Monday, October 3, 2016

Talikuran ang Masamang Bisyo


Dito sa Mundo, maraming bagay ang tumutukso sa bawat tao, maraming bagay ang nagdudulot ng kanyang pagiging abala hanggang tuluyan ng malubog sa mga masasamang makamundong bagay o gawain at tuluyan naring talikurang ang mabubuting gawa at paglilingkod sa Panginoon. Sadyang marupok ang tao kaya madali lamang magapi ng demonyo o satanas at sinusunod ang mga bulong at udyok nito.

Ang bawat angkan ni Adam ay nagkakasala, hindi lingid sa ating kaalaman na ang tunay na ganap ay si Allah lamang at Sakdal samakatuwid, Siya lamang ang lubos na Perpekto; hindi nagkakamali. Sinabi ng Propeta Mohammad (salallaahu alaihi wasalam): 

"Ang bawat anak ni Adam ay nagkakamali at ang pinakamainam sa mga nagkakamali ay yaong mga nagsisibalik-loob (nagsisisi)". [Isinalaysay Tirmizi, Ibn Majah at Hakim]

Ayon sa Hadith na ito, dapat magbago ang bawat isa at magbalik-loob sa Allah dahil iyon ang pinakamainam sa lahat datapuwa't hindi matatawag na nagsisisi ang isang tao kung nananatili parin siyang gumagawa ng masamang gawain na dati ng ginagawa.
Marami tayong mga kapatid na mga bagong Muslim na noo'y kaliwa't kanan ang bisyo; babae, alak, barkada, kasiyahang labag sa batas ng Diyos, maling pinagkaka-kitaan at marami pang iba at pagkatapos nila yumakap sa Islam ay ganap nila itong tinalikuran at tuluyan ng kinalimutan –Alhamdulillah- alang-alang sa sa Allah – nawa'y tanggapin ng Allah ang ating pagbabalik-loob sa Kanya at pagsisisi.

Kaya aking Kapatid! Panahon na upang magbago at talikuran na ang masasamang bisyo dahil Muslim ka na ngayon, ang iyong pagbabalik-loob sa Allah ay Kanyang pinakamalaking biyaya para sa iyo.

Dapat nating malaman na mayroong tatlong kondisyon upang tanggapin ng Allah ang ating "Tawbah" o pagbabalik-loob sa Kanya, ito ang mga sumusunod:

1- Wagas at tunay na pagsisisi sa anumang nakaraang kasalanan.

2- Tuluyang pag-iwas at pagtalikod sa mga kasamaan at kasalanan.

3- Pagkakaroon ng makatotohanan at metatag na diterminasyon na hindi na ito muling uulitin at babalikan pa kailanman.

Ang tatlong bagay na ito ay may kinalaman sa mga karapatan lamang ng Allah sa Kanyang alipin at kapag ang nagawang masama ay may kinalaman sa karapatan ng kapwa-tao ay nangangailangan ng ika-apat na kondisyon upang katanggap-tanggap ang pagbabalik-loob sa Allah; ito ang:

4- Pagsauli sa anumang bagay na nakamkam o nadaya niya sa kanyang kapatid na mananampalataya, ang halimbawa nito ay kapag ninakaw niya ang kalabaw ng kapit-bahay ay dapat isauli at ibalik ito o bayaran ang halaga upang maging katanggap-tanggap ang pagbabalik-loob sa Allah.


Huwag tularan at gayahin ang ibang mga kapatid na patuloy parin sa masasamang bisyo, noon at hanggang ngayon ay lasenggo pa rin kahit siya'y isa ng Muslim, walang nagbago sa buhay at patuloy na nagpapadala sa tulak ng masisidhing hangarin at demonyo bagkus hindi pa rin ganap ang pagsasakatuparan ng "Salah" siya ay laging abala sa mga makamundong gawain na nagpipigil sa tao upang tuluyan ng talikuran ang pananampalataya –magpakupkop tayo sa Allah laban sa ganitong bagay. 

Tayo'y nangangamba na kahit ang pagdarasal (Salah) ay apektado at hindi tatanggapin ng Allah ang mga ito sapagka't isa sa mga tanda na nagpapatunay na ang pagdarasal ay katanggap-tanggap ay kapag nababago nito ang tao at napipigilan nito sa mga kahalayan at kasamaan ayon sa sinabi ng Allah sa Quran:

(إن الصلاة تنهى عن الفحشاء والمنكر). العنكبوت (45)

(Katotohanan, ang pagdarasal ay pumipigil sa mga kahalayan at kasamaan). [29:45]


Magbalik-loob sa Allah at panahon na upang talikuran ang masasamang bisyo habang nabubuhay may pag-asa kahit gaano kabigat ang iyong kasalanan sa Allah ay patatawarin niya ito lahat kapag tunay at wagas ang "Tawbah" at pagsisisi. Sinabi ng Allah sa Qur'an:

(قل يا عبادي الذين أسرفوا على أنفسهم لا تقنطوا من رحمة الله إن الله يغفر الذنوب جميعا). الزمر (53)

(Sabihin mo! O Aking mga lingkod na nagmalabis [sa paggawa ng mga kasalanan] laban sa kanilang mga sarili, huwag kayong mawalan ng pag-asa mula sa habag ng Allah. Katotohanan, pinatatawad ng Allah ang lahat ng kasalanan). [39:53]

At sinabi pa sa ibang taludtod:

(يأيها الذين آمنوا توبوا إلى الله توبة نصوحا عسى ربكم أن يكفر عنكم سيئاتكم ويدخلكم جنات تجري من تحتها الأنهار).التحريم (8)

( O kayong mga naniwala, magbalik-loob kayo sa Allah nang tapat na pagsisisi. Upang pawiin ng inyong Panginoon mula sa inyo ang inyong mga masasamang gawa, at kayo ay Kanyang papasukin sa mga Hardin na sa ilalim nito ay may mga ilog na umaagos). [66:8].

Samakatuwid, ang tunay at wagas na pagsisisi ay pagtalikod sa lahat ng labag sa Allah at mga masasamang bisyo.


Isinulat ni: Salamodin Kasim


No comments: