Tanong:
Kaming mga Born Again Cristian naniniwala kami sa Buhay na walang Hanggan. Ang Islam ay naniniwala sa Buhay na walang Hanggan? Kami ay naniniwala na si Hesus ang Daan sa Buhay na walang Hanggan. Sa Islam sino ang ang daan patungo sa buhay na walang hanggan.
Sagot:
Bismillaahir Rahmanir Raheem Ang islam ay naniniwala na kailangan mo munang mamatay upang marating mo ang buhay na walang hanggan dahil walang may buhay dito sa Mundo na Hindi mamatay. Gayon man walang sinumang makakapasok ng Paraiso at mamumuhay roon na walang hanggan na hindi naniniwala sa Kaisahan ng Allaahu' ta'alaa.Ibig sabihin ang mga hindi naniniwala na ang Allaah ay nag iisang Dios walang ibang dapat sambahin maliban lamang sa kanya, siya ay walang Anak, Hindi Ipinanganak, at higit sa lahat Hindi nagkatawang Tao.
"Sila na mga naniwala, ang para sa kanila ay mga Hardin na roon sila ay mananatili magpakailanman, at umaagos ang mga ilog sa ilalim ng kanilang mga silid at mga tahanan, na sila ay sinusuotan ng mga palamuti na mga ginto, at dinadamitan sila ng mga damit na kulay berde na ginawa mula sa mga maninipis at makakapal na mga sutla (o ‘silk), at sila ay nakasandal sa kanilang mga matataas na trono na ang kanilang mga inuupuan ay magagandang alpombra. Anong ganda ng gantimpala na para sa kanila, at anong ganda ng Hardin na kanilang tinutuluyan bilang pahingahan!"
[Surah Al Kahf 31]
Subalit sa buhay na walang hanggan ay may dalawa kang maaring kasasadlakan Kung hindi ang Jannah (Paraiso) o Jahannam (Impiyernong naglalagablab). Kung nais mo ng Jannah kailangan mong magsumikap upang ito makamtan. Hindi madaling tunguhin ang paraiso. Ayon kay Abu Hurairah sinabi ng Propeta Muhammad صلى لله عليه وسلم:
"Ang Impiyerno ay nababalutan ng mga Makamundong Pagnanasa , At ang Paraiso naman ay Napalibutan ng mga Kahirapan."
[Bukhari at Muslim]
Isang salaysay naman mula kay Abu Hurairah na sinabi ng Propeta ng Allaah صلى لله عليه وسلم: "Nang likhain ng Allaah ang Paraiso, sinabi Niya kay Jibril,
"Magtungo ka at tingnan mo ang paraiso. Siya ay nagtungo at tiningnan ang paraiso at siya ay bumalik na nagsasabing:
"Sa pamamagitan ng Inyong kaluwalhatian, walang sinuman na nakarinig nito ang hindi maaaring hindi papasok dito." Kaya pinalibutan ito ng Allaah ng mga pagsubok at kahirapan at sinabing, "magtungo kang muli at tingnan mo ito. Nagtungong muli si Jibril at pinagmasdan ang paraiso, nagbalik sa Allaah at nagsabing:
"Sa pamamagitan ng Inyong kaluwalhatian, natatakot po akong walang sinuman ang makakapasok dito."
[Jami al-usul, 10/520, no. 8068. sinabi ni Tirmidhi : Ito ay isang gharib sahih hasan hadith]
Ang komento ni An-Nawawi sa unang hadith:
"Ito ay isang halimbawa ng isang maganda, kumpleto at elekwenteng pangungusap na kung saan ang Propeta صلى لله عليه وسلم , ay may kakayanan, kung saan siya ay nagbigay ng isang magandang pagkukumpara. Ito ay nangangahulugan na walang anumang gawain ang makatutulong sa isang tao upang makarating, makapasok at makapanirahan sa paraiso kundi ang pagsuong o pagharap sa mga pagsubok at kahirapan, at walang anumang bagay ang magtutulak sa isang tao sa impiyerno kundi ang makamundong pagkagusto at pagnanasa. Ang bawat isa ay nababalutan ayon sa pagkakasalarawan, at sinuman ang sumira sa tabing o balot ay mararating ang bagay na nakatago sa likod ng tabing o ng balot. Ang tabing o balot ng paraiso ay masisira at mapupunit ay sa pamamagitan ng pagsuong at pagharap sa mga pagsubok at kahirapan, samantalang ang sa tabing o balot naman ng impiyerno ay masisira sa pamamagitan ng pagkahumaling sa mga makamundong pagnanasa. Kabilang sa mga kahirapan ay ang patuloy na pakikibaka ng may kahinahunan sa pagsamba, pagpipigil sa pagkagalit kaninuman, pagbibigay ng mga kawanggawa, pagiging mabuti sa lahat lalo na sa mga taong nakagawa ng mga pagkakasala at pagkukulang sa kanya, pagpipigil sa mga makamundong pagnanasa atbp."
[Sharh an-Nawawi `ala Muslim, 17/165]
Sinulat ni: InshaAllaah Jannah
No comments:
Post a Comment