng ahas, daga, at mga kulisap (maliban sa balang at tipaklong).
Ang iba pa sa mga hayop at mga ibon na nabanggit ay Halal tulad ng kabayo, baka, kalabaw, kambing, tupa, usa, manok, asnong ligaw (hindi inaalagaan), usa, ostritch, kuneho, at iba pa. Hindi kabilang sa mga ito ang Jallalah: ang hayop na bagaman Halal ngunit ang karamihan sa kinakain ay Najis. Ipinagbabawal kainin ang Jallalah hanggang hindi ito ikinukulong ng tatlong araw at pinakakain ng pagkaing malinis.
Makroh ang pagkain ng hilaw na sibuyas, bawang, at anumang tulad nito na may masamang amoy lalo na kung papasok sa Masjid.
Ang sinumang mapipilitang kumain ng pagkaing Haram (ipinagbawal), dahil ikapipinsala ang hindi pagkain nito, ay pinahihintulutang kumain ng makasasapat lamang upang manatiling buhay. Ang nakalalason ay hindi maaaring kainin kailanman.
Ang sinumang mapadaan sa isang taniman at namitas ng bunga sa puno nito o namulot ng nalaglag na bunga at walang anumang bakod na nakapaligid sa pataniman at wala ring nagbabantay; ipinahihintulot sa kanya na kainin ang nasabing bunga ngunit hindi siya magdadala, hindi aakyat sa puno, hindi mambabato ni manunungkit ng bunga, at hindi kakain sa mga nakatipon o nakatumpok na bunga maliban na lamang kung kinakailangan.
Ang mga Alituntunin sa Pagkakatay
Ayon sa Islam, yamang isa sa kondisyon upang mapahintulutang kainin ang isang hayop na nabubuhay sa lupa ay ang pagkakatay nito sa pamamaraang ayon sa Islam, kailangang talakayin ang pamamaraan ng pagkakatay at alamin ang mga kinakailangan dito. Ang pagkakatay ayon sa Islam ay ang pagkatay ng hayop na naninirahan sa lupa at ipinahihintulot kainin sa pamamagitan ng paglalaslas sa lalamunan (daanan ng hangin papuntang baga) at sa esopago (daanan ng pagkain at inumin) o pagsusugat sa alinmang bahagi ng katawan nito kung mahirap ang paglalaslas sa lalamunan.
Hindi Halal ang anumang bahagi ng katawan ng isang hayop na maaaring katayin ngunit hindi kinatay ayon sa Islam sapagkat ang hindi kinatay ay itinuturing na patay.
Ang mga Kondisyon sa Pagkakatay
1. Ang tagapagkatay ay kailangang taong may sapat na pag-iisip at isang Muslim o Kristiyano o Hudyo.
Samakatuwid, hindi Halal ang kinatay ng isang baliw o lango (lasing sa alak o bangag sa gamot) o bata na wala pang sapat na pag-iisip sapagkat hindi tanggap sa mga nabanggit ang layunin na magkatay dahil sa kawalan nila ng sapat na pag-iisip. Hindi rin Halal ang kinatay ng isang di-mananampalataya, pagano o kaanib ng Zoroasterianismo, at Qubooree (mananamba ng patay o nakalibing sa puntod).
2. Ang kagamitan sa pagkakatay. Ipinahihintulot ang pagkatay sa pamamagitan ng lahat ng matalas na bagay na nakapagpapadanak ng dugo, maging ito man ay gawa sa bakal o bato o maging anupaman ito, maliban sa ngipin, buto at kuko sapagkat hindi ipinahihintulot na ipangkatay ang mga ito.
3. Ang paglalaslas ng lalamunan na siyang daanan ng hangin papuntang baga, ng esopago na siya namang daanan ng pagkain at inumin, at ng isa sa dalawang malaking ugat sa leeg.
Ang dahilan kung bakit itinakda ang bahaging ito ng katawan at lalo na ang pagputol sa mga nabanggit ay upang lumabas ang dugo sapagkat ang bahaging ito ay tagpuan ng mga pangunahing ugat at sapagkat ang gayon ay siyang pinakamabilis sa pag-aalis ng buhay, kaya naman ang karne ay lalong malasa at hindi gaanong masakit para sa hayop.
*Kapag hindi magawang laslasin sa nabanggit na bahagi dahil hindi makaya, tulad halimbawa ng mailap na hayop, ang pagkatay sa ganitong hayop ay sa pamamagitan ng pagsusugat sa alinmang bahagi ng katawan nito.
*Ang hayop na nasakal, napalo o nabagsakan ng anumang mabigat, nalaglag buhat sa mataas na lugar, at nilapa ng mabangis na hayop ay ipinahihintulot kainin sa kundisyon na ito ay naabutang may buhay pa at makakatay pa.
4. Na ang tagapagkatay ay magsasabi ng bismillah bago laslasin ang lalamunan. Kanais-nais ding sabihin ang Allahu akbar kasama ng bismillah.
Magandang Asal sa Pagkakatay
1. Makrooh na katayin ang hayop ng mapurol na patalim.
2. Makrooh na hasain ang patalim habang nakatingin ang hayop.
3. Makrooh na iharap ang hayop na kakatayin sa iba pa sa Qiblah.
4. Makrooh na baliin ang leeg nito o balatan ito bago tuluyang namatay.
5. Kanais-nais na katayin ang baka, tupa, at kambing na nakahiga sa kaliwang bahagi ng katawan nito at ang kamelyo na nakatayo samantalang nakagapos ang kaliwang kamay nito.
Ang Pangangaso
Ipinahihintulot ang pangangaso kung kailangan, ngunit kung para lamang sa paglilibang at paglalaro, ito ay makrooh.
Ang hayop na mailap, matapos matamaan ito (ng ano mang ginagamit sa pangangaso) at mahuli ito, ay may dalawang kalagayan:
1. Na ito ay maaabutan habang may buhay pa ito. Kapag ganito ay kailangan itong katayin;
2. Na ito ay maaabutan na patay na o buhay nga ngunit nag-aagaw-buhay na. Sa ganitong kalagayan ay itinuturing itong Halal (kahit hindi nakatay).
Ang kondisyong kailangan para sa mangangaso ay katulad ng sa nagkakatay:
1. Na ang nangangaso ay may sapat na pag-iisip at isang Muslim o isang Kristiyano o isang Hudyo.
Samakatuwid, hindi ipinahihintulot sa isang Muslim na kainin ang nahuli sa pangangaso ng isang baliw o lango. Hindi rin maaari ang nahuli ng isang pagano, kasapi ng Zoroasterismo, at iba pang uri ng mga hindi mananampalataya.
2. Na ang gamit sa pangangaso ay matalas: nakapagpapadanak ng dugo (kung hindi baril) at hindi gawa sa kuko o buto o ngipin. Ang hayop ay susugatan ng sapat lamang at hindi labis.
Ang mga hayop na ginagamit sa pangangaso tulad ng mga aso at mga ibong mandaragit, ang anumang mapatay ng mga ito na mailap na hayop ay Halal kung ang mga ito ay tinuruang manghuli. Turuan ang hayop kung kapag pinawalan ito ay sumusugod ito; kung kapag inudyukan itong manila ay maninila ito; kung kapag nakakuha ito ng hayop ay hahawakan nito iyon para sa panginoon nito hanggang sa puntahan siya nito, at hindi nanghuhuli ng para sa sarili nito.
3. Na itutudla ang sandata ng may layunin mangaso.
Kaya kung nalaglag lamang ang sandata sa kamay at nakapatay ito ng isang hayop, hindi Halal ang hayop na ito sapagkat walang layuning patamaan ito. Kaya kung kusang umalis lamang ang aso at nakapatay ng isang hayop na ligaw, hindi Halal ang hayop na nasila sapagkat hindi ito pinawalan ng panginoon nito upang manila at wala rin siyang layuning mangaso.
Kapag tumudla ng isang hayop ngunit iba ang tinamaan o nakapatay ng isang pangkat ng mga hayop, Halal pa rin ang tinamaan.
4. Ang pagsasabi ng bismillah kapag tutudla o magpapawala ng nangangasong hayop. Itinatagubilin ding sabihin ang Allahu Akbar kasunod ng bismillah.
Paalaala
Ipinagbabawal ang pag-aalaga ng aso kung ang layunin ay hindi ayon sa ipinahintulot ng Sugo ng Allah (صلى الله عليه و سلم), na isa sa tatlong ito: para sa pangangaso, pagbabantay ng mga alagang hayop, at pagbabantay ng mga pananim.
