Tanong: Naniniwala ba ang mga Muslim sa mahimalang pagkasilang ni Hesus?
Sagot: Oo. Sapagka’t ito ay nakasulat sa maraming talata sa Banal na Qur’an, halimbawa sa kabanata Al’Imran
[3 :45-47].
"45...O Propeta ng Allâh, nang sinabi ng mga anghel: “O Maryam! Katotohanan ang Allâh, binibigyan ka Niya ng magandang balita ng isang sanggol na mangyayari sa pamamagitan ng salita ng Allâh na sasabihin sa kanya na ‘kun’ – maging, ‘fa yakun’ – at ito ay magiging (maganap at ito ay kaagad na magaganap). Ang kanyang pangalan ay ‘Al-Masih, `Îsã ibnu Maryam’ (ang Messiah, Hesus na anak ni Maria) at siya ay igagalang dito at sa Kabilang-Buhay; at kabilang sa mga malalapit sa Allâh sa Araw ng Muling Pagkabuhay.” 46. “At siya ay magsasalita sa mga tao habang siya ay isang sanggol pa lamang sa duyan pagkapanganak sa kanya at makikipag-usap din siya sa kanila pagdating ng kanyang hustong gulang, ayon sa kung ano ang ipinahayag sa kanya. Ang pakikipag-usap na ito na kanyang gagawin ay pakikipag-usap bilang Propeta, pamamahayag at pagpapatnubay. At isa siya sa mga mabubuting tao, matuwid sa kanyang pananalita at gawa.” 47. Sinabi ni Maryam, na nagugulat sa balita: “Paano ako magkakaroon ng anak gayong wala naman akong asawa at hindi ako masamang babae?” Sinabi sa kanya ng anghel: “Ito ay mangyayari, hindi ito kataka-taka sa kapangyarihan ng Allâh, na Siyang lumikha ng anuman na Kanyang nais mula sa wala. Kapag Siya ay nagpasiya na lumikha ng anumang bagay, sinasabi Niya lamang dito ‘kun’ – maging, ‘fa yakun’ – at ito ay magiging (maganap at ito ay kaagad na magaganap)”
Tanong: Magkagayon, di ba dapat magdiwang din ang mga Muslim sa kapanganakan ni Hesus?
Sagot: Bagaman naniniwala ang mga Muslim sa mahimalang pagkasilang ni Hesus, hindi nila ito ipinagdiriwang sapagka’t ang mismong pagdiriwang na ito ay walang batayan sa Banal na Qur’an at maging sa Bibliya.
Tanong: Saan hinango ng mga Kristiyano ang katagang ‘Christmas’ o Pasko?
Sagot: Ayon sa mga iskolar na Kristiyano, ang ‘Christmas’ ay hinango sa mga katagang ‘Christes Masi’, na ang ibig sabihin ay Christ Mass, o ang misang patungkol kay Kristo-Hesus. Ang katagang ito ‘Christmas’ ay unang ginamit noong ika-11 siglo (1100 years ago) mga 1,000 taon matapos umalis si Hesus sa mundong ito.
Tanong: Magkagayon ba’y hindi batid ni Hesus ang katagang ito dahil ito ay ginamit lamang mga isang libong taon pagkaraan ng kanyang pag-alis?
Sagot: Siyang tunay! Maging ang kanyang mga alagad o disipulo ay walang kaalaman sa katagang ito sa dahilang hindi ito tinuran ni Hesus sa kanyang kapanahunan.
Tanong: Papaano nagsimula ang pagdiriwang ng kaarawan? Saan ito nanggaling?
Sagot: Bago pa dumating si Hesus, ang pagdiriwang ng kaarawan ay bantog na bantog noon pa sa mga paganong Greko at Romano. Ito ay ipinagdiriwang sa pamamagitan ng pagdarasal sa mga diyus-diyusan, pag-aalay, masaganang kainan, at ang pagbibigay ng regalo sa may kaarawan.
Tanong: Kung pagano pala ang pinanggalingan ng pagdiriwang ng kaarawan, bakit hindi ito tinutulan ng simbahang Kristiyano?
Sagot: Sa unang tatlong siglo makaraang mawala si Hesus sa daigdig, ang simbahan ay may malakas na oposisyon laban sa pagdiriwang ng kapanganakan (birthday) sapagka’t ito ay isang kaugaliang pagano.
Tanong: Papaano naman nalaman ang kapanganakan ni Hesus?
Sagot: Ating mababasa sa Collier’s Encyclopedia -- “Ang eksaktong kapanganakan ni Hesus ay imposibleng malaman kahit gamitin pa ang mga nakasulat sa Ebanghelyo pati na rin ang kasaysayang nauukol kay Hesus”. Gayundin, sa New International Dictionary of Christian Church, mababasa natin na walang mapagbabatayan sa kasaysayan na nagbibigay katibayan sa araw, at buwan ng pagkasilang ni Hesus.
Tanong: Saan nanggaling ang Disyembre 25 na siyang araw na ipinagdiriwang ng mga Kristiyano tuwing Pasko?
Sagot: Ating matutunghayan sa Collier’s Encycolpedia na ang pagpili ng Disyembre 25 ay nakuha sa mga paganong Romano sa kanilang pagdiriwang ng ‘Mitalis Solis Invicti’, isang pagdiriwang sa kapangyarihan ng ‘Diyos na Araw’ (Sun God) sa relihiyong ‘Mithraism’. Gayundin, ating mababasa sa ‘Encyclopedia of Religions and Ethics’ na may isang matandang kaugalian ang mga Romano sa pagdiriwang ng ‘Saturnalia’ (God of Saturn) tuwing ika-25 rin ng Disyembre.
Tanong: Papaano ipinagdiriwang noon ng mga paganong Romano ang kanilang Mithraism at Saturnalia?
Sagot: Malawakang pagdiriwang ito sa kanilang buong bansa sa araw ng Disyembre 25. Ito ay isang pista opisyal, nakasara ang mga paaralan, walang ipinatutupad na parusa sa mga nakapiit, nagpapalit ng bagong damit, pinahihintulatan ang sugal na ‘dice’, nagbibigayan ng regalo, at manika ang ipinamimigay sa mga bata. Sadyang magkatulad ang pagdiriwang ng Pasko sa mga panahong ito.
Tanong: Sino ang nagtakda na gawing Disyembre 25 ang pagdiriwang ng Pasko?
Sagot: Matapos mabinyagan si Constantine sa pananampalatayang Kristianismo, ang simbahan sa Roma ay ipinag-utos ang pagdiriwang ng kaarawan ni Hesus tuwing ika-25 ng Disyembre. Ang panahon ni Constantine ay noong ika-4 na siglo. Sa panahong ito lamang itinakda ang Disyembre 25 bilang kapanganakan ni Hesus.
Tanong: Papaano nangyaring isinama ng simbahang Kristiyanismo ang petsang ito sa kanilang pananampalataya?
Sagot: Huwag nating kalilimutan na ang Kristiyanismo ay ipinalaganap sa mga Romano at upang hikayatin ang mga paganong ito, isinama sa pagdiriwang ng simbahan ang kanilang mga paganong kaugalian. Ito ay tanda na ang simbahan ay ginamit itong paraan upang akitin ang mga Romano na ipagdiwang ang kaarawan ni Hesus sa petsang ito upang makalimutan nila ang kanilang pagsamba sa Araw.
Tanong: Hindi ba ipinagbawal ng simbahan ang pagdiriwang ng Pasko sa kanilang mga tagasunod?
Sagot: Noong taong 1642 hanggang 1652, ang mga Kristiyanong Puritano sa Inglateria ay nagpalabas ng batas sa pagbabawal ng misa at pagdiriwang sa araw na ito. Gayundin, ito ang naging desisyon ng mga Kristiyano sa Amerika na dala ng mga dayuhan.
Tanong: Bakit naging laganap ngayon ang kaugaliang ito sa mga Kristiyano?
Sagot: Nang dumating ang taong 1900, ang maraming mga dayuhan sa Amerika na galing sa Germany at Ireland ay nagbigay-buhay na naman sa paganong pagdiriwang na ito. Kahit na may oposisyon at pagtutol ang simbahan, ito ay natabunan dahil sa dami ng mga imigrante. Sa paglipas ng panahon, ang pagdiriwang ng Disyembre 25 ay naging laganap at ito ay itinuring na rin ng simbahan ng Kristiyanismo bilang isang pamamaraan ng kanilang dibosyon sa pananampalataya.
Tanong: Ang lahat ba ng Kristiyano ay nagdiriwang ng Pasko tuwing Disyembre 25?
Sagot: Bagaman karamihan ng Kristiyano nagdiriwang sa kaarawan ni Hesus tuwing Disyembre 25, ang pagdiriwang ng mga Armenians (Eastern Church) ay kanilang isinasagawa tuwing ika-6 ng Enero magpahanggang ngayon.
Tanong: Ano ang dapat gawing hakbang ng isang karaniwang Kristiyano tungkol dito?
Sagot: Kung ikaw ay tunay na masugid na tagasunod ni Hesus, alalahanin ang kanyang tinuran sa inyong mismong aklat: Ako ang landas, ang katotohanan, at ang buhay…. Nararapat lamang sundin ang landas at katotohanang itinuro ni Hesus. Ang Pasko ay walang kaugnayan sa pagtuturo ni Hesus. Ang pagdiriwang nito ay hindi magbibigay kasiyahan sa kanya at sa Nagsugo sa kanya dahil hindi naman niya ito ipinatupad. Ito ay hindi bahagi ng landas ng kanyang itinuro.
Tanong: Ang mga Muslim ba’y pinahihintulutang sumama sa pagdiriwang na ito? Maaari ba silang bumati din ng “Merry Christmas”?
Sagot: Hindi! Sapagka’t ito ay isang hayagang pagkunsinti sa isang kaugaliang pagano, isang gawaing hindi naaayon sa turo ni Hesus. Ang anumang pakikibagay tungkol dito ay tuwirang paglabag sa pangunahing katuruan ng Islam – ang pag-iwas sa mga gawaing pagano. Ang Islam ay kinasusuklaman ang pagkukunwari, kaya naman, hindi nababagay sa isang Muslim na makisama sa anumang nauukol sa Pasko sa kabila ng kanyang di-paniniwala dito.
Tanong: Marami ba akong matutuhan tungkol kay Hesus sa Banal na Qur’an?
Sagot: Si Hesus ay nababanggit sa maraming pahina ng Banal na Qur’an. May isang kabanata na may pamagat na ‘Maria’ bilang pagbibigay dangal sa kanyang ina. Nakatitiyak ka sa pagkamakatotohanan ng Qur’an sapagka’t ito na lamang ang nalalabing rebelasyon na nananatili sa orihinal nitong anyo mula nang ipahayag ito kay Propeta Muhammad. Mababasa mo rin sa Banal na Qur’an na si Hesus ay hindi diyos o anak ng diyos bagkus isa siya sa mga bantog na Propetang ipinadala ng Dakilang Lumikha upang ituro sa tao na walang diyos na dapat sambahin kundi yaong nagsugo sa kanya – ang Allah.
Tanong: Saan ako maaaring magtanong tungkol sa pag-aaral sa Islam?
Sagot: Bukas ang lahat ng tanggapang pang-Islam sa mga nagnanais malaman ang Islam. Makipag-ugnayan lamang sa pinakamalapit na Islamic Center sa inyong pook