Sha'ban, Buwan bago sumapit ang Ramadhan, ito ay ikawalong buwan sa kalendaro ng Hijri. Sa buwang ito maari nating sanayin ang ating sarili sa pag aayuno. Ito ay kabilang sa gawain ng Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم ang madalas mag-ayuno sa buwan ng Sha’ban.
Sinabi ni Aa’sha:
"Ang Sugo ng Allaah صلى الله عليه وسلم ay madalas mag-ayuno hanggang sa ang akala namin ay hindi na siya kakain, at siya ay kumakain hanggang sa ang akala namin ay hindi na siya mag-aayuno. Hindi ko nakitang nag-ayuno ang propeta صلى الله عليه وسلم ng buong buwan maliban sa buwan ng Ramadhan lamang, at hindi ko siya صلى الله عليه وسلم nakitang nag-ayuno ng higit na marami kaysa sa buwan ng Sha’ban"
[Bukhari]
Sinabi ni Ibn Rajab:
"Ang pag-aayuno sa buwan ng Sha’ban ay mas mainam kaysa sa pag-aayuno sa mga banal na buwan (tulad ng: Dhul-Qadah, Dhu-Hijjah, Muharram at Rajab- Surah Tawbah (9):36), at ang pinakamainam na boluntaryong pag-aayuno ay ang pag-aayunong malapit sa buwan ng Ramadhan, bago ito o pagkatapos nito. Ang estado ng mga pag-aayunong ito ay tulad ng Sunar Rawatib, na siyang ginagawa bago o pagkatapos ng mga obligadong salah"
Minsan ay may nagtanong sa Propeta صلى الله عليه وسلم tungkol sa madalas niyang pag-aayuno sa buwan ng Sha’ban. Kanyang صلى الله عليه وسلم sinabi:
"Ang Sha’ban ay palagiang hindi pinapansin dahil sa ito ay nasa pagitan ng Rajab at Ramadhan, subalit ito ang buwan na kung kailan ang mga mabuting gawain ay iniaangat sa Panginoon ng Lahat ng mga Nilikha. Gusto kong ang mga mabubuti kong gawain ay iniaangat habang ako ay nag-aayuno."
[An-Nisa'i]
Sa pamamagitan nito at iba pang mga ahaadith ng Propeta صلى الله عليه وسلم, hinihimok ang pag-gawa ng kabutihan sa mga panahong ang mga tao ay nagiging pabaya sa pag-aalala at pagsamba sa Allaah. Sinabi ni Propeta Muhammad صلى الله عليه وسلم:
"Ang sumamba sa mga panahon ng sakuna at kaguluhan ay katulad ng Hijrah (paglilipat ng bayan) para sa akin."
[Sahi Muslim, 2984]
Ang pag-aayuno sa buwan ng Sha’ban ay nagsisilbing pagsasanay para sa pag-aayuno sa buwan ng Ramadhan. Subalit ang pag-aayuno ng buong buwan ng Sha’ban ay Makrooh (hindi kalugod-lugod) at hindi naaayon sa Sunnah ng Propeta ni Allah صلى الله عليه وسلم. Sinabi ni Ibn Abbas:
"Ang Sugo ni Allah صلى الله عليه وسلم ay hindi nag-aayuno ng buong buwan maliban sa buwan ng Ramadhan."
[Sahih Bukhari]
Ang Pag aayuno sa mga nalalabing araw ng buwan ng Sha'ban ay Hindi pinahihintulutan kung ang kanyang layunin ay upang hindi nya makaligtaan ang unang araw ng Ramadhan.
Subalit! kung nagkataon ang pag aayunong ito sa huling mga araw ng buwan ng Sha'ban ay dahil sa nakasanayan na nyang gawin o kaya siya'y namanata bilang kabayaran sa mga obligadong pag-aayuno na hindi nya nagawa ito ay ipinahihintulutan.
Sinabi ni Abu-Hurairah na sinabi ng Propeta صلى الله عليه وسلم:
"Huwag pangunahan ang Ramadhan ng isa o dalawang araw, maliban na lamang sa mga taong palaging nag-aayuno, sa ganitong pagkakataon sila ay maaring mag-ayuno"
[Sahih Bukhari, 1983]
Maibukod ang obligadong pag-aayuno sa hindi obligado ang isa sa mga dahilan kung bakit ipinagbabawal ang pag aayuno sa mga huling araw ng buwan ng sha'ban.
No comments:
Post a Comment