Ang Kasalang "MISYAR" ay may dalawang paraan:
Una: Magkakaroon ng kasal sa pagitan ng dalawang nagmamahalan (lalaki at babae) na ganap at kompleto ang mga kondisyon at haligi ng kasal sa Islam tulad ng Mahr, Wali ng babae at dalawang matutuwid na saksi mula sa mga Muslim, subali't may kondisyon ang lalaki sa babae na hindi na niya magiging obligasyon ang tirahan o panustos datapuwa't titira ang babae sa kanyang sariling bahay at doon siya pupuntahan ng kanyang asawang lalaki;sa ganitong paraan hindi na obligasyon ng lalaki ang tirahan o panustos.
Pangalawa: Hindi na magbibigay ng kondisyon ang lalaki sa panustos, ang kanyang kondisyon lamang ay ang hindi niya pagsunod sa tamang paraan ng paghati-hati sa araw sa pagitan ng mga asawa; ibig sabihin ay maaaring mas madalas siya sa iba niyang asawa kaysa asawa niya sa paraang "Misyar", at ito ang mas maraming gumagawa dahil maaaring ayaw malaman ng lalaki ng kanyang pamilya ang tungkol sa kasalang ito upang maiwasan ang anumang problema o gulo na maaaring mangyari.
At ang unang nabanggit naman ay maaaring dahil gusto ng babae na makapag-asawa at hindi masadlak sa kasalanan o pangangalunya dahil sa pag-aakalang wala siyang makikitang lalaking pakasalan siya nang may obligasyon sa tirahan at panustos.
Kapag ganito ang paraan ng "Misyar" ay tunay na ang kasalan ay tumpak at tama (Sahih) kung nalugod at nagkasundo ang dalawang panig.
Isinalaysay ni Ibn Abi Shaybah ang ulat mula kay Abu Amir As-Shaabi na siyang tinanong tungkol sa lalaking may asawa at mag-aasawa muli na may kondisyon sa pangalawang asawa na isang araw sa kanya ang lalaki at dalawang araw sa unang asawa at ang kanyang sagot ay:" Walang sala o walang masama".
At kanya rin isinalaysay na si Al-Hassan Al-Basry ay walang nakikitang masama sa kondisyon sa kasalanan kapag ito ay hayag at malinaw.
Samakatuwi'd ang kasalang "MISYAR" ay may naidudulot na kabutihan lalu na para sa mga kababaihan at upang maiwasan ang kasalanan at pangangalunya lalu na sa mga kababaihang nahihirapan ng makapag-asawa – at sila ay marami- ganun pa man hindi rin maiiwasan ang ay mga obligasyong maaaring maging sanhi ng hidwaan tulad ng mga karapatan at mana kaya may mga iskolar na hindi nila pinahihintulutan ang ganitong paraan ng kasalan subali't mas malapit sa katotohanan ang kapahintulutan nito kapag kompleto lahat ang mga haligi at kondisyon dahil walang tumpak na basihan o dalil ang nagsasabing hindi ito tama at hindi rin ito katulad ng akala ng iba na "kasalang Mut'ah" sapagka't napakalayo ang kaibahan.
Kabilang sa mga iskolar na nagsasabing ito ay tumpak at pinapahintulutan ay sina:" Shiekh Abdulaziz bin Baz, Abdulaziz Al-Shiekh, at Uthaimeen
ALLAHU A'ALAM
MGA KAIBAHAN NG KASALANG MISYAR AT MUT'AH
1. Ang Mut'ah ay pansamantalang kasalan at pagsasama, kapag dumating ang panahong hangganan ng pagsasama ayon sa kasunduan ng dalawang panig ay hiwalay na sila; samantala ang Mis'yar ay walang hangganan ang pagsasama at hindi ito kabilang sa kasunduan o kondisyon bagkus maaaring mag-asawa parin sila habang buhay at maghihiwalay lamang kung ito ay sa pamamagitan ng diborsiyo o Talaq kaya iba ito sa Mut'ah.
2. Walang tinatawag na Iddah sa Mut'ah at walang mangyayaring pagmamana sa pagitan nila; samantala ang Misyar ay katulad pa rin ng nakasanayang nating Islamikong kasalan na may Iddah at mana sa pagitan nila maliban lamang sa panustos, paghahati ng araw o tirahan depende sa napagkasunduan ng dalawang mag-asawa kaya iba ito sa Mut'ah.
3. Walang tinatawag na deborsiyo o Talaq sa Mut'ah bagkus pagkatapos ng panahong napagkasunduan ay hiwalay na sila agad; samantalang ang Misyar ay katulad ng ating nakasanayang Islamikong kasalan na kapag sila ay maghihiwalay ay sa pamamagitan ng deborsiyo kaya iba ito sa Mut'ah.
4. Ang Wali at mga saksi ay hindi kailangan at hindi kabilang sa kondisyon ng Mut'ah; samantala ang Misyar ay katulad parin ng ating nakasanayang islamikong kasalan na nangangailangan ng Wali, dalawang saksi na matutuwid na Muslim at iba pang kondisyon kaya iba ito sa Mut'ah.
5. Sa alituntunin ng Mut'ah; maaari kang magsagawa ng kasalang Mut'ah ng walang takdang bilang ng mga kababaihan ayon sa nais mong bilang; samantala ang Misyar ay alinsunod parin sa paraan at alituntunin ng Islam na hanggang apat lamang kaya iba ito sa Mut'ah.
Ang pagpapahintulot ng isa sa mga asawa na mawala sa kanya ang isa sa kanyang mga karapatan ay pinapahintulutan sa Islam ayon sa Hadith ni Aisha (kalugdan nawa ng Allah) na ginawa ito ni Sawdah bint zam'ah na isa sa mga asawa ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) at ito ay tinanggap ng Propeta kaya kung ito man ay Haram hindi sana pinahintulutan ng Propeta. Ito ay matatagpuan sa Saheeh Al-Bukhari.
At iba pang mga basihan at mga kadahilanan
ALLAHU AALAM