Thursday, March 19, 2015

Gamitin ang HIkmah pagdating sa Pagkakasalungat

Assalaamu Alaikum Warahmatullaahi Wabarakaatuh.

Hindi nakapagtataka kung may pagkakaiba ng opinyon ang mga pantas o scholar/ ulama sa mga usapin at alituntunin ng Islam [Masa'il Fiqhiyah] sanhi ng kanilang pagkakaiba ng pagkaunawa sa mga katibayan [Daleel] o sanhi ng pagkakaiba ng mga nauna pa sa kanila na mga pantas o maalam...

Dapat natin malaman na sa ganitong usapin ay isa lamang ang tama; subalit ang dalawang pantas na nagkasalungatan sa pagkaintindi ay pawang may gantimpala mula sa ALLAH, doble ang gantimpala ng nakatama at may gantimpala ang nagkamali sa pagkaintindi ng Daleel o katibayan at patatawarin ng Allah ay kanyang pagkakamali na sinikap niyang maunawaan ang tamang hatol o Huk'm.

Sinabi ng Sugo ng Allah [sumakanya ang kapayapaan]:" Kapag naghatol ang Hukom at nagsumikap [sa pagtuklas ng tamang hatol] at tama ang kanyang hatol ay doble ang kanyang gantimpala; at kapag nagbigay naman ng hatol at nagsumikap [sa pagtuklas ng tamang hatol] at nagkamal siya; mapapasakanya ang isang gantimpala". 

Al-Bukhari (6919), Muslim (4584).

...Ang mga naunang mga pantas/ maalam [ulama] ay nagkakaiba rin sila ng opinyon sa maraming usapin ngunit hindi naman ito humahantong sa pag-aaway, pagmumurahan, pang-aalipusta at pagpapahiya sa kapatid.

Sinabi ni Imam Ahmad bin Hanbal [Rahimahullah]:" Walang (naghirap) tumawid ng tulay papuntang Khurasan na tulad ni Ishaq bin Rahawey kahit na nasasalungat niya tayo sa ilang usapin. 

[Siyar A'alamin Nubala 11/ 371].

Sinabi ni Yunos bin Abdul A'ala:" Wala na akong nakitang mas matalino pa kay As-Shafi'e; isang araw nagdebate kami tungkol sa isang usapin at pagkatapos ay kami'y naghiwalay; at ako'y nasalubong, hinawakan ang aking kamay at sinabi:

" O ABU MUSA! HINDI BA MAAARING MAGING MAGKAPATID TAYO KAHIT NA HINDI TAYO NAGKASUNDO SA ISANG USAPIN?. 

[ Siyar A'alamin Nubala 9/19].

Sinabi naman ni Abu Haneefah:"... Ito ang ating opinyon at hindi natin ito ipinipilit sa sinuman, at hindi natin sinasabing dapat tanggapin ito ng sinuman nang sapilitan; kung sinuman ang mayroon pa sa kanya ang mas tama pa rito ay ipahayag lamang. 

[Al-intiqa 258].

kahit na sina Abu Bak'r at Omar sumakanila nawa ang kaluguran ng Allah ay minsa'y nagkakasalungat rin at hindi naman humahantong sa pag-aaway at pagputol ng kapatiran.

kaya! Aking ipinapayo, una sa aking sarili at sa lahat ng mga mananampalataya na sikaping magkaraoon ng tamang paraan kapag nasalungat niya ang kanyang kapatid sa isang usapin at laging gamitin ang HIKMAH (wisdom) upang maiparating ng tama ang katotohanan sa lahat ng tao. —


Sinaliksik ni: Salamodin D. Kasim


No comments: