UNA: Nararapat sa nagsasagawa ng Hajj bago bumiyahe at umalis patungo sa sagradong tahanan (Ka`bah) na isagawa muna ang mga bagay na siyang kaganapan ng kanyang Hajj at Umrah at upang ang kanyang gawain ay maging katanggap-tanggap – sa kapahintulutan ng Allah.
At ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
1. Al-Istikhaarah (ang paghiling sa Allah ng wastong pagpapasiya) at Al-Istisharah (ang pagsasangunian ng isa't isa sa opinyon). Samakatuwid, walang mawawala ang sinumang humiling sa Allah ng wastong pagpapasiya, at walang pagsisisi ang sinumang nakipagsanggunian sa isa't isa. Kaya hilingin sa Allah kung ano ang tamang oras, magandang biyahe, mabuting kasamahan at tumpak na daan kung marami ang daan, at pagkatapos ay makipagsanggunian sa mga taong may karanasan at makadiyos.
Ang pamamaraan ng Istikhaarah: Ang magsagawa ng dalawang rak`ah, at (pagkatapos ay) manalangin mula sa mga mapapanaligang panalangin na matatagpuan sa mga aklat ng Dhikr (paggunita) at Du`a' (panalangin).
2. Ang kawagasan ng layunin sa Allah – ang Kataas-taasan:
Samakatuwid, nararapat sa nagsasagawa ng Hajj na kanyang isasapuso sa pagsasagawa niya ng Hajj at Umrah ang kagalakan ng Allah at ang Huling Araw, upang ang kanyang mga gawain, salita at mga ginugol ay maibilang sa pagpapalapit sa Allah.
3. Ang pag-aaral sa mga alituntunin ng Hajj at Umrah at mga bagay na nauukol dito:
Kaya't pag-aralan ang mga kondisyon, obligado, saligan at mga mabubuting gawain sa Hajj, nang maisakatuparan ang pagsamba sa Allah sa tamang katuruan at nang hindi masadlak sa mga pagkakamali na siyang makakasira sa kanyang Hajj. Sa katunayan, ang mga sinaunang Pantas at maging ang mga bago ay nakapaglathala na ng mga aklat patungkol sa paksang ito. Kaya nararapat sa nagsasagawa ng Hajj na saliksikin ito at basahin, magtanong sa mga eskolar at mga Pantas tungkol sa mga di nalalaman at nauunawaan mula sa mga alituntunin at pamamaraan ng Hajj at Umrah.
4. Ang paghanda sa mga kakailanganin ng kanyang pamilya at ang pagbigay ng payo sa kanila tungkol sa At-Taqwah (ang kabanalan ng takot sa Allah).
Tungkulin ng nagsasagawa ng Hajj ang ipaghanda sa kanyang pamilya at ang sinumang nasa ilalim ng kanyang pananagutan ang anumang kakailanganin nila tulad ng pera, pagkain, inumin atbp. nang hindi maging tungkulin pa ng mga tao ang pagtustos sa kanila sa kanyang pag-alis. At bukod dito, nararapat sa kanyang payuhan sila tungkol sa kabanalan ng takot.
Ang ibig sabihin ng kabanalan ng takot: ang pagtaguyod sa mga kautusan at ang pag-iwas sa mga kabawalan.
Kaya't ang kabanalan ng takot ang siyang pinakamainam na maging baon ng isang muslim saan mang lugar siya nanunuluyan at sa kanyang paglalakbay.
Sinabi ng Allah: {وَتَزَوَّدُواْ فَإِنَّ خَيْرَ الزَّادِ التَّقْوَى وَاتَّقُونِ يَا أُوْلِي الأَلْبَابِ}Al-Baqarah: 197
{Samakatuwid, maghanda ng magiging baon ninyo, datapuwa't ang pinakamainam na baon ay ang Taqwah (kabanalan ng takot). Kaya't matakot sa Akin, O tao na may pang-unawa!}
Ang pagsisisi sa lahat ng mga kasalanan at kasuwailan:
Sinabi ng Allah: {وَتُوبُوا إِلَى اللَّهِ جَمِيعًا أَيُّهَا الْمُؤْمِنُونَ لَعَلَّكُمْ تُفْلِحُونَ}
{At magbalik-loob kayong lahat sa Allah, O mga sumasampalataya. Nang inyong makamit ang tagumpay.}
An-Nour: 31
Ang wagas na pagsisisi:
• Ang pagkalas sa lahat ng mga kasalanan at kasuwailan, at ang pag-iwas dito.
• Ang pagsisisihan ang mga nakaraan.
• Ang wagas na pagpapasiya na hindi na uulitin ito.
• Kapag siya ay nagkasala sa tao. Dapat niyang ayusin ito at hingin ang kanilang paumanhin, maging ito man ay patungkol sa dangal, pera o sa iba.
Ang paghanda ng malinis na panggugol:
Ito ay ang kinita sa mabuting pamamaraan, nang hindi mahaluan ang kanyang Hajj ng anumang pagkakasala. Sapagkat ang taong nagsasagawa ng Hajj na walang katiyakan ang kanyang kinita – ito ba'y malinis o hindi – ang kanyang pagsasagawa ng Hajj ay maaring hindi matanggap at maari rin namang matanggap, subalit may kalakip na kasalanan.
Batay sa isang Hadith, ang Sugo ng Allah (Muhammad ) ay nagsabi:
[ إذا خرج الحاج حاجاً بنفقة طيبة ووضع رجله في الغرز فنادى لبيك اللهم لبيك، ناده مناد من السماء: لبيك وسعديك، زادك حلال وراحلتك حلال وحجك مبرور غير مأزور، وإذا خرج بالنفقة الخبيثة ووضع رجله في الغرز فنادى: لبيك اللهم لبيك ناده مناد من السماء لا لبيك ولا سعديك زادك حرام وراحلتك حرام وحجك مأزور غير مبرور ]
[Kapag lumisan ang isang tao upang magsagawa ng Hajj na may malinis na panustus at inilapag ang kanyang paa sa tusok at sumambit nang malakas "Labbaikallaahumma labbaik". Ipananawagan siya ng isang tagatawag sa langit: "Labbaika wa Sa`adaik, Zaaduka Halal wa Raahilatuka Halal wa Hajjuka Mabrour Ghaira Ma' zour". At kapag humayo na may maruming panustus at kanyang iniapak ang kanyang paa sa tusok at sumambit nang malakas "Labbaikallaahumma labbaik". Ipananawagan siya ng isang tagatawag sa langit: "La labbaik wa la Sa`adaik Zaaduka Haram wa Raahilatuka Haram wa Hajjuka Ma'zour Ghaira Mabrour.]
At bukod dito: Piliin ang mabubuting mga kasamahan.
At bilang pagtatapos: Alalahanin na ang paglalakbay ay may mga partikular na panalangin at magagandang asal.
Ang tungkol sa panalangin para sa paglalakbay. Mangyaring ipaalaala na lang namin ito sa inyo sa unang sandali ng paglalakbay.
At tungkol naman sa ilang magagandang mga asal sa paglalakbay: ito ay ang pagtatakbeer kapag pumapaitaas, pagpupuri at pagluluwalhati kapag pumapaibaba sa lambak.
At sabihin kapag bumababa sa tinutuluyan : "Audhu bi kalimaatillaahi attamaat min sharri ma khalaq" . Nang hindi siya maaano ng anumang nakapipinsala hangga't sa lisanin ang tahanang iyon.
PANGALAWA: Pangkalahatang paalaala sa lahat ng samahan ng paglalakbay.
1. Sa pagsapit ng oras ng Salah, lisanin ang lahat ng bagay na pinag-aabalahan at maghanda para sa Salah. Sapagkat hindi binibiyayaan ng Allah ang anumang gawain na nakaaabala sa Salah.
2. Maging masigasig sa pagbabasa ng banal na Qur`an at pagsasa-ulo nito sa mga oras na walang ginagawa, sapagkat sa bawat titik nito ay nakakamit ang sampung kabutihan.
