Monday, December 21, 2015

Tatlumput Dalawang Aral (32) mula sa Hadith ng AL-ISRA' WAL MI'RAJ


Ulat mula kay Anas bin Malik buhat kay Malik bin Sa'asa'a (kalugdan nawa silang dalawa ni Allah):

(( Katotohanan, Ang Propeta ng Allah [sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan] isinalaysay sa kanila ang tungkol sa gabing pinalakbay siya mula Makkah hanggang Palestine (kanyang sinasabi):

" nang ako ay nasa Hatim (o kanyang sinabi), sa loob ng kuwarto habang nakahiga; may dumating sa akin -na kanyang sinabi at aking narinig- biniyak ang pagitan ng ito"

Sinabi ko kay Al-Jarud na nasa aking tabi:" ano ang ibig niyang sabihin? Sinabi niya: mula lalamunan hanggang baba ng pusod; at narinig kong sinasabi niya:" Mula sa taas ng dibdib hanggang baba ng pusod at inilabas ang aking puso at pagkatapos ay binigyan ako ng bandeha na yari sa ginto; punong-puno ng pananampalataya, at hinugasan ang aking puso at pagkatapos ay pinalamanan (ng pananampalataya at karunungan) at pagkatapos; ibinalik sa dati nitong anyo at pagkatapos ay binigyan ako ng sasakyang puting hayop na mas maliit sa mola at mas malaki kaysa Asno.

Sinabi sa kanya ni Al-Jarud:" ito ang Buraq O Ama ni Hamza. Sinabi ni Anas: Oo, ihahakbang niya ang kanyang paa sa abot ng kanyang matatanaw; at isinakay ako dito, dinala ako ni Anghel Gabriel hanggang makarating sa langit (unang palapag na kasunod ng Mundo ), at siya (Gabriel) ay nagpabukas, siya ay tinanong: "Sino ito? Kanyang sagot:" Si Gabriel", at sinabi:" Sino ang kasama mo? Sabi niya:" Si Mohammad", sinabi (kay Gabriel): siya ba ay ipinasundo? Sagot niya:"Oo", sinabi sa kanya:" Maligaya at mabiyayang pagdating sa kanya", at binuksan (ang pinto), nang ako'y dumating at makapasok; naroon si Adam at sinabi (ni Gabriel):" Siya ang ama mong si Adam at batiin mo siya, kaya binati ko siya at sinagot (ibinalik) ang bati at pagkatapos kanyang sinabi:" Maligayang pagdating sa aking mabuting anak at mabuting Propeta.


At pagkatapos; pina-akyat ako sa kalawang langit at siya'y (Gabriel) nagpabukas, sinabi sa kanya:" Sino ito?, sagot niya:" Si Gabriel (ito), at sinabi:" sino ang kasama mo? Kanyang sinabi: si Mohammad, sinabi niya: siya ba'y ipinasundo? Sagot (ni Gabriel): Oo. Kanyang sinabi: maligaya at mabiyayang pagdating sa kanya, at ng ako'y dumating at makapasok; naroon si Yahya at Hesus ( at sila'y mga anak ng aking tiyahin sa Ina), sinabi ni Gabriel: sila sina Yahya at Hesus kaya batiin mo silang dalawa at akin silang binati at sinagot (ang aking pagbati) at sinabi: maligayang pagdating sa mabuting kapatid at mabuting Propeta. 

At pagkatapos; pina-akyat ako sa ikatlong langit at nagpabukas (si Gabriel), sinabi sa kanya: Sino ito? Kanyang sinabi: si Gabriel (ito), sinabi (ulit): Sino ang kasama mo? Kanyang sinabi: Si Mohammad, sinabi niya: siya ba'y ipinasundo? Sagot (ni Gabriel): Oo. Kanyang sinabi: maligaya at mabiyayang pagdating sa kanya, at ng ako'y dumating at makapasok; naroon si Yusof. Sinabi ni (Gabriel): Siya si Yusof at batiin mo siya, kaya ako'y bumati sa kanya at siya'y sumagot; sinabi niya : maligayang pagdating sa mabuting kapatid at mabuting Propeta.

At pagkatapos, ako'y pina-akyat sa ikaapat na langit at nagpabukas (si Gabriel), sinabi sa kanya: Sino ito? Kanyang sagot: si Gabriel (ito), sinabi (ulit): Sino ang kasama mo? Kanyang sinabi: Si Mohammad , sinabi niya: siya ba'y ipinasundo? Sagot (ni Gabriel): Oo. Kanyang sinabi: maligaya at mabiyayang pagdating sa kanya, at ng ako'y dumating at makapasok kay Idris, sinabi ni Gabriel: Siya si Idris at bumati ka sa kanya, kaya siya'y aking binate at pagkatapos kanyang sinabi: maligayang pagdating sa mabuting kapatid at mabuting Propeta. 

At pagkatapos, ako ay pina-akyat sa ikalimang langit at nagpabukas (si Gabriel), sinabi sa kanya: Sino ito? Kanyang sagot: si Gabriel (ito), sinabi (ulit): Sino ang kasama mo? Kanyang sinabi: Si Mohammad, , sinabi niya: siya ba'y ipinasundo? Sagot (ni Gabriel): Oo. Kanyang sinabi: maligaya at mabiyayang pagdating sa kanya, at ng ako'y dumating at makapasok, naroon si Harun, sinabi ni Gabriel: Siya si Harun, siya'y iyong batiin kaya binati ko siya at siya'y sumagot sa aking bati at sinabi: maligayang pagdating sa mabuting kapatid at mabuting Propeta. . 

At pagkatapos, ako'y pina-akyat ako sa ikaanim na langit langit at nagpabukas (si Gabriel), sinabi sa kanya: Sino ito? Kanyang sagot: si Gabriel (ito), sinabi (ulit): Sino ang kasama mo? Kanyang sinabi: Si Mohammad, sinabi niya: siya ba'y ipinasundo? Sagot (ni Gabriel): Oo. Kanyang sinabi: maligaya at mabiyayang pagdating sa kanya, at ng ako'y dumating at makapasok naroon si Musa (Moses), sinabi ni Gabriel: Siya si Musa , batiin mo siya kaya siya'y aking binati at sinagot ang aking pagbati at sinabi: maligayang pagdating sa mabuting kapatid at mabuting Propeta. ( at pagkatapos ko madaan si Musa siya'y napaiyak kaya siya'y tinanong: anong bagay ang nagpaiyak sa iyo? Sagot niya: ako ay naiiyak sapagka't ang isang batang lalaki na isinugo pagkatapos ko ay mas maraming papasok ng Paraiso mula sa kanyang tagasunod kaysa papasok dito mula sa aking tagasunod). 

At pagkatapos; pina-akyat ako sa ikapitong palapag ng kalangitan at nagpabukas (si Gabriel), sinabi sa kanya: Sino ito? Kanyang sagot: si Gabriel (ito), sinabi (ulit): Sino ang kasama mo? Kanyang sinabi: Si Mohammad, sinabi niya: siya ba'y ipinasundo? Sagot (ni Gabriel): Oo Kanyang sinabi: maligaya at mabiyayang pagdating sa kanya, at ng ako'y dumating at makapasok naroon si Abraham, sinabi ni Gabriel: siya ang iyong ama (na si Abraham) bumati ka sa kanya, sinabi (ni Mohammad): binati ko siya kaya sinagot niya ang aking pagbati at sinabi: Maligayang pagdating sa aking mabuting anak at mabuting Propeta.

At pagkatapos; ipinakita sa akin ang "Sidratul Muntaha" – ang bunga nito ay kasinglaki ng mga banga sa Hajar at ang dahon nito ay parang mga tainga ng Elepante- sinabi ni Gabriel: ito ang Sidratul Muntaha at may apat na ilog; ang dalawang ilog ay nasa loob at ang dalawa ay nasa labas. Aking sinabi: ano ang dalawang ito O Gabriel? Sagot niya: ang dalawang ilog na nasa loob ay ilog sa Paraiso at ang nasa labas naman ay ilog ng Nile at Euphrates.


At pagkatapos: ipinakita sa akin ang "Baytul Ma'amur" at ako ay binigyan ng sisidlan na may alak, sisidlang may gatas at sisidlan na may pulut-pukyutan at kinuhan ko ang gatas at kanyang sinabi: ito ang likas (na pananampalataya) na iyong tinatahak at ng iyong Ummah (mga tagasunod, sambayanan).

At pagkatapos, iniatas sa akin ang limampung beses na pagdarasal (Salah) bawat araw, ako ay bumalik at nadaanan ko si Musa at sinabi: Ano ang iniutos sa iyo? Sinabi niya (Mohammad): iniutos
sa akin ang limampung beses na pagdarasal sa loob ng isang araw, sinabi (ni Musa):

katotohanan, ang iyong Ummah (samabayanan) ay hindi kakayanin ang limampung beses na pagdarasal datapuwa't tunay na aking nasubukan ang mga tao bago ( ka dumating) at aking itinuwid (ang pananampalataya) ng Israel ng matinding pagtutuwid kaya bumalik ka sa iyong Panginoon at hilingin sa Kanya ang pagpapagaan para sa iyong Ummah.

Kaya ako ay bumalik at binawasan sa akin ng sampu bumalik ako kay Musa at sinabi ang katulad ng unang sinabi sa akin, bumalik na naman ako at binawasan sa akin ng sampu at ako ay bumalik kay Musa at sinabi rin ang katulad ng naunang sinabi sa akin kaya ako ay bumalik at binawasan sa akin ng sampu at bumalik ako kay Musa at sinabi ang katulad ng naunang sinabi sa akin at ako ay bumalik kaya inutusan ako ng sampung beses na pagdarasal sa loob ng isang araw at ako ay bumalik at sinabi na naman ang katulad ng naunang sinabi sa akin kaya ako ay bumalik at inutusan ako ng limang beses na pagdarasal sa loob ng isang araw, ako ay bumalik kay Musa at sinabi: ano ang inuutos sa iyo? Sinabi ko: iniatas sa akin ang limang beses na pagdarasal sa loob ng isang araw, kanyang sinabi: 

katotohanan, ang iyong Ummah ay hindi kakayanin ang limang beses na pagdarasal sa loob ng isang araw, tunay na aking nasubukan ang mga tao bago (ka pa dumating) at aking itinuwid ang angkan ng israel ng matinding pagtutuwid kaya ika'y bumalik sa iyong Panginoon at hilingin mo sa Kanyang ang pagpapagaan sa iyong Ummah, sinabi (ni Mohammad) humiling ako sa aking Panginoon hanggang sa ako ay nahihiya na bagkus tunay na ako ay nalulugod at tumatalima. Sinabi (ni Mohammad):nang ako ay lumisan na; ang tagatawag ay tumawag (at sinabi): Akin ng naibigay ang Aking kautusan at aking pinagaan para sa Aking mga alipin".

[Isinalaysay ni Imam Al-Bukhari]


Mga kapupulutang aral mula sa Hadith na ito:

1- kabutihan ng kalinisan at pag-aayos sa katawan at sasakyan kapag pupunta sa mga mabubuti at matutuwid na tao. At ang pinakadakilang palamuti ay palamuti sa panloob at panlabas sa pamamagitan ng pananampalataya at pagdadalisay. - Si Propeta Mohammad [sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan] ang pinakamasigasig sa pagpapaganda ng anyo para sa kanyang Panginoon.

2- Nagpapatunay na ito  ang Isra wal Mi'raj ay naganap kay Mohammad sa pamamagitan ng kanyang kaluluwa at katawan ng gising at hindi sa panaginip. 

3- itinatagubilin dito ang pagiging maagap at pag-uunahan sa paggawa ng kabutihan.

4- kabutihan ng matuwid at mabuting kasamahan sa paglalakbay.

5- ito ay batayan na ang Allah ay nasa katas-taasan ng Kanyang nilikha.

6- kabutihan ng asal ni Anghel Gabriel at kadakilaan ng pagpapaalam.

7- Ang mga Anghel ay hindi batid ang "Gayb" (o bagay na lingid) at sila ay tunay na mapagkakatiwalaan sa kanilang mga tungkulin.

8- Ang kababaang-loob ni Anghel Gabriel sapagka't binanggit niya sa nagbabantay ang kanyang pangalan at hindi ang kanyang bukod-tanging katangiang ibinigay ng Allah.

9- Kabilang sa kadakilaan ng asal sa pagsalubong ng matutuwid ay pagbati sa kanila.

10- Ang paghahatid ng magandang balita at pagpapasaya sa panauhin kapag bumisita ang mga dakila at mararangal na tao.

11- kabilang sa kaganapan ng pag-aaliw ng panauhin ay pagpapakilala sa parating na panauhin sa mga nauna sa kanya.

12- Ang pagbanggit ng ugnayang pagkamag-anakan ay mas mainam sa pagpapakilala.

13- kadakilaan at kabutihan ng pagbati (ng Assalamo alaykom…) at ang pagbating ito ay siya ring 
batian ng mga taga langit at lupa.

14- Ganap na asal at ugali ng Propeta (sumakanya nawa ang pagpapala at kabutihan).

