Kapatid na Muslim at Muslimah:
Naipakita na ang mga ebidensiya sa Qur’an at sa mga nakasulat sa Hadith na nagbabanggit ng pagiging kasuklam-suklam ng musika, mga iba’t ibang makinang pang-aliw (mga radyo o component na ginagamit lamang sa pagpapatugtog ng musika), at gayon din ay dumating na ang babala laban sa musika, at ang paliwanag sa pagkaligaw na idinudulot nito. Sinabi ng Allah:
At mayroon sa mga tao ang bumibili ng walang kabuluhang pag-uusap (musika at pagkanta), upang iligaw ang iba sa landas ng Allah ng walang kaalaman, at nagtataguri rito (ibig sabihin ay sa mga talata ng Qur’an o sa landas ng Allah) sa mapangutyang paraan: para sa kanila ay may nakahanda na kahiya-hiyang kaparusahan (sa impiyerno). (Luqman:6)
At ipinapaliwanag ng maraming ‘Ulama (mga taong may mataas na pinag-aralan sa Islam at may tamang pananaw sa mga katuruan nito), mula sa sinabi ni Abdullah bin Masoud na ang tinutukoy na walang kabuluhang pag-uusap ay ang mga kanta, at ang mga instrumento nito, at anumang tunog na naglalayo sa tao sa katotohanan. At ang Musika ay kaguluhan lamang sa puso, at nag-aakit sa tao patungo sa masama, at naglalayo sa kabutihan, at ginawang kasuklam-suklam ng Allah ang Musika, at ipinangako niya ang kahiya-hiyang parusa para sa sinumang gumagawa nito, sinabi ni Propeta Muhammad.
Lilitaw mula sa aking ummah (ang pamayanan ng mga Muslim) ang mga grupo ng mga tao na pahihintulutan nila ang illegal na pakikipagtalik, pagsusuot ng lalaki ng seda (damit na pambabae), ang alak, at ang Ma’azif (musika at mga walang kabuluhang pagkanta). (Iniulat ni Imam Bukhari)
Ang Ma’azif ay ang pagkanta, mga instrumentong pangmusika at pananalitang mapanukso, at kasama sa pagbabawal dito ay kinasusuklaman ang sinumang gumagawa nito o nagpapahintulot nito katulad ng kung paano natin kasuklaman ang nagpapahintulot sa alak at zina (ilegal na pakikipagrelasyon).
At ayon sa ating nalalaman na kapag ang tao ay nakarinig ng musika, ito ay nagiging dahilan ng pagbawas ng kanyang pag-iisip, nakakabawas ng kanyang hiya, nakakapagpababa ng kanyang kagandahan, nakakatanggal ng kanyang katapangan,nakakabawas ng kanyang dignidad, nakakapagpahina ng kanyang Eeman (pananampalataya), nakakaimpluwensiya sa kanyang emosyon at pag-iisip, nagpapahirap para sa kanya (upang makabisado) ang Qur’an, nagiging dahilan upang matuwa sa kanya ang satanas na lagi niyang kasama, pinapaganda para sa kanya ang kalaswaan, ang paggawa ng bisyo at mga kasalanan.
Ang Musika ay may kakayanang baguhin ang pag-iisip at damdamin ng tao. Kapag ang tao ay nakakarinig ng musikang masaya ang tono o tema, siya ay masaya. Kapag ang tao ay nakarinig ng malungkot na musika siya ay nagiging malungkot. At ganoon din ang reaksiyon ng tao kapag nakarinig siya ng musika na mapanukso o nang-aakit sa tao sa ilegal na pakikipagrelasyon o musika na puno ng galit o pagkamuhi. At matatagpuan natin sa kultura ng mga hindi muslim ang mga kaguluhan na mismong nababanggit sa kanilang musika, dahil ang musika ay nagiging instrumento ng pagkalat ng mga kabulukang panlipunan. At ang tao ay nagiging alipin ng musika.
Subhanallah kung ihahambing natin, mas kaunti ang mga Muslim na nagpapakamatay at napatunayan na malaki ang kinalaman ng Musika sa mga kasong ganito. At ang karamihan ng mga Muslim na nakikita nating nalulubog sa kabulukan ay ang mga Muslim na sumusuway sa utos ng Allah lalo na tungkol sa Musika.
Ang Allah ay nag-utos lamang ng mabubuti at nagbabawal ng mga bagay na puro masasama.
Napag-isipan mo na ba, Oh Alipin ng Allah? Na ito ang katotohanan at walang silbi ang pagtanggi dito sa pamamagitan pangangatwiran o pagpapalusot. At walang silbi sa kanyang pagsuway ang kapangitan ng gawaing ito, dahil ibababa sa puso niya ang takip na magsasara rito; dahil ikaw ay haharap sa nakakaalam ng tukso sa iyong mata at ng itinatago ng iyong puso at sa Siyang magtutuos (magtitimbang) ng kung anumang pinakikinggan ng mga tainga. Sinabi ng Allah:
يومئذٍ تعرضون لا تخفى منكم خافية (الحاقة:18)
Sa Araw na yaon kayo ay ihaharap sa pagsusulit at walang anumang lihim ang inyong maikukubli. (Al-Haqqah:18)
Mag-ingat kayo mula sa Musika, dahil ito ay nakakabawas sa inyong relihiyon, pag-iisip, at hiya, nakakasira ng mabuting pag-uugali, naglalayo sa pag-aalaala sa Allah at sa Salah, at nagiging dahilan upang tanggihan ng tao ang parusa ng Panginoon, ang Allah, ang Makapangyarihan.
Nagtanong si Al Qasim bin Muhammad - kaawaan nawa siya ng Allah - tungkol sa Musika: Kung Pangingibabawin ng Allah sa Araw ng Paghuhukom ang Katotohan kaysa sa Mali, alin sa kanilang dalawa ang tao na nakikinig o gumagawa ng Musika?
Siya ay sumagot: Siya ay kasama ng Mali! Sinabi ng Allah:
At matapos ang Katotohanan, ano pa ang malalabi rito maliban sa pagkaligaw?
(Yunus:32)
Kaya kapatid na Muslim walang mawawala sa atin kung susundin natin ang Allah at ang kanyang Sugo, at wala tayong mapapala kung susuwayin natin Sila. Walang iniutos ang Allah kundi ang kabutihan at wala Siyang ipinagbawal kundi ang kasamaan. Hindi natin maaaring ikatwiran na nakikita natin ang gawaing ito sa iba. Dahil tayo ay kanya-kanyang mananagot sa ating mga sarili.
Gabayan nawa tayo ng Allah.
Mga Gawaing Kapaki-pakinabang kapalit ng Pakikinig ng Musika
1. Pagbabasa ng qur’an
2. Pagbabasa ng mga babasahing Islamiko.
3. Pakikinig ng mga lecture
4. Pakikinig ng mga awiting islamiko na walang halong musika sa limitadong pagkakataon (ang sobrang pakikinig ng mga tula at mga awitin bagama’t walang musika hindi rin kanais-nais).
5. Pagsasagawa ng boluntaryong salah sa bakantaeng oras o tahajjud sa gabi.
6. Pgmumuni-muni (Tafakkur) sa kadakilaan ng mga nilikha ng Allah katulad ng langit, mga bituin, ang araw, ang buwan, ang iba pang nilikha)
7. Pag-aalaala sa Allah sa pamamagitan ng mga Dhikr na nababanggit sa Qur’an at Sunnah.
8. Pagpapakupkop sa Allah laban sa tukso nito.
9. Pagsasagawa ng Da’wah (Pag-aanyaya tungo sa Allah).
Tinipon at isinalin sa Wikang Filipino Ni Mujahid Navarra
No comments:
Post a Comment