Ang Magandang Asal sa Pagkain at Pag-inom
Itinuring ng Muslim na ang pagkain at inumin ay daan lamang na maghatid sa isang layunin at hindi ang mismong layunin. Kumakain siya at umiinom nang sa gayon ay kanyang mapanatili ang kalususgan ng kanyang katawan na sa pamamaitan nito ay nasasamba niya ang Allah. Ang pagsambang iyon ang siyang nagbibigay sa kanya ng karapatang matamo ang tahanan sa Kabilang Buhay at mamuhay na maligaya roon.
Hindi siya kumakain at umiinom alang-alang sa pagkain, inumin, at sarap ng mga ito. Kaya naman kung hindi rin lamang siya nagugutom ay hindi siya kumakain, at kung hindi siya nauuhaw ay hindi rin siya umiinom. Naisalaysay na ang Propeta (صلى الله عليه وسلم) ay nagsabi:
“Tayo ay mga taong hindi kakain hangga’t hindi nagugutom, at kapag kumain naman tayo ng hindi nagpapakabusog.”
Dapat sundin ng isang Muslim sa pagkain at pag-inom ang mga magagandang asal na itinatagubilin ng Islam.
Ang Mga Magagandang Asal Bago Kumain
1. Na pipiliin ang nakabubuting pagkain at inumin sa pamamagitan ng paghahanda ng mga ito buhat sa mga bagay na halal, nakabubuti, at hindi nahahaluan ng anumang bagay na haram o nakapagdududa (kung haram o hindi). Batay ito sa sinabi ng Allah:
“O mga sumampalataya, kumain kayo buhat sa mga nakbubuting bagay na ipinagkaloob naming sa inyo…” [2:172].
Ang nakabubuting bagay ay ang halal na hindi marumi at hindi nakadidiri.
2. Na ang lalayunin sa pagkain at pag-inom ay ang ikapagpapalakas ng katawan upang masamaba ang Allah nang sa gayon ay magtamo ng gantimpala sa kinain at ininom. Ang gawaing ipinahihitulot, sa pamamagitan ng mabuting layunin, ay magiging isang pagsamba sa Allah na may nakalaang gantimpala.
3. Na huhugasan ang mga kamay bago kumain kung ang mga kamay ay may dumi o hindi natitiyak ang kalinisan ng mga ito.
4. Na (kung kumakain sa lapag ay) uupo nang may pagpapakumbaba – uupo ng paluhod sa dalawang paa o uupo sa kaliwang paa habang nakatukod ang kanang binti – gaya ginagawang pag-upo sa Sugo ng Allah (صلى الله عليه وسلم)”
Hindi ako kumakain na nakatukod ang kamay sa sahig. Ako ay isang alipin (ng Allah) lamang na kumakain kung papaanong kumakain ang isang alipin, at ako ay umuupo kung papaanong umuupo ang isang alipin.”
5. Na magkakasya sa kung ano ang pagkain nakahanda. Na hindi ito pipintasan. Kung magugustuhan ay kakainin at kung hindi naman magustuhan ay huwag kainin. Batay ito sa Hadeeth na isinalaysay ni Abu Hurayrah (رضي الله عنه):
“Walang pagkaing pinintasan ang Propeta (صلى الله عليه وسلم). Kung naiibigan niya ay kinakain niya; at kung hindi niya maibigan ay hindi niya ito ginagalaw.”
6. Na kakain siyang may kasamang iba pa gaya ng panauhin o kamag-anak o utusan. Batay ito ito sa isang Hadeeth: Magtipon kayo sa inyong pagkain at magsabi kayo ng Bismillah (sa ngalan ng Allah), pagpapalain Niya kayo sa inyong pagkain.”
Ang Mga Magagandang Asal Habang Kumakain
1. Na sisimulan ang pagkain sa pagsabi ng Bismillah. Batay ito sa pagsabi ng Propeta (صلى الله عليه وسلم):
“Kapag kakain ang sinuman sa inyo, banggitin niya ang pangalan ng Allah; kapag nalimutan niyang banggitin ang pangalan ng Allah sa simula ng kanyang pagkain, sabihin niya ang “Bismillah Awwalan wal Akhiran” (sa ngalan ng Allah, sa simula at sa katapusan).”
2. Na kakain (kung nagkakamay) sa pamamagitan ng tatlong daliri (ang hinlalaki, hintuturo, at hingigitna) ng kanyang kanang kamay. Liliitin niya ang subo at ngunguyain ng maiigi, kakainin ng kung ano ang nasa malapit at hindi ang nasa malayo. Batay ito sa sinabi ng Propeta (صلى الله عليه وسلم):
“Anak, sabihin mo ang Bismillah, kumain ka sa pamamagitan ng iyong kanang kamay, at kainin mo kung ano ang malapit sa iyo.”
3. Na pag-iigihin ang pagnguya at sasairin ang laman ng palato pati na ang naiwan sa mga daliri bago pupunasan o huhugasan ang kamay.
4. Na kapag nalaglag ang anuman sa kinain, aalisin ang dumi at kakainin ito.
5. Na hindi hihipan ang mainit na pagkain, hindi ito kakainin hangga’t hindi lumalamig-lamig ng kaunti, hindi hihingahan ang tubig habang iniinom, at hihinga ng tatlong beses habang ang ilong ay hindi nakatapat sa baso. Batay ito sa Hadeeth na isinalaysay ni Ibnu ‘Abbas (رضي الله عنه). Ayon sa kanya, ang Propeta (صلى الله عليه وسلم) ay: “nagbawal na huminga sa loob ng baso o ihipan ang loob nito.”
6. Na iiwasan ang labis-labis na pagkabusog. Batay itosa sinabi ng Propeta (صلى الله عليه وسلم):
“Wala ng pinupunong sisidlan ang isang tao na mas masama pa sa kanyang tiyan. Sapat na sa anak ni Adan (tao) ang mga maliliit na subo na pupuno sa pangangailangan ng kanayang katawan. Kung hindi niya iyon magawa, ang ikatlong bahagi (ng tiyan) ay para sa kanyang pagkain, ang ikatlong bahagi ay para sa kanyang inumin, at ang ikatlo ay paa sa kanyang paghinga.”
7. Na hindi mauunang magsisimulang kaumin o uminom kung sa hapag ay may mas lalaong karapat-dapat na panauhin dahil sa katandaaan o pagtataglay ng kahigitan sa iba sapagkat ang gayon ay nakasisira sa mga magnadang sal at ang gumagawa nito ay mapagkakamalang matakaw.
8. Na huwag titingnan ang mga kasama habang kumakain at huwag silang babantayan sapagkat mahihiya sila. Dapat pa ngang huwag ituon ang paningin sa mga kumakaing kasama at huwag silang pagmamasdan dahil baka ikayamot nila iyon.
9. Na hindi gagawin ang karaniwang pinandidirihan ng mga ito. Kaya’t huwag ipapagpag sa plato ang (natitirang pagkain sa) kamay at huwag ilalapit ang ulo sa plato habang kumakain at sumusubo para walang anumang buhat sa bibig ang malaglag sa plato. Ang an umang kinagatan ay huwag ibabalik sa plato (kung sama-samang kumakain sa iisang plato). Huwag ring magsasalita ng mga salitang ipinahihiwatig ay ang mga marurumi sapagkat iyon ay baka ikayamot ng ilan sa mga kasama. Ang pangyayamot sa Muslim ay ipinagbabawal.
Ang Mga Magagandang Asal Matapos Kumain
1. Na hihinto sa pagkain bago tuluyang mabusog bilang tanda ng pagkatulad sa Sugo (SAS) at upang huwag maimpatso.
2. Na sasairin ang natirang pagkain sa kamay at pagkatapos ay pupunasan o huhugasan ang kamay. Ang paghuhugas ng kamay ay siyang karapat-dapat at lalong mainam.
4. Na pupulutin ang mga nahulog na pagkain habang kumakain sapagkat ito ay tanda ng pagpapasalamat sa biyaya.
3. Na aalisin ang tinga sa mga ngipin, magmumumog upang maalis ang amoy ng pagkain sa bibig sapagkat ang bibig ay ginagamit sa pagsambit sa Allah at sa pakikipag-usap sa kapwa tao, at sapagkat ang kalinisan ng bibig ay nagpapanatili ng kalusugan ng ngipin.
5. Na pupurihin ang Allah matapos kumain at uminom sa pamamagitan ng pagsabi ng Alhamdu Lillah (ang papuri ay ukol sa Allah) o Alhamdu Lillahil Ladhee At’amanee Wa Saqaanee Min Ghayri Hawlim Minnee Wa Laa Qoowah*