15- Ang kaganapan ng pagmamahal ng ama sa kanyang anak ay pagtawag nito sa kanya ng "anak".

16- Ang mga Propeta pinapaniwalaan nila ang isa't isa at pinatutunayan ang pagkapropeta ng iba pang Propeta. At kabilang sa kaganapan ng pagbati ay pagbanggit sa panauhin ng pinakamarangal niyang katangian.

17- Ang mabuting asal ni Musa (Moses) [sumakanya nawa ang kapayapaan] sapagka't tiniis niyang hindi umiyak sa harap ng Propeta Mohammad [sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan]. - ang pag-iyak ay nagiging kaaya-aya kapag ito ay sanhi ng kabutihang lumipas gaya ng pag-iyak ni Musa [sumakanya nawa ang kapayapaan]. - pagsusumikap ng mga Propeta [sumakanila nawa ang kapayapaan] sa pagdarami ng gawaing mabuti sa kabila ng mataas nilang antas. Sinabi ng Allah: (( Katotohanan, sila ay lagi nang maagap sa paggawa ng mga kabutihan)). - Ang lubos na awa ng mga Propeta sa kanilang mga sambayanan (Ummah) at kanilang pagsusumikap na maraming makapasok sa Paraiso mula sa kanilang mga samabayanan.

18- Pagpapatibay ng Hadith na ito sa nabanggit sa Qur'an: (( at aming itinayo sa inyong dakong itaas ang pitong matatatag na mga kalangitan)).

19- Kabilang sa alituntunin ng pagdalaw ay ang pagbati sa mga nadadaanan sa daan hanggang makarating siya sa nais puntahan.

20- Ang paghahalintulad sa mga lingid sa bagay na nakikita ay inilalapit nito sa isipan ang nais iparating na kahulugan.

21- ang kaganapan ng mabuting asal ng Propeta [sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan] sapagka't hindi niya ito itinanong hanggang sa hindi na binanggit ni Anghel Gabriel sa kanya; hindi tulad ng dalawang ilog na kanyang itinanong at sinagot ni Gabriel.

22- Kadakilaan ng "Baytul Ma'amur" samakatuwid pumapasok dito ang pitumpong libong Anghel araw-araw at hindi na sila bumabalik.

23- Kahalagahan at mataas na antas ng Pagdarasal (Salah) sapagka't iniatas sa kanya habang siya ay nasa langit.

24- Kabutihan ng pagtatanong tungkol sa kaalaman. - Pagsusumikap ni Propeta Musa sa karagdagang kaalaman sa lupa mula kay Khid'r at sa langit mula kay Propeta Mohammad [sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan].

25- Pagmamahal ng isang mananampalataya sa kanyang kapatid na mananampalataya at nais nito sa kanyang katulad ng kanyang nais para sa kanyang sarili.

26- Pakikinabang ng mga tagalaganap ng kabutihan mula sa sinumang nauna sa kanila sa naturang larangan.

27- Paghahandog ng mga Propeta ng anumang kakayahan upang mapatnubayan ang kanilang mga sambayanan. - Nararapat sa isang nagpapalaganap ng Islam magsumikap tungo sa paggabay sa sangkatauhan.

28- Pagbibigay ng payo kahit hindi ito hiniling ng taong pinapayuhan. - Pagmamahal ng mga Propeta sa mga tao at nais nila ng kabutihan sa sangkatauhan.

29- Pagtatanong ng nagbibigay ng payo sa pinapayuhan ukol sa epekto ng kanyang payo. - Ipaalam at sabihin ng tagapayo ang bunga ng kanyang payo. - Paulit-ulit na payo kapag nais ng tagapayo ng mas maraming kabutihan para sa pinapayuhan. - Pagpapatuloy ng paghiling ng kabutihan kung ang pintuan ng kabutihan ay nanatiling bukas.

30- Kabutihan ng pagkamahiyain. - Kaganapan ng magandang ugali ng Propeta [sumakanya nawa ang pagpapala at kabutihan]. - Ang pinaka dakilang pagkamahiyain ay sa Allah

31- Ganap na pagsunod at pagtalima ng mga Propeta [sumakanila nawa ang kapayapaan].

32- Sinuman ang iwan ang isang bagay alang-alang sa Allah; papalitan ito ng Allah ng mas mainam, datapuwat hindi na bumalik ang Propeta sa kanyang Panginoon at tumalima sa anumang itinakda ng Allah kaya pinalitan ito ng Allah ng mas maraming kabutihan.


No comments: