Thursday, September 18, 2014

Paano Isagawa ang Wudoo'

Ang Pagsasagawa Ng Wudoo Ayon Sa Pagkakasunud-sunod:


1.  Niyyah

Ang Niyyah (layunin) ay kinakailangan bago magsagawa ng 'Wudoo' upang linisin ang sarili sa mga mumunting dumi. Ang patunay na kailangang magkaroon ng layunin (Niyyah) ay mula sa pananalita ng Propeta (salallaahu alaihi wasalaam):

"Ang lahat ng mabubuting gawain ay batay sa layunin, at ang isang tao ay mabibigyan ng gantimpala ayon sa kanyang nilayon…"

[Iniulat ni Imam Bukhari]


2. Bismillah

Ang pagbanggit ng 'Bismillah' (Sa Ngalan ng Allah), bago magsimulang mag-'Wudoo'. Ang Propeta ay nagsabi:

"Walang pagdarasal (na tinatanggap) sa isang hindi nagsagawa ng Wudoo, at walang Wudoo sa isang hindi nagsabi ng 'Bismillah'". 

[Iniulat ni Abu Dawood]


3. Ang Paghugas ng Kamay

Kailangang hugasan ang mga kamay ng tatlong ulit sa simula ng 'Wudoo', batay sa 'Hadeeth' ni Aws bin Aws Ath-Thaqafi (radhillaahu ´anhu) na nagsabi;

"Nakita ko ang Propeta ng Allah na naghugas ng kamay ng tatlong ulit sa pagsagawa ng 'Wudoo'.

[Iniulat ni Imam Ahmad]


4. Ang Pagmumog 

Kailangang magmumog ng bibig at linisin ang ilong sa pamamagitan ng pagsinghot ng tubig (nang dahan-dahan) mula sa kanang kamay at pagsingha na papalabas ang tubig sa pamamagitan ng kaliwang kamay.


5. Ang Paghugas ng Mukha

Kailangang hugasan ang mukha ng tatlong ulit. Ang bahagi ng mukha ay magmula sa nuo hanggang sa ilalim ng baba (kasama ang mga balbas) at hanggang sa gilid ng mga tainga.


6. Ang Paghugas ng mga kamay hanggang siko.

Kailangang hugasan ang mga kamay mula sa dulo ng mga daliri hanggang sa taas na bahagi ng siko, simula sa kanang kamay at isunod ang kaliwang kamay. Kung may nakasuot na relo o singsing, ito ay nararapat na alisin upang ganap na maraanan ng tubig ang balat sa ilalim ng mga ito.


7. Ang Paghaplos sa Ulo

Kailangan ang paghaplos ng mga basang kamay sa ulo nang minsanan. Ang paghaplos ng basang mga kamay sa buhok ay mula sa harap hanggang sa likod at pabalik ding paghaplos. Isinalaysay ni Abdullah Ibn Zaid (radia-llahu ´anhu),

"Inihaplos ng Propeta ang kanyang basang dalawang kamay sa kanyang ulo mula sa harap hanggang sa likod. Nagsimula siya sa itaas ng nuo at hinaplos hanggang sa itaas ng batok at ibinalik (na paghaplos din) hanggang sa bahaging pinagmulan." 

[Iniulat ni Ibn Khuzaimah, sa kanyang Saheeh]


8. Ang Paglinis ng mga Tainga

Kailangang linisin ang mga tainga sa pamamagitan ng basang hintuturo (sa loob ng tainga) at ang pagkuskos sa labas ng tainga sa pamamagitan ng hinlalaki. Si Ibn Abbaas (radia-llahu ´anhu) ay naglarawan ng pagsasagawa ng Wudoo ng Propeta ng ganito;

"Hinaplos niya ang kanyang ulo at (nilinis ang) mga tainga nang minsanan." 

[Abu Dawud]

Sa ibang salaysay, sinabi niya;

"Pagkatapos ay hinaplos niya ang kanyang ulo at ipinasok ang kanyang hintuturo sa loob ng kanyang mga tainga. Nilinis niya ang labas ng tainga sa pamamagitan ng hinlalaki at ang loob naman ay sa pamamagitan ng hintuturo."

[Abu Dawud]


9. Ang Paghugas sa mga Paa

Kailangang hugasan ang mga paa ng tatlong ulit mula sa dulo ng mga daliri hanggang sa bukung-bukong. Si Abu Hurairah (radia-llahu ´anhu) ay nagsalaysay na nakita ng Propeta ang isang tao na hindi naghugas ng mga sakong at sinabi sa kanya;

"Kasawian sa mga sakong sa Impiyerno."

[Iniulat ni Imam Muslim]


PAUNAWA!

Ang pagsasagawa ng 'Wudoo' ay nararapat gawin ayon sa pagkakasunud-sunod tulad ng nabanggit sa itaas. Hindi maaaring gawing pasalungat ang pagkakasunud-sunod na paglilinis sa mga bahagi ng katawan. Tulad ng mga nabanggit sa 'ayat' (talata) ng Qur'an, ipinag-utos ng Allah na dapat gawin ang 'Wudoo' ayon sa itinalagang pagkakasunud-sunod nito.

Kailangang isagawa ang Wudoo nang tuluy-tuloy at nasa itinalagang pagkakasunud-sunod nito bago matuyo ang huling bahagi ng katawan na hinugasan. (Hindi dapat hayaang matuyo ang hinugasang bahagi bago hugasan ang susunod na bahagi ng katawan) Sa isang Hadeeth, inilahad na;

"Nakita ng Propeta na hindi nabasa ang kaunting bahagi ng paa (na kasinglaki ng isang dirham) ng isang taong nagdarasal. Sa sandaling iyon pinagbilinan ng Propeta na ulitin ang 'Wudoo' nito at muling magsagawa ng Salaah (magdasal ulit) 

[Iniulat ni Abu Dawud]

Kailangang alisin muna ang anumang dumi sa mga bahagi ng katawan na huhugasan sapagka't ito ay maaaring makasagabal sa pagdaiti ng tubig sa balat, tulad ng pintura o anumang tulad nito.

Kailangang laging malinis at nasa kalagayan na 'Wudoo'. Ang mga sumusunod ay nagpapawalang-bisa ng 'Wudoo'; ang pag-ihi, pagdumi, pag-utot, paglabas ng semilya dahil sa pagnanasang sekswal, ang pagdurugo bilang hudyat ng buwanang regla (bago ang tunay o oras ng pagregla), sa sandaling hinawakan ang maselang bahagi ng katawan na walang nakasapin o hadlang, kapag nakatulog nang mahimbing at kung kumain ng karne ng kamelyo.

No comments: