Saturday, November 21, 2015

Ang Islam ay relihiyon ng kalinisan


Ang Allah ay nagwika:
(O mga anak ni Adam! Magpalamuti (sa pamamagitan ng malinis na kasuotan), sa oras ng pagdarasal sa bawa’t Masjid at magsikain at magsi-inom nguni′t huwag mag-aksaya. Katotohanan, hindi minamahal ng Allah ang mga mapag-aksaya.) (7:31)
Ito rin ay relihiyon ng kadalisayan. Ang Allah ay nagwika:
(Katotohanan, minamahal ng Allah ang lagi nang nagbabalik-loob sa Kanya (sa pagsisisi) at minamahal ang mga nagpapadalisay sa kanilang mga sarili. ) (2:222)
Ang kadalisayan ay isang kundisyon sa pagdarasal ng mga Muslim upang ito ay katanggap-tanggap. At ang pagdarasal ay isang gawaing pagsamba na ginagawa ng mga Muslim limang beses sa isang araw. Itinatagubilin din ng Islam ang kumpletong paliligo (ghusul), sakali mang nagkaroon ng paglabas ng semilya (ejaculation) o pakikipagtalik sa asawa bago isagawa ang mga uri ng pagsamba na sadyang hayag na simbolo ng Islam, katulad ng pagdarasal tuwing araw ng Biyernes, (Jummah prayer) at ang paglalakbay sa Makkah (maging Hajj man o Umrah).
Winika ng Allah sa Banal na Qur′an:
(O kayong mananampalataya! Kung kayo ay maglayong magsagawa ng Salaah, hugasan ang inyong mga mukha, mga kamay (braso) hanggang mga siko, haplusin ng basang kamay ang inyong mga ulo at hugasan ang inyong mga paa hanggang bukung-bukong. Kung kayo ay nasa kalagayan ng Janaba (pagkatapos ng pakikipagtalik) gawing dalisay ang inyong mga sarili (sa pamamagitan ng paliligo ng buong katawan). Nguni’t kung kayo ay may karamdaman o kaya’y nasa oras ng paglalakbay o sinuman ang nanggaling mula sa likas na tawag ng pangangailangan, o nagkaroon ng pakikipagtalik sa mga kababaihan at (sa gayong pagkakataon) ay wala kayong matagpuang tubig, magsagawa ng Tayammum sa pamamagitan ng malinis na lupa at ito ay ihaplos (idampi) sa mukha at mga kamay. Hindi nais ng Allah na kayo ay magdanas ng kahirapan nguni’t nais (lamang) Niyang kayo ay maging malinis, at gawin Niyang lubos ang pagpapala sa inyo upang kayo ay (matutong) magpasalamat. ) (5:6)
Hinihikayat din ng Islam ang palagiang paghuhugas ng kamay upang maging malinis ito bago kumain. Ang Sugo ng Islam na si Muhammad ay nagsabi:
“Pinagpapala ang pagkain kapag hinuhugasan ang kamay bago at pagkatapos kumain.” (Tirmidhi)
Ipinapayo ng Islam ang pagpapanatili ng malinis na bibig at mga ngipin. Ang Sugo ng Islam na si Muhammad ay nagsabi:
“Kung hindi ko lamang nakitang mahirap gawin para sa aking mga tagasunod, iniutos ko sana sa kanila na linisin ang kanilang mga ngipin bago tugunin ang bawa’t pagdarasal.” (Bukhari)
Hinihikayat din ng Islam ang palagiang paglilinis sa mga lugar kung saan ay maaaring pamahayan ng mga mikrobiyo at karumhan. Ang Sugo ng Islam na si Muhammad ay nagsabi:
“May limang bagay na likas para sa kalinisan ng tao; pagtuli, ang pag-ahit ng balahibo (pubic hair) sa maselang bahagi ng katawan, ang pag-alis ng buhok sa kilikili, ang paggupit ng bigote at paggupit ng mga kuko (sa mga kamay at paa).” (Bukhari)

Source: www.thekeytoislam.com