Sunday, October 16, 2016

Ang Sufiyah o Tasawwuf

(Ang Buod na pahayag tungkol sa katotohanan ng Sufiyyah)
Isinulat ni: SALAMODIN D. KASIM


MGA PAKSA

1- Ang kahulugan ng Sufiyyah o Tasawwuf
2- Kailan nagsimula ang Tasawwuf
3- Mga antas ng Tasawwuf
4- Ang paniniwala ng Sufiyyah sa Allah
5- Ang paniniwala ng Sufiyyah kay Propeta Mohammad (salallaahu alaihi wasalam)
6- Ang paniniwala ng Sufiyyah sa mga Awliyah
7- Ang paniniwala ng Sufiyyah ukol sa Paraiso at Impiyerno
8- Ang batas Islamiko ng Sufiyyah
9- Ang pananaw ng Sufiyyah sa Halal at Haram
10- Paraan ng paggunita ng Sufiyyah
11- Ang paniniwala ng mga Sufiyyah sa mga patay
12- Ang paniniwala at pananaw ng Sufiyyah sa mga Karamah
13- Ano ang sinasabi ng mga Iskolar tungkol sa Sufiyyah
14- Wakas


Ang lahat ng papuri ay para lamang sa Allah, ako ay sumasaksi na walang Diyos sa dapat sambahin kundi si Allah lamang at ako rin ay sumasaksi na si Mohammad (salallaahu alaihi wasalam) ay kanyang lingkod at Huling Sugo.

Ang kahulugan ng "SUFIYYAH o TASAWWUF:

Hindi nagkaisa ang mga Iskolar at mananalaysay kung saan hango ang salitang "Sufiyyah" kaya sa mga aklat na tumatalakay nito ay maraming nababanggit na pinagmulan ang salita ito; ayon sa iba, ito ay mula sa salitang arabik na "Safwah" sa paniniwalang sila ay mga piling tao, at maaaring mula daw ito sa salitang "Suf" dahil sa pagsuot nila o ilan sa kanila noon ng lana o damit na gawa sa balahibo ng tupa, ayon naman sa ibang iskolar hango raw ito sa pangalan ng isang banal na tao na si Sufah bin Bashar, at iba pang salitang maaaring pinanggalingan nito, ganunpaman wala tayong katiyakan dito dahil sa iba't ibang pananaw ng mga mananalaysay hanggang sa umabot ito ng pitong opinyon.

- Ayon sa mga Sufi, Ito ay nangangahulugan ng pagpapakabanal, pagdalisay sa puso at pagtalikod sa mga makamundong bagay sa iba't ibang paraan kabilang ang pagpapahirap sa sarili upang maging malapit sa Allah at tinitiyak ng bawat Imam ng Sufi ang Paraiso sa bawat mag-aaral na Sufi, bagkus ang katotohanan, ito ay paraang pagmamalabis sa pagpapakabanal at pagpapahirap sa sarili at pagsamba sa Allah bagay na hindi pa nangyari sa panahon ng Propeta Mohammad (sumakanya ang kapayapaan) at kanyang mga Kasamahan (sumakanila nawa ang kaluguran ng Allah).

KAILAN NAGSIMULA ANG TASAWWUF
- Nagsimulang pag-usapan ang tungkol sa "Tasawwuf" noong huling bahagi ng ikatlong siglo ng Hijri at ang unang nagtatag ng Monasteryo ng "Tasawwuf" ay mga kasamahan ni Abdulwahid bin Zaid na mula sa mga kasamahan ni Al-Hassan Al-Basry sa Basra, Iraq. nguni't sa panahong iyon ay tanyag lamang sila sa mga gawaing pagpapakabanal at labis na takot sa Diyos at walang kinalaman sa usaping paniniwala o "Aqeedah" kaya iba ito sa paraan ng makabagong "Tasawwuf" na ilan sa kanilang paniniwala ay may halong "Bid'ah at Shirk" o pagtatambal sa Allah.

- Kabilang sa halimbawa nito ay pagmamalabis ng ilan sa kanila kapag nakarinig ng nagbabasa ng Qur'an at siya'y natutumba at nawawalan ng malay at namamatay pa yaong iba gaya ng nangyari kay Zarar bin Ad at Abu Zuhair bagay na hindi sinang-ayunan ng ilang Sahaba at Tabi'een katulad ni Asma' bint Abi Bak'r, Abdullah bin Zubair at Mohammad bin Sireen [sumakanila lahat ang kaluguran ng Allah] sapagka't hindi nila ito nasaksihan sa Panahon ng Propeta at mga Sahabah kaya itinuring nila ito na makabagong paraan sa pananampalataya.

Ayon naman kay Abu Said Mohammad Al-Mihi As-Sufi na isang taga Iran; nagsimula ang pagkakaroon ng ganap na istraktura ang grupong ito noong 430 ng Hijri at ito ay lumaganap mula Iran tungo sa mga bansang Muslim sa Silangan pagdating ng ikaanim na siglo ng Hijri.

Sa taong 561 ng Hijri lumitaw ang grupo sa pamamaraang iniuugnay kay Abdulqadir Al-Jilani at si Ibn Arabi ay naging isa sa mga pinuno naman ng Sufiyyah taong 638 ng Hijri. At pagkatapos nito ay nagpapatuloy ang kanilang katuruan at paniniwala hanggang sa mga panahong ito.


MGA ANTAS NG TASAWWUF

Ang Tasawwuf ay binubuo ng iba't ibang antas at pamamaraan, kabilang na rito ang "Tasawwuf" na puno ng mga makabagong paraan ng pagdakila sa Allah (Bid'ah), mga ligaw na paniniwala na maaaring hindi naman nakakalabas sa hangganan ng Islam, nguni't ang nakakalungkot ay ang ilan nilang paniniwala ay naglalaman ng mga "Shirk" o pagtatambal sa Allah.

ANG PANINIWALA NG SUFIYYAH SA ALLAH

May iba't ibang paniniwala ang mga Sufi sa Allah kabilang dito ang tinatawag na "Hulul" na nangangahulugan –ayon sa kanila- ng pagiging Diyos at Panginoon ng taong sufi, batid niya ang lingid (Gayb) katulad ng Allah- Maluwalhati Siya- sapagka't ang layunin ng "Sufi" ay maabot niya ang antas ng Propeta hanggang sa tuluyan niyang maabot ang antas ng Pagkadiyos at pagkapanginoon. Katulad ng salaysay ni Al-Bastami; isa sa mga Imam ng Sufiyyah noong ikatlong siglo ng Hijri, sinabi niya: 

( Itinaas ako ng Allah minsan, at pinatayo ako sa Kanyang harapan at sinabi sa akin:" O Abu Yazid, Katotohanan nais ng aking mga nilikha na masilayan ka. At aking sinabi:" kung gayun, palamutian Mo po ako ng Iyong Kaisahan at damitan Mo ako ng Iyong pagkamakasarili at iangat Mo ako sa Iyong kaisahan…)

sa pamamagitan ng ganitong paniniwala, ang kanilang paninindigan ay humantong sa " Wahdatul wujud" na ang ibig sabihin nito sa kanila ay " walang umiiral sa sanlibutan kundi ang Allah lamang at walang kaibahan ang lumikha at nilikha".

Mayroon sa kanila ang naniniwala na ang Allah ay siya rin si Mohammad- Maluwalhati Siya sa lahat ng kanilang kasinungalingan-.


ANG PANINIWALA NG SUFIYYAH KAY PROPETA MOHAMMAD (صلى الله عليه وسلم)

May iba't ibang paniniwala rin ang mga Sufiyyah kay Propeta Mohammad (صلى الله عليه وسلم); mayroon sa kanila ang naniniwalang hindi naaabot ng Propeta (صلى الله عليه وسلم) ang kanilang antas at katayuan datapuwa't siya'y mangmang sa anumang kalagayan ng mga "Sufi" katulad ng sinabi ni Al-Bastami:

(Nasisid namin ang karagatan nguni't ang mga Propeta ay nasa baybayin lamang)

Ang iba naman sa kanila ay dinadakila ang Propeta (صلى الله عليه وسلم) at iniaangat sa antas ng Panginoon sapagka't naniniwala ang ilang "Sufi" na ang Sugo ng Allah (صلى الله عليه وسلم) ay Simboryo ng sanlibutan at siya ang Allah na pumaitaas sa Kanyang marangal na Trono- Kaluwalhatian sa kanya- at lahat ng kalangitan, kalupaan at lahat ng nilikha ay nilalang ng Allah mula sa kanyang liwanag at siya ang pinakaunang umiral sa sanlibutan; ito ang paniniwala ni Ibn Arabi at ang mga sumunod sa kanya.

ANG PANINIWALA NG MGA SUFIYYAH SA MGA AWLIYA

Ang "Wali" ayon sa paniniwala ng Sufiyyah ay: " ang taong laging pinangangalagaan at kinakalinga ng Allah ang lahat ng kanyang kalagayan at ang mga katangian ng taong ito na tinatawag na wali ay siya ring katangian ng Diyos; ispirituwal man o panlabas na aspeto at inaabot nito ang antas ng Allah sapagka't naniniwa ang mga Sufiyyah na may kapangyarihan at kakayahan ang mga "Awliyah" na magpaulan, gumamot ng may sakit, nakakabuhay ng mga patay at pinangangalagaan ang sanlibutan mula sa pagkawasak at iba pang mapanganib na mga paniniwala nilang "Shirk" o pagtatambal sa Allah".

ANG PANINIWALA NG MGA SUFIYYAH UKOL SA PARAISO AT IMPIYERNO

Ang paghahangad ng Paraiso at pangamba sa Impiyerno ay hindi siya ang tunay na layunin ayon sa mga Sufiyyah at ang tunay na layunin ay mismong pagsamba lamang sa Allah ng walang kapalit, hindi ipinapahintulot sa mga Sufiyyah ang paghahangad ng Paraiso at pangamba sa Impiyerno samakatuwid ang mahalaga lamang ay pagsamba sa Allah at ang kanilang kaalaman sa mga lingid (Gayb). Kaya naging tanyag na ang salaysay ng kanilang ilang Imam: 

"Hindi naming sinasamba ang Allah dahil sa takot sa Kanyang Ipiyerno at hindi dahil sa paghahangad ng Kanyang Paraiso bagkus sinasamba namin Siya dahil sa pagmamahal namin sa Kanya" 

At ang ilan sa mga Sufiyyah ay ganito ang salaysay:

"Sinuman ang sumamba sa Allah dahil sa takot sa Kanyang Apoy sa Impiyerno; ay ganito ang paraang pagsamba ng alipin, at sinuman ang sumamba sa Kanya sa hangaring makamit ang Kanyang Paraiso; ganito ang paraang pagsamba ng mga negosyante magkagayun ang tunay na pagsamba ay dahil lamang sa pagmamahal sa Kanya"

Dapat mong malaman aking kapatid na ang ganitong paniniwala ay taliwas sa tamang paniniwala ng Ahlus Sunnah wal Jamaah at taliwas sa katuruan ng Qur'an at Sunnah. Sinabi ng Allah sa Qur'an: 

(katotohanan, sila ay lagi nang maagap sa paggawa ng mga kabutihan, at sila ay lagi nang nagsusumamo sa Amin nang may pag-asa at takot at sila ay lagi nang nagpapakumbaba sa Amin). [Al-Anbiya:90].

ANG BATAS ISLAMIKO NG MGA SUFIYYAH

Katotohanan ang Salah, Pag-aayuno, Zakat (Obligadong kawanggawa) at Hajj ayon sa paniniwala sa Sufiyyah ay pagsamba ng mga karaniwang mga tao lamang at tinatawag nila ang kanilang mga sarili na "Khaassah" o mga espesyal at natatanging mga nilalang kaya ang paraan ng kanilang pagsamba sa Diyos ay kakaiba. Kung ang pagsamba sa Islam ay para dalisayin ang sarili at lipunan, magkagayun sa mga Sufiyyah ang pagsamba ay para daw magkaroon ng derektang kaugnayan sa Allah upang magkaloob ang Allah sa kanila ng mga derektang rebelasyon kaya nababatid nila ang lingid (gayb) at nararapat sa isang "Sufi" na magkaroon ng katangiang katulad ng katangian ng Allah kaya may kakayahan silang sabihin sa anumang bagay ang "kun fayakun" (maging, kaya nangyari nga). Samakatuwid, ang batas ng Sufiyyah ay derektang natanggap ng "Wali" mula sa Allah kaya hindi ipinagbabawal sa kanila ang mga bawal na gamot, alak at paghahalo ng mga kababaihan at kalalakihan sa kanilang mga selebrasyon at mga paggunita sapagka't ito raw ay batas mula sa Allah.

ANG PANANAW NG MGA SUFIYYAH SA HALAL AT HARAM

Ang mga Imam at wali ng Sufiyyah ay umabot sa pinakamataas na kalagayan at antas kaya lahat ng bagay ay maaari na niyang gawin ito man ay masama o mabuti sapagka't walang tinatawag na "Haram" sa kanila bagkus lahat ay halal kaya hindi na nila kailangan pang magdarasal dahil sa naabot nilang mataas na antas, ganito ang kanilang paniniwala sa kanilang mga pinuno at "wali" na malinaw pa sa sikat ng araw na isa itong kaligawan at taliwas sa katuruan ng Islam.

PARAAN NG "DHIK'R" O PAGGUNITA NG SUFIYYAH

Ang mga Sufiyyah ay may sariling paraan ng paggunita sa Allah at pag-alala sa Kanya. Kung sa Islam ay pinakamainam na paggunita sa Allah ay pagbigkas, pagsabuhay at pagsapuso ng " LA-ILAHA ILLALLAH" samantala sa Sufiyyah naman ay pinakamainam sa kanila ang paulit-ulit na pagbigkas ng "ALLAH,ALLAH, ALLAH" at "HUWA,HUWA,HUWA", madalas natin ito masasaksihan sa kanilang mga pagtitipon at mga selebrasyon habang sila ay lumulundag at sumasayaw at malakas na niyuyugyog ang mga ulo na para bagang sinasapian ng Engkanto at daig pa ang taong wala sa sarili. Mayroon din silang mga iba't ibang tula na puno ng mga Shirk o pagtatambal sa Allah na kanilang binibigkas sa kanilang pagkanta at iba pang mga pamamaraan na napakalayo sa anumang napatunayan nating tumpak na paraan ng Propeta Mohammad () at kanyang mga Kasamahan (sumakanila ang kaluguran ng Allah).
ANG PANINIWALA NG SUFIYYAH SA MGA PATAY
Kapag namatay ang isang "Sufi" o wali at maging ang isang Propeta ay tiyak na babalik siya sa Mundo –ayon sa paniniwala ng Sufiyyah- at magagawa niya ito kung kailan niya nais, at siya ay babalik sa kanyang bahay at pamilya at sila'y kakausapin at dadalawin. Naniniwala rin sila na maaaring kausapin ang Propeta Mohammad ( صلى الله عليه وسلم) ng kahit sino pagkatapos niyang mamatay bagkus siya ay dadalo sa mga pagtitipon ng mga Sufiyyah.

At kabilang sa kanilang pagdakila sa mga patay ay ang kanilang pagpapaganda ng mga puntod at pagpapatayo nito ng gusali o bahay upang doon sila magtitipon-tipon para manalangin sa mga patay at hihiling sa kanila ng tulong at pakinabang.


ANG PANINIWALA NG SUFIYYAH SA MGA "KARAMAH"

Karamah: ay hindi karaniwang pangyayari o hindi karaniwang pagkakaroon ng isang kapangyarihan na ipagkakaloob ng Allah sa sinumang naisin Niya mula sa Kanyang mga alipin o sa ilang malapit na tao sa Kanya bilang tulong sa kanya o upang maging malinaw na katibayan laban sa kaaway para manaig ang mga mananampalataya at ito ay nangyayari sa mga tuwid na mga mananampalataya lamang katulad halimbawa kung siya ay nakakaranas ng matinding gutom at magkakaroon siya ng pagkain at inumin at hindi niya alam kung saan ito nagmula at iba pang halimbawa ng mga hindi karaniwang pangyayari nguni't ito ay hindi ipinagkakaloob ng Allah kundi sa mga taong matuwid at sumusunod lamang sa Qur'an at Sunnah sa kabilang dako, ang mga Sufi ay naniniwalang may mga "Karamah" ang kanilang mga Imam at wali at maging ang mga karaniwang Sufi at dahil dito napakarami nilang mga kwentong kababalaghan tungkol sa mga kapangyarihan at hindi karaniwang pangyayari sa kanilang mga Imam nguni't katotohanan, ito ay pawang kasinungalingan lamang, ibinabalita nila ito sa mga kasapi upang makuha ang kanilang buong tiwala at para makahikayat pa ng ibang tao.

Isa sa halimbawa ng kanilang pagpapahalaga sa "Karamah" ang ay salaysay ni As-Siraj At-Tusi:

"Sinuman ang tumalikod sa makamundong bagay sa loob ng apatnapung araw ng tunay at tapat mula sa kanyang puso; magkakaroon siya ng mga Karamah". 

Kanya itong binanggit sa kanyang aklat na "Allama' li ithbatil ayat wal karamat". 

Sinabi ni Al-Qushayri sa kanyang aklat na:

"sinasadya ng mga Sufi ang mga Jinn (engkanto) upang sila'y tulungan para magkaroon ng karamah at mismong inamin ito ng isang Sufi na si Al-Juniad na nakikipagkaibigan sa mga jinn at tinutulungan siya sa kanyang mga paglalakbay at iba pang pangyayari".

 Isa sa mga hindi kapani-paniwala ay ang kuwento ng isa sa kanila na mayroon daw isang "Wali" na hindi kumain at hindi uminom sa loob ng apatnapung araw at ang isa naman ay natutulog lang sa loob ng labing apat na taon at mayroon pa daw isang wali na may dala-dalang tungkod magkagayun kapag sinasabi niya sa tungkod na ito:" ika'y maging tao" at ito ay nagiging tao, at iba pang mga kuwento ng mga karamah –ayon sa kanila- sa kanilang mga aklat bagkus halos puno ng mga kababalaghan ang kanilang mga salaysay sa mga aklat na isinusulat.


ANO ANG SINASABI NG MGA ISKOLAR TUNGKOL SA MGA SUFI
Sinabi ni Imam As-Shafi'e (kahabagan nawa ng Allah):

"Kung naging Sufi ang isang lalaki sa umaga, hindi darating ang dhuh'r (tanghali) kundi isa na siyang sira-ulo"

Si Imam Ahmad bin Hanbal (kahabagan nawa ng Allah) ay nagbigay ng matinding babala laban sa mga pinuno ng mga Sufi sa kanyang panahon kaya pagkatapos niya malaman ang salaysay at paniniwala ni Al-Harith Al-Mahasibi ukol sa Sufiyyah; kanyang sinabi:

"Hindi ito pinag-usapan ng mga Sahabah at mga Tabi'een"

At si Imam Ibn Al-Jawzi ay binanggit niya sa kanyang aklat na " Talbis Iblis" kung paano niligaw ni Iblis (Satanas) ang mga Sufi na siyang nagsadlak sa kanila sa mga kadiliman.


WAKAS


*Pagkatapos natin malaman at basahin ang katotohanan sa grupong ito at kanilang paniniwala at paraan, malinaw sa ating lahat ang kaligawan na kanilang tinatahak, Malaki ang ating obligasyon upang sila'y payuhan at ituwid upang manumbalik sa tuwid na landas ganunpaman, ang gabay ay nagmumula sa Allah, nawa'y maitampok ang pagbati ng Allah at kapayapaan sa ating mahal na Propeta  sampo ng kanyang mag-anak, kasamahan at lahat ng sumunod sa kanila hanggang sa Huling Araw.


Ang pagsasaliksik na ito ay mula sa mga sumusunod:
Luzantud Da'imah ng Saudi Arabia
Shiekh Mohammad bin Salih Al-Munajjid
Recorded Audio ni Shikeh Bin Baz ukol sa Karamah
Ibrahim Daud Ad- Daud
At iba pa.

Para sa karagdagang kaalaman ukol sa Sufiyyah, basahin ang mga sumusunod na Aklat:
1- Al-Mausuatul Muyassarah fil Adyan wal madhahib al-muasarah /(WAMY)
2- Taqdeesul Ash'khas fil Fikr As-Sufi/ Mohammad Luh Masteral Thesis/ Jamiah Islamia, Madinah
3- Al-Fikr As-Sufi fi dauil kitab Was Sunnah/ Abdurrahman Abdukhaliq
4- Tareekhut Tasawwuf Al-Islami/ Abdurrahman Badawi
At iba pa.


Friday, October 7, 2016

Ang Jihad


Mga paksa:
1- Ang kahulugan ng Jihad
2- Ang Antas ng Jihad sa Islam
3- Mga kabutihan ng Jihad sa islam
4- Mga Layunin ng Jihad
5- Ang masamang dulot ng pagtalikod sa Jihad
6- Mga Uri ng Jihad
7- Ang Kaibahan ng Jihad at Terorismo


ANG KAHULUGAN NG JIHAD


Ang letiral ng kahulugan ng "Jihad" ay: Pagpupunyagi at pagsisikap.


Madalas binabaluktot ng marami ang kahulugan ng salitang "Jihad" at yaong iba ay mali ang pagkakaunawa sa tunay na kahulugan ng salitang ito na siyang nagiging sanhi ng imahe ng Islam at mga Muslim sa buong mundo lalo na pagkatapos ng nangyari pagsabog sa World Trade Center sa bansang amerika noong Setyembre 11, 2001 kaya pilit na baluktutin ng mga galit sa Islam ang salitang ito upang ikabit sa lahat ng nangyayaring terorismo sa buong Mundo, kaya ang akala ng mga tao ito ay isang banal na digmaan o pagpatay at pagkitil ng maraming buhay. Samakatuwid, isa ito sa pinakamaling pang-unawa sa mga islamikong salita 

Ang literal ng kahulugan ng "Jihad" ay: Pagpupunyagi at pagsisikap.

At ang Islamikong kahulugan nito ay: "Pagpupunyagi at pagsisikap sa landas ng Allah at pakikipaglaban sa landas ng Allah upang ipagtanggol ang Kanyang Relihiyong Islam maging ang lugar o bansa ng mga Muslim laban sa mga kaaway nito at mang-aapi. 





Ang "Jihad" ay nangangahulugan din ng pagpipigil sa sarili mula sa mga labag sa batas ng Allah at upang mapanatili ito sa pagsunod sa Kanya –Ang Kataas-Taasan-, pagsisikap at pagpupunyagi upang ipalaganap ang katotohanan at mangibabaw ang salita ng Allah at pakikipaglaban din sa mga taong sumisira at humaharang sa landas ng Allah.




ANG ANTAS NG JIHAD SA ISLAM

Ang Jihad [pagpupunyagi sa landas ng Allah] ay isang uri ng pagsamba at pagsunod sa Allah at siyang taluktok ng Islam at lakas nito katulad ng sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]: 

( Ang Ulo ng [lahat ng] bagay ay Islam at ang haligi nito ay Salah [pagdarasal] at ang taluktok nito ay Jihad [pakikibaka] sa landas ng Allah). - Isinalaysay ni Ahmad, Tirmizi, Nasai at Ibn Majah. 

Maraming taludtod at talata mula sa Qur'an at Hadith ng Propeta [sumakanya ang kapayapaan] ang naghihikayat tungo sa pagpupunyagi sa landas ng Allah, kaya may mga ilang iskolar na itinuring ito bilang isa sa mga haligi ng Islam katulad ng sinabi ni Shiekh Mohammad bin Abdullatif: 

"At ang Jihad ay isa sa mga haligi ng Islam hindi pagiging matuwid at pananatili para sa Islam at maging sa mga batas nito maliban sa pamamagitan ng "Jihad".

MGA KABUTIHAN NG JIHAD SA ISLAM

Katotohanan, ang Jihad ay isa sa pinakamainam na uri ng pagsamba sa Allah at pagpapalapit sa Kanya -katulad ng ating nabanggit- bagkus ito ang siyang pinakamainam pagkatapos ng mga obligasyon ng isang Muslim sapagka't sa pamamagitan nito naipagtatanggol ang mga naaapi, nangingibabaw ang Salita ng Allah at malayang naipapalaganap ang katuruan ng Islam ng walang humahadlang, naihahatid ang mga tao sa liwanag mula sa kadiliman. 

Maraming talata mula sa Qur'an na nagbabanggit sa maraming kabutihan ng "Jihad" para sa mga mananampalataya dito sa Mundo at Kabilang-buhay, kabilang na dito ang sinabi ng Allah sa Qur'an:

((Humayo kayong magsilakad, maging kayo man ay magaan o mabigat , at magpunyagi [makibaka] kayo sa pamamagitan ng inyong mga yaman at inyong mga sarili sa landas ng Allah. Iyan ay makabubuti para sa inyo kung inyo lamang nababatid [ang kahalagahan ng pagpupunyagi sa landas ng Allah])). [Tawbah:41]

At sinabi Niya sa ibang talata: 

(( katotohanan, binili ng Allah sa mga naniniwala ang kanilang mga sarili at kanilang mga yaman kapalit ng Paraiso na mapapasakanila. Sila ay nakikipaglaban sa Landas ng Allah, kaya sila ay pumapatay at sila ay napapatay [sa panahon ng pakikibaka]. Ito ay isang tunay na pangakong nakaatang sa Kanya sa Torah [ni Moises] at sa Ebanghelyo [ni Hesus] at sa Qur'an. At sino baa ng tapat sa pangako [kasunduan] na nakahihigit kaysa sa Allah?! Kaya, magsipagdiwang sa inyong bilihan na inyong binili, at iyan ang dakilang tagumpay)). [Tawbah:111]

At marami pang ibang taludtod mula sa Qur'an na nagpapatunay sa mga kabutihan ng "Jihad" sa landas ng Allah. Marami din naipahayag ang Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan] tungkol sa mga kabutihan ng pagpupunyagi at pakikibaka sa landas ng Allah, kanyang sinabi: 

(Ang Ribat [pagbabantay] sa landas ng Allah ay mas mainam kaysa Mundo at nilalaman nito)
Isinalaysay ni Bukhari at Muslim

At si Abu Hurairah [sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah] ay nag-ulat: sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]: 

(Ang Mujahid [nakikibaka sa landas ng Allah] – ang Allah ang nakakaalam kung sino ang tunay na nakikibaka sa Kanyang landas- ay katulad ng nag-aayuno at itinataguyod ang gabi datapuwat ginagarantiya ng Allah para sa taong nakikibaka [Mujahid] na siya'y papasukin sa Paraiso kapag siya ay namatay o maayos Niyang pabalikin [sa kanyang pamilya] na may kasamang gantimpala o labi [nakuha] sa panahon ng digmaan). Isinalaysay ni Muslim

At sa isa pang ulat ni Abu Hurairah [sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah], : sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]: 

(Walang sinumang nasusugatan sa landas ng Allah kundi, darating siya sa Araw ng Muling Pagkabuhay na ang kanyang sugat ay nagdurugo, ang kulay nito ay kulay ng dugo subali't ang amoy ay amoy ng [pabangong] misk). Bukhari at Muslim

At minsan tinanong ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan] kung anong gawain ang pinakamainam? Kanyang sinabi: 

(Ang paniniwala sa Allah at sa Kanyang Sugo, sinabi nila: " at pagkatapos ay ano pa?, kanyang sinabi:
"Ang "Jihad" sa landas ng Allah, at sinabi nila: at pagkatapos ay ano pa? kanyang sinabi:" Ang katanggap-tanggap na pagsasagawa ng Hajj"). Bukhari at Muslim 

At sa pagsasalaysay ni Imam Al-Bukhari, katotohanan sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]: 

( Katotohanan, mayroon sa Paraiso ang isandaang antas na inihanda ng Allah para sa mga nakikibaka sa landas ng Allah; ang pagitan ng dalawang antas ay katulad ng pagitan ng langit at lupa, kaya kapag humiling kayo sa Allah ay hilingin ninyo sa Kanya ang "Firdaus" sapagka't ito ang nasa gitna ng Paraiso at dito nagmumula ang mga ilog ng Paraiso at sa taas nito ang "Arsh" [Trono] ng Mahabagin). At marami pang ibang Hadith na nagpapatunay nito.


MGA LAYUNIN NG JIHAD


Ang Jihad [pagpupunyagi sa landas ng Allah] ay isang dakilang pagsamba at ito ay itinagubilin at isinabatas ng Islam dahil sa mga dakilang layunin at hindi lamang upang pumatay, kumitil ng buhay at manggulo, ito ay ang mga sumusunod:


1- Upang magabayan ang sangkatauhan tungo sa katotohanan, upang masamba lamang si Allah ng walang katambal at ang Kanyang Relihiyon ang siyang mangibabawa sa lupa. sinabi ng Allah: 

((At kayo ay makipaglaban sa kanila hanggang maglaho ang Fitnah [pag-usig, kasamaan, pagtatambal sa Diyos] hanggang Relihiyon [pagsamba] , ang lahat ng ito ay para sa Allah lamang)). [Al-Anfal: 39].


2- Upang maipagtanggol ang mga naaapi at mga dinadaya, sinab ng Allah: ((At ano ba ang nangyayari sa inyo at kayo ay hindi makipaglaban sa landas ng Allah at para maipagtanggol ang mga inalipusta mula sa mga kalalakihan, kababaihan at mga batang nagsasabing:" Aming Panginoon, Ilayo Mo po kami sa bayang ito na ang mga mamamayan nito ay di-makatarungan at italaga Mo po para sa amin mula sa Iyo ang isang tagapangalaga at italaga Mo po sa amin mula sa Iyo ang isang makatutulong )). [An-Nisa: 75].

3- Pangangalaga sa Pananampalatayang Islam at pagtatanggol sa mga lugar, dangal, mga yaman at mga sarili ng mga Muslim bagkus obligado sa mga Muslim na ipagtanggol ang lahat ng ito. Sinabi ng Allah : 

((kaya sinuman ang sumalakay sa inyo, siya ay inyong salakayin tulad ng kanyang ginawang pananalakay sa inyo)). [Al-baqarah:195]. 

At sinabi ng Allah sa ibang talata: ((At makipaglaban kayo sa landas ng Allah laban sa mga nakikipaglaban [umuusig] sa inyo subali't huwag kayo lumabag sa hangganan. Katotohanan, hindi minamahal ng Allah ang mga mapanlabag)). [Al-Baqarah: 190].


ANG MASAMANG DULOT NG PAGTALIKOD SA JIHAD

Maraming masamang naidudulot ang pagtalikod ng mga Muslim sa "Jihad" dito sa mundo at kabilang-buhay. Dito sa Mundo laging naaapi ang mga taong duwag at inaalipin, inaapak-apakan lamang ng iba, sunod-sunuran lamang sa mga taong malalakas na mang-aapi at sa Kabilang-buhay ay kaparusahan ang naghihintay sa mga taong tumatalikod sa pagpupunyagi at pakikibaka sa landas ng Allah.

Sinabi ng Allah sa Qur'an: 

((At gumugol kayo sa landas ng Allah at huwag ninyo isadlak ang inyong sariling mga kamay sa kapariwaraan [kapahamakan] sa pamamagitan ng pag-iwas o pagkakait. At gumawa kayo ng kabutihan. Tunay na ang Allah ay Nagmamahal sa mga mapaggawa ng kabutihan)). [Al-Baqarah:195]

 Ayon kay Abu Ayyub Al-Ansari [ kalugdan nawa ng Allah]:"Ang kahulugan ng "Kapahamakan" sa taludtod na ito ay pagtalikod sa "Jihad". Isinalaysay ni Tirmizi at Itinumpak ni Albani

Sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]: (Kapag kayo ay nagpapatuloy sa transaksyon ng "Riba" [patubuan] at ang hawak-hawak lamang ay buntot ng baka at nalugod na kayo sa pagsasaka lamang at tatalikuran ninyo ang "Jihad" [pagpupunyagi/pakikibaka]; igagawad sa inyo ng Allah ang Kaaba-aba sa kahihiyan [kapahamakan] at hindi ito tatanggalin [mula sa inyo] maliban kung kayo ay manumbalik sa inyong Relihiyon, hindi ito tatanggalin [mula sa inyo] maliban kung kayo ay manumbalik sa inyong Relihiyon, hindi ito tatanggalin [mula sa inyo] maliban kung kayo ay manumbalik sa inyong Relihiyon). Isinalaysay ni Abu Dawud at Ahmad

- Ang pagtalikod sa "Jihad" ay nagiging dahilan ng pagbaba ng kaparusahan ng Allah dito sa Mundo at sa Araw ng Paghuhukom:

Sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]: ( Ang sinumang hindi nakibaka [sa landas ng Allah] o hindi man lang naghanda [ng tulong] para sa nakikibaka, o naghandog ng kabutihan sa pamilya [ng nakikibaka]; dadatal sa kanya ang biglaang kapahamakan bago ang Araw ng Paghuhukom). Isinalaysay ni Abu Dawud

At sinabi ng Allah sa Qur'an: 

((O kayong mga naniwala, ano ba ang nangyayari sa inyo, na kapag kayo ay pinagsabihang humayo sa landas ng Allah kayo ay mahigpit na nagunguyapit sa lupa? Kayo ba ay nasisiyahan sa buhay sa Mundong ito nang higit kaysa kabilang buhay? Subalit ano ang kasiyahan ng buhay sa Mundong ito kung ihahambing sa kabilang buhay maliban sa napakaliit na kasiyahan lamang, kung kayo ay hindi humayo [upang makipaglaban], kayo ay Kanyang paparusahan ng mahapding parusa at kayo ay papalitan ng ibang mamamayan bukod sa inyo; at Siya ay hindi ninyo maaaring pinsalain sa anupaman sapagka't ang Allah ay may Ganap na kakayahan sa lahat ng bagay)). [At-Tawbah: 38-39].


MGA URI NG JIHAD

1- JIHADUN NAF'S: Ang pagpupunyagi at pagsisikap upang ituwid ang sarili at ilayo sa anumang ipinagbabawal ng Allah; pagsisikap upang matutunan ang tamang katuruan ng Islam at isabuhay, ipalaganap ang anumang natutunan. Ito rin ay pakikibaka laban sa masasamang isipan, hangarin at kasakiman. Ang uri ng "Jihad" na ito ay "Wajib" o obligado sa bawat mananampalataya at sinumang ang hindi ito maisakatuparan ay tunay na mapabilang sa mga talunan sa Mundo at Kabilang buhay. 
Sinabi ng Allah sa Qur'an: 

((At yaong mga nagpunyagi –sa Aming landas- katiyakan, sila ay Aming papatnubayan tungo sa Aming landas. At katotohanan, ang Allah ay nasa panig ng mga mapaggawa ng kabutihan)). [Al-Ankabut:69].


2- JIHADUS SHAYTAN: Ang pagpupunyagi at pagsisikap upang labanan ang anumang bulong ng Satanas o Shaytan at upang mahadlangan siya sa kanyang layunin na iligaw ang angkan ni Adam [sumakanya ang kapayapaan] sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila tungo sa kasakiman at kahalayan at upang magkaroon ng pag-aalinlangan sa pananampalataya. Ito ay " Wajib" o Obligado rin sa bawat mananampalataya upang hindi masadlak sa kasalanan at tuluyang maligaw ng landas.

Sinabi ng Allah: ((at huwag kayo sumunod sa mga yapak ng Satanas. Katotohanan, para sa inyo, siya ay isang hayag na kaaway)). [Al-Baqarah:208]

At sinabi rin ng Allah: (( Katotohanan, Ang satanas ay isang kaaway para sa inyo, kaya siya ay ituring ninyo bilang isang kaaway. Siya ay nag-aanyaya lamang sa kanyang mga kampon upang sila ay maging kabilang sa mga maninirahan ng naglalagablab na Apoy sa Impiyerno)). [Fatir: 06].


3- JIHADUL KUFFAR: Ang pagpupunyagi at pagsisikap upang iparating sa mga di-Muslim ang pananampalatayang Islam sa pamamagitan ng salita o pagpapaliwanag o pagsusulat ng aklat upang sila'y hikayatin sa Islam. Ito rin ay pakikibaka sa landas ng Allah upang ipagtanggol ang Islam at mga Muslim laban sa mga "Kuffar" o di-Muslim na mang-aapi, mananakop at humaharang sa landas ng Allah sa pamamagitan ng lakas, salita, yaman o puso. Ang pakikibaka laban sa mga "Kuffar" sa pamamagitan ng lakas ay "Far'd Kifayah" o Obligado sa iilang Muslima lamang at kapag nagawa nila ito ay sapat na at hindi na magkakasala ang buong sambayanang Muslim nguni't kapag walang ni isang Muslim ang nagsagawa nito ay magkakasala ang buong samabayang Muslim.

Sinabi ng Allah sa Qur'an: ((O Propeta, ika'y magpunyagi [makipaglaban] sa mga di-naniniwala at sa mga mapagkunwari at ika'y maging mahigpit sa kanila)). [Tahrim:09]

Sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]: 

(Makipaglaban kayo sa Ngalan ng Allah, at para sa landas ng Allah, at huwag kayo sisira sa anumang napagkasunduan, huwag mamutol ng anumang bahagi ng katawan at huwag paslangin ang mga bata…). Isinalaysay ni Muslim


At sinabi rin ng Allah: (( Silang mga naniwala [sa Allah at sa Kanyang Sugo] at nagsilikas at nagpunyagi [nakibaka] sa landas ng Allah sa pamamagitan ng kanilang yaman at ng kanilang mga sarili, sila ay nakahihigit sa antas ng karangalan sa paningin ng Allah. Sila yaong mga nagkamit ng dakilang tagumpay)). [Tawbah: 20]


ANG JIHADUL KUFFAR SA PAMAMAGITAN NG LAKAS AY NAGIGING "FARDU AYN" O OBLIGADO SA LAHAT NG MUSLIM SA APAT NA PAGKAKATAON:

1- Kapag nasaksihan ng isang Muslim ang digmaan ay obligado sa kanya ang Jihad na ito. 

2- Kapag napasok ng mga kaaway o napalibutan nila ang lugar ng mga Muslim; nararapat na ipagtanggol ng mga Muslim ang kanilang lugar.

3- Sinuman ang inutusan ng Lider ng mga Muslim upang lumahok sa digmaan ay obligado siyang sumunod at obligado sa kanya ang Jihad na ito.

4- Kapag kailangan ang isang Muslim sa panahon ng digmaan upang isagawa ang isang gawain na walang nakakaalam nito maliban sa kanya, magkagayun, obligado sa kanya ang jihad na ito.
Sinabi ng Allah sa Qur'an: 

((O kayong mga mananampalataya, kapag inyong makatagpo yaong mga di-naniniwala na sumasagupa [sa labanan], huwag ninyo ibaling sa kanila ang inyong mga likuran [sa pagtakas], at sinuman ang bumaling ng kanilang mga likuran sa gayong araw, maliban sa pagtalilis [bilang estratehiya] sa paglaban o pag-anib [sa ibang kasamahan]- katiyakang kanyang isinuong ang kanyang sarili sa poot na mula sa Allah. At ang kanyang mapupuntahan ay Impiyerno at sadyang napakasamang patutunguhan)). [Al-Anfal: 15-16]


4- JIHADUL MUNAFIQIN: Ang pagpupunyagi at pagsisikap upang hadlang ang masamang hangarin ng mga "Munafiq" laban sa Islam at mga Muslim. Ang "Munafiq" ay yaong taong ikinukubli ang kawalan ng pananampalataya sa Allah subali't ipinapahayag na siya ay tunay ng Muslim; nagpapanggap na Muslim nguni't kumukulo ang dugo dahil sa poot at galit sa Islam kaya nagsusumikap din upang sirain ang Islam ng palihim.

Ito ang iba't ibang uri ng "Jihad" na dapat isakatuparan ng isang Muslim upang mapasakanya ang napakalaking gantimpala mula sa Allah at upang malayo sa Kanyang kaparusahan.

Sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]: 

(Sinuman ang namatay na hindi man lang nakipaglaban [sa landas ng Allah] ni hindi man lang nagkaroon ng layunin upang makibaka [sa landas ng Allah]; siya'y namatay na nasa katayuan ng isang uri ng pagkukunwari [Nifaq]). Isinalaysay ni Muslim


ANG KAIBAHAN NG JIHAD AT TERORISMO

Ang kahulugan ng Terorismo ay pananakot, panggugulo at paghahatid ng lagim sa mga tao at saklaw nito ang pagpatay at pagsasagawa ng mga krimen, ayon sa Wikipedia:

"Ang Terorismo o panliligalig ay ang paggamit ng dahas bilang anyo ng pagpilit. Sa kasalukuyan, walang pinagkakasunduang iisang depinisyon ng salita…subali't maaaring ilarawan ang Terorismo bilang isang sistematiko o masistemang paggamit ng pananakot o paninindak [malaking takot] upang makamit ang mga layunin". 

Maraming tao na itinuturing ang Jihad at Terorismo bilang iisang bagay lamang ngunit ang katotohanan ay hindi, samakatuwid ang mga taong naniniwalang ito ay iisa lamang ay tunay na mahina ang pang-unawa sa kahulugan ng dalawang salitang ito sapagkat ang pagpatay ng mga enosente ay taliwas sa katuruan ng Islam kaya bago husgahan ang Islam ay pag-aralan muna ito upang lubos na maunawang ang mga katuruan nitong hindi nauunawaan ng karamihan.

Kaya sa kahulugan pa lang mapapansin na natin ang malaking kaibahan ng "Jihad" at "Terorismo" sapagka't ang mga taong Terorista ay gumagamit ng dahas,naninindak at nangugulo upang makamit nila ang kanilang layunin at masamang balak taliwas ito sa mga "mujahideen" o mga taong nakikibaka at nagpupunyagi sa landas ng Allah kung saan kanilang ipinagtatanggol ang kanilang pananampalataya, mga karapatan, mga naaapi at upang hadlangan ang mga mang-aapi at mga sakim datapuwa't upang maipalaganap ang tunay na katuruan ng Islam at mailabas ang sangkatauhan mula sa kadiliman tungo sa liwanag ng pananampalatayang Islam at upang magkaroon ng malawakan at pang-matagalang kapayapaan sa lupa. katunayan, matinding ipinagbabawal sa islam ang paninindak at pagpatay ng hindi karapat-dapat kaya sinabi ng Allah sa Qur'an: 

(( Sanhi niyan, Aming itinagubilin sa mga Angkan ng Israel na sinuman ang pumatay ng isang tao na hindi naman para sa [pagganti ng ]isang tao [na pinatay nang di-makatarungan] o para sa ginawang katiwalian [kasamaan] sa kalupaan- ito ay katumbas na rin ng kanyang pagpatay sa buong sangakatauhan, at sinuman ang nagligtas ng isang buhay, ito ay katumbas ng kanyang pagligtas sa buhay ng buong sangkatauhan.)) [Maidah:32]

Sa Islam, ang pagpatay ng anak sanhi ng pangamba baka hindi kayang tustusan ay ipinagbawal ng Allah, pagpatay pa kaya ng iba ng di-makatarungan, sinabi ng Allah sa Qur'an: ((Huwag ninyo patayin ang inyong mga anak sanhi ng kahirapan)). [ Al-An'am:151]


Isinulat ni: UST. SALAMODIN D. KASIM


Monday, October 3, 2016

Ang Itim na Bato



Sinabi ng Sugo ng Allah (sumakanya ang kapayapaan) ukol sa kahigitan at antas ng batong itim (Hajar Aswad):

" Ang Hajar Aswad ay mula sa Paraiso". 

-Isinalaysay ni Ahmad at itinumpak ni Albani at Ahmad Shakir.




Ang itim na bato (Hajar Aswad) ay dito nagsisimula ang pagsasagawa ng tawaf (pag-ikot) sa Ka'abah at dito rin nagtatapos na nagsisilbi para sa taong nagsasagawa ng Hajj at Umrah na simualin niya sa pagharap sa Allah at pagtayo sa Kanyang pintuan na may kasamang pagdakila at pagmamahal sa Kanya at bilang paghahangad sa anumang ipinagkakaloob Niya.

Sinabi ng Sugo ng Allah (sumakanya ang kapayapaan) ukol sa kahigitan at antas ng batong itim (Hajar Aswad): 

"Ang Hajar Aswad ay mula sa Paraiso". 

- Isinalaysay ni Ahmad at itinumpak ni Albani at Ahmad Shakir.


At sinabi niya (sumakanya ang kapayapaan): 

"Tiyak na darating ang batong ito sa Araw ng Muling pagkabuhay na mayroong dalawang mata na makakakita at dila na magsasalita; magsasaksi siya para sa sinumang makatotohanang humaplos sa kanya".

- Isinalaysay ni Tirmizi

Tunay na dinakila at pinarangalan ng Propeta (sumakanya ang kapayapaan) ang "Hajar Aswad" at kanya itong hinalikan at hinaplos bagkus tumulo ang kanyang luha habang ito ay hinahawakan at hinahaplos.


Ang mga kahulugan ng Hajar Aswad sa ating mga puso ay:

1- Katotohanan, ang Hajar Aswad ay mula sa Paraiso datapuwa't walang anumang bagay sa lupa na mula sa Paraiso na maaari nating hawakan, haplusin at halikan maliban sa batong ito, kaya ang bato na ito ay nagpapaalala sa atin ng Paraiso ay nararapat lamang na parangalan ito bilang pagsunod sa Propeta (sumakanya ang kapayapaan).

2- Buong paniniwala at pagtalima sa katuruan ng Islam ukol sa paghalik at paghaplos dito batid man natin ang dahilan o hindi.


Sinabi ni Umar bin AL-Khattab [kalugdan nawa ng Allah]: 

"Katotohanan, batid ko na ika'y bato lamang; wala kang naidudulot na masama o pakinabang, kung hindi ko lamang nakita ang Sugo ng Allah (sumakanya ang kapayapaan) na hinahalikan ka; hindi kita hahalikan".

 - Isinalaysay ni Al- Bukhari.

Ayon kay Muhibbuddin At-Tabari [rahimahullah]: 

"Nasabi lamang ito ni Umar sapagka't tunay na sariwa pa lamang sa mga tao ang pagsamba sa mga Rebulto kaya nangamba si Umar nab aka akalain ng mga mangmang na ang paghawak o paghaplos ng Hajar (Aswad) ay isang uri ng pagsamba at pagdakila lamang sa mga bato katulad ng ginagawa noon ng mga Arabo sa panahon ng kamangmangan, magkagayun nais ni Umar na ituro sa mga tao na ang paghawak [paghaplos] nito ay bilang pagsunod sa ginawa ng Sugo ng Allah (sumakanya ang kapayapaan) at hindi dahil nagdudulot ng masama o pakinabang ang batong ito katulad ng paniniwala ng mga tao sa panahon ng kamngmangan ukol sa mga diyus-diyusan". 

 Fathul Bari: [3/463]


Samakatuwid, napakahalaga sa Pananampalatayang Islam ang pagsunod sa Sugo ng Allah (sumakanya ang kapayapaan) at sambahin ang Allah ayon sa kanyang katuruan. Sinabi ng Propeta (sumakanya ang kapayapaan):

" Sinuman ang gumawa ng isang gawain na hindi kabilang sa aming katuruan ay hindi katanggap-tanggap".

 Isinalaysay ni Muslim [1718]

Dapat natin tandaan kapag nakikita ang Hajar Aswad na ito ay dating puti ang kulay at pagkatapos ay naging itim dahil sa mga kasalanan ng mga angkan ni Adam, ayon sa Sugo ng Allah (sumakanya ang kapayapaan):

"Bumaba ang Hajar Aswad [batong itim] mula sa Paraiso na ang kulay nito ay mas maputi kaysa gatas subali't naging itim ito dahil sa mga kasalanan ng angkan ni Adam".
-Isinalaysay ni Tirmizi. 

Kaya ang aral na makukuha natin sa pangyayaring ito ay tiyak na nagdudulot ng masamang epekto sa mga puso ang mga nagagawang kasalanan gaya ng naidulot nito sa Hajar Aswad.
Sinabi ni Muhibbuddin At-Tabari tungkol sa Hajar Aswad: 

(Ang pananatili nitong itim- si Allah ang mas Nakaaalam- ay upang magsilbing babala at para maalaala at mabatid na ang mga kasalanan ay nagdulot ng epekto sa Hajar (Aswad) kaya mas matindi ang epekto nito sa mga puso). -Al-Qira [295]

Mula sa Aklat na " A'malul Qulub fil Hajj wal Umrah" ng may bahagyang pagbabago.


Nilikom ni : SALAMODIN D. KASIM

Talikuran ang Masamang Bisyo


Dito sa Mundo, maraming bagay ang tumutukso sa bawat tao, maraming bagay ang nagdudulot ng kanyang pagiging abala hanggang tuluyan ng malubog sa mga masasamang makamundong bagay o gawain at tuluyan naring talikurang ang mabubuting gawa at paglilingkod sa Panginoon. Sadyang marupok ang tao kaya madali lamang magapi ng demonyo o satanas at sinusunod ang mga bulong at udyok nito.

Ang bawat angkan ni Adam ay nagkakasala, hindi lingid sa ating kaalaman na ang tunay na ganap ay si Allah lamang at Sakdal samakatuwid, Siya lamang ang lubos na Perpekto; hindi nagkakamali. Sinabi ng Propeta Mohammad (salallaahu alaihi wasalam): 

"Ang bawat anak ni Adam ay nagkakamali at ang pinakamainam sa mga nagkakamali ay yaong mga nagsisibalik-loob (nagsisisi)". [Isinalaysay Tirmizi, Ibn Majah at Hakim]

Ayon sa Hadith na ito, dapat magbago ang bawat isa at magbalik-loob sa Allah dahil iyon ang pinakamainam sa lahat datapuwa't hindi matatawag na nagsisisi ang isang tao kung nananatili parin siyang gumagawa ng masamang gawain na dati ng ginagawa.
Marami tayong mga kapatid na mga bagong Muslim na noo'y kaliwa't kanan ang bisyo; babae, alak, barkada, kasiyahang labag sa batas ng Diyos, maling pinagkaka-kitaan at marami pang iba at pagkatapos nila yumakap sa Islam ay ganap nila itong tinalikuran at tuluyan ng kinalimutan –Alhamdulillah- alang-alang sa sa Allah – nawa'y tanggapin ng Allah ang ating pagbabalik-loob sa Kanya at pagsisisi.

Kaya aking Kapatid! Panahon na upang magbago at talikuran na ang masasamang bisyo dahil Muslim ka na ngayon, ang iyong pagbabalik-loob sa Allah ay Kanyang pinakamalaking biyaya para sa iyo.

Dapat nating malaman na mayroong tatlong kondisyon upang tanggapin ng Allah ang ating "Tawbah" o pagbabalik-loob sa Kanya, ito ang mga sumusunod:

1- Wagas at tunay na pagsisisi sa anumang nakaraang kasalanan.

2- Tuluyang pag-iwas at pagtalikod sa mga kasamaan at kasalanan.

3- Pagkakaroon ng makatotohanan at metatag na diterminasyon na hindi na ito muling uulitin at babalikan pa kailanman.

Ang tatlong bagay na ito ay may kinalaman sa mga karapatan lamang ng Allah sa Kanyang alipin at kapag ang nagawang masama ay may kinalaman sa karapatan ng kapwa-tao ay nangangailangan ng ika-apat na kondisyon upang katanggap-tanggap ang pagbabalik-loob sa Allah; ito ang:

4- Pagsauli sa anumang bagay na nakamkam o nadaya niya sa kanyang kapatid na mananampalataya, ang halimbawa nito ay kapag ninakaw niya ang kalabaw ng kapit-bahay ay dapat isauli at ibalik ito o bayaran ang halaga upang maging katanggap-tanggap ang pagbabalik-loob sa Allah.


Huwag tularan at gayahin ang ibang mga kapatid na patuloy parin sa masasamang bisyo, noon at hanggang ngayon ay lasenggo pa rin kahit siya'y isa ng Muslim, walang nagbago sa buhay at patuloy na nagpapadala sa tulak ng masisidhing hangarin at demonyo bagkus hindi pa rin ganap ang pagsasakatuparan ng "Salah" siya ay laging abala sa mga makamundong gawain na nagpipigil sa tao upang tuluyan ng talikuran ang pananampalataya –magpakupkop tayo sa Allah laban sa ganitong bagay. 

Tayo'y nangangamba na kahit ang pagdarasal (Salah) ay apektado at hindi tatanggapin ng Allah ang mga ito sapagka't isa sa mga tanda na nagpapatunay na ang pagdarasal ay katanggap-tanggap ay kapag nababago nito ang tao at napipigilan nito sa mga kahalayan at kasamaan ayon sa sinabi ng Allah sa Quran:

(إن الصلاة تنهى عن الفحشاء والمنكر). العنكبوت (45)

(Katotohanan, ang pagdarasal ay pumipigil sa mga kahalayan at kasamaan). [29:45]


Magbalik-loob sa Allah at panahon na upang talikuran ang masasamang bisyo habang nabubuhay may pag-asa kahit gaano kabigat ang iyong kasalanan sa Allah ay patatawarin niya ito lahat kapag tunay at wagas ang "Tawbah" at pagsisisi. Sinabi ng Allah sa Qur'an:

(قل يا عبادي الذين أسرفوا على أنفسهم لا تقنطوا من رحمة الله إن الله يغفر الذنوب جميعا). الزمر (53)

(Sabihin mo! O Aking mga lingkod na nagmalabis [sa paggawa ng mga kasalanan] laban sa kanilang mga sarili, huwag kayong mawalan ng pag-asa mula sa habag ng Allah. Katotohanan, pinatatawad ng Allah ang lahat ng kasalanan). [39:53]

At sinabi pa sa ibang taludtod:

(يأيها الذين آمنوا توبوا إلى الله توبة نصوحا عسى ربكم أن يكفر عنكم سيئاتكم ويدخلكم جنات تجري من تحتها الأنهار).التحريم (8)

( O kayong mga naniwala, magbalik-loob kayo sa Allah nang tapat na pagsisisi. Upang pawiin ng inyong Panginoon mula sa inyo ang inyong mga masasamang gawa, at kayo ay Kanyang papasukin sa mga Hardin na sa ilalim nito ay may mga ilog na umaagos). [66:8].

Samakatuwid, ang tunay at wagas na pagsisisi ay pagtalikod sa lahat ng labag sa Allah at mga masasamang bisyo.


Isinulat ni: Salamodin Kasim