3. Maging isang halimbawa ng magagandang pakikipag-ugnayan at mabubuting kaugalian.
4. Iwasan ang pakikipagtalo at pagtalakayan sa mga bagay na walang kabuluhan. Sinabi ng Allah:
{ فَمَن فَرَضَ فِيهِنَّ الْحَجَّ فَلاَ رَفَثَ وَلاَ فُسُوقَ وَلاَ جِدَالَ فِي الْحَجِّ}
{Kaya't, sinumang may layuning magsagawa ng Hajj sa panahong ito (sa kalagayan ng Ihram), huwag magsalita ng mahahalay na salita – o makipagtalik sa asawa, huwag gumawa ng kasuwailan at huwag makipagtalo habang nasa Hajj.}
Al-Baqarah: 197
Samakatuwid, ang mga bagay na ito ay ipinagbabawal ng Allah. Kaya ang sinumang nakapagsimula na sa pagsasagawa ng Hajj o Umrah. Dapat niyang iwasan ang mga mahahalay na salita lalong-lalo na tungkol sa mga masisilang bahagi ng katawan o sa mga kababaihan. At dapat din niyang pangalagaan ang kanyang dila. Kapag hindi niya ito naaabala sa paggunita sa Allah at sa pagsambit ng Talbiyyah. Huwag na niya itong abalahin sa walang katuturang usapin, sa masasama at mahahalay na salita. Bagkus dapat niyang ibaling ito sa mga usaping kapaki-pakinabang, at tuluyang iwasan ang mga bagay na nakapipinsala sa kanya.
5. Piliin ang mga kaibigan na mapagkakatiwalaan (sa pananampalataya at kaugalian). Bilang pagsunod sa sinabi ng Sugo: [ المرء على دين خليله فلينظر أحدكم من يخالل ]
[Ang isang tao ay nakasalalay sa pananampalataya ng kanyang kaibigan. Kaya kilatisin ng bawat isa sa inyo ang kanyang kakaibiganin.]
6. Maging masigasig sa pakikinabang sa lahat ng mga palatuntunan ng iba't ibang uring kaalaman.
7. Hindi ipinahihintulot sa kaninuman ang paglalabas nang hindi alam ng kinauukulan. Kapag nais mong lumabas, o nakaramdam ng masamang pakiramdam o kapaguran. Dapat mong ipagbigay alam agad sa tagapamahala ng paglalakbay, upang maihanda para sa iyo ang wasto at ganap na paglingkod.
8. Hindi ipinahihintulot sa kaninuman ang lumabas sa grupo para manuluyan sa mga kaibigan maging sa anupamang kadahilanan.
9. Panatiliin ang ganap na katahimikan sa mga oras ng pamamahinga at pagtulog.
10. Pangalagaan ang mga personal na mga gamit, pera, mobile at ang lahat ng ari-arian at walang pananagutan ang kinauukulan sa mga nawawala.
Kapatid na Hajj! Huwag kaligtaan ang mga sumusunod:
1) Ang pag-alis ay sa araw ng Biyernes ika- 6/12/1434 – October 11, 2013 – In sha Allah.
2) Kailangan na dalhin ang orihinal ng Iqamah at buong kopya nito.
3) Kailangan na dumating sa Tanggapan sa oras ng 12: 30 nang tanghali.
4) Magdala ng personal na mga gamit :
a. Qur'an.
b. Personal na mga damit at mga gamit.
c. Bag Pang-aralin.
Ang lahat ng personal na mga gamit ay ilagay sa maliit na bag. Dalhin sa ibaba ng bus maliban sa Ihram at sinturon, sapagkat ang dapat ay dala-dala mo ito sa loob ng bus.
5) Kailangang magdala ng pamplet na tumatalakay sa mga retuwal ng Hajj, at Qur`an. At magdala rin ng pera para sa Hady (hayop na inihahandog). Ito ay para sa nagsasagawa ng Hajj na Mutamatti`a o Qarin.
Para sa kaalaman, ang halaga ng Hady ay hindi humigit kumulang ng 375 Riyal.
Paalaala: huwag na magdala ng banig dahil may ibibigay ang kinakatawang tagapaglingkod ng Ahensiya – In Sha Allah.
6) Maging masigasig sa pakikipagtulungan, at sa paglingkod sa kapwa at sa mga kapatid na panauhin ng Allah, ang Mapagpala.
Inuulit namin hinding-hindi ipinahihintulot sa kaninuman ang kumalas sa grupo maging sa anupamang kadahilanan o kalagayan. At sinuman ang may balak makipagkita sa kanyang pamilya o kamag-anak. Kung maaari sana ngayon pa lang ay ipagbigay alam na ninyo sa amin. Samakatuwid, hindi namin ipinahihintulot na sumama sa amin ang sinumang may balak kumalas sa grupo.
Para sa mga katanungan mangyaring tumawag sa mga sumusunod: (0560764378) – (0509008359) – (0506480567) – ( 0505271910 ).
Ang Allah ang Siyang nagkakaloob ng katampukan at gabay..
Isinalin sa Tagalog ni: Mohammad Taha Ali
Mobile #: 0554370319
No comments:
Post a Comment